Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sapat Na Ba ang Pagiging Mabuting Tao?

Sapat Na Ba ang Pagiging Mabuting Tao?

Sa loob ng maraming taon, iniisip ng marami na magkakaroon sila ng magandang kinabukasan kung magiging mabuting tao sila. Halimbawa, naniniwala ang mga taga-Silangan sa sinabi ng pilosopong si Confucius (551-479 B.C.E.): “Kung ano ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa iba.” *

ANG TURONG SINUSUNOD NG MARAMI

Naniniwala pa rin ang marami na kung mabuting tao ka, magiging maganda ang kinabukasan mo. Kaya naman sinisikap nilang maging magalang, magpakita ng magandang asal, magkaroon ng malinis na konsensiya, at gampanan ang papel nila sa lipunan. “Naniniwala ako na kung tapat ako,” ang sabi ng babaeng si Linh, na taga-Vietnam, “magiging maganda ang buhay ko.”

Gumagawa naman ng mabuti ang iba kasi iyon ang itinuturo ng relihiyon nila. Sinabi ng lalaking si Hsu-Yun, na taga-Taiwan: “Itinuro sa amin na kung mabuti ang ginagawa mo habang buháy ka pa, magiging masaya ka sa kabilang buhay. Pero kung masama ang ginagawa mo, papahirapan ka naman pagkamatay mo.”

ANO ANG MGA RESULTA?

Maraming pakinabang kapag gumagawa tayo ng mabuti sa iba. Pero nakita ng marami na hindi naman laging maganda ang nagiging resulta kahit gumawa ka ng mabuti. “Naranasan ko mismo na hindi ka naman laging pinagpapala kahit gumagawa ka ng mabuti,” ang sabi ni Shiu Ping, isang babaeng taga-Hong Kong. “Inalagaan kong mabuti ang pamilya ko at naging mabuting tao ako. Pero iniwan pa rin kaming mag-ina ng asawa ko.”

Nakita rin ng marami na hindi laging nakakatulong ang relihiyon para maging mabuti ang mga tao. “Umanib ako sa isang relihiyon at ako ang nag-oorganisa sa gawain ng mga kabataan,” ang sabi ni Etsuko, isang babaeng taga-Japan. “Nagulat ako nang makita ko na ang baba ng moral ng ilang karelihiyon ko, nag-aagawan sila sa posisyon, at ginagamit nila ang pondo ng simbahan sa maling paraan.”

“Inalagaan kong mabuti ang pamilya ko at naging mabuting tao ako. Pero iniwan pa rin kaming mag-ina ng asawa ko.”​—SHIU PING, HONG KONG

Nadismaya rin ang ilang deboto nang hindi nasuklian ang ginawa nilang kabutihan. Ganiyan ang naranasan ni Van, isang babaeng taga-Vietnam. “Araw-araw akong bumibili ng prutas, bulaklak, at pagkain para ialay sa altar ng mga namatay kong ninuno para pagpalain ako,” ang sabi niya. “Pero kahit maraming taon ko na itong ginagawa, nagkasakit pa rin nang malubha ang asawa ko. ’Tapos, namatay naman ang anak ko kahit bata pa siya habang nag-aaral sa ibang bansa.”

Kung ang pagiging mabuting tao ay hindi garantiya na magkakaroon tayo ng magandang kinabukasan, ano? Para malaman ang sagot, kailangan natin ng maaasahang gabay na makakasagot sa mga tanong natin at makakapagsabi kung paano tayo magkakaroon ng magandang kinabukasan. Saan natin ito makikita?

^ par. 2 Para sa pagtalakay kung paano nakaimpluwensiya ang mga turo ni Confucius, tingnan ang kabanata 7, parapo 31-35, ng aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova at available sa www.pr418.com/tl.