Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Madaraig ang Kamatayan?

Paano Madaraig ang Kamatayan?

KAHIT sumuway ang unang mga magulang natin na sina Adan at Eva, na nagdulot ng kasalanan at kamatayan sa lahat ng tao, hindi pa rin nagbago ang layunin ng Diyos. Sa kaniyang nasusulat na Salita, ang Bibliya, paulit-ulit itong tinitiyak sa atin ng Diyos.

  • “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at titira sila roon magpakailanman.”Awit 37:29.

  • “Lalamunin niya ang kamatayan magpakailanman, at papahirin ng Kataas-taasang Panginoong Jehova ang mga luha sa lahat ng mukha.”Isaias 25:8.

  • “Ang huling kaaway, ang kamatayan, ay mawawala na.”1 Corinto 15:26.

  • “Mawawala na ang kamatayan, pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot.”Apocalipsis 21:4.

Paano “lalamunin,” o aalisin, ng Diyos ang kaaway na kamatayan? Ipinapakita ng Bibliya na ang mga matuwid ay mabubuhay magpakailanman. Pero sinasabi rin nito na “walang taong matuwid sa lupa na laging tama ang ginagawa.” (Eclesiastes 7:20) Babale-walain ba ng Diyos ang pamantayan niya para madaig ang kamatayan? Malayong mangyari iyan! Hinding-hindi niya gagawin iyan dahil ang “Diyos [ay] hindi makapagsisinungaling.” (Tito 1:2) Kaya ano ang gagawin ng Diyos para matupad ang layunin niya sa paglikha ng tao?

‘LALAMUNIN NG DIYOS ANG KAMATAYAN MAGPAKAILANMAN.’​—ISAIAS 25:8

DADAIGIN NG PAGBABAYAD NG PANTUBOS ANG KAMATAYAN

Ang Diyos na Jehova ay may maibiging paglalaan para mailigtas ang mga tao mula sa kamatayan—ang pagbabayad ng pantubos. Ang pantubos ay isang katumbas na halaga na ibinabayad para sa mga pinsala o para matugunan ang mga kahilingan ng katarungan. Lahat ng tao ay makasalanan at nasa ilalim ng parusang kamatayan, kaya naman tuwirang sinasabi ng Bibliya: “Walang isa man sa kanila ang makatutubos sa kapatid niya o makapagbibigay sa Diyos ng pantubos para sa kaniya, (ang halaga ng pantubos para sa buhay nila ay napakamahal, kaya hindi nila ito kailanman maibibigay).”—Awit 49:7, 8.

Kapag namatay ang isang taong di-perpekto, sariling kasalanan lang niya ang nabayaran niya; hindi niya kayang tubusin ang sarili niya o bayaran ang kasalanan ng ibang tao. (Roma 6:7) Kailangan natin ang isang taong perpekto at walang kasalanan na maghahandog ng buhay niya, hindi para sa mga kasalanan niya, kundi para sa mga kasalanan natin.—Hebreo 10:1-4.

Ganiyan mismo ang isinaayos ng Diyos. Isinugo niya ang kaniyang Anak na si Jesus mula sa langit para isilang dito sa lupa bilang taong perpekto at walang kasalanan. (1 Pedro 2:22) Sinabi ni Jesus na dumating siya para “ibigay ang buhay niya bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Marcos 10:45) Namatay siya para daigin ang kaaway na kamatayan at magkaroon tayo ng buhay.—Juan 3:16.

KAILAN MADARAIG ANG KAMATAYAN?

Nagkakatotoo na ang hula ng Bibliya na “magiging mapanganib at mahirap ang kalagayan,” kaya nabubuhay na tayo sa “mga huling araw” ng masamang sistemang ito. (2 Timoteo 3:1) Magtatapos ang mga huling araw “sa araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.” (2 Pedro 3:3, 7) Pero ang mga taong umiibig sa Diyos ay makaliligtas at “tatanggap ng buhay na walang hanggan.”—Mateo 25:46.

Dumating si Jesus para “ibigay ang buhay niya bilang pantubos na kapalit ng marami.”—Marcos 10:45

Milyon-milyon naman ang may pag-asang tumanggap ng buhay na walang hanggan kapag binuhay silang muli. May binuhay-muli si Jesus nang dumalaw siya sa lunsod ng Nain. Namatay ang kaisa-isang anak ng isang biyuda. Naawa si Jesus at binuhay itong muli. (Lucas 7:11-15) Sinabi rin ni apostol Pablo: “Umaasa ako . . . na bubuhaying muli ng Diyos ang mga matuwid at di-matuwid.” Ang matibay na pag-asang ito ay isang natatanging kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan.—Gawa 24:15.

Bilyon-bilyon ang may pag-asang mabuhay magpakailanman. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at titira sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) Sa panahong iyon, magiging maligaya sila at mararanasan nila ang sinabi ni apostol Pablo mga 2,000 taon na ang nakararaan: “Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong kamandag?” (1 Corinto 15:55) Oo, madaraig na ang nakakatakot na kaaway ng sangkatauhan!