Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Makinabang sa Pagmamalasakit ng Diyos

Makinabang sa Pagmamalasakit ng Diyos

Dinisenyo ng Diyos ang ating katawan na may kakayahang gumaling. Kapag nasugatan, nagasgasan, o nasaksak, “sisimulan nito ang sunod-sunod na kamangha-manghang proseso para pagalingin ang malalaki at maliliit na sugat.” (Johns Hopkins Medicine) Kikilos agad ang katawan para pahintuin ang pagdurugo, paluwangin ang mga ugat, pagalingin ang sugat, at palakasin ang mga kasukasuan.

PAG-ISIPAN ITO: Kung dinisenyo ng Maylikha ang ating katawan na pagalingin ang mga sugat nito, makapagtitiwala rin tayo sa pangako niya na tutulungan niyang gumaling ang mga sugat ng ating puso. “Pinagagaling niya ang mga may pusong nasasaktan,” ang sabi ng salmista. “Tinatalian niya ang mga sugat nila.” (Awit 147:3) Kung dumaranas ka ng trauma, paano ka makasisiguro na tutulungan ka ni Jehova na pagalingin ang iyong mga sugat—ngayon at sa hinaharap?

KUNG ANO ANG ITINUTURO NG BIBLIYA TUNGKOL SA PAG-IBIG NG DIYOS

Nangangako ang Diyos: “Huwag kang matakot, dahil kasama mo ako. Huwag kang mag-alala, dahil ako ang Diyos mo. Papatibayin kita, oo, tutulungan kita.” (Isaias 41:10) Kapag alam ng isang tao na nagmamalasakit si Jehova sa kaniya, mapapanatag siya at magkakaroon ng lakas ng loob na harapin ang bawat hamon. Tinawag ni apostol Pablo ang kapanatagang ito na “ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” Idinagdag pa niya: “May lakas akong harapin ang anumang bagay dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”​—Filipos 4:4-7, 9, 13.

Tinutulungan tayo ng Kasulatan na magkaroon ng pananampalataya sa mga pangako ni Jehova para sa sangkatauhan. Halimbawa, sinasabi sa Apocalipsis 21:4, 5 kung ano ang gagawin niya at kung bakit tayo makapagtitiwalang gagawin niya iyon:

  • “Papahirin niya ang bawat luha” sa mata ng mga tao. Aalisin ni Jehova ang lahat ng ating pagdurusa at kabalisahan, pati ang mga problemang maliit na bagay lang para sa iba.

  • Dahil “nakaupo [siya] sa trono” sa langit, gagamitin ng Haring Makapangyarihan-sa-Lahat ang kaniyang kapangyarihan at awtoridad para hindi na muling magkaroon ng pagdurusa at ibigay ang tulong na kinakailangan natin.

  • Tinitiyak ni Jehova na ang kaniyang mga pangako ay “tapat at totoo.” Itinataya niya ang kaniyang reputasyon bilang tunay na Diyos sa katuparan ng kaniyang mga pangako.

“‘Papahirin niya ang bawat luha sa mga mata nila, at mawawala na ang kamatayan, pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot. Ang dating mga bagay ay lumipas na.’ At sinabi ng nakaupo sa trono: ‘Tingnan mo! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.’ Sinabi rin niya: ‘Isulat mo, dahil ang mga salitang ito ay tapat at totoo.’”​—Apocalipsis 21:4, 5.

Parehong makikita sa mga bagay na nilalang niya at sa Bibliya ang personalidad at mga katangian ng ating makalangit na Ama. Pinasisigla tayo ng paglalang na kilalanin ang Diyos at makipagkaibigan sa kaniya, pero tuwiran tayong inaanyayahan ng Bibliya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Sinasabi rin sa Gawa 17:27: “Hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.”

Habang nakikilala mo ang Diyos, mas makukumbinsi ka na “nagmamalasakit siya” sa iyo. (1 Pedro 5:7) Paano makatutulong sa iyo ang pagtitiwala kay Jehova?

Tingnan ang karanasan ni Toru, mula sa Japan. Pinalaki siya ng Kristiyanong nanay niya, pero nasangkot siya sa marahas na mundo ng mga yakuza, isang sindikato sa Japan. Sinabi niya, “Kumbinsido akong galít sa akin ang Diyos, at alam kong parusa sa akin ang pagkamatay ng mga kasama ko, lalo na ng mga mahal ko sa buhay.” Inamin ni Toru na dahil magulo ang isip niya at ang mundong pinasok niya, naging “malupit at manhid” siya. Tungkol sa ambisyon niya, nasabi niya, “Bago ako mamatay, gusto kong makapatay ng isang taong mas sikat sa akin para makilala ako ng mga tao.”

Pero nang mag-aral ng Bibliya si Toru kasama ng asawa niyang si Hannah, gumawa siya ng malalaking pagbabago sa kaniyang buhay at pananaw. Sinabi ni Hannah, “Kitang-kita ko ang mga pagbabago sa mister ko.” Kumbinsido si Toru kung kaya nasabi niya: “Mayroon talagang Diyos na nagmamalasakit sa bawat isa sa atin. Ayaw niyang mamatay ang sinuman, at handa niyang patawarin ang mga tunay na nagsisisi. Pinakikinggan niya tayo kahit walang nakakaunawa o walang handang makinig sa atin. Sa hinaharap, aalisin ni Jehova ang lahat ng problema at pagdurusa. Kahit ngayon, tinutulungan niya tayo sa paraang hindi natin inaasahan. Nagmamalasakit siya at nariyan kapag kailangan natin siya.”​—Awit 136:23.

Ipinakikita ng karanasan ni Toru na kapag alam natin na kayang alisin ng Diyos ang lahat ng pagdurusa at pahirin ang bawat luha sa ating mga mata, nagkakaroon tayo ng pag-asa para sa hinaharap. Nakakatulong din ito para maging maganda ang buhay natin sa ngayon. Oo, kahit ang mundong ito ay punong-puno ng pagdurusa, makikinabang ka sa pagmamalasakit ng Diyos.