Tularan si Jehova—Ang Diyos na Nagbibigay ng Pampatibay-Loob
“Pagpalain nawa ang Diyos . . . na umaaliw [o, nagpapatibay-loob] sa amin sa lahat ng aming kapighatian.”—2 COR. 1:3, 4.
1. Anong pampatibay-loob ang ibinigay ni Jehova nang maghimagsik sina Adan at Eva?
SI Jehova ang Diyos na nagbibigay ng pampatibay-loob. Halimbawa, pagkatapos ng paghihimagsik sa Eden, agad siyang nagbigay ng pampatibay-loob para sa magiging mga inapo ni Adan. Ang hula sa Genesis 3:15 ay nangangakong mapupuksa ang “orihinal na serpiyente,” si Satanas na Diyablo, pati na ang lahat ng kaniyang masasamang gawa. Kapag naunawaan ito ng mga tao, magbibigay ito sa kanila ng pag-asa.—Apoc. 12:9; 1 Juan 3:8.
PINATIBAY-LOOB NI JEHOVA ANG MGA LINGKOD NIYA NOON
2. Paano pinatibay-loob ni Jehova si Noe?
2 Si Noe, isang lingkod ni Jehova, ay nabuhay sa isang di-makadiyos na sanlibutan. Siya lang at ang pamilya niya ang sumasamba kay Jehova. Dahil laganap ang karahasan at kahalayan, baka pinanghinaan ng loob si Noe. (Gen. 6:4, 5, 11; Jud. 6) Pero may sinabi si Jehova na nagpatibay-loob sa kaniya para patuloy siyang “lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” (Gen. 6:9) Sinabi ni Jehova kay Noe na wawakasan Niya ang masamang sanlibutang iyon, at ipinaliwanag sa kaniya kung ano ang dapat niyang gawin para maligtas ang kaniyang pamilya. (Gen. 6:13-18) Ipinakita ni Jehova kay Noe na Siya ang Diyos na pinagmumulan ng pampatibay-loob.
3. Anong pampatibay-loob ang tinanggap ni Josue? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
3 Nang maglaon, pinatibay-loob ni Jehova ang lingkod niyang si Josue na nakatanggap ng mabigat na atas. Pangungunahan ni Josue ang bayan ng Diyos sa pagsakop sa Lupang Pangako at sa paglupig sa makapangyarihang mga hukbo ng mga bansang naroroon. Alam ni Jehova na may dahilang matakot si Josue kaya inutusan niya si Moises: “Atasan mo si Josue at patibayin mo ang kaniyang loob at palakasin mo siya, sapagkat siya ang tatawid sa unahan ng bayang ito at siya ang magpapangyaring manahin nila ang lupain na makikita mo.” (Deut. 3:28) Bago makipaglaban si Josue, pinatibay-loob siya ni Jehova: “Hindi ba kita inutusan? Magpakalakas-loob ka at magpakatibay. Huwag kang magitla o masindak, sapagkat si Jehova na iyong Diyos ay sumasaiyo saan ka man pumaroon.” (Jos. 1:1, 9) Tiyak na napatibay-loob si Josue!
4, 5. (a) Anong pampatibay-loob ang ibinigay ni Jehova sa kaniyang sinaunang bayan? (b) Paano pinatibay-loob ni Jehova ang kaniyang Anak?
4 Nagbigay si Jehova ng pampatibay-loob hindi lang sa mga indibiduwal kundi pati rin sa kaniyang bayan bilang isang grupo. Halimbawa, alam ni Jehova na mangangailangan ng kaaliwan ang mga Judio na magiging bihag sa Babilonya, kaya sinabi niya: “Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo. Huwag kang luminga-linga, sapagkat ako ang iyong Diyos. Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita. Talagang aalalayan kitang mabuti sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng katuwiran.” (Isa. 41:10) Ganiyan din ang pampatibay-loob ni Jehova sa unang mga Kristiyano, at sa kaniyang mga lingkod sa ngayon.—Basahin ang 2 Corinto 1:3, 4.
5 Tumanggap din ng pampatibay-loob si Jesus mula sa kaniyang Ama. Noong panahon ng kaniyang bautismo, narinig ni Jesus ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.” (Mat. 3:17) Tiyak na napalakas si Jesus ng mga salitang iyon noong panahon ng kaniyang ministeryo!
PINATIBAY-LOOB NI JESUS ANG IBA
6. Paano nagsisilbing pampatibay-loob ang talinghaga tungkol sa mga talento?
6 Tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama sa pagbibigay ng pampatibay-loob. Halimbawa, sa talinghaga ni Jesus tungkol sa mga talento, pinasigla niya ang iba na maging tapat. Binigyang-dangal ng panginoon ang bawat tapat na alipin sa pagsasabi: “Mahusay, mabuti at tapat na alipin! Naging tapat ka sa kaunting bagay. Aatasan kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.” (Mat. 25:21, 23) Pinatitibay-loob nga tayo nito na patuloy na maglingkod nang tapat kay Jehova!
7. Anong pampatibay-loob ang ibinigay ni Jesus sa mga apostol, lalo na kay Pedro?
7 Madalas pagtalunan ng mga apostol ni Jesus kung sino sa kanila ang pinakadakila, pero matiyaga silang pinasigla ni Jesus na maging mapagpakumbaba at maglingkod sa iba, sa halip na maging mga panginoon. (Luc. 22:24-26) Ilang beses na nakagawa ng pagkakamali si Pedro, na ikinadismaya ni Jesus. (Mat. 16:21-23; 26:31-35, 75) Pero hindi itinakwil ni Jesus si Pedro. Sa halip, pinatibay-loob niya ito at inatasan pa ngang palakasin ang kaniyang mga kapatid.—Juan 21:16.
PAMPATIBAY-LOOB NOONG SINAUNANG PANAHON
8. Paano pinatibay-loob ni Hezekias ang mga pinuno ng militar at ang mga taga-Juda?
8 Bago pa man nagpakita si Jesus ng sakdal na halimbawa sa pagbibigay ng pampatibay-loob, alam na ng tapat na mga lingkod ni Jehova noon na kailangan nilang patibaying-loob ang iba. Halimbawa, nang mapaharap sa banta ng mga Asiryano, tinipon ni Hezekias ang mga pinuno ng militar at ang mga taga-Juda para patibaying-loob sila. “At ang bayan ay nagsimulang manalig sa mga salita ni Hezekias.”—Basahin ang 2 Cronica 32:6-8.
9. Ano ang matututuhan natin sa aklat ng Job tungkol sa pagbibigay ng pampatibay-loob?
9 Bagaman nangangailangan si Job ng kaaliwan, tinuruan niya ang kaniyang “mapanligalig na mga mang-aaliw” kung paano magbibigay ng pampatibay-loob. Sinabi niya na kung siya ang nasa kalagayan nila, ‘palalakasin niya sila sa pamamagitan ng mga salita ng kaniyang bibig, at ang pang-aaliw ng kaniyang mga labi’ ay magdudulot sa kanila ng ginhawa. (Job 16:1-5) Pero nang maglaon, tumanggap din ng pampatibay-loob si Job mula kay Elihu at kay Jehova mismo.—Job 33:24, 25; 36:1, 11; 42:7, 10.
10, 11. (a) Bakit nangailangan ng pampatibay-loob ang anak na babae ni Jepte? (b) Sino sa ngayon ang nangangailangan ng gayunding pampatibay-loob?
10 Nangailangan din ng pampatibay-loob ang anak na babae ni Jepte. Bago makipaglaban sa mga Ammonita, nanata si Hukom Jepte na kung tutulungan siya ni Jehova na magtagumpay, ibibigay niya ang unang tao na sasalubong sa kaniya para maglingkod kay Jehova sa santuwaryo. Nagtagumpay nga ang Israel, pero ang unang sumalubong sa kaniya para ipagdiwang ang kaniyang tagumpay ay ang kaniyang anak na babae, na kaisa-isa. Lungkot na lungkot si Jepte, pero tinupad niya ang kaniyang panata. Pinapunta niya sa Shilo ang kaniyang anak na dalaga para buong-buhay na itong maglingkod sa tabernakulo.—Huk. 11:30-35.
11 Mahirap ito para kay Jepte, pero tiyak na mas mahirap ito para sa kaniyang anak, na kusang-loob na sumunod sa desisyon ng kaniyang ama. (Huk. 11:36, 37) Kaya naman tinalikuran na niya ang karapatang makapag-asawa, magkaanak, at maipagpatuloy ang pangalan at mana ng kanilang angkan. Higit kanino man, talagang nangangailangan siya ng kaaliwan at pampatibay-loob. Sinasabi ng Bibliya: “Naging tuntunin sa Israel: Na taun-taon ay yumayaon ang mga anak na babae ng Israel upang magbigay ng papuri sa anak ni Jepte na Gileadita, apat na araw sa isang taon.” (Huk. 11:39, 40) Hindi ba karapat-dapat din sa komendasyon at pampatibay-loob ang mga Kristiyanong hindi nag-asawa para mas maasikaso ang “mga bagay ng Panginoon”?—1 Cor. 7:32-35.
PINATIBAY-LOOB NG MGA APOSTOL ANG MGA KAPATID
12, 13. Paano ‘pinalakas ni Pedro ang kaniyang mga kapatid’?
12 Noong gabi bago mamatay si Jesus, sinabi niya kay apostol Pedro: “Simon, Simon, narito! hiningi ni Satanas na kayo ay mapasakaniya upang salain kayong gaya ng trigo. Ngunit nagsumamo na ako para sa iyo na ang iyong pananampalataya ay huwag manghina; at ikaw, kapag nakabalik ka na, palakasin mo ang iyong mga kapatid.”—Luc. 22:31, 32.
13 Si Pedro ay nagsilbing haligi sa sinaunang kongregasyong Kristiyano. (Gal. 2:9) Naging pampatibay-loob sa mga kapatid ang halimbawang ipinakita niya mula noong Pentecostes. Matapos maglingkod nang maraming taon, sumulat siya sa mga kapuwa Kristiyano: “Sinulatan ko kayo ng kakaunting salita, upang magbigay ng pampatibay-loob at ng isang marubdob na patotoo na ito ang tunay na di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos; na dito ay tumayo kayong matatag.” (1 Ped. 5:12) Ang mga liham ni Pedro ay patuloy na nagsisilbing pampatibay-loob sa mga Kristiyano mula noon hanggang ngayon. Kailangang-kailangan natin ang pampatibay-loob na ito habang hinihintay natin ang katuparan ng mga pangako ni Jehova!—2 Ped. 3:13.
14, 15. Paano naging pampatibay-loob sa lahat ng Kristiyano ang mga isinulat ni apostol Juan?
14 Si apostol Juan ay haligi rin ng sinaunang kongregasyong Kristiyano. Ang kaniyang kapana-panabik na ulat ng Ebanghelyo tungkol sa ministeryo ni Jesus ay nagsisilbing pampatibay-loob sa mga Kristiyano mula noon hanggang ngayon. Sa kaniyang Ebanghelyo lang mababasa ang sinabi ni Jesus na pag-ibig ang pagkakakilanlan ng kaniyang mga tunay na alagad.—Basahin ang Juan 13:34, 35.
15 Marami pang mahahalagang hiyas ng katotohanan sa tatlong liham ni Juan. Kapag pinanghihinaan tayo ng loob dahil sa ating mga pagkakamali, hindi ba nakagiginhawang mabasa na “nililinis tayo ng dugo ni Jesus . . . mula sa lahat ng kasalanan”? (1 Juan 1:7) At kung hinahatulan pa rin tayo ng ating puso, nakaaaliw malaman na “ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso.” (1 Juan 3:20) Si Juan lang ang manunulat ng Bibliya na nagsabing “ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8, 16) Sa kaniyang ikalawa at ikatlong liham, pinapupurihan niya ang mga Kristiyano na patuloy na “lumalakad sa katotohanan.”—2 Juan 4; 3 Juan 3, 4.
16, 17. Anong pampatibay-loob ang ibinigay ni apostol Pablo sa unang mga Kristiyano?
16 Sa lahat ng apostol, malamang na si Gawa 8:14; 15:2) Ang mga Kristiyano sa Judea ay nangangaral tungkol kay Kristo sa mga taong naniniwala sa iisang Diyos dahil sa impluwensiya ng Judaismo. Pero si apostol Pablo ay isinugo ng banal na espiritu para mangaral sa mga Griego, Romano, at sa iba pa na sumasamba sa maraming diyos.—Gal. 2:7-9; 1 Tim. 2:7.
Pablo ang nakapagpatibay-loob nang husto sa mga kapatid. Noong nagsisimula pa lang ang Kristiyanismo, lumilitaw na karamihan sa mga apostol ay nanatili sa Jerusalem, kung saan naroroon ang lupong tagapamahala. (17 Naglakbay si Pablo sa lugar na kilalá ngayon bilang Turkey, gayundin sa Gresya at Italya, at nagtatag siya ng mga kongregasyon sa lugar ng mga di-Judio. Ang mga bagong-kumberteng Kristiyanong ito ay ‘nagdusa sa mga kamay ng kanilang sariling mga kababayan’ at nangangailangan ng pampatibay-loob. (1 Tes. 2:14) Noong bandang 50 C.E., sumulat si Pablo sa bagong kongregasyon sa Tesalonica: “Lagi naming pinasasalamatan ang Diyos kapag binabanggit namin sa aming mga panalangin ang may kinalaman sa inyong lahat, sapagkat walang-lubay naming isinasaisip ang inyong tapat na gawa at ang inyong maibiging pagpapagal at ang inyong pagbabata.” (1 Tes. 1:2, 3) Pinayuhan din niya sila na palakasin ang isa’t isa: “Patuloy ninyong aliwin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa.”—1 Tes. 5:11.
NAGBIGAY NG PAMPATIBAY-LOOB ANG LUPONG TAGAPAMAHALA
18. Paano pinatibay-loob ng lupong tagapamahala noong unang siglo si Felipe?
18 Pinatibay-loob ng lupong tagapamahala noong unang siglo ang mga kapatid na nangunguna at ang mga Kristiyano sa kabuoan. Nang mangaral si Felipe na ebanghelisador sa mga Samaritano tungkol sa Kristo, sinuportahan siya ng lupong tagapamahala. Isinugo nila ang dalawang miyembro nila, sina Pedro at Juan, para ipanalangin na tumanggap ng banal na espiritu ang mga bagong mananampalataya. (Gawa 8:5, 14-17) Tiyak na napatibay-loob si Felipe at ang mga bagong kapatid na iyon dahil sa suportang ipinakita ng lupong tagapamahala!
19. Paano nakaapekto sa unang mga Kristiyano ang liham na ipinadala ng lupong tagapamahala?
19 Nang maglaon, kinailangang magpasiya ang lupong tagapamahala kung dapat magpatuli ang mga Kristiyanong di-Judio, gaya ng kahilingan sa mga Judio sa ilalim ng Kautusan ni Moises. (Gawa 15:1, 2) Sa patnubay ng banal na espiritu at ng Kasulatan, napagpasiyahan ng lupong tagapamahala na hindi na ito kailangan. Sumulat sila sa mga kongregasyon para ipaliwanag ang desisyon, at nagsugo ng mga kinatawan para ihatid ang liham. Ang resulta? “Pagkabasa nito, sila ay nagsaya dahil sa pampatibay-loob.”—Gawa 15:27-32.
20. (a) Paano pinatitibay-loob ng Lupong Tagapamahala ngayon ang mga kapatid sa buong daigdig? (b) Anong tanong ang sasagutin sa susunod na artikulo?
20 Sa ngayon, ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay nagbibigay ng pampatibay-loob sa mga miyembro ng pamilyang Bethel, sa mga nasa pantanging buong-panahong paglilingkod sa larangan, at sa buong kapatiran. Katulad ng mga kapatid noong unang siglo, nagsasaya tayo dahil sa pampatibay-loob! Noong 2015, inilathala ng Lupong Tagapamahala ang brosyur na Manumbalik Ka kay Jehova na nagsilbing pampatibay-loob sa marami. Pero ang mga brother na nangunguna lang ba ang dapat tumulad kay Jehova sa pagbibigay ng pampatibay-loob? Malalaman natin ang sagot sa susunod na artikulo.