Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 14

Isang Pag-atake Mula sa Hilaga!

Isang Pag-atake Mula sa Hilaga!

“Sinalakay ang lupain ko ng isang bansang makapangyarihan.”​—JOEL 1:6.

AWIT 95 Ang Liwanag ay Lalong Nagniningning

NILALAMAN *

1. Paano nag-aaral noon si Brother Russell at ang mga kasamahan niya, at bakit ito epektibo?

MAHIGIT 100 taon na ang nakakalipas nang magsimulang magtipon si Brother C. T. Russell at ang mga kasamahan niya bilang isang maliit na grupo ng mga estudyante ng Salita ng Diyos. Gusto nilang malaman kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa Diyos na Jehova, kay Jesu-Kristo, sa kalagayan ng mga patay, at sa pantubos. Simple lang ang paraan ng pag-aaral nila. May isang magtatanong. Pagkatapos, susuriin ng grupo ang bawat tekstong kaugnay ng paksang pinag-uusapan. At saka nila irerekord ang mga natutuhan nila. Sa tulong ni Jehova, natuklasan ng mga lalaking iyon ang maraming pangunahing katotohanan sa Bibliya na mahalaga pa rin sa atin ngayon.

2. Bakit posibleng magkamali tayo kung minsan sa pag-unawa sa isang hula sa Bibliya?

2 Pero di-nagtagal, nakita ng mga estudyante ng Bibliya na mas madaling maunawaan ang isang pangunahing turo sa Bibliya kaysa sa isang hula rito. Bakit? Una, madalas na nauunawaan natin ang mga hula sa Bibliya kapag nangyayari na ito o kapag tapos na itong mangyari. At may isa pang dahilan. Para maunawaan nang wasto ang isang hula, dapat nating isaalang-alang ang konteksto nito. Kung magpopokus lang tayo sa isang bahagi ng hula at babale-walain ang ibang bahagi, baka magkamali tayo. Parang ganiyan ang nangyari sa isang hula sa aklat ng Joel. Repasuhin natin ang hulang iyon at talakayin kung bakit kailangang baguhin ang kasalukuyang unawa natin.

3-4. Ano ang kasalukuyang unawa natin sa hulang nasa Joel 2:7-9?

3 Basahin ang Joel 2:7-9. Inihula ni Joel na sasalutin ng mga balang ang Israel. Ang mga ito ay may ngipin at panga na gaya ng sa leon, at lalamunin ng mga ito ang lahat ng pananim! (Joel 1:4, 6) Sa loob ng maraming taon, naniniwala tayong tumutukoy ang hulang ito sa gawaing pangangaral ng mga lingkod ni Jehova, na gaya ng napakaraming balang na hindi mapigilan. Ang alam natin, may masamang epekto ang gawaing ito sa “lupain” o sa mga tao na naiimpluwensiyahan ng relihiyosong mga lider. *

4 Kung Joel 2:7-9 lang ang babasahin natin, mukhang tama naman ang paliwanag na iyan. Pero kapag sinuri din ang konteksto nito, makikita nating dapat nating baguhin ang ating unawa. Talakayin natin ang apat na dahilan.

APAT NA DAHILAN PARA SA PAGBABAGO

5-6. Anong tanong ang bumabangon kapag sinuri natin ang (a) Joel 2:20? (b) Joel 2:25?

5 Una, pansinin ang pangako ni Jehova tungkol sa mga balang: “Itataboy ko ang mga tagahilaga [mga balang] mula sa inyo.” (Joel 2:20) Kung ang mga balang ay tumutukoy sa mga Saksi ni Jehova na sumusunod sa utos ni Jesus na mangaral at gumawa ng mga alagad, bakit ipapangako ni Jehova na itataboy niya sila? (Ezek. 33:7-9; Mat. 28:19, 20) Tiyak na hindi ang tapat na mga lingkod ni Jehova ang itataboy niya, kundi ang mga napopoot sa kaniyang bayan.

6 Ikalawa, pansinin ang ulat sa Joel 2:25. Sinabi ni Jehova: “Ibabalik ko sa inyo ang mga nawala sa inyo noong mga taon na pininsala kayo ng balang na nagkukulumpon, balang na walang pakpak, matakaw na balang, at nanlalamon na balang, ang aking malaking hukbo na ipinadala ko sa gitna ninyo.” Pansining nangako si Jehova na ‘ibabalik niya ang mga nawala’ dahil sa pinsalang dulot ng mga balang. Kung sa mga mángangarál ng Kaharian tumutukoy ang mga balang, ibig sabihin, nagdudulot ng pinsala ang mensahe nila. Pero ang mensahe nila ay nakakapagligtas at nakakapagpakilos pa nga sa masasama na magsisi. (Ezek. 33:8, 19) Tiyak na pagpapala ang dulot niyan, hindi ba?

7. Sa Joel 2:28, 29, ano ang mauunawaan natin sa salitang “pagkatapos”?

7 Basahin ang Joel 2:28, 29. Ang ikatlong dahilan ay ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari ayon sa hula. Pansinin na sinabi ni Jehova: “Pagkatapos, ibubuhos ko ang espiritu ko”; ibig sabihin, pagkatapos magawa ng mga balang ang atas nila. Kung ang mga balang ay mga mángangarál ng Kaharian ng Diyos, bakit pagkatapos pa nilang magawa ang atas nila ay saka lang ibubuhos ni Jehova ang espiritu niya? Ang totoo, kung wala ang tulong ng banal na espiritu ng Diyos, hindi sila makakapangaral sa loob ng napakaraming taon nang may pagsalansang at pagbabawal.

Si Brother J. F. Rutherford at ang iba pang pinahirang lingkod na nanguna sa lakas-loob na paghahayag ng hatol ng Diyos sa masamang sistemang ito (Tingnan ang parapo 8)

8. Kanino lumalarawan ang mga balang sa Apocalipsis 9:1-11? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)

8 Basahin ang Apocalipsis 9:1-11. Tingnan ang ikaapat na dahilan. Sinasabi natin noon na ang salot ng mga balang sa aklat ng Joel ay tumutukoy sa ating pangangaral dahil mayroon iyong isang kahawig na hula sa aklat ng Apocalipsis. Dito, ang mga balang ay may mukhang gaya ng sa tao at “may gaya ng koronang ginto” sa mga ulo. (Apoc. 9:7) ‘Ang mga tao [mga kaaway ng Diyos] na walang tatak ng Diyos sa noo nila’ ay pinahirapan ng mga balang sa loob ng limang buwan, ang karaniwang haba ng buhay ng isang balang. (Apoc. 9:4, 5) Lumilitaw na lumalarawan ito sa mga pinahirang lingkod ni Jehova. Lakas-loob nilang inihahayag ang paghatol ng Diyos sa masamang sistemang ito, kaya galít sa kanila ang mga tagasuporta nito.

9. Ano ang pagkakaiba ng mga balang na nakita ni Joel at ng mga balang na nakita ni Juan?

9 Totoo, may pagkakatulad ang hula sa Apocalipsis at ang hula ni Joel. Pero may pagkakaiba ang mga ito. Pansinin: Sa hula ni Joel, sinira ng mga balang ang pananim. (Joel 1:4, 6, 7) Sa pangitain ni Juan, sinabihan ang mga balang na “huwag pinsalain ang pananim sa lupa.” (Apoc. 9:4) Ang mga balang na nakita ni Joel ay mula sa hilaga. (Joel 2:20) Ang mga nakita naman ni Juan ay mula sa kalaliman. (Apoc. 9:2, 3) Ang mga balang sa hula ni Joel ay itinaboy. Sa Apocalipsis, ang mga balang ay hindi itinaboy kundi hinayaang makatapos sa gawain. Walang mababasa sa Bibliya na hindi sinang-ayunan ni Jehova ang mga ito.​—Tingnan ang kahong “ Mga Hula Tungkol sa mga Balang—May Pagkakatulad Pero Magkaiba.”

10. Magbigay ng halimbawa sa Bibliya na nagpapakitang puwedeng tumukoy sa magkaibang bagay ang mga balang na nakita ni Joel at ni Juan.

10 Dahil sa mga pagkakaibang ito, naunawaan natin na hindi magkaugnay ang dalawang hulang ito. Sinasabi ba nating ang mga balang na inilarawan ni Joel ay iba sa mga balang na nasa Apocalipsis? Oo. Sa Bibliya, puwedeng magkaroon ng magkaibang kahulugan ang isang bagay. Halimbawa, sa Apocalipsis 5:5, tinawag si Jesus na “Leon mula sa tribo ni Juda,” pero sa 1 Pedro 5:8, inilarawan ang Diyablo bilang “umuungal na leon.” Kaya base sa mga natalakay na natin, malinaw na kailangan nating baguhin ang ating paliwanag sa hula ni Joel. Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng hulang ito?

ANO ANG IBIG SABIHIN NG HULA?

11. Paano nakatulong ang Joel 1:6 at 2:1, 8, 11 para malaman natin kung saan tumutukoy ang mga balang?

11 Kapag sinuri natin ang hula ni Joel at ang konteksto nito, makikita nating tungkol ito sa pagsalakay ng isang hukbo. (Joel 1:6; 2:1, 8, 11) Sinabi ni Jehova na gagamitin niya ang kaniyang “malaking hukbo” (mga sundalong taga-Babilonya) para parusahan ang masuwaying mga Israelita. (Joel 2:25) Nararapat lang tawaging “tagahilaga” ang hukbo ng Babilonya dahil magmumula ito sa hilaga. (Joel 2:20) Ang hukbong ito ay gaya ng organisadong grupo ng mga balang. Ganito ang paglalarawan ni Joel: “Bawat [sundalo] ay humahayo lang nang deretso. . . . Lumulusob sila sa lunsod at tumatakbo sa ibabaw ng pader. Umaakyat sila sa mga bahay at pumapasok sa mga bintana na gaya ng magnanakaw.” (Joel 2:8, 9) Naiisip mo ba ang eksena? Napakaraming sundalo. Walang mapagtataguan. Walang makakatakas sa hukbo ng Babilonya!

12. Paano natupad ang hula ni Joel tungkol sa mga balang?

12 Gaya ng mga balang, sinalakay ng mga Babilonyo (o mga Caldeo) ang Jerusalem noong 607 B.C.E. Iniulat ng Bibliya na pinatay ng hari ng mga Caldeo ang mga kalalakihan. Sinabi pa ng ulat: “Hindi siya naawa sa binata o dalaga, sa matanda o may kapansanan. Ibinigay ng Diyos ang lahat sa kamay niya. Sinunog niya ang bahay ng tunay na Diyos, giniba ang pader ng Jerusalem, sinunog ang lahat ng matitibay na tore nito, at winasak ang lahat ng mahahalagang bagay.” (2 Cro. 36:17, 19) Matapos wasakin ng mga Babilonyo ang Jerusalem, sinabi ng mga tao: “Isa itong tiwangwang na lupain na walang tao at hayop, at ibinigay na ito sa mga Caldeo.”​—Jer. 32:43.

13. Ano ang ibig sabihin ng Jeremias 16:16, 18?

13 Mga 200 taon matapos humula si Joel, ginamit ni Jehova si Jeremias para ihula ang iba pang detalye ng pag-atakeng ito. Sinabi niya na hahanapin ang mga Israelitang gumagawa ng masama at mahuhuli ang mga ito. “‘Magpapatawag ako ng maraming mangingisda,’ ang sabi ni Jehova, ‘at hahanapin sila ng mga ito at huhulihin. Pagkatapos ay magpapatawag ako ng maraming mangangaso, at hahanapin sila ng mga ito sa bawat bundok at bawat burol at sa mga bitak ng malalaking bato. Pagbabayarin ko muna sila nang buo sa pagkakamali at kasalanan nila.’” Ang di-nagsisising mga Israelita ay walang mapagtataguan, sa dagat man o sa gubat. Hindi nila matatakasan ang mga taga-Babilonya.​—Jer. 16:16, 18.

MAGANDANG BALITA

14. Kailan natupad ang Joel 2:28, 29?

14 May magandang balita rin si Joel. Magiging mabunga ulit ang lupa. (Joel 2:23-26) Pagkatapos, magkakaroon ng saganang espirituwal na pagkain sa hinaharap. “Ibubuhos ko ang espiritu ko sa bawat uri ng tao,” ang sabi ni Jehova, “at manghuhula ang inyong mga anak na lalaki at babae . . . Ibubuhos ko rin ang espiritu ko sa aking mga aliping lalaki at babae.” (Joel 2:28, 29) Ang pagbubuhos ng espiritu ng Diyos ay hindi agad nangyari pagbalik ng mga Israelita mula sa Babilonya. Lumipas pa ang ilang daang taon bago ito nangyari noong Pentecostes 33 C.E. Paano natin nalaman?

15. Gaya ng makikita sa Gawa 2:16, 17, paano binago ni Pedro ang pananalita sa Joel 2:28, at ano ang ipinapakita nito?

15 Sa tulong ng Diyos, iniugnay ni apostol Pedro ang Joel 2:28, 29 sa isang kamangha-manghang pangyayari noong araw ng Pentecostes. Mga alas-nuwebe ng umagang iyon, naganap ang makahimalang pagbubuhos ng banal na espiritu at ang mga nakatanggap nito ay nakapagsalita “tungkol sa makapangyarihang mga gawa ng Diyos.” (Gawa 2:11) Gumamit si Pedro ng ibang pananalita nang sipiin niya ang hula ni Joel. Napansin ba ninyo ang pagbabagong ginawa niya? (Basahin ang Gawa 2:16, 17.) Imbes na simulan ito sa salitang “pagkatapos,” sinabi ni Pedro: “At sa mga huling araw”—tumutukoy sa huling araw ng sistema ng mga Judio—ibubuhos ang espiritu ng Diyos “sa bawat uri ng tao.” Ipinapakita nito na mahabang panahon pa ang lilipas bago matupad ang hula ni Joel.

16. Ano ang epekto ng espiritu ng Diyos sa gawaing pangangaral noong unang siglo, at kumusta naman ngayon?

16 Pagkatapos ng kamangha-manghang pagbubuhos na iyon ng espiritu ng Diyos noong unang siglo, nagsimula na ang gawaing pangangaral na aabot sa buong mundo. Nang sulatan ni apostol Pablo ang mga taga-Colosas noong mga 61 C.E., sinabi niyang ang mabuting balita ay ipinangangaral na “sa lahat ng nilalang sa buong lupa.” (Col. 1:23) Ang tinutukoy rito ni Pablo ay ang mga bahagi ng mundo na alam noon ng mga tao. Sa tulong ng banal na espiritu ni Jehova, napakalawak na ng naaabot ng gawaing pangangaral ngayon—“hanggang sa mga dulo ng lupa”!—Gawa 13:47; tingnan ang kahong “ Ibubuhos Ko ang Espiritu Ko.”

ANO ANG NAGBAGO?

17. Ano na ang unawa natin sa hula ni Joel?

17 Ano ang nagbago? Mas tama na ngayon ang unawa natin sa hulang nasa Joel 2:7-9. Maliwanag na hindi ito tumutukoy sa gawaing pangangaral natin, kundi sa pagsakop ng hukbo ng Babilonya sa Jerusalem noong 607 B.C.E.

18. Ano ang hindi nagbago sa mga lingkod ni Jehova?

18 Ano ang hindi nagbago? Ang mga lingkod ni Jehova ay patuloy pa ring nangangaral ng mabuting balita kahit saan, gamit ang iba’t ibang paraan. (Mat. 24:14) Walang makakapigil sa atin na mangaral, kahit pa ang gobyerno. At sa tulong ni Jehova, mas masigasig tayo ngayon at lakas-loob na nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian! Patuloy tayong umaasa sa tulong ni Jehova para maunawaan ang mga hula sa Bibliya, na nagtitiwalang sa tamang panahon, gagabayan niya tayo ‘para lubusang maunawaan ang katotohanan’!—Juan 16:13.

AWIT 97 Kailangan ang Salita ng Diyos Para Mabuhay

^ par. 5 Sa loob ng maraming taon, naniniwala tayong ang hula sa Joel kabanata 1 at 2 ay tumutukoy sa gawaing pangangaral sa panahon natin ngayon. Pero may apat na dahilan kung bakit dapat baguhin ang unawa natin sa bahaging ito ng hula ni Joel. Ano-ano iyon?

^ par. 3 Bilang halimbawa, tingnan ang artikulong “Nakikita sa mga Nilalang ang Karunungan ni Jehova” sa Bantayan, Abril 15, 2009, par. 14-16.