Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Mawawala Kapag Dumating Na ang Kaharian ng Diyos?

Ano ang Mawawala Kapag Dumating Na ang Kaharian ng Diyos?

“Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 JUAN 2:17.

AWIT: 134, 24

1, 2. (a) Ano ang pagkakatulad ng sistemang ito ng mga bagay at ng isang nahatulang kriminal? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Ano ang magiging tugon kapag nailapat na ang hatol sa masamang sistemang ito?

“DEAD MAN WALKING!” Iyan ang isinisigaw ng mga guwardiya habang inilalabas nila ang isang pusakal na kriminal mula sa kaniyang selda. Pero bakit? Mukhang malusog naman siya, at walang malubhang sakit. Inihahatid siya ng mga guwardiya sa lugar kung saan siya bibitayin. Ang nahatulang kriminal na iyon ay buháy pa, pero parang patay na. *

2 Ang kasalukuyang sistema ng mga bagay ay katulad ng kriminal na iyon sa death row. Matagal nang nasentensiyahan ang masamang sanlibutang ito, at malapit nang ilapat ang hatol na iyon. Sinasabi ng Bibliya: “Ang sanlibutan ay lumilipas.” (1 Juan 2:17) Tiyak ang wakas ng sistemang ito. Pero may pagkakaiba ang wakas ng sanlibutang ito at ang pagbitay sa kriminal na iyon. Baka may ilang nagpoprotesta sa pagbitay sa kriminal at kumukuwestiyon kung makatarungan ito, na umaasa hanggang sa huling sandali na maipagpaliban ito. Pero sa kaso ng sanlibutang ito, ang sentensiya ay nagmula sa sakdal at makatarungang Soberano ng uniberso. (Deut. 32:4) Hindi na ipagpapaliban ang paglalapat ng hatol, at hindi na pagdududahan kung makatarungan ang sentensiya. Kapag nailapat na ito, bawat matalinong nilalang sa uniberso ay tiyak na sasang-ayon na nakamtan na ang hustisya. Kay laking ginhawa nito!

3. Anong apat na bagay ang mawawala kapag dumating na ang Kaharian ng Diyos?

3 Ano ang kasama sa “sanlibutan” na “lumilipas”? Mawawala na ang marami sa mga itinuturing na permanenteng bahagi ng buhay ngayon. Masamang balita ba iyan? Hinding-hindi! Ang totoo, mahalagang bahagi iyan ng ‘mabuting balita ng kaharian.’ (Mat. 24:14) Kaya talakayin natin ang mga bagay na mawawala kapag dumating na ang Kaharian ng Diyos. Tingnan natin ang apat na kategorya: masasamang tao, mga tiwaling organisasyon, masasamang gawain, at mga nakababalisang kalagayan. Sa bawat kategorya, susuriin natin (1) kung paano ito nakaaapekto sa atin sa ngayon, (2) kung ano ang gagawin ni Jehova rito, at (3) kung anong mabubuting bagay ang ipapalit niya rito.

MASASAMANG TAO

4. Sa anong mga paraan nakaaapekto sa atin ang masasamang tao sa ngayon?

4 Paano nakaaapekto sa atin ang masasamang tao sa ngayon? Matapos ihula na ang kasalukuyang panahon natin ay magiging “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” kinasihan si apostol Pablo na isulat: “Ang mga taong balakyot at mga impostor ay magpapatuloy mula sa masama tungo sa lalong masama.” (2 Tim. 3:1-5, 13) Nakikita mo bang natutupad ito? Marami sa atin ang nabiktima ng masasamang tao, gaya ng mararahas na bully, mga nagtataguyod ng diskriminasyon, at malulupit na kriminal. Lantaran ang kasamaan ng ilan sa kanila; ang iba naman ay mga impostor, na itinatago ang ginagawa nila at nagkukunwaring matuwid. Kahit hindi pa tayo nabiktima ng masasamang tao, nakaaapekto pa rin sila sa atin. Kinikilabutan tayo kapag nababalitaan natin ang kanilang kahindik-hindik na mga gawa. Nadudurog ang puso natin sa pagmamalupit nila sa mga bata, may-edad, at mga walang kalaban-laban. Parang hindi sila tao, kundi makahayop, at makademonyo pa nga. (Sant. 3:15) Mabuti na lang at may magandang balita ang Salita ni Jehova!

5. (a) Anong pagkakataon ang bukás pa para sa masasamang indibiduwal? (b) Ano ang kahihinatnan ng masasamang tao na ayaw magbago?

5 Ano ang gagawin ni Jehova? Sa ngayon, binibigyan ni Jehova ng pagkakataong magbago ang masasamang tao. (Isa. 55:7) Bilang indibiduwal, hindi pa sila napapatawan ng pangwakas na hatol, di-gaya ng sistemang ito na nahatulan na. Pero kumusta naman ang mga indibiduwal na ayaw magbago, na patuloy na sumusuporta sa sistemang ito hanggang sa panahon ng malaking kapighatian? Nangako si Jehova na aalisin niya sa lupa ang masasamang tao magpakailanman. (Basahin ang Awit 37:10.) Baka inaakala ng masasama na ligtas sila sa hatol na iyon. Marami ang natutong magtago ng ginagawa nila, at kadalasan, parang natatakasan nila ang hustisya at parusa. (Job 21:7, 9) Pero ipinaaalaala sa atin ng Bibliya tungkol sa Diyos: “Ang kaniyang mga mata ay nasa mga lakad ng tao, at ang lahat ng hakbang nito ay nakikita niya. Walang kadiliman ni matinding karimlan upang doon magkubli ang mga nagsasagawa ng bagay na nakasasakit.” (Job 34:21, 22) Walang makapagtatago sa Diyos na Jehova. Walang impostor ang makapandaraya sa kaniya; walang karimlang napakadilim o napakatindi na makahahadlang sa sakdal na paningin ng Diyos. Pagkatapos ng Armagedon, kapag hinanap natin ang masasama, hindi na natin sila makikita. Mawawala na sila—magpakailanman!—Awit 37:12-15.

6. Kapag wala na ang masasamang tao, sino ang mga mananatili, at bakit magandang balita iyan?

6 Kapag wala na ang masasamang tao, sino ang mga mananatili? Nangangako si Jehova: “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” Mababasa rin natin: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:11, 29) Sino ang “maaamo” at “mga matuwid”? Ang maaamo ay mga taong mapagpakumbabang tumatanggap sa turo at patnubay ni Jehova; ang mga matuwid ay mga taong gustong-gustong gumawa ng tama sa paningin ng Diyos na Jehova. Sa ngayon, di-hamak na mas maraming masasamang tao kaysa sa mga matuwid. Pero sa darating na bagong sanlibutan, ang maaamo at mga matuwid ay hindi magiging minorya o mayorya; sila lang ang mananatili sa lupa. Tiyak na magiging paraiso ang lupa dahil sa ganitong uri ng mga tao!

MGA TIWALING ORGANISASYON

7. Paano nakaaapekto sa atin ang mga tiwaling organisasyon sa ngayon?

7 Paano nakaaapekto sa atin ang mga tiwaling organisasyon sa ngayon? Marami sa kasamaang nangyayari ngayon ay hindi kagagawan ng mga indibiduwal kundi ng mga organisasyon. Halimbawa, dinadaya ng maraming relihiyosong organisasyon ang milyon-milyong tao sa pagtuturo ng maling mga ideya tungkol sa Diyos, sa Bibliya, sa kinabukasan ng tao at ng lupa—at sa marami pang paksa. Kumusta naman ang mga gobyernong nagtataguyod ng digmaan at karahasan dahil sa lahi, sumisiil sa mahihirap at walang kalaban-laban, at talamak sa paboritismo at pagtanggap ng suhol? At paano naman ang mga gahamang korporasyon na nagpaparumi sa kapaligiran, nang-uubos ng likas na yaman, at nananamantala sa mga mámimili para yumaman ang ilan samantalang naghihirap ang milyon-milyong tao? Walang duda, mga tiwaling organisasyon ang responsable sa miserableng kalagayan ngayon ng mundo.

8. Ayon sa Bibliya, ano ang mangyayari sa mga organisasyon ngayon na mukhang matatag?

8 Ano ang gagawin ni Jehova? Magsisimula ang malaking kapighatian kapag binalingan na ng politikal na mga elemento ang lahat ng huwad na relihiyosong organisasyon na kinakatawanan ng patutot na tinatawag na Babilonyang Dakila. (Apoc. 17:1, 2, 16; 18:1-4) Lubusang mapupuksa ang mga relihiyosong organisasyong iyon. Kumusta naman ang iba pang tiwaling organisasyon? Ginagamit ng Bibliya ang mga bundok at pulo para lumarawan sa maraming organisasyon at institusyon na mukhang matatag sa paningin ng mga tao sa ngayon. (Basahin ang Apocalipsis 6:14.) Inihula ng Salita ng Diyos na ang mga gobyerno at ang mga kaugnay na organisasyon ng mga ito ay uugain mula sa kanilang pinakapundasyon. Aabot sa kasukdulan ang malaking kapighatian kapag pinuksa ang lahat ng gobyerno ng sanlibutang ito at lahat ng pumapanig sa kanila sa paglaban sa Kaharian ng Diyos. (Jer. 25:31-33) Pagkatapos nito, wala nang matitirang tiwaling organisasyon!

9. Bakit natin matitiyak na magiging organisado ang bagong lupa?

9 Ano ang papalit sa mga tiwaling organisasyon? Pagkatapos ng Armagedon, may iiral pa bang organisasyon sa lupa? Sinasabi ng Bibliya: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (2 Ped. 3:13) Ang mga dating langit at lupa—ang mga tiwaling gobyerno at ang lipunan ng mga tao na nasa ilalim ng kanilang pamamahala—ay mawawala na. Ano ang papalit sa mga ito? Ang pananalitang “mga bagong langit at isang bagong lupa” ay nangangahulugan na magkakaroon ng bagong gobyerno at bagong lipunan ng mga tao sa ilalim ng pamamahala nito. Masasalamin sa pamamahala ng Kaharian sa ilalim ni Jesu-Kristo ang personalidad ng Diyos na Jehova, isang Diyos ng kaayusan. (1 Cor. 14:33) Kaya ang “bagong lupa” ay magiging organisado. Magkakaroon ng mahuhusay na lalaking mag-aasikaso sa mga bagay-bagay. (Awit 45:16) Papatnubayan sila ni Kristo at ng kaniyang 144,000 kasamang tagapamahala. Isip-isipin ang panahon kapag wala nang mga tiwaling organisasyon at napalitan na ang mga ito ng nag-iisa at nagkakaisang organisasyon na hindi kailanman magiging tiwali!

MASASAMANG GAWAIN

10. Sa lugar ninyo, anong masasamang gawain ang laganap? At paano ito nakaaapekto sa iyo at sa pamilya mo?

10 Paano nakaaapekto sa atin ang masasamang gawain? Nabubuhay tayo sa mundong punô ng kasamaan—imoralidad, pandaraya, brutal at mararahas na krimen. Kadalasan nang nahihirapan ang mga magulang na protektahan ang kanilang mga anak sa masasamang gawaing ito. Ginagawang mas kaakit-akit ng industriya ng paglilibang ang lahat ng uri ng masasamang gawain habang binabale-wala nito ang mga pamantayan ni Jehova hinggil sa tama at mali. (Isa. 5:20) Iniiwasan ng mga tunay na Kristiyano na magpatangay rito. Nakikipagpunyagi silang maingatan ang kanilang katapatan kahit laganap ang paglapastangan sa mga pamantayan ni Jehova.

11. Ano ang matututuhan natin sa hatol ni Jehova sa Sodoma at Gomorra?

11 Ano ang gagawin ni Jehova sa masasamang gawain? Alalahanin ang ginawa niya sa kasamaang laganap noon sa Sodoma at Gomorra. (Basahin ang 2 Pedro 2:6-8.) Nabagabag ang taong matuwid na si Lot dahil sa lahat ng kasamaang nakapaligid sa kaniya at sa kaniyang pamilya. Nang puksain ni Jehova ang buong rehiyong iyon, hindi lang niya winakasan ang kasamaan doon. Naglagay din siya ng “isang parisan para sa mga taong di-makadiyos tungkol sa mga bagay na darating.” Kung paanong winakasan ni Jehova ang imoral na mga gawain noon, wawakasan din niya ang kasamaan ngayon kapag inilapat na niya ang hatol sa kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay.

12. Ano ang gusto mong gawin kapag wala na ang matandang sistemang ito ng mga bagay?

12 Ano ang papalit sa masasamang gawain? Magiging sagana ang masasayang gawain sa Paraisong lupa. Isipin ang kapana-panabik na mga bagay na gagawin natin para maging paraiso ang planetang ito o para makapagtayo ng mga bahay para sa atin at sa ating mga mahal sa buhay. Pinananabikan din natin ang pagsalubong sa milyon-milyong bubuhaying muli at pagtuturo sa kanila tungkol sa mga daan ni Jehova at sa kasaysayan ng pakikitungo niya sa sangkatauhan. (Isa. 65:21, 22; Gawa 24:15) Oo, marami tayong gagawin na magpapasaya sa atin at magbibigay ng kapurihan kay Jehova!

MGA NAKABABALISANG KALAGAYAN

13. Anong mga nakababalisang kalagayan ang idinulot ng rebelyon nina Satanas, Adan, at Eva?

13 Paano nakaaapekto sa atin ang mga nakababalisang kalagayan sa ngayon? Ang masasamang tao, mga tiwaling organisasyon, at masasamang gawain ay nagdudulot ng mga nakababalisang kalagayan ng pamumuhay dito sa lupa. Sino sa atin ang hindi apektado ng digmaan, kahirapan, o diskriminasyon sa lahi? At kumusta naman ang pagkakasakit at kamatayan? Apektado tayo ng lahat ng ito. Ito ang mga direktang resulta ng rebelyon ng tatlong masasamang indibiduwal—sina Satanas, Adan, at Eva—laban kay Jehova. Hindi matatakasan ng sinuman sa atin ang pinsalang idinulot ng kanilang rebelyon.

14. Ano ang gagawin ni Jehova sa mga nakababalisang kalagayan? Magbigay ng halimbawa.

14 Ano ang gagawin ni Jehova sa mga nakababalisang kalagayan? Halimbawa, ano ang gagawin ni Jehova sa digmaan? Nangangako siya na wawakasan niya ito magpakailanman. (Basahin ang Awit 46:8, 9.) Paano naman ang sakit? Aalisin niya ito. (Isa. 33:24) Ang kamatayan? Lalamunin ito ni Jehova magpakailanman! (Isa. 25:8) Wawakasan din niya ang kahirapan. (Awit 72:12-16) Aalisin din ni Jehova ang iba pang nakababalisang kalagayan na nagpapahirap sa buhay ngayon. Papawiin pa nga niya ang masamang “hangin” ng sistemang ito ng sanlibutan dahil mawawala na ang masamang impluwensiya ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo.—Efe. 2:2.

Isip-isipin ang isang mundong walang digmaan, sakit, o kamatayan! (Tingnan ang parapo 15)

15. Ano ang ilang bagay na tuluyang mawawala pagkatapos ng Armagedon?

15 Kaya mo bang ilarawan sa isip ang isang mundong walang digmaan, sakit, o kamatayan? Subukan mong isipin—wala nang hukbong sandatahan, pandagat, o panghimpapawid! Wala nang armas o monumento ng digmaan. Wala nang ospital, doktor, nars, o health insurance; wala na ring morge, punerarya, o sementeryo! At dahil wala nang krimen, mawawala na rin ang mga security guard, alarm system, pulisya, at malamang na pati kandado at susi! Mawawala na ang lahat ng nagdudulot ng kabalisahan sa ating puso at isip.

16, 17. (a) Ano ang ginhawang mararanasan ng mga makaliligtas sa Armagedon? Ilarawan. (b) Paano natin matitiyak na mananatili tayo kapag lumipas na ang masamang sanlibutang ito?

16 Ano ang magiging buhay natin kapag wala na ang mahihirap na kalagayan ngayon? Hindi madaling isipin ito. Bakit? Dahil matagal na tayong nabubuhay sa matandang sanlibutang ito, nasanay na tayo sa stress na dulot ng mahihirap na kalagayan. Katulad ito ng mga taong nakatira malapit sa istasyon ng tren na hindi na napapansin ang ingay, at ng mga nakatira malapit sa tambakan ng basura na nasanay na sa amoy nito. Pero kapag inalis na ang lahat ng di-kaaya-ayang mga bagay na ito—kay laking ginhawa niyan!

17 Ano ang papalit sa mahihirap na kalagayang nararanasan natin ngayon? Sinasagot iyan ng Awit 37:11: “Makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” Hindi ka ba naaantig sa mga salitang iyan? Iyan ang gusto ni Jehova para sa iyo. Kaya sa kabila ng mahihirap na kalagayan sa mga huling araw na ito, gawin mo ang lahat para manatiling malapít sa Diyos na Jehova at sa kaniyang organisasyon! Pahalagahan ang iyong pag-asa, bulay-bulayin ito, gawin itong totoo sa iyong puso at isip—at ibahagi rin ito sa iba! (1 Tim. 4:15, 16; 1 Ped. 3:15) Kapag ginawa mo iyan, makatitiyak ka na hindi ka lilipas kasama ng nahatulang sanlibutang ito. Sa halip, mananatili kang buháy at maligaya magpakailanman!

^ par. 1 Inilalarawan ng parapong ito ang isang kaugaliang ginagawa noon sa mga bilangguan sa ilang bahagi ng United States.