Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Natuklasan ba ng pagmamanipula sa mga gene ng tao ang sekreto para humaba ang buhay?

Paghahangad ng Mahabang Buhay

Paghahangad ng Mahabang Buhay

“Nakita ko ang gawaing ibinigay ng Diyos sa mga anak ng tao para maging abala sila. Ginawa niyang maganda ang lahat ng bagay sa tamang panahon nito. Inilagay pa nga niya sa puso nila ang magpakailanman.”​Eclesiastes 3:10, 11.

TAMANG-TAMA ang paglalarawang iyan ng matalinong haring si Solomon sa nadarama ng tao tungkol sa buhay. Dahil maikli ang buhay at di-maiiwasan ang kamatayan, mula pa noon ay hangad na ng tao ang mas mahabang buhay. Sa buong kasaysayan, maraming kuwento at alamat tungkol sa paghahangad ng tao na mapahaba ang buhay.

Kuning halimbawa ang hari ng Sumerya na si Gilgamesh. Maraming kuwento tungkol sa kaniyang buhay. Isa na rito ang alamat na Epic of Gilgamesh, na nagsasabing isinapanganib niya ang buhay niya at naglakbay para tuklasin kung paano matatakasan ang kamatayan. Pero nabigo siya.

Isang alchemist na nasa kaniyang laboratoryo

Noong ikaapat na siglo B.C.E., nag-eksperimento ang mga alchemist sa China para makagawa ng isang eliksir na pinaniniwalaang pampahaba ng buhay. Nakagawa sila ng inuming may halong mercury at arsenic. Sinasabing ang eliksir na ito ang ikinamatay ng ilang emperador ng China. Noong mga 500 C.E. hanggang 1500 C.E. sa Europa, sinubukan ng ilang alchemist na gawing pagkain ang ginto. Naniniwala sila na dahil hindi ito nasisira, makapagpapahaba ito ng buhay.

Sa ngayon, sinisikap tuklasin ng ilang biologist at geneticist kung bakit tumatanda ang tao. Ipinapakita nito na umaasa pa rin ang mga tao na mahadlangan ang pagtanda at kamatayan. Ano ang resulta ng gayong mga pagsasaliksik?

‘INILAGAY NG DIYOS SA PUSO NILA ANG MAGPAKAILANMAN.’​—ECLESIASTES 3:10, 11

PAGTUKLAS SA DAHILAN NG PAGTANDA

Pinag-aaralan ng mga siyentipiko ang selula ng tao at nakabuo sila ng mahigit 300 teoriya na nagpapaliwanag kung bakit tayo tumatanda at namamatay. Nitong nakaraang mga taon, nagtagumpay ang mga molecular biologist na manipulahin ang mga gene at protina para pabagalin ang pagtanda ng mga selula ng hayop at tao sa laboratoryo. Dahil sa mga pagsulong na ito, naudyukan ang ilang mayayamang tao na pondohan ang pagsasaliksik para tuklasin kung bakit tayo namamatay. Ano ang resulta?

Pagsisikap na pahabain ang buhay. Naniniwala ang ilang biologist na ang isang pangunahing susi ng pagtanda ay ang telomere, na makikita sa dulong bahagi ng ating mga chromosome. Iniingatan ng mga telomere ang impormasyon sa ating mga selula habang nagpaparami ang mga ito. Pero sa tuwing nahahati ang mga selula, umiikli ang mga telomere. Sa bandang huli, hihinto ang mga selula sa paghahati-hati, at magsisimula ang pagtanda.

Noong 2009, nanalo ng Nobel Prize si Elizabeth Blackburn at ang kaniyang mga kasama dahil natukoy nila ang isang enzyme na nagpapabagal sa pag-ikli ng mga telomere at sa pagtanda ng mga selula. Pero sa kanilang report, inamin nila na hindi napapahaba ng mga telomere ang buhay ng tao.

Ang pagre-reprogram ng mga selula ay isa pang paraan para pigilan ang pagtanda. Kapag tumanda na ang mga selula at hindi na kayang magparami, posibleng makapagpadala ang mga ito ng maling signal sa kalapít na mga immune cell, na nagiging dahilan ng pamamaga, matinding kirot, at pagkakasakit. Kamakailan, ni-reprogram ng mga siyentipiko sa France ang mga selulang galing sa mga may-edad, na ang ilan ay mahigit 100 taóng gulang na. Sinabi ng nanguna sa pagsasaliksik na si Professor Jean-Marc Lemaître na ipinapakita ng kanilang pag-aaral na puwedeng “paatrasin ang pagtanda” ng mga selula.

MAPAPAHABA BA NG SIYENSIYA ANG BUHAY NATIN?

Hindi sang-ayon ang lahat ng siyentipiko na kayang pahabain ng mga antiaging treatment ang buhay ng tao. Totoo, humahaba na ang buhay ng tao mula noong ika-19 na siglo. Pero pangunahin na, dahil ito sa kalinisan, matagumpay na paglaban sa mga nakakahawang sakit, at sa mga antibiyotiko at bakuna. Naniniwala ang ilang geneticist na hanggang dito na lang ang normal na haba ng buhay ng tao.

Mga 3,500 taon na ang nakararaan, inamin ng manunulat ng Bibliya na si Moises: “Ang haba ng buhay namin ay 70 taon, o 80 taon sa mas malalakas. Pero punô ito ng problema at kalungkutan; mabilis itong lumilipas, at naglalaho na kami.” (Awit 90:10) Sa kabila ng pagsisikap ng tao na pahabain ang buhay, kagaya pa rin ito ng pagkakalarawan ni Moises.

Pero may mga nilikha, gaya ng red sea urchin o ng isang uri ng quahog clam, na nabubuhay nang mahigit 200 taon, at may mga puno, gaya ng giant sequoia, na nabubuhay nang libo-libong taon. Kung ikukumpara natin sa mga ito at sa iba pang nilalang na buháy ang 70 o 80 taóng buhay natin, baka maitanong mo, ‘Ganito na lang ba ang buhay?’