Bibliya—Bakit Napakarami?
Bakit napakaraming bersiyon o salin ng Bibliya sa ngayon? Sa palagay mo, ang mga bagong bersiyon ba ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang Bibliya o hindi? Para masagot iyan, alamin muna ang pinagmulan ng mga ito.
Pero sino ang orihinal na sumulat ng Bibliya, at kailan?
ANG ORIHINAL NA BIBLIYA
Karaniwan nang nahahati sa dalawang bahagi ang Bibliya. Ang unang bahagi ay may 39 na aklat na naglalaman ng “mga sagradong kapahayagan ng Diyos.” (Roma 3:2) Pinatnubayan ng Diyos ang tapat na mga lalaki para isulat ang mga aklat na ito sa loob ng mahabang panahon—mga 1,100 taon mula 1513 B.C.E. hanggang pagkaraan ng 443 B.C.E. Halos sa wikang Hebreo isinulat ang bahaging ito, kaya tinawag itong Hebreong Kasulatan, na kilalá rin bilang Lumang Tipan.
Ang ikalawang bahagi ay may 27 aklat na “salita [rin] ng Diyos.” (1 Tesalonica 2:13) Pinatnubayan ng Diyos ang tapat na mga alagad ni Jesu-Kristo para isulat ang mga aklat na ito sa loob ng mas maikling panahon—mga 60 taon mula noong mga 41 C.E. hanggang 98 C.E. Halos sa wikang Griego naman isinulat ang bahaging ito, kaya tinawag itong Kristiyanong Griegong Kasulatan, na kilalá rin bilang Bagong Tipan.
Ang 66 na kinasihang aklat na ito ang bumubuo sa kumpletong Bibliya—ang mensahe ng Diyos sa mga tao. Pero bakit gumawa pa ng karagdagang mga salin ng Bibliya? Ito ang tatlo sa mga pangunahing dahilan.
-
Para mabasa ng mga tao ang Bibliya sa sarili nilang wika.
-
Para alisin ang mga pagkakamaling nagawa ng mga tagakopya at maibalik ang orihinal na nilalaman ng Bibliya.
-
Para i-update ang mga lumang salita.
Tingnan ang kaugnayan ng mga ito sa naunang dalawang salin.
ANG GRIEGONG SEPTUAGINT
Mga 300 taon bago ang panahon ni Jesus, isinasalin na ng mga Judiong iskolar ang Hebreong Kasulatan sa wikang Griego. Nakilala ito bilang Griegong Septuagint. Bakit ito ginawa? Para ang maraming Judio, na nagsasalita na noon ng Griego imbes na Hebreo, ay makapagbasa pa rin ng “banal na mga kasulatan.”—2 Timoteo 3:15.
Nakatulong din ang Septuagint sa milyon-milyong di-Judiong nagsasalita ng Griego para malaman kung ano ang itinuturo ng Bibliya. Paano? “Mula noong kalagitnaan ng unang siglo,” ang sabi ng propesor na si W. F. Howard, “naging Bibliya ito ng Simbahang Kristiyano, na ang mga misyonero ay nagpupunta sa mga sinagoga para ‘patunayan mula sa kasulatan na si Jesus ang Mesiyas.’” (Gawa 17:3, 4; 20:20) Iyan ang isang dahilan kung bakit, di-nagtagal, maraming Judio ang “nawalan ng interes sa Septuagint,” ayon sa iskolar ng Bibliya na si F. F. Bruce.
Habang unti-unting nakukumpleto ng mga alagad ni Jesus ang mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, isinasama nila ang mga ito sa saling Septuagint ng Hebreong Kasulatan. Ito ang bumuo sa kumpletong Bibliya natin ngayon.
ANG LATIN VULGATE
Mga 300 taon matapos makumpleto ang Bibliya, isinalin ng relihiyosong iskolar na si Jerome ang Bibliya sa wikang Latin, na nang maglaon ay naging Latin Vulgate. Mayroon nang iba’t ibang anyo ng salin noon sa wikang Latin, kaya bakit kailangan pa ng bago? Gustong itama ni Jerome ang “maling mga salin, kitang-kitang mga pagkakamali, at ang di-kinakailangang pagdaragdag at pag-aalis,” ang sabi ng The International Standard Bible Encyclopedia.
Marami sa mga pagkakamaling iyon ay naitama ni Jerome. Pero nang maglaon, ang mga lider ng simbahan ay nakagawa ng napakalaking pagkakamali! Idineklara nilang ang Latin Vulgate lang ang aprobadong salin ng Bibliya, at tumagal ito nang daan-daang taon! Hindi nakatulong ang Vulgate sa ordinaryong mga tao para maunawaan ang Bibliya, dahil nang maglaon, hindi na naiintindihan ng marami ang wikang Latin.
DUMAMI ANG MGA BAGONG SALIN
Patuloy na gumawa ang mga tao ng iba pang salin ng Bibliya—gaya ng kilaláng Syriac Peshitta noong mga ikalimang siglo C.E. Pero noon lang ika-14 na siglo gumawa ng higit na pagsisikap para maraming ordinaryong tao ang magkaroon ng Kasulatan sa sarili nilang wika.
Sa England, sa pagtatapos ng ika-14 na siglo, sinimulan ni John Wycliffe ang paglaya mula sa patay na wika sa pamamagitan ng pagsasalin ng Bibliya sa Ingles, ang wikang naiintindihan ng ordinaryong mga tao. Di-nagtagal, dahil sa paraan ng pag-iimprenta ni Johannes Gutenberg, ang mga iskolar ng Bibliya ay nakagawa at nakapamahagi ng mga bagong bersiyon ng Bibliya sa maraming wika sa buong Europa.
Nang dumami ang salin sa Ingles, kinuwestiyon ng mga kritiko kung bakit kailangan pang gumawa ng iba’t ibang bersiyon sa wika ring iyon. Isinulat ni John Lewis, isang klerigong Ingles noong ika-18 siglo: “Ang wika ay lumilipas at hindi na naiintindihan, kaya kailangang suriin ang lumang mga Salin para rebisahin ang mga ito sa Wika na ginagamit sa kasalukuyan para maunawaan ng bagong henerasyon.”
Ang mga iskolar ng Bibliya ngayon ay nasa mas magandang kalagayan para suriin ang lumang mga salin. Mas nauunawaan nila ang sinaunang mga wika ng Bibliya, at mayroon silang mahahalagang sinaunang manuskrito ng Bibliya na kamakailan lang natagpuan. Makatutulong ang mga ito na mas matiyak ang orihinal na nilalaman ng Bibliya.
Kaya napakahalaga ng mga bagong bersiyon ng Bibliya. Siyempre pa, kailangang mag-ingat pagdating sa ilang bersiyon ng Bibliya. * Pero kung ang mga nagrerebisa ng bagong bersiyon ng Bibliya ay pinakikilos ng pag-ibig sa Diyos, talagang magiging kapaki-pakinabang para sa atin ang kanilang salin.
^ par. 24 Tingnan ang artikulong “Paano Ka Makapipili ng Magandang Salin ng Bibliya?” sa Mayo 1, 2008, isyu ng magasing ito.