Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Sa 2013 nirebisang edisyon ng New World Translation of the Holy Scriptures, ang Awit 144:12-15 ay tumutukoy na sa bayan ng Diyos. Sa dating salin, tumutukoy ito sa masasamang banyaga, na binanggit sa talata 11. Bakit binago ang pananalita nito?

Ipinahihintulot ng orihinal na Hebreo ang parehong salin. Pero ang nirebisang pananalita ay batay sa mga sumusunod:

  1. Ang nirebisang pananalita ay sinusuportahan ng bokabularyo at balarila. Ang kaugnayan ng Awit 144:12-15 sa naunang mga talata ay nakadepende sa kahulugang ibibigay sa unang salita ng talata 12, na sa Hebreo ay asher. Ang asher ay puwedeng isalin sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, puwede itong ituring bilang isang panghalip na pamanggit, gaya ng “who” o “whom.” “Who” [“na” sa Tagalog] ang salitang ginamit sa dating salin. Bilang resulta, ang mabubuting bagay na binanggit sa talata 12 hanggang 14 ay ikinapit sa masasama na nabanggit sa naunang mga talata. Pero ang asher ay puwede ring tumukoy sa resulta o epekto at maisasalin bilang “that,” “so that,” o “then.” “Then” ang ginamit sa 2013 nirebisang edisyon at sa ibang mga salin ng Bibliya.

  2. Ang nirebisang pananalita ay tumutugma sa ibang bahagi ng awit. Ang paggamit ng “then” sa talata 12 ay nangangahulugan na ang mga pagpapalang binanggit sa talata 12 hanggang 14 ay kumakapit sa mga matuwid—ang mga humihiling na ‘mapalaya at mailigtas’ mula sa masasama (talata 11). Masasalamin din ang pagbabagong ito sa talata 15, na ngayon ay may dalawang magkaugnay na ideya. Ibig sabihin, ang dalawang pagbanggit sa ‘maligayang bayan’ ay parehong tumutukoy sa “bayan na ang Diyos ay si Jehova!” Mahalaga ring tandaan na ang orihinal na tekstong Hebreo ay walang bantas, gaya ng mga panipi. Kaya kailangang tiyakin ng mga tagapagsalin ang tamang diwa, na isinasaalang-alang ang istilong patula ng wikang Hebreo, ang konteksto, at ang mga kaugnay na talata sa Bibliya.

  3. Ang nirebisang pananalita ay kasuwato ng ibang mga bahagi ng Bibliya na may pangakong pagpapala para sa tapat na mga lingkod ng Diyos. Dahil sa binagong pagkakasalin ng pananalitang asher, makikita na ngayon sa awit ang pag-asang pinanghahawakan ni David na kapag iniligtas ng Diyos ang bansang Israel mula sa mga kaaway nito, pagpapalain Niya ang kaniyang bayan ng kaligayahan at kasaganaan. (Lev. 26:9, 10; Deut. 7:13; Awit 128:1-6) Halimbawa, sinasabi sa Deuteronomio 28:4: “Pagpapalain ang bunga ng iyong tiyan at ang bunga ng iyong lupa at ang bunga ng iyong alagang hayop, ang guya ng iyong mga baka at ang supling ng iyong kawan.” Kaya naman, noong naghahari ang anak ni David na si Solomon, ang Israel ay nagkaroon ng walang-katulad na kapayapaan at kasaganaan. Higit pa riyan, ang magagandang kalagayan noong naghahari si Solomon ay lumalarawan sa magiging pamamahala ng Mesiyas.—1 Hari 4:20, 21; Awit 72:1-20.

Bilang konklusyon, hindi naman nagbago ang pagkaunawa natin sa mga turo ng Bibliya dahil sa binagong pananalita sa Awit 144. Pero naging mas malinaw sa buong awit ang pag-asang pinakahihintay ng mga lingkod ni Jehova—ang pagpuksa ng Diyos sa masasama, na susundan ng namamalaging kapayapaan at kasaganaan para sa mga matuwid.—Awit 37:10, 11.