Gusto ng Lahat na Magkaroon ng Magandang Kinabukasan
Ano ang gusto mong maging kinabukasan mo? Gaya ng marami, siguradong gusto mo rin na magkaroon ka at ang pamilya mo ng magandang kinabukasan—buhay na masaya, may mabuting kalusugan, payapa, at sagana.
Pero pakiramdam ng marami, hindi nila mararanasan ang buhay na inaasam-asam nila. Nakita nila na may mga di-inaasahang pangyayari—gaya ng COVID-19 pandemic—na puwedeng maging dahilan para biglang magbago ang kalagayan, bumagsak ang ekonomiya, at manganib ang buhay ng mga tao. Dahil dito, pakiramdam nila, imposible nang magkaroon sila ng masayang kinabukasan.
Dahil walang kasiguruhan ang buhay, talagang naghahanap ang mga tao ng paraan para magkaroon ng magandang kinabukasan. Naniniwala ang ilan sa di-nakikitang puwersa gaya ng tadhana o kapalaran. Iniisip naman ng marami na ang edukasyon at pera ang makakapagbigay sa kanila ng mga bagay na gusto nila. Para naman sa iba, ang pagiging mabuting tao ang sekreto para magkaroon ng magandang buhay.
Mayroon ba sa mga iyan ang makakapagbigay sa iyo ng magandang buhay? Para malaman ang sagot, pag-isipan ang mga tanong na ito:
Paano mo malalaman ang magiging kinabukasan mo?
Edukasyon ba at pera ang magpapasaya sa iyo?
Sapat na ba ang pagiging mabuting tao para maging masaya ka?
Saan ka makakahanap ng maaasahang payo para magkaroon ka ng magandang kinabukasan?
Sasagutin ang mga iyan sa isyung ito ng Bantayan.