Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Dapat Tayong Magtipon Para sa Pagsamba?

Bakit Dapat Tayong Magtipon Para sa Pagsamba?

“Patuloy nilang iniukol ang kanilang sarili . . . sa pagbabahagi sa isa’t isa.”—GAWA 2:42.

AWIT: 20, 119

1-3. (a) Paano ipinakita ng mga Kristiyano na sabik silang magtipon-tipon? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

SI Corinna ay 17 anyos lang nang arestuhin ang kaniyang nanay at ipatapon sa isang labor camp sa Sobyet. Nang maglaon, ipinatapon naman si Corinna sa Siberia, na libo-libong kilometro ang layo mula sa kanilang bahay. Para siyang alipin doon. Kung minsan, pinagtatrabaho siya sa labas kahit napakatindi ng lamig at hindi sapat ang suot niyang damit na pangginaw. Pero kahit napakahirap ng kalagayan niya, pursigido si Corinna at ang isa pang sister na dumalo sa isang pulong ng kongregasyon.

2 “Gabi kami nang umalis sa pinagtatrabahuhan namin,” ang sabi niya, “at naglakad nang 25 kilometro papunta sa istasyon ng tren. Alas dos ng madaling araw umalis ang tren, at anim na oras kaming bumiyahe, at naglakad pa nang 10 kilometro patungo sa pulong.” Sulit ba ang paglalakbay nila? Ikinuwento ni Corinna: “Sa pulong, nag-aral kami ng Bantayan at kumanta ng mga awiting pang-Kaharian. Sulit ang dalo namin, napalakas kami.” Kahit tatlong araw silang nawala sa trabaho, hindi ito napansin ng katiwala ng farm.

3 Napakahalaga para sa bayan ni Jehova ang mga pagtitipon. Matapos itatag ang kongregasyong Kristiyano, ang mga tagasunod ni Jesus ay agad na nagsimulang magtipon. (Gawa 2:42) Malamang na gusto mo ring regular na dumalo sa mga pulong. Pero may mga hamong napapaharap sa mga Kristiyano. Nahihirapang dumalo ang ilan dahil sa sekular na trabaho, abalang iskedyul, o labis na pagkapagod dulot ng araw-araw na gawain. Ano ang magpapasigla sa atin para madaig ang mga hadlang na ito at manatiling regular sa pagdalo? [1] Paano natin matutulungan ang mga tinuturuan natin sa Bibliya at ang iba na makitang mahalaga ang pagdalo sa mga pulong? Tatalakayin natin sa artikulong ito ang walong dahilan kung bakit dapat tayong magtipon para sa pagsamba. Nahahati ito sa tatlong kategorya: kung ano ang epekto sa iyo ng pagdalo sa mga pulong, ang epekto nito sa iba, at ang epekto nito kay Jehova. [2]

ANG EPEKTO SA IYO

4. Paano nakatutulong ang ating mga pulong para matuto tayo tungkol kay Jehova?

4 Natuturuan tayo sa mga pulong. Sa bawat pulong ng kongregasyon, natututo tayo tungkol sa ating Diyos, si Jehova. Halimbawa, sa loob ng halos dalawang taon, pinag-aralan ng karamihan sa mga kongregasyon ang aklat na Maging Malapít kay Jehova sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya. Tiyak na ang pag-aaral na iyon tungkol sa mga katangian ng Diyos, pati na ang magagandang komento ng mga kapatid, ay nagpatibay ng pag-ibig natin sa ating makalangit na Ama. Kapag nakikinig naman tayong mabuti sa mga pahayag, pagtatanghal, at pagbabasa ng Bibliya, lalong lumalago ang kaalaman natin sa Salita ng Diyos. (Neh. 8:8) Halimbawa, isip-isipin na lang ang natutuklasan nating espirituwal na mga hiyas linggo-linggo habang naghahanda tayo at nakikinig sa tampok na mga bahagi ng pagbabasa ng Bibliya!

5. Paano ka natulungan ng mga pulong na ikapit ang mga natutuhan mo sa Bibliya at maging mas mahusay sa pangangaral?

5 Tinuturuan tayo sa mga pulong kung paano ikakapit ang mga simulain ng Bibliya sa lahat ng aspekto ng buhay natin. (1 Tes. 4:9, 10) Halimbawa, ang Pag-aaral sa Bantayan ay dinisenyo para matugunan ang pangangailangan ng bayan ng Diyos. Natulungan ka na ba nito na muling suriin ang mga tunguhin mo, patawarin ang isang kapatid, o pasulungin ang kalidad ng iyong mga panalangin? Ang pulong naman sa gitnang sanlinggo ay tumutulong sa atin na maging epektibo sa pangangaral ng mabuting balita at pagtuturo ng mga simulain sa Kasulatan.—Mat. 28:19, 20.

6. Paano tayo pinatitibay at pinalalakas ng ating mga pulong?

6 Napatitibay tayo sa mga pulong. Pinahihina ng sistemang ito ng mga bagay ang ating espirituwalidad, emosyon, at kakayahang mag-isip. Sa kabaligtaran, pinatitibay at pinalalakas tayo ng mga pulong ng kongregasyon. (Basahin ang Gawa 15:30-32.) Madalas talakayin sa mga pulong ang katuparan ng mga hula sa Bibliya kaya tumitibay ang tiwala natin na matutupad ang mga pangako ni Jehova para sa hinaharap. At hindi lang ang mga may bahagi sa pulong ang nagpapatibay sa atin. Nariyan din ang mga kapatid na nagkokomento at umaawit mula sa puso. (1 Cor. 14:26) Nakagiginhawa rin ang mga kuwentuhan bago at pagkatapos ng pulong dahil nararamdaman natin na talagang bahagi tayo ng kongregasyon.—1 Cor. 16:17, 18.

7. Bakit napakahalagang dumalo sa mga pulong?

7 Natatanggap natin sa mga pulong ang banal na espiritu. Sinabi ng niluwalhating si Jesu-Kristo: “Ang may tainga ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon.” (Apoc. 2:7) Oo, si Jesus ang nangunguna sa kongregasyong Kristiyano sa pamamagitan ng banal na espiritu. Kailangan natin ang banal na espiritu para malabanan ang tukso, magkaroon ng tapang at kakayahan sa ministeryo, at makagawa ng tamang mga desisyon. Kaya dapat nating samantalahin ang lahat ng paglalaan—kasama na ang mga pulong ng kongregasyon—para matanggap ang banal na espiritu.

ANG EPEKTO SA IBA

8. Paano nakatutulong sa ating mga kapatid kapag nakikita nila tayo sa mga pulong at naririnig nila ang ating mga komento at pag-awit? (Tingnan din ang kahong “Laging Gumagaan ang Pakiramdam Niya Pagkatapos ng Pulong.”)

8 Nabibigyan tayo ng pagkakataon sa mga pulong na ipakita ang pag-ibig natin sa mga kapatid. Pag-isipan ang mga problemang binabata ng ilang kakongregasyon mo. Iyan ang dahilan kung bakit isinulat ni apostol Pablo: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa.” At ipinaliwanag ni Pablo na maipakikita natin ang ating malasakit sa kanila kapag “hindi [natin] pinababayaan ang ating pagtitipon.” (Heb. 10:24, 25) Kapag dumadalo ka sa pulong, ipinadarama mong mahalaga sa iyo ang mga kapatid—na karapat-dapat sila sa panahon, atensiyon at malasakit mo. Napasisigla rin sila sa iyong mga komento at pag-awit na mula sa puso.—Col. 3:16.

9, 10. (a) Ipaliwanag kung paano tayo tinutulungan ng sinabi ni Jesus sa Juan 10:16 na maunawaan kung bakit mahalagang makipagtipon tayo sa ating mga kapatid. (b) Kapag regular tayong dumadalo sa mga pulong, paano natin natutulungan ang mga itinakwil ng kanilang kapamilya?

9 Nabubuklod tayo sa ating mga kapatid. (Basahin ang Juan 10:16.) Inihalintulad ni Jesus ang kaniyang sarili sa isang pastol at ang kaniyang mga tagasunod, sa isang kawan ng mga tupa. Pag-isipan ito: Kung ang dalawang tupa ay nasa burol, ang dalawa ay nasa libis, at ang isa naman ay nanginginain sa ibang lugar, matatawag mo bang isang kawan ang limang tupang iyon? Ang isang kawan ng mga tupa ay karaniwan nang magkakasama sa ilalim ng pangangalaga ng kanilang pastol. Sa katulad na paraan, hindi natin masusundan ang ating Pastol kung sinasadya nating ihiwalay ang ating sarili. Kailangan nating makipagtipon sa mga kapuwa natin Kristiyano para maging bahagi tayo ng “isang kawan” sa ilalim ng “isang pastol.”

10 Kapag dumadalo tayo sa pulong, napatitibay natin ang pagkakaisa ng ating kapatiran. (Awit 133:1) May mga kapananampalataya tayo na itinakwil ng kanilang mga magulang at kapatid. Pero nangako si Jesus na bibigyan niya sila ng espirituwal na pamilya na magmamahal at mangangalaga sa kanila. (Mar. 10:29, 30) Kapag regular kang dumadalo sa mga pulong, maaari kang maging ama, ina, o kapatid sa kanila. Hindi ba tayo nauudyukan niyan na gawin ang ating buong makakaya na daluhan ang lahat ng pulong?

ANG EPEKTO KAY JEHOVA

11. Paano natin naibibigay kay Jehova ang nararapat sa kaniya kapag dumadalo tayo sa mga pulong?

11 Kapag dumadalo tayo, naibibigay natin kay Jehova ang nararapat sa kaniya. Bilang ating Maylalang, nararapat kay Jehova ang papuri, kaluwalhatian, pasasalamat, at karangalan. (Basahin ang Apocalipsis 7:12.) Kapag nananalangin tayo, umaawit, at nagsasalita tungkol kay Jehova sa pulong, ibinibigay natin kung ano ang nararapat sa kaniya—ang ating pagsamba. Itinuturing nating pribilehiyo na parangalan ang Isa na napakalaki ng nagawa para sa atin!

12. Ano ang nadarama ni Jehova kapag sinusunod natin ang utos niya na dumalo sa mga pulong?

12 Karapat-dapat din si Jehova sa ating pagsunod. Iniuutos niya na huwag nating pabayaan ang ating mga pulong, lalo na sa panahong ito ng kawakasan. Nalulugod si Jehova kapag masaya nating sinusunod ang utos na ito. (1 Juan 3:22) Nakikita niya at pinahahalagahan ang pagsisikap nating daluhan ang bawat pulong.—Heb. 6:10.

13, 14. Paano tayo nagiging malapít kay Jehova at kay Jesus kapag dumadalo tayo sa mga pulong?

13 Kapag dumadalo tayo, naipakikita natin kay Jehova na gusto nating maging malapít sa kaniya at sa kaniyang Anak. Sa mga pulong, ginagabayan tayo ng ating Dakilang Tagapagturo sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya. (Isa. 30:20, 21) Maging ang mga di-sumasampalataya na dumadalo sa mga pulong natin ay nakapagsasabi: “Ang Diyos ay tunay ngang nasa gitna ninyo.” (1 Cor. 14:23-25) Ibinubuhos ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu sa mga pulong at tuwiran niyang pinangangasiwaan ang programa ng pagtuturo sa Bibliya. Kaya sa mga pulong, nakikinig tayo kay Jehova at nadarama ang kaniyang maibiging pangangalaga. Bilang resulta, nagiging malapít tayo sa kaniya.

14 Sinabi ni Jesus: “Kung saan may dalawa o tatlo na nagtitipon sa aking pangalan, naroon ako sa gitna nila.” (Mat. 18:20) Totoo rin iyan sa mga pulong natin. Bilang ulo ng kongregasyon, si Kristo ay “lumalakad sa gitna” ng mga kongregasyon ng bayan ng Diyos. (Apoc. 1:20–2:1) Ipinakikita nito na tuwiran tayong pinatitibay ni Jehova at ni Jesus sa mga Kristiyanong pagpupulong. Ano kaya ang nararamdaman ni Jehova kapag nakikita niyang sinisikap nating mapalapít sa kaniya at sa kaniyang Anak?

15. Kapag dumadalo tayo sa mga pulong, paano natin naipakikita sa Diyos na gusto natin siyang sundin?

15 Kapag dumadalo tayo, naipakikita natin ang ating suporta sa soberanya ng Diyos. Ang pagdalo sa mga pulong ay utos ni Jehova, pero hindi niya tayo pinipilit na sumunod. (Isa. 43:23) Kaya nasa sa atin na kung ipakikita natin kay Jehova ang lalim ng pag-ibig natin sa kaniya at kung hanggang saan natin susuportahan ang kaniyang pamamahala. (Roma 6:17) Halimbawa, baka gipitin tayo ng amo natin na ipagpalit ang pulong sa trabaho. Baka ipagbawal ng gobyerno ang pagpupulong at pagbantaan tayong pagmumultahin, ipakukulong, o papatayin pa nga. O baka matukso tayong maglibang sa halip na dumalo sa pulong. Sa bawat sitwasyong ito, kailangan nating magpasiya: Sino ang paglilingkuran natin? (Gawa 5:29) Kapag pinili nating suportahan ang soberanya ni Jehova, mapasasaya natin ang kaniyang puso.—Kaw. 27:11.

PATULOY NA IUKOL ANG SARILI SA MGA PAGTITIPON

16, 17. (a) Paano natin nalaman na napakahalaga ng mga pulong sa mga Kristiyano noong unang siglo? (b) Gaano kahalaga kay Brother George Gangas ang mga Kristiyanong pagpupulong?

16 Pagkatapos ng himala noong Pentecostes 33 C.E., hindi lang miminsan nagtipon ang unang mga Kristiyano. “Patuloy nilang iniukol ang kanilang sarili sa turo ng mga apostol at sa pagbabahagi sa isa’t isa.” (Gawa 2:42) Ang salitang Griego na isinaling “iniukol ang kanilang sarili” ay nagpapahiwatig ng pagbabata o matiyagang pananatili sa isang landasin nang may matinding pagsisikap. Hindi madali para sa mga Kristiyanong iyon na dumalo sa mga pagtitipon dahil nasa ilalim sila ng pamamahala ng Roma at sinasalansang sila ng mga Judiong lider ng relihiyon. Pero patuloy silang nagtipon.

17 Maraming lingkod ni Jehova sa panahon natin ang may malaking pagpapahalaga sa mga Kristiyanong pagpupulong. Sinabi ni George Gangas, na mahigit 22 taóng naglingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala: “Para sa akin, ang pakikipagpulong sa mga kapatid ay isa sa pinakamalaking kasiyahan sa buhay at pinagmumulan ng pampatibay-loob. Gustung-gusto kong makabilang sa mga nauunang dumarating sa Kingdom Hall, at sa mga huling umuuwi, hangga’t maaari. Tuwang-tuwa ako kapag nakakausap ang mga kabilang sa bayan ng Diyos. Para akong nasa sariling tahanan kapag kasama ko sila, sa espirituwal na paraiso.” Idinagdag pa niya: “Kung paanong laging nakaturo ang kompas sa hilaga, laging nasa puso’t isip ko ang pagdalo sa mga pulong.”

18. Ano ang nadarama mo hinggil sa ating mga pulong, at ano ang determinasyon mo?

18 Ganiyan din ba ang nadarama mo hinggil sa mga pagtitipon para sumamba kay Jehova? Kung oo, maging determinadong dumalo nang regular sa mga pulong. Sa gayon, tulad ni Haring David, masasabi mo: “Jehova, iniibig ko ang tahanan sa iyong bahay.”—Awit 26:8.

^ [1] (parapo 3) May mga kapananampalataya tayo na hindi nakadadalo nang regular sa mga pulong dahil sa mga kalagayang hindi nila kontrolado, gaya ng malubhang pagkakasakit. Makatitiyak silang nauunawaan ni Jehova ang kanilang sitwasyon at talagang pinahahalagahan niya ang kanilang buong-kaluluwang pagsamba. Para makinabang sila sa espirituwal na mga programa, maaaring magsaayos ang mga elder ng telephone hookup o pagrerekord ng mga pulong.

^ [2] (parapo 3) Tingnan ang kahong “Mga Dahilan Para Dumalo sa Pulong.”