Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Manatiling Neutral sa Nababahaging Daigdig

Manatiling Neutral sa Nababahaging Daigdig

“Ibayad . . . sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”—MAT. 22:21.

AWIT: 33, 137

1. Paano natin masusunod ang Diyos at ang gobyerno ng tao?

SINASABI ng Salita ng Diyos na maging masunurin tayo sa gobyerno ng tao, pero itinuturo din nito na dapat nating sundin ang Diyos sa halip na mga tao. (Gawa 5:29; Tito 3:1) Magkasalungat ba ito? Hindi! Makatutulong ang simulain ng relatibong pagpapasakop para maintindihan natin at masunod ang mga utos na ito. Ipinaliwanag ni Jesus ang simulaing iyan nang sabihin niya: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” [1] (Mat. 22:21) Paano natin sinusunod ang tagubiling ito ni Jesus? Nagpapasakop tayo sa gobyerno sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas nito, paggalang sa mga opisyal nito, at pagbabayad ng buwis. (Roma 13:7) Pero kapag ang hinihiling ng mga awtoridad ay labag na sa kautusan ng Diyos, magalang tayong tumatanggi.

2. Paano natin ipinakikita na wala tayong pinapanigan sa politika?

2 Ang isang paraan para ibigay sa Diyos ang nararapat sa kaniya ay ang pananatiling neutral sa politika. (Isa. 2:4) Kaya hindi tayo lumalaban sa mga gobyerno ng tao na pinahihintulutan ni Jehova na mamahala, at hindi rin tayo nagtataguyod ng pagiging makabayan o nasyonalismo. (Roma 13:1, 2) Hindi tayo nangangampanya, bumoboto, o kumakandidato, at hindi rin natin sinusubukang baguhin ang mga gobyerno.

3. Bakit kailangan nating manatiling neutral?

3 Nagbibigay ang Bibliya ng mga dahilan kung bakit hinihiling ng Diyos na manatili tayong neutral. Halimbawa, tinutularan natin ang halimbawa ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na hindi “bahagi ng sanlibutan.” Wala siyang pinanigan sa politika at mga digmaan. (Juan 6:15; 17:16) Dapat tayong manatiling neutral para maging tapat na mga sakop ng Kaharian ng Diyos. Kung hindi, paano tayo magkakaroon ng malinis na budhi kapag ipinangangaral natin na ang Kaharian ng Diyos ang tanging makalulutas sa mga problema ng tao? Isa pa, hindi tulad ng mga huwad na relihiyon na ang mga miyembro ay nababahagi dahil sa pakikialam sa politika, naiingatan ng tunay na pagsamba ang ating internasyonal na kapatiran dahil tinutulungan tayo nitong manatiling neutral.—1 Ped. 2:17.

4. (a) Bakit natin masasabi na lalong magiging mahirap ang pananatiling neutral? (b) Bakit ngayon pa lang ay kailangan na nating maghanda para makapanatiling neutral?

4 Posibleng payapa naman ang kalagayan ng politika sa lugar natin at may kalayaan tayo sa pagsamba. Pero habang papalapít ang wakas ng sistema ni Satanas, aasahan natin na lalong magiging hamon ang pananatiling neutral. Ang mundo ay punô ng mga taong “hindi bukás sa anumang kasunduan” at “matigas ang ulo,” kaya lalo pang magkakaroon ng pagkakabaha-bahagi at pagkakasalungatan. (2 Tim. 3:3, 4) Sa ilang lupain, dahil sa mabilis na pagbabago ng kalagayan sa politika, may mga kapatid tayo na biglang napaharap sa isyu ng neutralidad. Nakikita mo ba kung bakit ngayon pa lang ay kailangan na nating patibayin ang ating determinasyon na manatiling neutral? Kung maghihintay tayo hanggang sa may dumating na pagsubok, baka maikompromiso natin ang ating neutralidad. Kaya paano tayo maghahanda para makapanatiling neutral sa nababahaging daigdig na ito? Talakayin natin ang apat na bagay na makatutulong.

TULARAN ANG PANANAW NI JEHOVA SA GOBYERNO NG TAO

5. Ano ang pananaw ni Jehova sa gobyerno ng tao?

5 Una, kailangan nating tularan ang pananaw ni Jehova sa politikal na sistema. Kahit waring makatarungan ang ilang gobyerno, hindi kailanman nilayon ni Jehova na pamahalaan ng tao ang kaniyang kapuwa. (Jer. 10:23) Itinataguyod ng mga gobyerno ng tao ang nasyonalismo, kaya nababahagi ang sangkatauhan. Hindi masolusyunan kahit ng pinakamahuhusay na lider sa daigdig ang lahat ng problema. Isa pa, mula noong 1914, ang mga gobyerno ng tao ay naging kalaban ng Kaharian ng Diyos, na malapit nang maglapat ng hatol sa mga bansa at pumuksa sa mga ito.—Basahin ang Awit 2:2, 7-9.

6. Paano tayo dapat makitungo sa mga may awtoridad sa gobyerno?

6 Pinahihintulutan ng Diyos na umiral ang mga gobyerno dahil nakapaglalaan ito ng seguridad na nakatutulong para maipangaral natin ang mabuting balita ng Kaharian. (Roma 13:3, 4) Sinasabi pa nga ng Diyos na ipanalangin natin ang mga nasa awtoridad, lalo na kung makaaapekto sa ating pagsamba ang kanilang mga desisyon. (1 Tim. 2:1, 2) Umaapela tayo sa mga opisyal ng gobyerno para sa patas na pakikitungo, gaya ng ginawa ni apostol Pablo. (Gawa 25:11) Totoong itinuturo ng Bibliya na ang kaaway ng Diyos, si Satanas, ay may kapamahalaan sa politikal na sistema, pero hindi nito sinasabi na tuwiran niyang kinokontrol ang bawat lider o opisyal. (Luc. 4:5, 6) Kaya hindi tayo dapat magpahiwatig na ang isang partikular na opisyal ay kinokontrol ng Diyablo. Sa halip, kapag nakikitungo tayo sa “mga pamahalaan at sa mga awtoridad,” iniiwasan nating “magsalita nang nakapipinsala tungkol sa kaninuman.”—Tito 3:1, 2.

7. Anong kaisipan ang dapat nating iwasan?

7 Bilang pagsunod sa Diyos, wala tayong pinapanigang kandidato o partido politikal, pabor man sa atin ang mga ito o hindi. Paano nito masusubok ang ating neutralidad? Ipagpalagay nang may nagpoprotesta para paalisin sa puwesto ang malupit na administrasyon, na nagpapahirap din sa bayan ng Diyos. Baka hindi tayo aktuwal na sumasama sa protesta, pero sinasang-ayunan ba natin ito? (Efe. 2:2) Dapat tayong manatiling neutral, hindi lang sa salita at sa gawa, kundi maging sa puso rin natin.

MAGING “MAINGAT” PERO “WALANG MUWANG”

8. Kapag mahirap manatiling neutral, paano tayo magiging “maingat” pero “walang muwang”?

8 Ang ikalawang makatutulong para manatili tayong neutral kapag napapaharap sa mga hamon ay ang pagiging “maingat [na] gaya ng mga serpiyente at gayunma’y walang muwang na gaya ng mga kalapati.” (Basahin ang Mateo 10:16, 17.) Nagiging maingat tayo kung agad nating nakikita ang mga panganib, at nananatili tayong walang muwang kung hindi natin hahayaang makompromiso tayo ng mga ito. Talakayin natin ang ilang posibleng hamon at kung paano natin haharapin ang mga ito.

9. Sa ano tayo magiging maingat kapag nakikipag-usap sa iba?

9 Pakikipag-usap. Maging maingat tayo kapag may bumabangong isyu tungkol sa politika. Halimbawa, kapag nangangaral, iwasang purihin o punahin ang mga patakaran ng isang politikal na lider o partido. Humanap ng puntong mapagkakasunduan ninyo ng may-bahay sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa pinakaugat ng problema sa halip na sa ipinanunukalang solusyon ng mga politiko. Pagkatapos, ipakita mula sa Bibliya kung paano lubusang lulutasin ng gobyerno ng Diyos ang problema. Kung ibangon ang maseselang isyu gaya ng same-sex marriage o aborsiyon, ipagtanggol ang pamantayan ng Diyos at ipaliwanag kung paano natin ito sinusunod sa ating buhay. Sa inyong pag-uusap, tiyakin na manatiling neutral sa politikal na aspekto ng mga isyung ito. Hindi tayo nagkokomento kung anong batas ang kailangang ipatupad, pawalang-bisa, o baguhin, at hindi natin pinipilit ang iba na sumang-ayon sa atin.

10. Paano tayo makapananatiling neutral kapag nanonood tayo o nagbabasa ng anuman sa media?

10 Media. Kadalasan nang may pinapanigan ang mga “balita” sa media. Kung minsan, ginagamit ang media para sa interes ng gobyerno. Sa mga lupaing kontrolado ng gobyerno ang media, maaaring ang mga balita ay hayagang may kinikilingan, pero kahit sa itinuturing na malayang mga lupain, dapat pa ring mag-ingat ang mga Kristiyano na hindi madala ng komentaristang may kinikilingan. Tanungin ang sarili, ‘Gustong-gusto ko bang pakinggan ang isang komentarista dahil sang-ayon ako sa pananaw niya sa politika?’ Kung oo, baka kailangan mong bumaling sa mas neutral na pinagmumulan ng impormasyon. Isang katalinuhan na limitahan ang pagtangkilik sa mga balitang nagtataguyod sa isang politikal na agenda at ikumpara ang mga naririnig natin sa “parisan ng nakapagpapalusog na mga salita” mula sa Bibliya.—2 Tim. 1:13.

11. Paano magiging mahirap para sa atin na manatiling neutral kung masyadong mahalaga sa atin ang ating mga ari-arian?

11 Materyalismo. Kung masyadong mahalaga sa atin ang ating mga ari-arian, posibleng makipagkompromiso tayo kapag napaharap sa pagsubok. Nakita ni Ruth, taga-Malawi, na ginawa ito ng ilang Saksi nang pag-usigin sila noong dekada ’70. Ikinuwento niya: “Hindi nila maiwan ang komportableng buhay. Magkakasama kaming ipinatapon pero nang maglaon, may ilang sumama sa politikal na partido at bumalik sa kanilang bahay dahil ayaw nilang dumanas ng hirap sa refugee camp.” Pero ang karamihan sa bayan ng Diyos ay nanatiling neutral sa kabila ng kahirapan o pagkawala pa nga ng lahat ng pag-aari nila.—Heb. 10:34.

12, 13. (a) Ano ang pananaw ni Jehova sa mga tao? (b) Paano natin malalaman na masyado na nating ipinagmamapuri ang ating bansa?

12 Pagmamapuri. Karaniwan nang ipinagmamalaki ng tao ang kaniyang lahi, tribo, kultura, lunsod, o bansa. Pero ang pagmamapuri dahil sa lahi, kultura, o bansa ay salungat sa pananaw ni Jehova sa pamilya ng tao at sa gobyerno nito. Hindi naman gusto ng Diyos na itakwil natin ang ating kultura. Sa katunayan, itinatampok ng pagkakaiba-iba ng kultura ang kamangha-manghang pagkakasari-sari ng pamilya ng tao. Pero dapat pa rin nating tandaan na sa paningin ng Diyos, lahat tayo ay pantay-pantay.—Roma 10:12.

13 Ang pagmamapuri dahil sa ating pinagmulan ang ugat ng nasyonalismo at maaaring maging unang hakbang na hahantong sa pakikipagkompromiso. Hindi ligtas ang mga Kristiyano sa ganitong pagmamapuri. Sa katunayan, may ilan sa unang-siglong kongregasyon na nagpakita ng diskriminasyon sa kanilang mga kapatid dahil sa nasyonalidad. (Gawa 6:1) Paano natin malalaman na nag-uugat na sa atin ang pagmamapuri? Ipagpalagay nang may iminungkahi sa iyo ang isang kapatid na nanggaling sa ibang lugar o bansa. Tatanggihan mo ba ito, at agad na iisipin, ‘Mas maganda ang paraan namin dito’? Sa halip na gawin iyon, dapat nating ikapit ang kinasihang payong ito: “May kababaan ng pag-iisip na [ituring] na ang iba ay nakatataas sa inyo.”—Fil. 2:3.

HUMILING NG LAKAS MULA KAY JEHOVA

14. Paano makatutulong sa atin ang panalangin, at anong halimbawa sa Bibliya ang magpapatunay nito?

14 Ang ikatlong makatutulong para manatili tayong neutral ay ang lakas mula kay Jehova. Hilingin sa panalangin ang banal na espiritu, na tutulong sa iyo na malinang ang pagkamatiisin at pagpipigil sa sarili. Kailangan ang mga katangiang ito para makapagbata sa ilalim ng isang tiwali o di-makatarungang gobyerno. Maaari ka ring humiling kay Jehova ng karunungan para makita at maharap ang mga sitwasyon na posibleng umakay sa pakikipagkompromiso. (Sant. 1:5) Kung ikulong ka o parusahan dahil sa paninindigan mo sa tunay na pagsamba, manalangin na palakasin ka para buong-tapang mong maipagtanggol ang iyong pananampalataya at mabata ang anumang pag-uusig na darating.—Basahin ang Gawa 4:27-31.

15. Paano tayo matutulungan ng Bibliya na manatiling neutral? (Tingnan din ang kahong “Salita ng Diyos ang Nagpatibay sa Kanilang Paninindigan.”)

15 Mapalalakas ka ni Jehova sa tulong ng kaniyang Salita. Bulay-bulayin ang mga teksto na tutulong sa iyo na manatiling neutral sa ilalim ng pagsubok. Umpisahan mo nang sauluhin ang mga ito para mapalakas ka sakaling wala ka nang Bibliya. Mapatitibay rin ng Salita ng Diyos ang iyong pag-asa sa mga pagpapala ng Kaharian sa hinaharap. Mahalaga ang pag-asang ito para mabata ang pag-uusig. (Roma 8:25) Pumili ng mga teksto tungkol sa mga pagpapala sa hinaharap na gustong-gusto mo, at ilarawan sa isip na nasa Paraiso ka at nararanasan mo na ang mga iyon.

MATUTO MULA SA TAPAT NA MGA LINGKOD NI JEHOVA

16, 17. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ng tapat na mga lingkod ng Diyos na nakapanatiling neutral? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

16 Ang ikaapat na makatutulong para manatili tayong neutral ay ang tapat na mga lingkod ni Jehova. Ang kanilang halimbawa ay magbibigay ng karunungan at lakas na kailangan natin para makapagbata. Halimbawa, sina Sadrac, Mesac, at Abednego ay tumangging sumamba sa imaheng kumakatawan sa Estado ng Babilonya. (Basahin ang Daniel 3:16-18.) Ang kanilang determinasyon ay nakatulong sa mga Saksi ngayon na magkaroon ng lakas ng loob na tanggihan ang pagsamba sa bandila ng kanilang bansa. Si Jesus ay hindi kailanman nakisangkot sa mga isyu sa politika at lipunan. Alam niyang mapatitibay ang kaniyang mga alagad sa kaniyang halimbawa, kaya sinabi niya sa kanila: “Lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.”—Juan 16:33.

17 Maraming Saksi sa panahon natin ang nakapanatiling neutral. Ang ilan ay sinaktan, ikinulong, at pinatay pa nga dahil sa kanilang pananampalataya. Matutulungan ka ng mga halimbawa nila. Sinabi ni Barış na taga-Turkey: “Si Franz Reiter ay isang kabataang brother na binitay dahil tumanggi siyang sumali sa hukbo ni Hitler. Makikita sa isinulat niyang liham sa kaniyang ina noong gabi bago siya patayin na matibay ang pananampalataya niya at tiwala kay Jehova, at gusto kong tularan ang halimbawa niya kapag napaharap ako sa ganoong pagsubok.” [2]

18, 19. (a) Paano ka matutulungan ng mga kakongregasyon mo na manatiling neutral? (b) Ano ang iyong determinasyon?

18 Makatutulong din sa iyo ang mga kapatid sa inyong kongregasyon. Ipaalam sa mga elder ang mga pagsubok sa iyong neutralidad, at hilingin ang kanilang salig-Bibliyang payo. Mapatitibay ka ng mga kakongregasyon mo kung alam nila ang mga hamong napapaharap sa iyo. Hilingin na ipanalangin ka nila. Siyempre pa, kung gusto nating tulungan tayo at ipanalangin ng mga kapatid, gawin din natin ito sa kanila. (Mat. 7:12) Ang artikulo sa jw.org/tl na “Mga Lugar Kung Saan May mga Saksi ni Jehova na Nakabilanggo Dahil sa Pananampalataya” na makikita sa NEWSROOM > LEGAL NA USAPIN ay makatutulong para maging espesipiko ang mga panalangin mo. May mga link ito para makita ang listahan ng mga Saksi na kasalukuyang nakabilanggo dahil sa kanilang pananampalataya. Pumili ng mga pangalan, at ipanalangin na lakas-loob sana nilang mapanatili ang kanilang katapatan.—Efe. 6:19, 20.

19 Habang papalapít ang wakas ng gobyerno ng tao, hindi na tayo magtataka kung lalo tayong gigipitin na ikompromiso ang ating katapatan kay Jehova at sa kaniyang Kaharian. Kaya ngayon pa lang, maging determinado na tayong manatiling neutral sa nababahaging daigdig na ito.

^ [1] (parapo 1) Tinukoy rito ni Jesus si Cesar, ang pinakamataas na taong tagapamahala noong panahong iyon, bilang simbolo ng awtoridad ng pamahalaan, o Estado.

^ [2] (parapo 17) Tingnan ang aklat na Mga Saksi ni JehovaTagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, p. 662, at ang kahong “Namatay Siya Para sa Karangalan ng Diyos” sa kabanata 14 ng aklat na Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!