Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | TALAGA BANG MAY ANGHEL?​—KUNG BAKIT DAPAT MONG MALAMAN

Mga Anghel—May Impluwensiya Ba Sila sa Buhay Mo?

Mga Anghel—May Impluwensiya Ba Sila sa Buhay Mo?

Isang hapon ng Linggo, pinuntahan nina Kenneth at Filomena, na taga-Curaçao, ang mag-asawa na tinuturuan nila sa Bibliya.

“Pagdating namin,” ang kuwento ni Kenneth, “sarado ang bahay nila at wala ang kotse. Pero may nag-udyok sa akin na tawagan sa cellphone ang asawang babae.”

Sumagot ang babae at sinabing nasa trabaho ang mister niya. Pero nang malaman niyang nasa pintuan sina Kenneth at Filomena, pinapasok niya sila.

Napansin nilang namumugto ang mga mata ng babae. At nang mananalangin na si Kenneth para simulan ang Bible study, napaiyak na siya. Kaya tinanong nina Kenneth at Filomena kung ano ang problema niya.

Sinabi ng babae na plano na niyang magpakamatay nang oras na iyon, at gumagawa siya ng sulat para sa mister niya nang tumawag si Kenneth. Sinabi ng babae na dumaranas siya ng depresyon, kaya nagbasa si Kenneth ng nakapagpapatibay na mga mensahe mula sa Bibliya. Dahil dito, nailigtas ang isang buhay.

“Nagpapasalamat kami kay Jehova dahil ginamit niya kami para tulungan ang babaeng iyon na nadedepres,” ang sabi ni Kenneth, “at lalo na nang udyukan niya kami—siguro sa pamamagitan ng anghel o ng banal na espiritu—na tawagan siya sa cellphone!” *

Tama bang maniwala sina Kenneth at Filomena na inudyukan sila ng Diyos sa pamamagitan ng anghel o kaya ay ng banal na espiritu, o aktibong puwersa? O ang pagtawag ni Kenneth ay nagkataon lang?

Wala sa atin ang makatitiyak. Pero alam natin na ginagamit ng Diyos ang mga anghel niya para tulungan ang mga tao sa espirituwal na paraan. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na ginamit ng Diyos ang isang anghel para akayin ang Kristiyanong ebanghelisador na si Felipe na tulungan ang opisyal na Etiope sa espirituwal na paraan.—Gawa 8:26-31.

Itinuturo ng iba’t ibang relihiyon ang paniniwalang may di-pangkaraniwang mga espiritung nilalang. Pinalilitaw nila na ang ilan sa mga ito ay mababait at gumagawa ng kalooban ng Diyos o nagsisilbing personal na tagapagbantay ng mga tao. Marami ang naniniwala na hindi lang umiiral ang mga anghel kundi may impluwensiya rin sila sa atin. Pero may mga tao na hindi naniniwala sa mga anghel.

Totoo ba ang mga anghel? Kung oo, saan sila nagmula? Ano ang katotohanan tungkol sa kanila? May impluwensiya ba sila sa buhay mo? Alamin natin.

^ par. 8 Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng makikita sa Bibliya.—Awit 83:18.