Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinapakilos tayo ng pag-ibig na unahin ang kapakanan ng iba imbes na ang sa atin

Kung Paano Magpapakita ng Pag-ibig sa Kapuwa

Kung Paano Magpapakita ng Pag-ibig sa Kapuwa

Bilang mga inapo ng unang tao na si Adan, lahat tayo ay magkakapamilya. Natural lang na magmahalan at magpakita ng paggalang ang magkakapamilya, pero hindi laging ganiyan ang nangyayari ngayon. At hindi iyan ang gusto ng mapagmahal nating Diyos.

ANG SINASABI NG BANAL NA KASULATAN TUNGKOL SA PAG-IBIG

“Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”—LEVITICO 19:18.

“Patuloy na mahalin ang inyong mga kaaway.”​—MATEO 5:44.

ANG IBIG SABIHIN NG PAG-IBIG SA KAPUWA

Pansinin kung ano ang sinasabi ng Diyos tungkol sa pag-ibig sa 1 Corinto 13:4-7:

“Ang pag-ibig ay matiisin at mabait.”

Pag-isipan: Ano ang nararamdaman mo kapag matiisin at mabait sa iyo ang iba at hindi sila nagagalit kapag nagkakamali ka?

“Ang pag-ibig ay hindi naiinggit.”

Pag-isipan: Ano ang nararamdaman mo kapag pinaghihinalaan ka ng iba o naiinggit sila sa iyo?

“Hindi inuuna [ng pag-ibig] ang sariling kapakanan.”

Pag-isipan: Ano ang nararamdaman mo kapag pinapakinggan ng iba ang opinyon mo at hindi nila ipinipilit ang sarili nilang opinyon?

Ang pag-ibig ay “hindi . . . nagkikimkim ng sama ng loob.”

Pag-isipan: Handang patawarin ng Diyos ang mga nagsisisi sa mga kasalanan nila. “Hindi niya patuloy na aalalahanin ang mga pagkakamali natin, at hindi siya maghihinanakit.” (Awit 103:9) Hindi ba masarap sa pakiramdam kapag pinapatawad ng iba ang kasalanan natin? Kaya dapat na handa rin tayong magpatawad.​—Awit 86:5.

Ang pag-ibig ay “hindi . . . natutuwa sa kasamaan.”

Pag-isipan: Ayaw nating matuwa ang iba kapag may nangyayaring masama sa atin. Kaya hindi rin tayo dapat matuwa kapag naghihirap ang iba, kahit na may nagawa silang mali sa atin.

Para pagpalain ng Diyos, dapat nating mahalin ang ating kapuwa anuman ang kanilang edad, lahi, o relihiyon. Magagawa natin iyan kung tutulungan natin ang mga nangangailangan.