Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Napakahalaga ng maaga at bukás na komunikasyon

Kapag May Taning Na ang Buhay ng Isang Minamahal

Kapag May Taning Na ang Buhay ng Isang Minamahal

NATULALA si Doreen nang ma-diagnose na may malalang tumor sa utak ang asawa niyang si Wesley, na 54 anyos pa lang. * Sinabi ng doktor na ilang buwan na lang ang itatagal ng buhay nito. “Hindi ako makapaniwala,” ang naalaala ni Doreen. “Ilang linggo rin akong natutulala. Hindi ko inaasahan na mangyayari ito sa amin. ’Di ko matanggap.”

Normal lang ang naging reaksiyon ni Doreen. Kahit sino puwedeng maapektuhan ng nakamamatay na sakit. Mabuti na lang, marami ang handang mag-alaga ng kapamilyang may taning na ang buhay. Pero hindi ito madaling gawin. Ano ang magagawa ng mga kapamilya para matulungan at maalagaan ang mahal nila sa buhay? Paano mahaharap ng mga nag-aalaga ang iba’t ibang damdaming maaari nilang madama habang nag-aalaga? Kapag malapit nang mamatay ang mahal sa buhay, ano ang puwedeng mangyari? Pero talakayin muna natin kung bakit hamon ang mag-alaga ng isang may taning na ang buhay.

ISANG PROBLEMA NGAYON

Nakatulong ang modernong medisina na mapahaba ang buhay ng maysakit. Ilang siglo na ang nakararaan, mas maikli ang buhay ng mga tao kahit sa mas mauunlad na lupain. Noon, mas madali silang namamatay dahil sa nakahahawang sakit o mga aksidente. Iilan lang ang ospital o ang may kakayahang magpaospital, kaya ang karamihan ay inaalagaan sa bahay ng kanilang kapamilya at doon na namamatay.

Ngayon, dahil sa pagsulong sa medisina, nagagawa nang labanan ng mga doktor ang mga sakit at napapahaba ang buhay. Ang mga sakit na agad na nakamamatay noon ay maaari nang kontrolin ngayon. Pero kahit humaba ang buhay ng pasyente, hindi pa rin ito nalulunasan. Kadalasan nang nararatay sila sa kama. Ang pag-aalaga sa kanila ay lalong nagiging mahirap, at nangangailangan ng mas maraming atensiyon at panahon.

Bilang resulta, mas dumarami ang namamatay sa ospital kaysa sa bahay. Hindi na alam ng karamihan ng mga tao ngayon ang nangyayari kapag malapit nang mamatay ang isa, at may ilan na hindi pa nakakakita ng naghihingalo. Dahil dito, natatakot silang mag-alaga ng isang maysakit na kapamilya. Ano ang makatutulong?

MAGPLANO

Gaya ng sa kaso ni Doreen, parang gumuguho ang mundo ng marami kapag na-diagnose na may nakamamatay na sakit ang mahal nila sa buhay. Paano mo mapaghahandaan ang mga posibleng mangyari sa kabila ng nadarama mong kabalisahan, takot, at lungkot? Isang tapat na lingkod ng Diyos ang nanalangin: “Ipakita mo sa amin kung paano bibilangin ang aming mga araw upang makapagtamo kami ng pusong may karunungan.” (Awit 90:12) Oo, marubdob na hilingin sa Diyos na Jehova na ipakita niya sa iyo kung paano mo ‘bibilangin ang iyong mga araw’ para masulit mo ito kasama ng iyong minamahal.

Kailangan ang mahusay na pagpaplano. Kung nakapagsasalita pa ang pasyente at makapagpapasiya pa, makabubuting tanungin siya kung sino ang gusto niyang magpasiya para sa kaniya kapag hindi na niya ito kayang gawin. Tanungin kung gugustuhin pa niyang dalhin siya sa ospital, maibalik ang tibok ng puso at paghinga niya, o subukan ang ilang paraan ng panggagamot. Makatutulong ito para maiwasan ang di-pagkakaunawaan at paninisi sa miyembro ng pamilya na napilitang magdesisyon para sa pasyente. Ang maaga at bukás na komunikasyon ay makatutulong sa kanila na maibigay ang pangangalagang kailangan ng pasyente. “Nabibigo ang mga plano kung saan walang matalik na usapan,” ang sabi ng Bibliya.—Kawikaan 15:22.

KUNG PAANO TUTULONG

Ang pangunahing papel ng tagapag-alaga ng isang may taning na ang buhay ay palakasin ang loob nito. Kailangang madama nito na may nagmamahal sa kaniya at na hindi siya nag-iisa. Paano? Basahan o kantahan ang pasyente ng nakapagpapatibay at masayang kuwento o awit. Gumagaan ang pakiramdam ng marami kapag hinahawakan ng isang kapamilya ang kamay nila at malambing na nakikipag-usap sa kanila.

Madalas na nakatutulong kung sasabihin sa pasyente ang pangalan ng mga bumibisita. Ayon sa isang ulat: “Ang pandinig ang pinakahuli sa limang pandama na nawawala. Maaaring may naririnig pa rin ang [mga pasyenteng] waring natutulog, kaya iwasang magsabi ng mga bagay na ayaw mong marinig nila kapag gising sila.”

Kung posible, manalanging magkasama. Sinasabi ng Bibliya na minsan, napaharap si apostol Pablo at ang mga kasama niya sa napakahirap na kalagayan at nanganib pa nga ang kanilang buhay. Ano ang nakatulong sa kanila? Sinabi ni Pablo sa kaniyang mga kaibigan: “Kayo rin ay makatutulong sa pamamagitan ng inyong pagsusumamo para sa amin.” (2 Corinto 1:8-11) Napakahalaga ng taos-pusong panalangin kapag nakararanas ng matinding stress at malubhang sakit.

TANGGAPIN ANG KATOTOHANAN

Nakapanlulumo ang ideyang mamamatay na ang isang mahal mo sa buhay. Hindi nakapagtataka iyon, kasi ang kamatayan ay hindi bahagi ng buhay at hindi tayo dinisenyong tanggapin ang kamatayan. (Roma 5:12) Tinawag pa nga ng Salita ng Diyos ang kamatayan bilang “kaaway.” (1 Corinto 15:26) Kaya normal lang na ayaw nating isiping mamamatay na ang isang mahal natin sa buhay.

Pero kapag pinaghahandaan ng pamilya ang mga posibleng mangyari, mababawasan ang kanilang takot at magagawa nilang maging hindi masyadong mahirap ang sitwasyon. Ang ilang posibleng mangyari ay makikita sa kahong “ Mga Huling Linggo.” Siyempre, hindi lahat ng kondisyong ito ay mangyayari sa bawat pasyente, ni mangyayari ayon sa pagkakasunod-sunod. Pero nararanasan ng karamihan sa mga pasyente ang ilan sa mga ito.

Kapag namatay na ang mahal mo sa buhay, makabubuting magpatulong sa isang malapít na kaibigan. Kailangang tiyakin sa nag-alaga at sa pamilya nito na tapós na ang paghihirap ng kanilang mahal sa buhay. Tinitiyak sa atin ng Maylalang ng tao na ang “mga patay . . . ay walang anumang kabatiran.”—Eclesiastes 9:5.

ANG PINAKAMAHUSAY NA TAGAPAG-ALAGA

Huwag tanggihan ang tulong na iniaalok ng iba

Napakahalagang umasa sa Diyos—hindi lang sa panahon ng pagkakasakit ng isang kapamilya kundi maging sa panahon ng pangungulila. Tinutulungan ka ng Diyos sa pamamagitan ng mabait na salita at gawa ng iba. “Natutuhan kong huwag tumanggi sa tulong na iniaalok ng iba,” ang sabi ni Doreen. “Ang totoo, nagulat kami sa dami ng tinanggap naming tulong. Sigurado kaming mag-asawa na sinasabi sa amin ni Jehova, ‘Tutulungan ko kayong malampasan ito.’ Hinding-hindi ko iyon malilimutan.”

Oo, ang Diyos na Jehova ang pinakamahusay na Tagapag-alaga. Siya ang lumikha sa atin, at naiintindihan niya ang ating kirot at lungkot. Kaya niya at gustong-gusto niyang ibigay ang kinakailangang tulong at pampatibay-loob para makayanan natin iyon. Nangako rin siyang malapit na niyang alisin ang kamatayan at buhaying muli ang bilyon-bilyong nasa alaala niya. (Juan 5:28, 29; Apocalipsis 21:3, 4) Sa panahong iyon, masasabi natin ang sinabi ni apostol Pablo: “Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong tibo?”—1 Corinto 15:55.

^ par. 2 Binago ang mga pangalan.