Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 17

Tanggapin ang Tulong ni Jehova Para Malabanan ang Masasamang Espiritu

Tanggapin ang Tulong ni Jehova Para Malabanan ang Masasamang Espiritu

“Tayo ay may pakikipagbuno . . . laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.”—EFE. 6:12.

AWIT 55 Huwag Matakot sa Kanila!

NILALAMAN *

1. Bakit damang-dama natin ang pagmamalasakit ni Jehova sa sinasabi ng Efeso 6:10-13? Ipaliwanag.

NAGMAMALASAKIT sa atin si Jehova bilang mga lingkod niya. Damang-dama natin iyan sa pagtulong niya sa atin na labanan ang ating mga kaaway. Ang pangunahin nating mga kaaway ay si Satanas at ang mga demonyo. Nagbababala si Jehova laban sa kanila, at ibinibigay niya ang kailangan natin para malabanan sila. (Basahin ang Efeso 6:10-13.) Kung tatanggapin natin ang tulong ni Jehova at lubusan tayong aasa sa kaniya, magtatagumpay tayo laban sa Diyablo. Magkakaroon din tayo ng kumpiyansang gaya ng kay apostol Pablo. Isinulat niya: “Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang magiging laban sa atin?”—Roma 8:31.

2. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

2 Bilang tunay na mga Kristiyano, hindi natin masyadong binibigyang-pansin si Satanas at ang mga demonyo. Nakapokus tayo sa pagkilala kay Jehova at sa paglilingkod sa kaniya. (Awit 25:5) Pero kailangan nating malaman ang mga pakana ni Satanas. Bakit? Para hindi niya tayo malamangan. (2 Cor. 2:11) Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang isang pangunahing paraan ni Satanas at ng mga demonyo para iligaw ang mga tao. Tatalakayin din natin kung paano tayo magtatagumpay laban sa kanila.

KUNG PAANO INILILIGAW NG MASASAMANG ESPIRITU ANG MGA TAO

3-4. (a) Ano ang espiritismo? (b) Gaano kalaganap ang paniniwala sa espiritismo?

3 Espiritismo ang isang pangunahing paraan ni Satanas at ng mga demonyo para iligaw ang tao. Alam daw o kontrolado ng mga nagsasagawa ng espiritismo ang mga bagay na karaniwan nang hindi alam o hindi kontrolado ng tao. Halimbawa, may mga nagsasabing nalalaman daw nila ang mangyayari sa hinaharap sa pamamagitan ng panghuhula o astrolohiya. Pinalalabas naman ng ilan na nakakausap nila ang patay. Mayroon ding nangkukulam o gumagamit ng mahika, at baka sinusubukan pa nga nilang isumpa ang isang tao. *

4 Gaano kalaganap ang paniniwala sa espiritismo? Sa isang survey sa 18 bansa sa Latin America at Caribbean, mahigit 30 porsiyento ang naniniwala sa mahika, pangkukulam, o panggagaway, at halos ganoon din karami ang naniniwalang puwedeng makipag-usap sa mga espiritu. Isa pang survey ang ginawa sa 18 bansa sa Aprika. Sa survey na iyon, higit sa kalahati ang naniniwala sa pangkukulam. Pero siyempre, saanman tayo nakatira, dapat tayong mag-ingat sa espiritismo. Sinisikap kasi ni Satanas na iligaw ang ‘buong lupa.’—Apoc. 12:9.

5. Ano ang tingin ni Jehova sa espiritismo?

5 Si Jehova ang “Diyos ng katotohanan.” (Awit 31:5) Ano kaya ang nadarama niya tungkol sa espiritismo? Kinapopootan niya ito! Sinabi ni Jehova sa mga Israelita: “Huwag masusumpungan sa iyo ang sinumang nagpaparaan ng kaniyang anak na lalaki o ng kaniyang anak na babae sa apoy, ang sinumang nanghuhula, ang mahiko o ang sinumang naghahanap ng mga tanda o ang manggagaway, o ang isa na nanggagayuma sa iba sa pamamagitan ng engkanto o ang sinumang sumasangguni sa espiritista o ang manghuhula ng mga pangyayari o ang sinumang sumasangguni sa patay. Sapagkat ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na ito ay karima-rimarim kay Jehova.” (Deut. 18:10-12) Ang mga Kristiyano ay wala na sa ilalim ng Kautusan na ibinigay ni Jehova sa mga Israelita. Pero alam nating hindi pa rin nagbabago ang tingin niya sa espiritismo.—Mal. 3:6.

6. (a) Paano ginagamit ni Satanas ang espiritismo para ipahamak ang mga tao? (b) Ayon sa Eclesiastes 9:5, ano ang totoong kalagayan ng patay?

6 Nagbababala si Jehova laban sa espiritismo dahil alam niyang ginagamit ito ni Satanas para ipahamak ang mga tao. Ginagamit ni Satanas ang espiritismo para magkalat ng kasinungalingan—kasama na ang kasinungalingang nabubuhay raw ang mga patay sa mundo ng mga espiritu. (Basahin ang Eclesiastes 9:5.) Ginagamit din niya ang espiritismo para takutin ang maraming tao at ilayo kay Jehova. Sa pamamagitan ng espiritismo, gusto ni Satanas na magtiwala ang mga tao sa masasamang espiritu sa halip na kay Jehova.

LABANAN ANG MASASAMANG ESPIRITU

7. Ano ang sinasabi sa atin ni Jehova?

7 Gaya ng nabanggit na, sinasabi sa atin ni Jehova ang kailangan nating malaman para hindi tayo mailigaw ni Satanas at ng mga demonyo. Tingnan ang ilang mahahalagang paraan para malabanan sila.

8. (a) Ano ang pangunahing paraan para malabanan ang masasamang espiritu? (b) Paano inilalantad ng Awit 146:4 ang kasinungalingan ni Satanas tungkol sa mga patay?

8 Basahin at bulay-bulayin ang Salita ng Diyos. Ito ang pangunahing paraan para hindi tayo maniwala sa mga kasinungalingang ikinakalat ng masasamang espiritu. Ang Salita ng Diyos ay gaya ng matalas na tabak, at kaya nitong laslasin, wika nga, o ilantad ang mga kasinungalingan ni Satanas. (Efe. 6:17) Halimbawa, inilalantad ng Salita ng Diyos ang kasinungalingan na puwedeng makipag-usap ang patay sa mga buháy. (Basahin ang Awit 146:4.) Ipinaaalaala rin nito na si Jehova lang ang nakakaalam ng mangyayari sa hinaharap. (Isa. 45:21; 46:10) Kung regular nating babasahin at bubulay-bulayin ang Salita ng Diyos, hindi tayo maniniwala, at mapopoot pa nga tayo, sa mga kasinungalingan ng masasamang espiritu.

9. Ano-anong uri ng espiritismo ang dapat nating iwasan?

9 Huwag gumawa ng anumang bagay na may kaugnayan sa espiritismo. Bilang tunay na mga Kristiyano, hindi tayo nagsasagawa ng anumang uri ng espiritismo. Halimbawa, hindi tayo nagpupunta sa espiritista at hindi rin natin sinusubukang makipag-usap sa patay sa anumang paraan. Gaya ng tinalakay sa naunang artikulo, iniiwasan natin ang mga kaugalian sa patay na kaayon ng paniniwalang nananatiling buháy ang espiritu ng patay. Hindi rin natin sinusubukang alamin ang mangyayari sa hinaharap sa pamamagitan ng astrolohiya o panghuhula. (Isa. 8:19) Mapanganib ang gayong mga gawain, at sa pamamagitan nito, baka direkta na tayong nakikipag-ugnayan kay Satanas at sa mga demonyo.

Matutularan mo ang mga Kristiyano noon kung itatapon mo ang anumang bagay na may kaugnayan sa okultismo at iiwasan ang mga libangang may kaugnayan sa espiritismo (Tingnan ang parapo 10-12)

10-11. (a) Ano ang ginawa ng ilan noong unang siglo nang malaman nila ang katotohanan? (b) Ayon sa 1 Corinto 10:21, bakit dapat nating tularan ang mga Kristiyano noon, at paano natin ito gagawin?

10 Alisin ang mga bagay na may kaugnayan sa okultismo. May mga nagsasagawa ng espiritismo sa Efeso noong unang siglo. Nang malaman nila ang katotohanan, gumawa sila ng malaking sakripisyo. “Tinipon ng marami sa mga nagsasagawa ng sining ng mahika ang kanilang mga aklat at sinunog ang mga iyon sa harap ng lahat.” (Gawa 19:19) Talagang gusto nilang labanan ang masasamang espiritu. Napakamahal ng mga aklat na iyon sa mahika. Pero sa halip na ipamigay ang mga aklat o ibenta, sinira nila ang mga ito. Mas mahalaga sa kanila ang mapasaya si Jehova kaysa sa mga aklat nila, gaano man iyon kamahal.

11 Paano natin sila matutularan? Makakabuti kung aalisin natin ang anumang bagay na may kaugnayan sa okultismo. Kasama rito ang agimat, anting-anting, o iba pang bagay na isinusuot o ginagamit ng mga tao bilang proteksiyon sa masasamang espiritu.—Basahin ang 1 Corinto 10:21.

12. Anong mga tanong ang makakatulong sa pagsusuri ng ating libangan?

12 Suriing mabuti ang iyong libangan. Tanungin ang sarili: ‘Nagbabasa ba ako ng mga aklat, magasin, o artikulo sa Internet tungkol sa okultismo? Kumusta ang pinapakinggan kong musika, pinapanood na pelikula at palabas sa TV, o nilalarong video game? May halo bang espiritismo ang anumang libangang pinipili ko? May makikita ba ritong kababalaghan, bampira, zombie, o iba pang gaya nito? Pinagmumukha ba nitong nakaka-enjoy ang mahika o mga sumpa at walang masama sa mga ito?’ Siyempre, hindi naman lahat ng libangan na may fantasy o fairy tale ay may kaugnayan sa espiritismo. Pero kapag sinusuri mo ang libangan mo, maging determinadong iwasan ang mga bagay na kinapopootan ni Jehova. Gawin natin ang lahat para manatiling malinis ang ating budhi sa harap ng Diyos.—Gawa 24:16. *

13. Ano ang dapat nating iwasan?

13 Huwag pagkuwentuhan ang tungkol sa mga demonyo. Tularan natin si Jesus. (1 Ped. 2:21) Bago siya naging tao, nakatira siya sa langit, at marami siyang alam tungkol kay Satanas at sa mga demonyo. Pero hindi nagkukuwento si Jesus ng mga ginagawa ng masasamang espiritu. Gusto niyang magpatotoo tungkol kay Jehova, at hindi tungkol kay Satanas. Matutularan natin si Jesus kung hindi tayo magkakalat ng kuwento tungkol sa mga demonyo. Sa halip, maipapakita natin sa ating sinasabi na ang ating “puso ay napukaw dahil sa isang mabuting bagay,” at iyan ay ang katotohanan.—Awit 45:1.

Wala tayong dapat ikatakot sa masasamang espiritu. Higit na makapangyarihan si Jehova, si Jesus, at ang mga anghel kaysa sa kanila (Tingnan ang parapo 14-15) *

14-15. (a) Bakit hindi tayo dapat matakot sa masasamang espiritu? (b) Ano ang patunay na pinoprotektahan ni Jehova ang bayan niya sa ngayon?

14 Huwag matakot sa masasamang espiritu. Sa ngayon, hindi tayo ligtas sa masasamang bagay. Puwede tayong maaksidente, magkasakit, o mamatay pa nga nang di-inaasahan. Pero huwag nating isipin na mga espiritu ang may kagagawan nito. Sinasabi ng Bibliya na puwedeng mabiktima ang sinuman ng “panahon at . . . di-inaasahang pangyayari.” (Ecles. 9:11) Tungkol naman sa mga demonyo, ipinapakita ni Jehova na mas makapangyarihan siya kaysa sa kanila. Halimbawa, hindi hinayaan ng Diyos na patayin ni Satanas si Job. (Job 2:6) Noong panahon ni Moises, ipinakita ni Jehova na mas makapangyarihan siya kaysa sa mga mahikong saserdote ng Ehipto. (Ex. 8:18; 9:11) Binigyan din ni Jehova ng kapangyarihan ang niluwalhating si Jesus. Ipinakita ni Jesus ang kapangyarihang ito nang ihagis niya sa lupa si Satanas at ang mga demonyo. At malapit na silang ihagis sa kalaliman, kung saan hindi na sila makakagawa ng masama kahit kanino.—Apoc. 12:9; 20:2, 3.

15 Maraming patunay na pinoprotektahan ni Jehova ang bayan niya sa ngayon. Pag-isipan ito: Nangangaral tayo at nagtuturo ng katotohanan sa buong mundo. (Mat. 28:19, 20) Dahil diyan, nailalantad natin ang kasamaan ng Diyablo. Kaya kung mapapahinto lang ni Satanas ang ating gawain, tiyak na gagawin niya iyon, pero hindi niya iyon kaya. Maliwanag, hindi tayo dapat matakot sa masasamang espiritu. Alam nating ang “mga mata [ni Jehova] ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.” (2 Cro. 16:9) Kung tapat tayo kay Jehova, walang permanenteng pinsalang magagawa sa atin ang mga demonyo.

PAGPAPALA NG MGA TUMATANGGAP NG TULONG NI JEHOVA

16-17. Magbigay ng halimbawa ng lakas-loob na pakikipaglaban sa masasamang espiritu.

16 Kailangan natin ng lakas ng loob para malabanan ang masasamang espiritu, lalo na kapag kontra sa atin ang nagmamalasakit nating mga kaibigan o kapamilya. Pero pinagpapala ni Jehova ang mga may ganoong lakas ng loob. Pansinin ang karanasan ni Erica, na taga-Ghana. Si Erica ay 21 anyos nang magpa-Bible study. Dahil anak siya ng isang paring nagsasagawa ng mahika, inaasahang makikibahagi siya sa isang kaugaliang may kaugnayan sa espiritismo—kakain siya ng karneng inihandog sa mga diyos ng tatay niya. Nang tumanggi si Erica, sinabi ng mga kapamilya niya na iniinsulto niya ang mga diyos nila. Naniniwala sila na paparusahan sila ng mga diyos at bibigyan ng sakit, pati na ng sakit sa isip.

17 Pinilit pa rin si Erica ng pamilya niya na sumunod sa kaugalian, pero nanindigan siya, kaya pinalayas siya sa kanila. Gayunman, kinupkop siya ng ilang Saksi. Kaya masasabing binigyan ni Jehova si Erica ng isang bagong pamilya—mga kapananampalatayang para na rin niyang tunay na mga kapatid. (Mar. 10:29, 30) Itinakwil siya ng pamilya niya at sinunog pa nga ang mga gamit niya, pero nanatili siyang tapat kay Jehova, nagpabautismo, at isa na ngayong regular pioneer. Hindi siya takót sa mga demonyo. At sinabi ni Erica tungkol sa pamilya niya, “Araw-araw kong ipinapanalangin na sana makilala ng pamilya ko si Jehova at maranasan nila ang saya ng paglilingkod sa isang mapagmahal na Diyos.”

18. Anong mga pagpapala ang tatanggapin natin kapag nagtiwala tayo kay Jehova?

18 Baka hindi naman masubok sa ganoong paraan ang pananampalataya natin. Pero lahat tayo ay kailangang makipaglaban sa masasamang espiritu at magtiwala kay Jehova. Kung gagawin natin iyan, tatanggap tayo ng maraming pagpapala at hindi tayo maililigaw ng mga kasinungalingan ni Satanas. Hindi rin mapapahinto ng pagkatakot sa mga demonyo ang paglilingkod natin sa Diyos. Higit sa lahat, titibay ang kaugnayan natin kay Jehova. “Magpasakop kayo sa Diyos,” ang isinulat ng alagad na si Santiago, “ngunit salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo. Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”—Sant. 4:7, 8.

AWIT 150 Hanapin ang Diyos Para Maligtas

^ par. 5 Nagbababala si Jehova laban sa masasamang espiritu at sa pinsalang magagawa nila sa atin. Paano inililigaw ng masasamang espiritu ang mga tao? Paano natin sila malalabanan? Tatalakayin sa artikulong ito kung paano tayo tinutulungan ni Jehova para hindi nila tayo mailigaw.

^ par. 3 KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang espiritismo ay tumutukoy sa paniniwala at gawaing may kaugnayan sa mga demonyo. Kasama rito ang paniniwalang buháy pa rin ang espiritu ng taong namatay at nakikipag-usap ito sa mga buháy, lalo na sa pamamagitan ng isang espiritista. Kasama rin sa espiritismo ang pangkukulam at panghuhula. Sa artikulong ito, ang salitang mahika ay tumutukoy sa mga gawaing may kaugnayan sa okultismo, o kababalaghan. Maaaring kasama rito ang paglalagay o pag-aalis ng sumpa, pati na ang panggagayuma. Hindi ito tumutukoy sa mga trick gamit ang bilis ng kamay, na ginagawa ng ilan para libangin ang iba.

^ par. 12 Hindi gumagawa ang mga elder ng mga tuntunin pagdating sa libangan. Dapat gamitin ng bawat Kristiyano ang kaniyang budhing sinanay sa Bibliya kapag pumipili siya ng panonoorin, babasahin, o lalaruin. Tinitiyak ng isang mahusay na ulo ng pamilya na sumusunod ang pamilya nila sa mga simulain ng Bibliya kapag pumipili ng libangan.—Tingnan sa jw.org® ang artikulong “Ipinagbabawal Ba ng mga Saksi ni Jehova ang Ilang Partikular na mga Pelikula, Aklat, o Awit?” sa TUNGKOL SA AMIN > KARANIWANG MGA TANONG.

^ par. 54 LARAWAN: Si Jesus bilang makapangyarihang Hari sa langit na nangunguna sa hukbo ng mga anghel. Nasa ibabaw nila ang trono ni Jehova.