Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ano ang “palatandaan” at “tatak” na tinatanggap ng bawat pinahirang Kristiyano mula sa Diyos?—2 Cor. 1:21, 22.
Palatandaan: Ayon sa isang reperensiya, ang terminong Griego na isinaling “palatandaan” sa 2 Corinto 1:22 ay “isang teknikal na termino na nauugnay sa batas at negosyo” na nangangahulugang “paunang hulog, deposito, paunang bayad, panagot, na patiunang ibinabayad bilang bahagi ng halaga ng isang bagay na binibili, kaya nagbibigay ito ng legal na karapatan sa isa na ariin ang bagay na iyon, o nagbibigay-bisa sa isang kontrata.” May kaugnayan sa mga pinahiran, ang kabuoang bayad, o gantimpala, na inilalarawan sa 2 Corinto 5:1-5 ay ang pagbibihis ng isang makalangit na katawan na walang-kasiraan. Kasama rin sa gantimpala ang pagtanggap ng kaloob na imortalidad.—1 Cor. 15:48-54.
Sa modernong wikang Griego, isang kahawig na pananalita ang ginagamit para sa engagement ring. Angkop na ilustrasyon ito para sa mga magiging bahagi ng makasagisag na asawa ni Kristo.—2 Cor. 11:2; Apoc. 21:2, 9.
Tatak: Ginagamit noon ang tatak bilang panlagda para patunayan ang pagmamay-ari, autentisidad, o kasunduan. May kaugnayan sa mga pinahiran, sila ay “tinatakan,” o minarkahan, ng banal na espiritu sa makasagisag na paraan bilang pag-aari ng Diyos. (Efe. 1:13, 14) Pero ang tatak na ito ay magiging permanente lang bago mamatay nang tapat ang pinahiran o bago magsimula ang malaking kapighatian.—Efe. 4:30; Apoc. 7:2-4.