Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 16

Ipagtanggol ang Katotohanan Tungkol sa Kamatayan

Ipagtanggol ang Katotohanan Tungkol sa Kamatayan

‘Makikita natin ang pagkakaiba ng kinasihang kapahayagan ng katotohanan at ng kinasihang kapahayagan ng kamalian.’—1 JUAN 4:6.

AWIT 73 Bigyan Mo Kami ng Katapangan

NILALAMAN *

Sa halip na sumunod sa mga kaugaliang ayaw ng Diyos, aliwin ang iyong mga kapamilyang namatayan (Tingnan ang parapo 1-2) *

1-2. (a) Paano dinadaya ni Satanas ang mga tao? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

MULA pa noong panahon nina Adan at Eva, ang mga tao ay dinadaya na ni Satanas, ang “ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Kasama sa mga kasinungalingan niya ang mga maling turo tungkol sa kamatayan at ang tungkol sa kabilang-buhay. Ang mga turong ito ay naging basehan ng maraming popular na kaugalian at pamahiin. Kaya may mga kapatid na kailangang “puspusang makipaglaban ukol sa pananampalataya” kapag may namatay sa pamilya nila o komunidad.—Jud. 3.

2 Kung napapaharap ka sa ganiyang pagsubok, ano ang makakatulong sa iyo na makapanindigan sa itinuturo ng Bibliya tungkol sa kamatayan? (Efe. 6:11) Paano mo tutulungan at palalakasin ang isang kapananampalatayang pinipilit sumunod sa mga kaugaliang ayaw ng Diyos? Tatalakayin sa artikulong ito ang mga simulaing ibinigay ni Jehova na makakatulong sa atin. Pero alamin muna natin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kamatayan.

KATOTOHANAN TUNGKOL SA KALAGAYAN NG PATAY

3. Ano ang resulta ng unang kasinungalingan?

3 Ayaw ng Diyos na mamatay ang mga tao. Pero para mabuhay magpakailanman, kailangan nina Adan at Eva na sumunod kay Jehova, na nagbigay ng isang simpleng utos: “Kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Gen. 2:16, 17) Pero pumasok sa eksena si Satanas. Sa pamamagitan ng serpiyente, sinabi niya kay Eva: “Tiyak na hindi kayo mamamatay.” Naniwala si Eva sa kasinungalingang iyon at kinain ang bunga. Pagkatapos, kumain din ang asawa niya. (Gen. 3:4, 6) Dahil diyan, ang lahat ng tao ay nagkakasala at namamatay.—Roma 5:12.

4-5. Paano patuloy na dinadaya ni Satanas ang mga tao?

4 Namatay nga sina Adan at Eva, gaya ng sinabi ng Diyos. Pero hindi pa rin tumigil si Satanas. Gumawa siya ng iba pang kasinungalingan tungkol sa kamatayan. Isa sa mga ito ang turo na kapag namatay ang tao, may humihiwalay sa katawan niya na patuloy na nabubuhay, marahil sa mundo ng mga espiritu. Hanggang ngayon, napakaraming tao ang nadadaya ng ganoong uri ng kasinungalingan.—1 Tim. 4:1.

5 Bakit napakaraming nadadaya? Alam kasi ni Satanas ang nadarama natin tungkol sa kamatayan, at sinasamantala niya iyon. Dahil nilalang tayo para mabuhay magpakailanman, ayaw nating mamatay. (Ecles. 3:11) Kalaban natin ang kamatayan.—1 Cor. 15:26.

6-7. (a) Naitago ba ni Satanas ang katotohanan tungkol sa kamatayan? Ipaliwanag. (b) Paano nakakatulong sa atin ang Bibliya na huwag matakot sa mga patay?

6 Sa kabila ng mga pagsisikap ni Satanas, hindi pa rin naitago ang katotohanan tungkol sa kamatayan. Mas maraming tao na ngayon ang nakakaalam at naghahayag ng itinuturo ng Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga patay at sa pag-asa ng mga ito. (Ecles. 9:5, 10; Gawa 24:15) Dahil sa mga katotohanang iyan, natutulungan tayong huwag matakot at mag-alala sa kamatayan. Halimbawa, hindi tayo natatakot sa mga patay, at hindi rin tayo nag-aalala para sa kanila. Alam nating wala na sila at hindi na makakapanakit. Para lang silang natutulog nang mahimbing. (Juan 11:11-14) Hindi nila alam ang paglipas ng panahon. Kaya kapag binuhay silang muli, kahit daan-daang taon na silang patay, parang saglit lang ang lumipas na panahon para sa kanila.

7 Hindi ba’t maliwanag, simple, at makatuwiran ang katotohanan tungkol sa kalagayan ng patay? Ibang-iba nga sa mga kasinungalingan ni Satanas na nakakalito! Bukod sa inililigaw nito ang mga tao, sinisiraang-puri din nito ang Maylalang. Para mas maintindihan natin ang pinsalang ginawa ni Satanas, tatalakayin natin ang mga tanong na ito: Paano nasisira ang reputasyon ni Jehova dahil sa mga kasinungalingan ni Satanas? Paano nawawalan ng kabuluhan ang haing pantubos ni Kristo dahil sa mga ito? Paano nakakadagdag ang mga ito sa pagdurusa ng tao?

MALAKING PINSALA ANG NAGAWA NG MGA KASINUNGALINGAN NI SATANAS

8. Gaya ng ipinapakita sa Jeremias 19:5, paano nasisira ang reputasyon ni Jehova dahil sa mga kasinungalingan ni Satanas?

8 Nasisira ang reputasyon ni Jehova dahil sa mga kasinungalingan ni Satanas tungkol sa mga patay. Kasama rito ang maling turo na pinapahirapan sila sa apoy. Kasiraan iyan sa Diyos! Bakit? Pinagmumukha kasi nitong ang Diyos ng pag-ibig ay may personalidad na gaya ng sa Diyablo. (1 Juan 4:8) Matatanggap mo ba iyan? Higit sa lahat, matatanggap ba iyan ni Jehova? Ang totoo, galit na galit siya sa lahat ng uri ng kalupitan.—Basahin ang Jeremias 19:5.

9. Paano nakakaapekto ang mga kasinungalingan ni Satanas sa paniniwala sa haing pantubos ni Kristo, na binabanggit sa Juan 3:16 at 15:13?

9 Nawawalan ng kabuluhan ang haing pantubos ni Kristo dahil sa mga kasinungalingan ni Satanas tungkol sa kamatayan. (Mat. 20:28) Ikinakalat ni Satanas na may imortal na kaluluwa ang mga tao. Kung totoo iyan, lahat ng tao ay mabubuhay magpakailanman at hindi na kailangang ibigay ni Kristo ang buhay niya para tubusin tayo. Tandaan na ang hain ni Kristo ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig na ipinakita sa mga tao. (Basahin ang Juan 3:16; 15:13.) Isipin na lang ang nadarama ni Jehova at ng Anak niya tungkol sa mga turo na nagpapakitang walang kabuluhan ang napakahalagang regalong iyan!

10. Paano nakakadagdag sa pagdurusa ng tao ang mga kasinungalingan ni Satanas?

10 Nakakadagdag sa pagdurusa ng tao ang mga kasinungalingan ni Satanas. Sinasabi sa mga magulang na namatayan ng anak na kinuha ito ng Diyos para maging anghel sa langit. Nababawasan ba niyan ang sakit na nadarama nila o lalo lang silang nasasaktan? Ang turo ng impiyerno ay ginagamit para ipakitang tama ang pagpapahirap sa mga tao. Halimbawa, sinusunog noon sa tulos ang mga taong kumokontra sa turo ng simbahan. Ayon sa isang aklat tungkol sa Inkisisyong Kastila, maaaring naniniwala ang ilang responsable sa pagmamalupit na iyon na binibigyan lang nila ang mga erehe ng “patikim ng walang-hanggang pagpaparusa sa impiyerno” para magsisi ang mga ito bago mamatay at hindi mapunta sa impiyerno. Sa ilang lupain, sinasamba ng mga tao ang namatay nilang ninuno, pinararangalan, o hinihingan ng pagpapala. Gusto namang payapain ng iba ang mga ninuno nila para hindi sila parusahan ng mga ito. Pero hindi nakakatulong ang mga kasinungalingang ito para mapanatag ang mga tao. Nagiging dahilan pa nga ito para mag-alala sila o matakot.

IPAGTANGGOL ANG KATOTOHANAN SA BIBLIYA

11. Ano ang posibleng gawin ng ating nagmamalasakit na mga kapamilya o kaibigan para mapilitan tayong labagin ang Salita ng Diyos?

11 Baka pilitin tayo ng ating nagmamalasakit na mga kapamilya o kaibigan na sumunod sa kaugalian sa patay na di-kaayon ng Bibliya. Kung mahal natin ang Diyos at ang Salita niya, mas susundin natin si Jehova kaysa sa kanila. Baka konsensiyahin nila tayo at sabihing hindi natin mahal o iginagalang ang namatay. O baka sabihin nilang magagalit at mananakit ang namatay dahil tumanggi tayo. Paano natin maipagtatanggol ang katotohanan sa Bibliya? Tingnan ang sumusunod na mga simulain sa Bibliya.

12. Anong mga kaugalian sa patay ang maliwanag na di-kaayon ng Bibliya?

12 “Humiwalay kayo” sa mga paniniwala at kaugaliang di-kaayon ng Bibliya. (2 Cor. 6:17) Sa isang bansa sa Caribbean, marami ang naniniwalang kapag namatay ang isang tao, ang “kaluluwa” nito ay posibleng magpagala-gala at magparusa sa mga nanakit sa kaniya. Baka magdala pa nga ito ng “kaguluhan sa komunidad,” ang sabi ng isang reperensiya. Isang kaugalian sa Aprika na takpan ang mga salamin sa bahay ng namatay at iharap sa pader ang mga litrato niya. Bakit? Sinasabi ng ilan na hindi dapat makita ng patay ang sarili niya! Bilang mga lingkod ni Jehova, hindi tayo maniniwala sa mga pamahiin o susunod sa mga kaugaliang sumusuporta sa kasinungalingan ni Satanas!—1 Cor. 10:21, 22.

Ang pagre-research sa mga publikasyong salig sa Bibliya at ang mabuting komunikasyon sa mga kapamilyang di-Saksi ay makakatulong sa iyo na makaiwas sa problema (Tingnan ang parapo 13-14) *

13. Kung hindi ka nakakatiyak sa isang kaugalian, ano ang dapat mong gawin, gaya ng sinasabi sa Santiago 1:5?

13 Kung hindi ka nakakatiyak sa isang kaugalian, manalangin kay Jehova at humiling sa kaniya ng karunungan. (Basahin ang Santiago 1:5.) Pagkatapos, mag-research ka sa mga publikasyon natin. Kung kailangan, magtanong sa mga elder sa kongregasyon ninyo. Hindi nila sasabihin kung ano ang dapat mong gawin, pero makakapagbigay sila ng mga simulain sa Bibliya na makakatulong sa iyo, gaya ng mga tinatalakay rito. Habang ginagawa mo iyan, sinasanay mo ang iyong “mga kakayahan sa pang-unawa,” at tutulong ito sa iyo na “makilala kapuwa ang tama at ang mali.”—Heb. 5:14.

14. Paano natin maiiwasang makatisod sa iba?

14 “Gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos. Iwasan ninyo ang maging mga sanhi ng ikatitisod.” (1 Cor. 10:31, 32) Kapag nagdedesisyon tayo kung susunod o hindi sa isang kaugalian o tradisyon, dapat din nating isipin ang magiging epekto nito sa budhi ng iba, lalo na sa kapananampalataya natin. Siyempre, ayaw nating makatisod sa iba! (Mar. 9:42) At ayaw rin naman nating makasakit sa mga di-Saksi. Dahil sa pag-ibig, magpapaliwanag tayo sa kanila sa magalang na paraan, na lumuluwalhati kay Jehova. Hindi tayo makikipagtalo at hindi rin natin hahamakin ang tradisyon ng iba. Tandaan, malaki ang nagagawa ng pag-ibig! Kapag ipinakita natin ito sa makonsiderasyon at magalang na paraan, baka mapalambot pa nga natin ang puso ng mga laban sa atin.

15-16. (a) Bakit makabubuting ipaalám sa iba ang iyong paniniwala? Magbigay ng halimbawa. (b) Paano natin masusunod ang sinabi ni Pablo sa Roma 1:16?

15 Ipaalám sa inyong komunidad na isa kang Saksi ni Jehova. (Isa. 43:10) Maaaring madismaya ang mga kapamilya mo at kapitbahay kung hindi ka susunod sa isang kaugalian sa patay. Pero kung patiuna mo nang nasabi sa kanila na ang Diyos na Jehova ang sinasamba mo, mas magiging madali sa iyo na harapin ang gayong sitwasyon. Sinabi ni Francisco na taga-Mozambique: “Nang malaman namin ng asawa kong si Carolina ang katotohanan, sinabi namin sa aming pamilya na hindi na kami sasamba sa mga patay. Nasubok ang desisyon namin nang mamatay ang ate ni Carolina. Kaugalian sa amin na paliguan ang bangkay sa isang relihiyosong ritwal. Pagkatapos, ang pinakamalapit na kamag-anak ay dapat matulog nang tatlong araw sa lugar kung saan ibinuhos ang ipinampaligo sa bangkay. Papayapain daw ng kaugaliang ito ang kaluluwa ng namatay. Inaasahan ng pamilya ni Carolina na siya ang matutulog doon.”

16 Ano ang ginawa nina Francisco at Carolina? Sinabi ni Francisco: “Mahal namin si Jehova at gusto namin siyang mapasaya, kaya tumanggi kami. Galit na galit ang pamilya ni Carolina. Wala raw kaming galang sa namatay, at hindi na raw nila kami bibisitahin o tutulungan. Dahil nasabi na namin noon ang paniniwala namin, hindi na kami nagpaliwanag. Ipinagtanggol naman kami ng ilang kapamilya namin at sinabing naipaliwanag na namin ang aming paniniwala. Bandang huli, kumalma rin ang mga kapamilya ni Carolina, at naging maayos ang lahat. Pumunta pa nga sa bahay namin ang ilan sa kanila at humingi ng literatura sa Bibliya.” Kaya huwag sana tayo mahihiyang manindigan sa katotohanan tungkol sa kamatayan.—Basahin ang Roma 1:16.

ALIWIN AT TULUNGAN ANG MGA NAGDADALAMHATI

Inaaliw at tinutulungan ng tunay na mga kaibigan ang mga namatayan ng mahal sa buhay (Tingnan ang parapo 17-19) *

17. Ano ang makakatulong sa atin para maging isang tunay na kaibigan sa ating kapananampalatayang nagdadalamhati?

17 Kapag namatayan ang ating kapananampalataya, sikapin nating maging isang “tunay na kaibigan . . . , at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.” (Kaw. 17:17) Paano tayo magiging “tunay na kaibigan,” lalo na kapag pinipilit ang isang nagdadalamhating kapatid na sumunod sa mga kaugaliang di-kaayon ng Bibliya? Tingnan ang dalawang simulain sa Bibliya na makakatulong.

18. Bakit lumuha si Jesus, at ano ang matututuhan natin sa kaniya?

18 “Makitangis sa mga taong tumatangis.” (Roma 12:15) Baka hindi natin alam kung ano ang sasabihin sa isang nagdadalamhati. Pero kapag nakita niyang umiiyak din tayo, mararamdaman niyang nagmamalasakit tayo sa kaniya. Nang mamatay ang kaibigan ni Jesus na si Lazaro, umiyak si Maria, si Marta, at ang iba pa dahil nawalan sila ng kapatid at kaibigan. Nang dumating si Jesus makalipas ang apat na araw, “lumuha” rin siya, kahit bubuhayin naman niyang muli si Lazaro. (Juan 11:17, 33-35) Ipinapakita ng pagluha ni Jesus ang nadarama ng kaniyang Ama. Ipinapakita rin nito na mahal sila ni Jesus, at tiyak na nakaaliw ito kina Maria at Marta. Kaya kapag nadarama ng mga kapatid ang pag-ibig at pagmamalasakit natin sa kanila, nakikita nilang hindi sila nag-iisa dahil may mga kaibigan silang nagmamahal at sumusuporta sa kanila.

19. Kapag tinutulungan natin ang isang kapananampalatayang nagdadalamhati, paano natin masusunod ang simulain sa Eclesiastes 3:7?

19 “Panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.” (Ecles. 3:7) Makakatulong din ang pakikinig sa isang kapananampalatayang nagdadalamhati. Hayaang sabihin niya ang nadarama niya, at huwag masamain ang kaniyang “padalus-dalos na pananalita.” (Job 6:2, 3) Baka masyado siyang nai-stress dahil sa panggigipit ng mga kapamilya niyang di-Saksi. Kaya manalanging kasama niya. Magsumamo sa “Dumirinig ng panalangin” na bigyan siya ng lakas at malinaw na pag-iisip. (Awit 65:2) Kung puwede, magkasama ninyong basahin ang Bibliya. O magbasa kayo ng artikulo sa publikasyon natin na makakatulong sa kaniya, gaya ng isang nakapagpapatibay na karanasan.

20. Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?

20 Napakasayang malaman ang katotohanan tungkol sa kamatayan at ang napakagandang pag-asang naghihintay sa mga nasa alaalang libingan! (Juan 5:28, 29) Kaya sa salita at gawa, lakas-loob na manindigan sa katotohanan mula sa Bibliya at sabihin ito sa iba sa tuwing may pagkakataon. Tatalakayin sa susunod na artikulo ang isa pang paraan ni Satanas para manatili ang mga tao sa espirituwal na kadiliman—ang espiritismo. Tatalakayin natin kung bakit kailangan nating iwasan ang mga gawain at libangang may kaugnayan sa bitag na ito ng Diyablo.

AWIT 24 Halikayo sa Bundok ni Jehova!

^ par. 5 Ang mga tao ay dinadaya ni Satanas at ng mga demonyo sa pamamagitan ng mga kasinungalingan tungkol sa kalagayan ng patay. Dahil diyan, nagkaroon ng maraming kaugaliang di-kaayon ng Bibliya. Tutulungan ka ng artikulong ito na manatiling tapat kay Jehova kapag pinipilit kang sumunod sa gayong mga kaugalian.

^ par. 55 LARAWAN: Habang nagdadalamhati ang isang namatayan, inaaliw siya ng mga kapamilya niyang Saksi.

^ par. 57 LARAWAN: Matapos mag-research tungkol sa mga kaugalian sa libing, mabait na ipinaliwanag ng isang Saksi sa mga kapamilya niya ang kaniyang paniniwala.

^ par. 59 LARAWAN: Inaaliw at tinutulungan ng mga elder ang isang Saksi na namatayan ng mahal sa buhay.