Alam Mo Ba?
Ginamit ba ni Jesus ang ilustrasyon tungkol sa “maliliit na aso” para mang-insulto?
Minsan, nang si Jesus ay nasa Sirya, isang probinsiya ng Roma sa labas ng hangganan ng Israel, humingi ng tulong sa kaniya ang isang babaeng Griego. Bilang tugon, gumamit si Jesus ng isang ilustrasyon na parang inihahalintulad ang mga di-Judio sa “maliliit na aso.” Sa Kautusang Mosaiko, itinuturing na marumi ang mga aso. (Levitico 11:27) Pero ang sinabi ba ni Jesus ay pang-iinsulto sa babaeng Griego at sa iba pang di-Judio?
Hindi. Ipinaliwanag ni Jesus sa kaniyang mga alagad na ang priyoridad niya noong panahong iyon ay ang mga Judio. Kaya pinalitaw ni Jesus ang puntong ito nang sabihin niya sa babaeng Griego: “Hindi tama na kunin ang tinapay ng mga anak at ihagis ito sa maliliit na aso.” (Mateo 15:21-26; Marcos 7:26) Para sa mga Griego at mga Romano, ang mga aso ay karaniwan nang minamahal at inaalagaan sa bahay, at kalaro ng mga bata. Kaya ang pananalitang “maliliit na aso” ay maaaring magpahiwatig ng pagkagiliw at pagmamahal. Naintindihan ng babae ang ibig sabihin ni Jesus, at sinabi niya: “Oo, Panginoon; ngunit tunay ngang ang maliliit na aso ay kumakain ng mga mumo na nahuhulog mula sa mesa ng kanilang mga panginoon.” Pinuri ni Jesus ang pananampalataya ng babae at pinagaling ang anak na babae nito.—Mateo 15:27, 28.
Tama ba si apostol Pablo nang ipayo niyang ipagpaliban muna ang paglalayag?
Ang barkong sinasakyan ni Pablo papuntang Italya ay nahihirapang maglayag dahil pasalungat ito sa hangin. Nang huminto sila sa isang daungan, ipinayo ng apostol na ipagpaliban muna ang paglalayag. (Gawa 27:9-12) May basehan ba ang payo niya?
Alam ng mga magdaragat noon na mapanganib maglakbay sa Mediteraneo sa mga buwan ng taglamig. Sinasabing hindi puwedeng maglayag mula kalagitnaan ng Nobyembre hanggang kalagitnaan ng Marso. Pero ang paglalayag na binanggit ni Pablo ay buwan ng Setyembre o Oktubre. Sa aklat na Epitome of Military Science, sinabi ng Romanong manunulat na si Vegetius (noong ikaapat na siglo C.E.) tungkol sa paglalakbay sa karagatang iyon: “May mga buwan na napakaganda, ang ilan ay alanganin, at ang iba naman ay imposible.” Sinabi ni Vegetius na ligtas maglakbay mula Mayo 27 hanggang Setyembre 14, pero ang paglalakbay mula Setyembre 15 hanggang Nobyembre 11 at mula Marso 11 hanggang Mayo 26 ay alanganin, o delikado. Tiyak na alam ito ni Pablo dahil matagal na siyang naglalakbay. Malamang na alam din iyon ng kapitan at ng may-ari ng barko, pero hindi sila nakinig sa payo ni Pablo. Bilang resulta, nawasak ang barko.—Gawa 27:13-44.