TAMPOK NA PAKSA | ANG BIBLIYA—ISANG KUWENTO NG TAGUMPAY
Isang Kuwento na Mahalaga
Ang Bibliya ay walang katulad sa relihiyosong mga akda. Ito lang ang aklat na nakaimpluwensiya nang malaki sa paniniwala ng napakaraming tao sa loob ng mahabang panahon. Ito lang din ang aklat na sinuri at binatikos nang husto.
Bilang halimbawa, duda ang ilang iskolar kung ang mga Bibliya ngayon ay katulad na katulad ng orihinal na mga kopya. “Hindi tayo nakatitiyak kung nakuha at naisalin natin nang tumpak ang orihinal na teksto,” ang sabi ng isang propesor sa pag-aaral tungkol sa relihiyon. “Mga kopyang punô ng pagkakamali ang taglay natin, at ang karamihan sa mga ito ay ginawa daan-daang taon pagkatapos maisulat ang orihinal na mga kopya at maliwanag na ibang-iba ito sa maraming paraan.”
Kinukuwestiyon naman ng iba ang autentisidad ng Bibliya dahil sa kanilang kinagisnang relihiyon. Halimbawa, itinuro kay Faizal ng kaniyang di-Kristiyanong pamilya na ang Bibliya ay banal na aklat pero nabago na ito. “Dahil diyan, nagdududa ako kapag may gustong makipag-usap sa akin tungkol sa Bibliya,” ang sabi niya. “Wala naman kasi silang hawak na orihinal na Bibliya. Nabago na ito!”
Mahalaga bang malaman kung nabago o hindi ang Bibliya? Pag-isipan ito: Magtitiwala ka ba sa nakaaaliw na mga pangako ng Bibliya para sa hinaharap kung hindi mo alam kung nasa orihinal na teksto ang mga ito? (Roma 15:4) Gagamitin mo ba ang mga prinsipyo sa Bibliya sa paggawa ng mahahalagang desisyon tungkol sa trabaho, pamilya, o pagsamba kung ang mga Bibliya ngayon ay maling mga kopya na isinulat ng mga tao?
Bagaman wala na ang orihinal na mga aklat ng Bibliya, maaari naman tayong sumangguni sa sinaunang mga kopya nito—kasama na ang libo-libong manuskrito ng Bibliya. Paano napagtagumpayan ng mga manuskritong ito ang pagkasira, pagsalansang, at tangkang pagbago sa teksto? Paano mapatitibay ng nakaligtas na mga manuskrito ang iyong pagtitiwala sa autentisidad ng Bibliya ngayon? Tingnan ang mga sagot sa sumusunod na kuwento ng tagumpay.