Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Bakit hindi dapat i-post ang mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova sa personal na website o sa social media?
Dahil ipinamamahagi natin ang ating salig-Bibliyang mga publikasyon nang walang bayad, inaakala ng iba na puwede nang kopyahin ang mga ito at i-post sa ibang website o sa social media. Gayunman, ang paggawa nito ay labag sa Kasunduan sa Paggamit * ng ating mga website at nagdulot ito ng malulubhang problema. Malinaw na binabanggit sa Kasunduan na iyon na hindi pinahihintulutan ang sinuman na “mag-post sa Internet (anumang website, file-sharing site, video-sharing site, o social network) ng anumang artwork, elektronikong publikasyon, trademark, musika, larawan, video, o artikulo mula sa website na ito.” Bakit kailangan ang restriksiyong ito?
Lahat ng materyal sa ating mga website ay may copyright. Ginagamit ng mga apostata at mga sumasalansang ang ating mga publikasyon sa kanilang mga website bilang pain sa mga Saksi ni Jehova at sa ibang tao. Sa kanilang mga website, may materyal na dinisenyo para magtanim ng pag-aalinlangan sa isip ng mga mambabasa. (Awit 26:4; Kaw. 22:5) Ginamit naman ng iba ang materyal na galing sa ating mga publikasyon o ang jw.org logo para sa mga advertisement, sa mga produktong ibinebenta, at sa mga mobile device app. Dahil mayroon tayong proteksiyon ng copyright at trademark, may legal na saligan tayo para maiwasan ang ganitong maling paggamit. (Kaw. 27:12) Pero kung hahayaan natin ang iba, kahit ang mga kapatid, na i-post ang nilalaman ng ating mga website sa ibang website, o gamitin ang jw.org trademark para magbenta ng mga produkto, baka hindi suportahan ng korte ang ating mga pagsisikap na pigilan ang mga sumasalansang at mga nagnenegosyo.
Mapanganib ang mag-download ng ating mga publikasyon mula sa ibang website bukod sa jw.org. Sa “tapat at maingat na alipin” lang ipinagkatiwala ni Jehova ang responsibilidad na maglaan ng espirituwal na pagkain. (Mat. 24:45) Para magawa ito, ang tanging ginagamit ng “alipin” ay ang opisyal nitong mga website—www.pr418.com, tv.pr418.com, at wol.pr418.com. At tatlo lang ang ating opisyal na app para sa mga mobile device—JW Language®, JW Library®, at JW Library Sign Language®. Makapagtitiwala tayo na ang mga paglalaang ito ay walang advertisement o hindi kontaminado ng sanlibutan ni Satanas. Kung ang espirituwal na pagkain ay magmumula sa iba pang paraan, walang garantiya na hindi ito binago o naging kontaminado.—Awit 18:26; 19:8.
Karagdagan pa, kung magpo-post tayo ng ating mga publikasyon sa mga website kung saan puwedeng mag-comment ang iba, nabibigyan ng pagkakataon ang mga apostata at mga kritiko na magtanim ng pag-aalinlangan sa organisasyon ni Jehova. May ilang kapatid na nauwi sa pakikipagdebate online, na lalo pang nagdulot ng kasiraan sa pangalan ni Jehova. Hindi angkop na lugar ang mga online forum para “[magturo] nang may kahinahunan doon sa mga hindi nakahilig sa mabuti.” (2 Tim. 2:23-25; 1 Tim. 6:3-5) Mayroon ding mga pekeng social media account at website na nakapangalan sa organisasyon, sa Lupong Tagapamahala, at sa mga miyembro nito. Pero walang personal na Web page o social media account ang sinumang miyembro ng Lupong Tagapamahala.
Maipalalaganap natin ang ‘mabuting balita’ kung aakayin natin ang mga tao sa jw.org. (Mat. 24:14) Patuloy na pinahuhusay ang mga digital tool na natatanggap natin para sa ating ministeryo. Gusto nating makinabang sa mga ito ang lahat ng tao. Kaya naman, gaya ng nakasaad sa Kasunduan sa Paggamit, puwede kang mag-e-mail sa iba ng elektronikong kopya ng isang publikasyon o mag-share ng isang link ng materyal mula sa jw.org. Kung aakayin natin sa ating opisyal na mga website ang mga taong interesado, inaakay natin sila sa tanging tunay na pinagmumulan ng espirituwal na pagkain, “ang tapat at maingat na alipin.”
^ par. 1 Sa ibabang bahagi ng home page sa jw.org, may link para sa Kasunduan sa Paggamit, at ang mga restriksiyon dito ay kapit sa lahat ng nilalaman ng ating mga website.