Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Kabataan, Nakapokus Ba Kayo sa Espirituwal na mga Tunguhin?

Mga Kabataan, Nakapokus Ba Kayo sa Espirituwal na mga Tunguhin?

“Igulong mo ang iyong mga gawain kay Jehova at ang iyong mga plano ay matibay na matatatag.”—KAW. 16:3.

AWIT: 135, 144

1-3. (a) Anong hamon ang napapaharap sa lahat ng kabataan? Saan natin ito maihahambing? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Ano ang makatutulong sa mga Kristiyanong kabataan para maharap ito?

IPAGPALAGAY na may mahalaga kang pupuntahan sa malayong lugar. Para makarating doon, kailangan mong sumakay ng bus. Pagdating mo sa terminal, nakita mong napakaraming pasahero at mga bus. Mabuti na lang, alam mo kung saan ka pupunta at ang bus na dapat mong sakyan! Kung sasakay ka ng ibang bus, sa ibang lugar ka mapupunta.

2 Ang buhay ay parang mahabang paglalakbay. At ang mga kabataan ay gaya ng mga pasahero sa terminal ng bus. Kung minsan, nalilito sila sa dami ng mga oportunidad at desisyon na kailangan nilang gawin. Mga kabataan, magiging madali ito kung alam ninyo ang gusto ninyo sa buhay. Saan kayo dapat “pumunta”?

3 Sinasagot ng artikulong ito ang tanong na iyan. Pinasisigla nito ang mga kabataan na ipokus ang kanilang buhay kay Jehova. Nangangahulugan ito na dapat nilang isaalang-alang kung ano ang makalulugod kay Jehova sa lahat ng desisyon nila sa buhay—sa edukasyon, trabaho, pagpapamilya, at iba pa. Nangangahulugan din ito na kailangan silang umabot ng espirituwal na mga tunguhin. Kung magpopokus ang mga kabataan sa paglilingkod kay Jehova, siguradong pagpapalain sila ni Jehova at magtatagumpay sila sa buhay.—Basahin ang Kawikaan 16:3.

BAKIT KAILANGANG MAGKAROON NG ESPIRITUWAL NA MGA TUNGUHIN?

4. Ano ang susuriin natin sa artikulong ito?

4 Makabubuting magkaroon ng espirituwal na mga tunguhin habang nasa kabataan pa. Bakit? Tingnan ang tatlong dahilan. Ang unang dalawang dahilan ay magpapatibay ng kaugnayan ng isa kay Jehova; ang ikatlong dahilan naman ay ang mga kapakinabangan nito.

5. Ano ang pangunahing dahilan sa pagkakaroon ng espirituwal na mga tunguhin?

5 Ang pangunahing dahilan sa pagkakaroon ng espirituwal na mga tunguhin ay para ipakita ang ating pasasalamat sa pag-ibig ni Jehova at sa mga ginawa niya para sa atin. Sinabi ng salmista: “Mabuti ang magpasalamat kay Jehova . . . Sapagkat pinasaya mo ako, O Jehova, dahil sa iyong gawa; dahil sa mga gawa ng iyong mga kamay ay humihiyaw ako nang may kagalakan.” (Awit 92:1, 4) Bilang isang kabataan, isipin ang mga ibinigay sa iyo ni Jehova: ang buhay mo, ang pananampalataya mo, ang Bibliya, ang kongregasyon, at ang pag-asa mong mabuhay magpakailanman sa Paraiso. Kung magiging priyoridad mo ang espirituwal na mga bagay, maipakikita mo ang pasasalamat mo sa Diyos sa lahat ng mga pagpapalang ito, at dahil diyan, mas mapapalapít ka sa kaniya.

6. (a) Paano nakaaapekto ang espirituwal na mga tunguhin sa kaugnayan natin kay Jehova? (b) Anong mga tunguhin ang puwede mong abutin habang nasa kabataan ka pa?

6 Ang ikalawang dahilan sa pag-abót ng espirituwal na mga tunguhin ay para magkaroon ng rekord ng mabubuting gawa sa paningin ni Jehova. Mas mapapalapít ka sa kaniya dahil dito. Nangako si apostol Pablo: “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.” (Heb. 6:10) Kahit bata ka pa, puwede ka nang magkaroon ng mga tunguhin. Sa edad na 10, ipinasiya ni Christine na regular siyang magbabasa ng mga talambuhay ng tapat na mga Saksi. Sa edad naman na 12, naging tunguhin ni Toby na mabasa ang buong Bibliya bago siya mabautismuhan. Si Maxim ay 11 taóng gulang at 10 taóng gulang naman ang kapatid niyang si Noemi nang mabautismuhan sila. Pareho nilang tunguhin na maglingkod sa Bethel. Para makapanatili silang nakapokus sa tunguhin nila, naglagay sila ng isang aplikasyon para sa Bethel sa dingding ng kanilang bahay. Bakit hindi pag-isipan ang gusto mong mga tunguhin at magsikap na abutin ang mga iyon?—Basahin ang Filipos 1:10, 11.

7, 8. (a) Bakit madaling gumawa ng mga desisyon kung mayroon kang mga tunguhin? (b) Bakit ipinasiya ng isang tin-edyer na huwag nang mag-aral sa unibersidad?

7 Ang ikatlong dahilan sa pagkakaroon ng mga tunguhin ay dahil may epekto ito sa mga desisyon ng mga kabataan. Kailangan nilang gumawa ng mga desisyon tungkol sa edukasyon, trabaho, at iba pang bagay. Ang pagdedesisyon ay parang pagpili ng daan kapag nasa isang interseksiyon ka. Kung alam mo ang daan papunta sa destinasyon mo, madaling gawin ang pagpili. Sa katulad na paraan, kung alam mo ang iyong mga tunguhin, magiging madali rin sa iyo ang pagpapasiya. Sinasabi ng Kawikaan 21:5: “Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan.” Kung magpaplano ka at magtatakda ng magagandang tunguhin habang bata ka pa, mas maaga mong maaabot ang mga ito. Iyan ang naranasan ni Damaris nang kailangan niyang gumawa ng importanteng desisyon noong tin-edyer siya.

8 Nagtapos si Damaris ng high school nang may mataas na grades. Puwede sana niyang tanggapin ang isang scholarship at mag-aral ng abogasya sa isang unibersidad. Pero pinili niyang magtrabaho sa isang bangko. Bakit? “Bata pa lang ako, desidido na akong magpayunir. Kaya part-time na trabaho ang pinili ko. Kung kukuha ako ng abogasya, puwede akong kumita ng maraming pera, pero maliit ang tsansang makahanap ako ng part-time na trabaho.” Si Damaris ngayon ay 20 taon nang naglilingkod bilang payunir. Nadarama ba niyang tama ang pinili niyang tunguhin at ang desisyon niya noong tin-edyer siya? “Marami akong nakakausap na abogado sa bangkong pinagtatrabahuhan ko. Kapareho ko sana sila ng trabaho kung nag-aral ako ng abogasya. Pero marami sa kanila ang hindi naman masaya sa trabaho nila. Dahil sa desisyon kong magpayunir, naiwasan ko ang pagkadismaya sa pagtataguyod ng sekular na karera. Sa halip, naranasan ko ang maraming taon ng masayang paglilingkod kay Jehova.”

9. Bakit dapat papurihan ang mga kabataang brother at sister?

9 Libo-libong kabataang brother at sister sa buong mundo ang karapat-dapat papurihan. Inuuna nila si Jehova sa kanilang buhay at nagpopokus sila sa espirituwal na mga tunguhin. Masayang-masaya ang buhay ng mga kabataang ito habang natututuhan nilang sundin ang mga payo ni Jehova tungkol sa edukasyon, trabaho, at buhay pampamilya. “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso,” ang isinulat ni Solomon. “Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” (Kaw. 3:5, 6) Ang mga kabataan sa kongregasyong Kristiyano ay mahalaga kay Jehova. Mahal na mahal niya sila; pinoprotektahan, ginagabayan, at pinagpapala sila.

MAGING HANDANG MAGPATOTOO

10. (a) Bakit dapat na maging isa sa mga priyoridad natin ang pangangaral? (b) Paano tayo magiging mahusay sa ministeryo?

10 Kapag gustong-gustong mapasaya ng isang kabataan si Jehova, magiging mahalaga sa kaniya ang ministeryo. Idiniin ni Jesu-Kristo na “kailangang ipangaral muna ang mabuting balita.” (Mar. 13:10) Dahil napakaapurahan ng gawaing pangangaral, dapat na maging isa ito sa mga priyoridad natin. Puwede mo bang gawing tunguhin na makibahagi nang mas madalas sa ministeryo? Puwede ka bang magpayunir? Pero paano kung hindi ka masyadong nasisiyahan sa pangangaral? At paano ka magiging mas mahusay sa pagpapatotoo? Makatutulong ang dalawang hakbang: Maghandang mabuti, at huwag sumuko sa pagpapatotoo sa iba. Baka magulat ka na napakasaya pala ng gawaing pangangaral.

Paano ka naghahanda para makapagpatotoo? (Tingnan ang parapo 11, 12)

11, 12. (a) Ano ang puwedeng gawin ng mga kabataan para maging handang magpatotoo? (b) Paano ginamit ng isang kabataan ang pagkakataong mangaral sa paaralan?

11 Puwede mo itong umpisahan sa paghahanda ng sagot sa isang karaniwang tanong ng mga kaeskuwela mo, gaya ng “Bakit ka naniniwalang may Diyos?” Ang ating website na jw.org ay may mga artikulong tutulong sa mga kabataan na masagot ang tanong na iyan. Tingnan sa TURO NG BIBLIYA > TIN-EDYER. Makikita mo roon ang worksheet na may pamagat na “Bakit Ako Naniniwalang May Diyos?” Makatutulong ang worksheet na ito para makapaghanda ka ng sariling sagot. Nagbibigay ito ng tatlong teksto na puwede mong gamitin para ipaliwanag ang iyong paniniwala—Hebreo 3:4, Roma 1:20, at Awit 139:14. Ang ganitong mga worksheet ay tutulong para makapaghanda ka ng sagot sa iba’t ibang tanong.—Basahin ang 1 Pedro 3:15.

12 Kung may pagkakataon ka, ituro mo sa mga kaeskuwela mo ang jw.org. Ganiyan ang ginawa ng binatilyong si Luca. Pinag-uusapan noon sa klase nila ang iba’t ibang relihiyon, at nakita ni Luca na ang kanilang textbook ay naglalaman ng ilang maling ideya tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Kahit kinakabahan, humingi siya ng pahintulot sa guro na ituwid ang maling impormasyong iyon, at pumayag ang guro. Kaya naman, naipaliwanag ni Luca sa buong klase ang kaniyang mga paniniwala, at naipakita rin niya sa kanila ang ating website. Bilang homework, sinabi ng guro sa mga estudyante na panoorin ang whiteboard animation na Talunin ang Bully Nang Hindi Nakikipag-away. Napakasaya ni Luca dahil nakapagpatotoo siya!

13. Bakit hindi tayo dapat sumuko kapag napapaharap sa mga problema?

13 Huwag panghinaan ng loob kapag may mga problemang dumarating. (2 Tim. 4:2) Manatiling nakapokus sa iyong mga tunguhin. Si Katharina ay 17 taóng gulang nang gawin niyang tunguhin na mapangaralan ang bawat katrabaho niya. Kahit paulit-ulit siyang iniinsulto ng isang katrabaho, hindi siya sumuko. Napansin ng katrabaho niyang si Hans ang kaniyang mabuting paggawi. Kaya nagbasa ito ng ating mga publikasyon, nag-aral ng Bibliya, at nabautismuhan. Hindi na ito nalaman ni Katharina dahil lumipat na siya sa ibang lugar. Pagkaraan ng 13 taon, habang nakaupo si Katharina sa Kingdom Hall kasama ng kaniyang pamilya, nasorpresa siya nang ipakilala ang dumadalaw na tagapagsalita—si Hans! Mabuti na lang at hindi sumuko si Katharina sa kaniyang tunguhin na magpatotoo sa mga katrabaho niya!

HUWAG KALIMUTAN ANG IYONG MGA TUNGUHIN

14, 15. (a) Ano ang dapat tandaan ng mga kabataan kapag ginigipit sila ng iba? (b) Paano mapagtatagumpayan ng mga kabataan ang panggigipit ng ibang kabataan?

14 Pinasigla ka ng artikulong ito na ipokus ang iyong buhay sa paglilingkod kay Jehova at magkaroon ng espirituwal na mga tunguhin. Baka nakasentro ang buhay ng ibang kaedaran mo sa pagpapakasaya, at malamang na gusto nilang gayahin mo sila. Kaya dapat mong ipakita sa kanila kung gaano kahalaga sa iyo na maabot ang iyong mga tunguhin. Huwag magpadala sa panggigipit ng ibang kabataan. Pag-isipan muli ang ilustrasyon natin tungkol sa bus. Sasakay ka ba ng kahit anong bus dahil lang sa mukhang nagkakasayahan ang mga tao roon? Siyempre hindi!

15 May mga paraan para mapagtagumpayan ang panggigipit ng ibang kabataan. Halimbawa, iwasan ang mga sitwasyon na puwede kang madala ng panggigipit nila. (Kaw. 22:3) At laging tandaan ang masasamang resulta ng pagtulad sa maling ginagawa ng iba. (Gal. 6:7) Makatutulong din kung hihingi ka ng payo. Maging mapagpakumbaba at pakinggan ang mga mungkahi ng iyong mga magulang at ng mga kapatid na mahuhusay sa espirituwal.—Basahin ang 1 Pedro 5:5, 6.

16. Magbigay ng karanasan tungkol sa kahalagahan ng kapakumbabaan.

16 Kapakumbabaan ang nakatulong kay Christoph na tanggapin ang magandang payo. Di-nagtagal pagkatapos ng kaniyang bautismo, nagsimula siyang magpunta nang regular sa isang fitness center. Niyaya siya ng ibang kabataan doon na sumali sa sports club nila. Ipinakipag-usap niya ito sa isang elder. Sinabi ng elder kay Christoph na pag-isipan ang mga panganib bago gumawa ng desisyon. Halimbawa, baka matuto siyang makipagkompetisyon. Pero sumali pa rin si Christoph. Di-nagtagal, napansin niya na marahas ang sport, at delikado pa nga. Ipinakipag-usap niya muli ito sa mga elder, at lahat sila ay nagbigay ng makakasulatang payo. Sinabi ni Christoph, “Gumamit si Jehova ng mabubuting tagapayo, at sa wakas, nakinig ako sa Kaniya.” Magiging mapagpakumbaba ka rin ba at tatanggap ng mabuting payo?

17, 18. (a) Ano ang gusto ni Jehova para sa mga kabataan ngayon? (b) Paano mo maiiwasang pagsisihan ang mga desisyon mo kapag adulto ka na? Magbigay ng karanasan.

17 “Magsaya ka . . . sa iyong kabataan, at dulutan ka nawa ng iyong puso ng kabutihan sa mga araw ng iyong [kabataan].” (Ecles. 11:9) Oo, gusto ni Jehova na maging masaya ka sa iyong kabataan. Itinampok ng artikulong ito ang isang paraan para maging masaya ang iyong buhay. Manatiling nakapokus sa espirituwal na mga tunguhin, at isama si Jehova sa lahat ng plano mo. Kung gagawin mo ito habang nasa kabataan ka pa, mas maaga mong mararanasan ang gabay, proteksiyon, at pagpapala ni Jehova. Pag-isipan ang lahat ng magagandang payo mula sa Salita ng Diyos, at isapuso ang sinasabi ng Eclesiastes 12:1: “Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong [kabataan].”

18 Ang mga kabataan ay hindi mananatiling mga kabataan; magiging adulto rin sila. Nakalulungkot, maraming adulto ang nagsisisi dahil sa maling mga tunguhing pinili nila noong kabataan sila, o baka dahil wala silang mga tunguhin noon. Pero ang mga kabataang nakapokus sa espirituwal na mga tunguhin ay tiyak na magiging masaya sa mga desisyon nila hanggang sa maging adulto sila. Ganiyan ang nadama ni Mirjana. Napakahusay niya sa sports noong tin-edyer siya. Inanyayahan siyang sumali sa Winter Olympic Games, pero pinili niyang maglingkod nang buong panahon. Makalipas ang mahigit 30 taon, nasa buong-panahong paglilingkod pa rin siya kasama ng kaniyang asawa. Ipinaliwanag niya: “Ang kasikatan, karangalan, kapangyarihan, at kayamanan ay pansamantala lang at mabababang uri ng tunguhin sa buhay. Ang mga tunguhin na talagang marangal at nagtatagal ay ang maglingkod sa Diyos at makibahagi kahit sa maliit na paraan para tulungan ang iba sa espirituwal.”

19. Paano ka makikinabang kung magpopokus ka sa espirituwal na mga tunguhin habang nasa kabataan ka?

19 Karapat-dapat komendahan ang mga kabataan sa kongregasyon dahil pinagtatagumpayan nila ang mga hamong ito at nakapokus ang kanilang buhay sa paglilingkod kay Jehova. Umaabot sila ng espirituwal na mga tunguhin at priyoridad nila ang gawaing pangangaral. Determinado rin sila na huwag mailihis ng mundong ito. Makatitiyak ang mga kabataan na sulit ang kanilang pagsisikap. Nasa kanila ang maibiging suporta ng mga kapatid, at dahil ‘iginugulong nila ang kanilang mga gawain kay Jehova,’ ang kanilang mga plano sa buhay ay tiyak na magtatagumpay.