Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | ANONG REGALO ANG PINAKAMAGANDA SA LAHAT?

Ang Paghahanap ng Pinakamagandang Regalo

Ang Paghahanap ng Pinakamagandang Regalo

Hindi madaling makahanap ng regalong maituturing na tamang-tama sa isang tao. Kasi, ang kahalagahan ng isang regalo ay depende sa pagbibigyan nito. At ang pinakamaganda sa isa ay baka hindi naman ganoon kaganda para sa iba.

Halimbawa, para sa isang tin-edyer, baka ang pinakamagandang regalo ay isang pinakabagong gadyet. Pero para sa isang adulto, baka mas pahalagahan niya ang isang regalong may sentimental value, gaya ng isang pamana. Sa ilang kultura naman, mas gusto ng mga bata at matatanda ang pera para sila na ang bahala kung saan nila iyon gagamitin.

Kahit mahirap, patuloy pa rin ang maraming maalalahaning indibiduwal sa paghahanap ng regalong tamang-tama para sa isang taong mahalaga sa kanila. Maaaring hindi laging posibleng makahanap ng gayong regalo, pero malamang na mas malaki ang tsansang makakita nito kung isasaisip ang ilang punto. Pag-usapan natin ang apat sa mga ito na tutulong para matuwa ang reregaluhan mo.

Ang regalong gusto ng bibigyan. Isang lalaki sa Belfast, Northern Ireland, ang nagsabi na ang pangarerang bisikletang iniregalo sa kaniya noong 10 o 11 taóng gulang siya ang pinakamagandang regalong natanggap niya. Bakit? “Kasi, gustong-gusto ko talaga iyon,” ang sabi niya. Ipinakikita nito na nakadepende sa regalong gustong matanggap ng isa kung pahahalagahan niya ito o hindi. Kaya isipin mo ang taong reregaluhan mo. Alamin mo kung ano ang mahalaga sa kaniya, kasi nakadepende roon kung ano ang gusto niya. Halimbawa, para sa mga lolo’t lola, mahalaga na makasama nila ang kanilang pamilya. Baka gustong-gusto nilang makita nang madalas ang kanilang mga anak at mga apo hangga’t maaari. Baka mas pahalagahan nila ang pagbabakasyon kasama ng pamilya kaysa sa ibang regalo.

Para malaman ang gusto ng isang tao, maging mabuting tagapakinig. Sinasabi sa atin ng Bibliya na “maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.” (Santiago 1:19) Habang nakikipagkuwentuhan ka sa iyong mga kaibigan o kamag-anak, pakinggang mabuti ang mga bagay na nagpapahiwatig ng kanilang gusto at di-gusto. Sa gayon, malalaman mo kung anong regalo ang magugustuhan nila.

Ang regalong kailangan ng bibigyan. Gaanuman kasimple ang isang regalo, pinahahalagahan ito ng niregaluhan kung ito ang kailangan niya. Pero paano mo malalaman kung ano ang kailangan ng isa?

Maaaring ang pinakasimpleng paraan ay ang tanungin ang isang tao kung ano ang kailangan, o gusto niya. Pero para sa maraming nagreregalo, nawawala ang kagalakang dulot ng pagbibigay dahil hindi na masosorpresa ang reregaluhan. Bukod diyan, kahit nasasabi ng ilang tao ang kanilang gusto o di-gusto, nahihiya naman silang sabihin ang kailangan nila.

Kaya magmasid at magbigay-pansin sa kalagayan ng reregaluhan mo. Siya ba ay bata, matanda, binata, dalaga, may asawa, diborsiyado, biyuda, walang trabaho, o retirado? Pagkatapos, mag-isip ng regalong makatutugon sa pangangailangan niya.

Para malaman ang kailangan ng reregaluhan mo, magtanong sa iba na katulad niya ang kalagayan. Baka masabi nila sa iyo ang talagang kailangan ng reregaluhan mo na di-karaniwang alam ng iba. Dahil diyan, maibibigay mo ang regalong kailangan niya na baka hindi maisip ng iba.

Tamang panahon. Sinasabi ng Bibliya: “Ang salita sa tamang panahon, O anong buti!” (Kawikaan 15:23) Ipinakikita nito na kapag ang mga salita natin ay nasa tamang panahon, malaki ang magagawa nito. Totoo rin iyan sa ating mga pagkilos. Kung paanong ang mga salitang binigkas sa tamang panahon ay kasiya-siya sa tagapakinig, ang isang regalong ibinigay sa tamang panahon o sa angkop na okasyon ay lalong makapagpapasaya sa tumanggap nito.

Kasal ng kaibigan, pagtatapos sa pag-aaral, at mag-asawang malapit nang magkaanak; ilan lang ito sa mga okasyong madalas tayong magbigay ng regalo. Ang ilan ay gumagawa ng listahan ng mga okasyong magaganap sa loob ng isang taon. Sa ganitong paraan, naipaplano nila nang maaga ang regalong pinakaangkop sa bawat okasyon. *

Siyempre pa, ang pagreregalo ay hindi lang naman tuwing may espesyal na okasyon. Ang kaligayahan sa pagbibigay ay maaaring maranasan kahit kailan. Pero may dapat tayong tandaan. Halimbawa, kung ang isang lalaki ay magreregalo sa isang babae nang walang dahilan, baka isipin ng babae na may gusto ito sa kaniya. Kung hindi ito ang totoong intensiyon ng lalaki, ang gayong pagreregalo ay maaaring mauwi sa maling akala o problema. Dito pumapasok ang isang napakahalagang punto na dapat isaalang-alang—ang motibo ng nagreregalo.

Ang motibo ng nagreregalo. Gaya ng ipinakikita ng halimbawang iyan, makabubuting pag-isipan kung magkakaroon ng ibang kahulugan ang pagreregalo. Maganda ring suriin ng nagreregalo ang kaniyang sariling motibo. Iniisip ng marami na marangal naman ang motibo nila sa pagbibigay, pero marami sa kanila ang nagreregalo kapag may okasyon dahil naoobliga silang gawin iyon. Ang iba naman ay nagbibigay dahil may hinihintay silang kapalit.

Ano ang puwede mong gawin para matiyak na maganda ang motibo mo sa pagreregalo? Ang sabi ng Bibliya: “Ang lahat ng inyong mga gawain ay maganap nawa na may pag-ibig.” (1 Corinto 16:14) Kung ang pagbibigay mo ay udyok ng tunay na pag-ibig at pagmamalasakit, malamang na matuwa ang reregaluhan mo, at madarama mo ang higit na kaligayahan sa pagiging bukas-palad. Kapag nagbibigay ka mula sa puso, mapasasaya mo rin ang ating makalangit na Ama. Pinuri ni apostol Pablo ang mga Kristiyano sa sinaunang Corinto nang bukas-palad at masaya silang nagbigay ng tulong sa kanilang mga kapuwa Kristiyano sa Judea. “Iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay,” ang sabi sa kanila ni Pablo.—2 Corinto 9:7.

Kapag isinaisip ang mga puntong tinalakay natin, malaki ang magagawa nito para mapasaya mo ang reregaluhan mo. Ang mga puntong ito—at iba pa—ay may malaking bahagi sa kaayusan ng Diyos para makatanggap ang mga tao ng regalong pinakamaganda sa lahat. Sa susunod na artikulo, alamin natin kung ano ang dakilang regalong iyon.

^ par. 13 Marami rin ang nagreregalo tuwing kaarawan at mga kapistahan. Pero ang mga kaugalian sa mga okasyong ito ay madalas na hindi itinuturo ng Bibliya. Tingnan sa magasing ito ang artikulong “Tanong ng mga Mambabasa—Ang Pasko Ba ay Para sa mga Kristiyano?