Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Hinirang na Lalaki—Matuto kay Timoteo

Mga Hinirang na Lalaki—Matuto kay Timoteo

NOONG nakaraang taon, libo-libong lalaki sa buong mundo ang hinirang bilang mga elder at mga ministeryal na lingkod. Kung isa ka sa mga brother na iyon, tiyak na maligaya ka sa bago mong pribilehiyo.

Pero baka nag-aalala ka rin. Sinabi ni Jason, isang elder, “Nang mahirang ako, pakiramdam ko, hindi ko kakayanin ang mga bagong responsibilidad.” Ganiyan din ang nadama ni Moises at ni Jeremias nang makatanggap sila ng bagong atas mula kay Jehova. Inisip nila na hindi nila ito kayang gampanan. (Ex. 4:10; Jer. 1:6) Paano mo mapagtatagumpayan ang gayong damdamin para patuloy kang sumulong? Tingnan natin ang halimbawa ng Kristiyanong alagad na si Timoteo.—Gawa 16:1-3.

TULARAN ANG HALIMBAWA NI TIMOTEO

Marahil ay mga 20 anyos si Timoteo nang isama siya ni apostol Pablo sa paglalakbay. Palibhasa’y kabataan pa, baka kulang si Timoteo ng kumpiyansa sa sarili at nag-aalangang gampanan ang kaniyang bagong atas. (1 Tim. 4:11, 12; 2 Tim. 1:1, 2, 7) Pero pagkaraan ng isang dekada, sinabi ni Pablo sa kongregasyon sa Filipos: “Umaasa ako sa Panginoong Jesus na maisugo sa inyo si Timoteo sa di-kalaunan . . . Sapagkat wala na akong iba pa na may saloobing katulad ng sa kaniya.”—Fil. 2:19, 20.

Ano ang nakatulong kay Timoteo na maging mahusay na elder? Tingnan ang anim na aral na matututuhan mo sa kaniyang halimbawa.

1. Talagang nagmalasakit siya sa mga tao. Sinabi ni Pablo sa mga kapatid sa Filipos: “Tunay na magmamalasakit [si Timoteo] sa mga bagay na may kinalaman sa inyo.” (Fil. 2:20) Oo, talagang interesado si Timoteo sa espirituwal na kapakanan ng mga tao at nagsakripisyo siya alang-alang sa kanila.

Iwasang maging gaya ng isang drayber ng bus na mas interesadong dumating sa terminal nang nasa oras kaysa sa magsakay ng mga pasahero. Si William, na mahigit 20 taon nang naglilingkod bilang elder, ay nagpayo sa mga bagong-hirang na brother: “Mahalin ninyo ang mga kapatid. Magpokus sa mga pangangailangan nila kaysa sa pag-oorganisa ng mga bagay-bagay sa kongregasyon.”

2. Inuna niya ang espirituwal na mga bagay. Inihambing ni Pablo si Timoteo sa ibang mga kapatid, at sinabi: “Ang lahat ng iba pa ay naghahangad ng kanilang sariling mga kapakanan, hindi yaong mga kay Kristo Jesus.” (Fil. 2:21) Nasa Roma si Pablo nang isulat niya iyan. Naobserbahan niya na personal na mga bagay ang inaatupag ng mga kapatid doon. Sa paanuman, hindi sila masipag sa espirituwal na mga gawain. Pero iba si Timoteo! Kapag may pagkakataon para makatulong sa ikasusulong ng mabuting balita, katulad niya ng saloobin si Isaias: “Narito ako! Isugo mo ako.”—Isa. 6:8.

Kaya paano mo babalansehin ang personal at espirituwal na mga obligasyon mo? Una, magtakda ng mga priyoridad. Sinabi ni Pablo na ‘tiyakin natin ang mga bagay na higit na mahalaga.’ (Fil. 1:10) Gawing priyoridad ang mga priyoridad ng Diyos. Ikalawa, huwag gawing komplikado ang mga bagay-bagay. Iwasan ang mga gawaing umuubos ng panahon at lakas. Pinayuhan ni Pablo si Timoteo: “Tumakas ka mula sa mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan, ngunit itaguyod mo ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, kapayapaan.”—2 Tim. 2:22.

3. Nagpagal siya sa sagradong paglilingkod. Pinaalalahanan ni Pablo ang mga taga-Filipos: “Alam ninyo ang katunayan na ipinakita [ni Timoteo] tungkol sa kaniyang sarili, na tulad ng isang anak sa ama ay nagpaalipin siyang kasama ko sa ikasusulong ng mabuting balita.” (Fil. 2:22) Hindi tamad si Timoteo. Naglingkod siya nang husto kasama ni Pablo, at dahil dito, tumibay ang kanilang pagkakaibigan.

Sa ngayon, napakaraming gawain sa organisasyon ng Diyos. Ang mga gawaing ito ay magbibigay sa iyo ng kasiyahan at maglalapít sa iyo sa mga kapatid. Kaya gawin mong tunguhin na lagi kang “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.”—1 Cor. 15:58.

4. Ikinapit niya ang mga natutuhan niya. Sumulat si Pablo kay Timoteo: “Maingat mong sinundan ang aking turo, ang aking landasin sa buhay, ang aking layunin, ang aking pananampalataya, ang aking mahabang pagtitiis, ang aking pag-ibig, ang aking pagbabata.” (2 Tim. 3:10) Dahil ikinapit ni Timoteo ang mga natutuhan niya, naging kuwalipikado siya sa karagdagang responsibilidad.—1 Cor. 4:17.

Mayroon ka bang mentor sa espirituwal? Kung wala pa, bakit hindi mo subukang humanap ng brother na magsasanay sa iyo? Naalaala ni Tom, isang matagal nang elder: “Tinulungan ako noon ng isang makaranasang elder at sinanay niya akong mabuti. Palagi kong hinihingi at sinusunod ang mga payo niya. Dahil dito, nagkaroon ako ng kumpiyansa sa sarili.”

5. Patuloy niyang sinanay ang kaniyang sarili. Pinayuhan ni Pablo si Timoteo: “Sanayin mo ang iyong sarili na ang tunguhin mo ay makadiyos na debosyon.” (1 Tim. 4:7) Kahit may coach ang isang atleta, kailangan pa rin niyang sanayin ang kaniyang sarili. Pinasigla ni Pablo si Timoteo: “Magsikap ka sa pangmadlang pagbabasa, sa pagpapayo, sa pagtuturo. . . . Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin sa mga iyon, upang ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao.”—1 Tim. 4:13-15.

Kailangan mong pasulungin ang iyong mga kakayahan. Patuloy na mag-aral at maging updated sa mga bagong tagubilin ng organisasyon. Iwasan din ang sobrang pagtitiwala sa sarili—na iniisip na marami ka nang karanasan para lutasin ang anumang problema nang hindi muna nagsasaliksik. Tulad ni Timoteo, “laging bigyang-pansin ang iyong sarili at ang iyong turo.”—1 Tim. 4:16.

6. Umasa siya sa espiritu ni Jehova. Tungkol sa ministeryo ni Timoteo, pinaalalahanan siya ni Pablo: “Ang mainam na pagkakatiwalang ito ay bantayan mo sa pamamagitan ng banal na espiritu na nananahan sa atin.” (2 Tim. 1:14) Para maingatan ni Timoteo ang kaniyang ministeryo, kailangan niyang umasa sa espiritu ng Diyos.

Si Donald, na maraming dekada nang naglilingkod bilang elder, ay nagsabi: “Dapat pahalagahan ng mga hinirang na lalaki ang kanilang kaugnayan sa Diyos. Ang mga gagawa nito ay ‘lalakad sa kalakasan at kalakasan.’ Kung mananalangin sila para sa espiritu ng Diyos at lilinangin ang bunga nito, magiging pagpapala sila sa mga kapatid.”—Awit 84:7; 1 Ped. 4:11.

PAHALAGAHAN ANG IYONG PRIBILEHIYO

Nakapagpapatibay makita ang maraming hinirang na brother, gaya mo, na sumusulong sa espirituwal. Si Jason, na binanggit sa simula, ay nagsabi: “Mula nang maging elder ako, marami akong natutuhan, at nadagdagan din ang kumpiyansa ko. Napakasaya ko ngayon sa atas ko, at para sa akin, isa itong napakagandang pribilehiyo!”

Gusto mo bang sumulong pa sa espirituwal? Tularan mo si Timoteo, at magiging pagpapala ka rin sa bayan ng Diyos.