Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 17

“Tinatawag Ko Kayong mga Kaibigan”

“Tinatawag Ko Kayong mga Kaibigan”

“Tinatawag ko kayong mga kaibigan dahil sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama.”​—JUAN 15:15.

AWIT 13 Si Kristo ang Ating Huwaran

NILALAMAN *

1. Paano mo nagiging matalik na kaibigan ang isang tao?

KARANIWAN nang para maging matalik mong kaibigan ang isang tao, kailangan mo muna siyang makasama. Habang pinag-uusapan ninyo ang iniisip at nararamdaman ng isa’t isa, nagiging magkaibigan kayo. Pero mahirap para sa atin na maging matalik na kaibigan si Jesus. Bakit?

2. Ano ang unang dahilan kung bakit mahirap para sa atin na maging kaibigan si Jesus?

2 Una, hindi natin aktuwal na nakita si Jesus. Marami ring Kristiyano noong unang siglo na hindi aktuwal na nakita si Jesus. Pero sinabi ni apostol Pedro: “Kahit hindi ninyo siya nakita kailanman, mahal ninyo siya. Kahit hindi ninyo siya nakikita ngayon, nananampalataya kayo sa kaniya.” (1 Ped. 1:8) Kaya posible pa rin nating maging matalik na kaibigan si Jesus kahit hindi natin siya personal na nakita.

3. Ano ang ikalawang dahilan kung bakit mahirap para sa atin na maging kaibigan si Jesus?

3 Ikalawa, hindi natin nakakausap si Jesus. Kapag nananalangin tayo, nakikipag-usap tayo kay Jehova. Nananalangin tayo sa pangalan ni Jesus, pero hindi siya ang kinakausap natin. Ang totoo, ayaw ni Jesus na sa kaniya tayo manalangin. Bakit? Dahil ang pananalangin ay isang anyo ng pagsamba, at si Jehova lang ang dapat sambahin. (Mat. 4:10) Pero maipapakita pa rin nating mahal natin si Jesus.

4. Ano ang ikatlong dahilan kung bakit mahirap para sa atin na maging kaibigan si Jesus, at ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

4 Ikatlo, nasa langit si Jesus, kaya imposibleng makasama natin siya. Pero puwede pa rin natin siyang higit na makilala kahit hindi natin siya nakasama. Pag-uusapan natin ang apat na bagay na magagawa natin para mapatibay ang pakikipagkaibigan natin sa kaniya. Pero tingnan muna natin kung bakit mahalagang maging matalik tayong kaibigan ni Kristo.

BAKIT KAILANGAN TAYONG MAGING KAIBIGAN NI JESUS?

5. Bakit dapat tayong maging kaibigan ni Jesus? (Tingnan din ang mga kahong “ Ang Pakikipagkaibigan kay Jesus ay Umaakay sa Pakikipagkaibigan kay Jehova” at “ Balanseng Pananaw sa Papel ni Jesus.”)

5 Dapat na maging kaibigan tayo ni Jesus para maging kaibigan din tayo ni Jehova. Bakit? Una, sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: “Mahal kayo ng Ama, dahil minahal ninyo ako.” (Juan 16:27) Sinabi rin niya: “Walang sinumang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6) Ang isa na nakikipagkaibigan kay Jehova nang hindi nakikipagkaibigan kay Jesus ay parang pumapasok sa isang gusali nang hindi dumadaan sa pinto. Ganito rin ang ilustrasyon ni Jesus nang ilarawan niya ang sarili niya bilang “pinto para sa mga tupa.” (Juan 10:7) Ikalawa, lubusang natularan ni Jesus ang mga katangian ng kaniyang Ama. Sinabi niya sa mga alagad: “Ang sinumang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:9) Kaya para makilala si Jehova, dapat nating pag-aralan ang buhay ni Jesus. Habang nakikilala natin si Jesus, lalo siyang napapamahal sa atin. At habang tumitibay ang pakikipagkaibigan natin kay Jesus, lalong napapamahal sa atin ang kaniyang Ama.

6. Ano pa ang isang dahilan kung bakit dapat tayong maging kaibigan ni Jesus? Ipaliwanag.

6 Dapat na maging kaibigan tayo ni Jesus para masagot ang mga panalangin natin. Kapag nananalangin tayo, hindi lang natin basta sinasabing “sa pangalan ni Jesus.” Dapat na naiintindihan natin kung paano ginagamit ni Jehova si Jesus sa pagsagot sa mga panalangin natin. Sinabi ni Jesus sa mga apostol: “Anuman ang hingin ninyo sa pangalan ko, ibibigay ko iyon.” (Juan 14:13) Si Jehova ang nakikinig at sumasagot sa mga panalangin natin, pero binigyan niya si Jesus ng awtoridad na isagawa ang mga desisyon Niya. (Mat. 28:18) Kaya bago sagutin ng Diyos ang mga panalangin natin, tinitingnan niya muna kung sinusunod natin ang payo ni Jesus. Halimbawa, sinabi ni Jesus: “Kung pinatatawad ninyo ang mga pagkakamali ng iba, patatawarin din kayo ng inyong Ama sa langit; pero kung hindi ninyo pinatatawad ang mga pagkakamali ng iba, hindi rin patatawarin ng inyong Ama ang mga pagkakamali ninyo.” (Mat. 6:14, 15) Napakahalaga ngang pakitunguhan ang iba gaya ng pakikitungo sa atin ni Jehova at ni Jesus!

7. Sino ang makikinabang sa haing pantubos ni Jesus?

7 Ang matalik na mga kaibigan lang ni Jesus ang makikinabang sa haing pantubos niya. Bakit? Sinabi ni Jesus na ‘ibibigay niya ang sarili niyang buhay para sa mga kaibigan niya.’ (Juan 15:13) Ang tapat na mga taong nabuhay bago dumating si Jesus sa lupa ay kailangang matuto tungkol sa kaniya at mahalin siya. Ang mga tapat na lingkod ni Jehova gaya nina Abraham, Sara, Moises, at Rahab ay bubuhaying muli, pero dapat pa rin silang maging kaibigan ni Jesus para magkaroon sila ng buhay na walang hanggan.​—Juan 17:3; Gawa 24:15; Heb. 11:8-12, 24-26, 31.

8-9. Ayon sa Juan 15:4, 5, ano ang nagagawa natin kung kaibigan tayo ni Jesus, at bakit ito mahalaga?

8 Natutuwa tayong maging kamanggagawa ni Jesus sa pangangaral at pagtuturo ng mabuting balita ng Kaharian. Noong nasa lupa si Jesus, nagturo siya sa mga tao. At nang bumalik siya sa langit, patuloy niyang pinangasiwaan ang gawaing pangangaral at pagtuturo bilang ulo ng kongregasyon. Nakikita niya at pinapahalagahan ang pagsisikap mong makatulong sa marami na makilala siya at ang kaniyang Ama. Sa katunayan, magagawa lang natin ang gawaing ito sa tulong ni Jehova at ni Jesus.​—Basahin ang Juan 15:4, 5.

9 Maliwanag na itinuturo ng Salita ng Diyos na dapat nating mahalin si Jesus at panatilihin ang pagmamahal na iyon para mapasaya si Jehova. Kaya talakayin natin ang apat na hakbang para maging kaibigan ni Jesus.

KUNG PAANO MAGIGING KAIBIGAN NI JESUS

Magiging kaibigan ka ni Jesus kung (1) kikilalanin mo siya, (2) mag-iisip ka at kikilos na gaya niya, (3) susuportahan mo ang mga kapatid ni Kristo, at (4) susuportahan mo ang mga kaayusan ng kongregasyon (Tingnan ang parapo 10-14) *

10. Ano ang unang hakbang para maging kaibigan ni Jesus?

10 (1) Kilalanin si Jesus. Magagawa natin iyan kung babasahin natin ang mga aklat ng Mateo, Marcos, Lucas, at Juan. Habang binubulay-bulay natin ang mga ulat sa Bibliya tungkol sa buhay ni Jesus, nakakadama tayo ng pagmamahal at paggalang kay Jesus dahil sa mabait na pakikitungo niya sa mga tao. Halimbawa, kahit siya ang Panginoon ng mga alagad niya, hindi niya sila itinuring na alipin. Sa halip, sinabi niya sa kanila ang mga iniisip niya at nararamdaman. (Juan 15:15) Kapag nalulungkot sila, nalulungkot din si Jesus at kapag umiiyak sila, umiiyak din siya. (Juan 11:32-36) Pati ang mga kaaway niya ay nagsabing kaibigan siya ng mga tumanggap ng mensahe niya. (Mat. 11:19) Kapag tinularan natin ang pakikitungo ni Jesus sa mga alagad niya, mapapalapít tayo sa iba, mas magiging kontento tayo at masaya, at lalo natin siyang mamahalin at igagalang.

11. Ano ang ikalawang hakbang para maging kaibigan ni Jesus, at bakit ito mahalaga?

11 (2) Mag-isip at kumilos na gaya ni Jesus. Habang inaalam natin at tinutularan ang pag-iisip niya, lalong tumitibay ang pakikipagkaibigan natin sa kaniya. (1 Cor. 2:16) Paano natin matutularan si Jesus? Pag-isipan ito: Mas mahalaga kay Jesus ang pagtulong sa iba kaysa sa pagpapalugod sa sarili niya. (Mat. 20:28; Roma 15:1-3) Dahil dito, naging mapagsakripisyo siya at mapagpatawad. Hindi siya madaling magdamdam sa mga sinasabi ng iba tungkol sa kaniya. (Juan 1:46, 47) At hindi niya hinayaang makaapekto sa pakikitungo niya sa mga tao ang nagawang pagkakamali ng mga ito noon. (1 Tim. 1:12-14) Sinabi ni Jesus: “Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.” (Juan 13:35) Tanungin ang sarili, “Bilang pagtulad kay Jesus, ginagawa ko ba ang lahat para makipagpayapaan sa mga kapatid?”

12. Ano ang ikatlong hakbang para maging kaibigan ni Jesus, at paano natin ito magagawa?

12 (3) Suportahan ang mga kapatid ni Kristo. Para kay Jesus, ang pagsuporta natin sa pinahirang mga kapatid niya ay pagsuporta na rin sa kaniya. (Mat. 25:34-40) Magagawa natin ito, pangunahin na, kung lubusan tayong makikibahagi sa pangangaral at paggawa ng mga alagad na iniutos sa atin ni Jesus. (Mat. 28:19, 20; Gawa 10:42) Ang pandaigdig na pangangaral na ito ay magagawa lang ng mga kapatid ni Kristo sa tulong ng “ibang mga tupa.” (Juan 10:16) Kung kabilang ka sa ibang mga tupa, tuwing nakikibahagi ka sa gawaing ito, ipinapakita mo ang pagmamahal mo hindi lang sa mga pinahiran kundi pati na kay Jesus.

13. Paano natin masusunod ang payo ni Jesus sa Lucas 16:9?

13 Masasabi ring nakikipagkaibigan tayo kay Jehova at kay Jesus kapag ginagamit natin ang ating pera sa pagsuporta sa gawaing pinangangasiwaan nila. (Basahin ang Lucas 16:9.) Halimbawa, puwede tayong mag-donate para sa pandaigdig na gawain, na ginagamit para sa pangangaral sa malalayong lugar, pagtatayo at pagmamantini ng mga pasilidad sa pagsamba, at pagtulong sa mga biktima ng kalamidad. Puwede rin nating tulungan sa pinansiyal ang kongregasyon natin at ang mga kapatid na alam nating nangangailangan. (Kaw. 19:17) Iyan ang mga paraan ng pagsuporta sa mga kapatid ni Kristo.

14. Gaya ng makikita sa Efeso 4:15, 16, ano ang ikaapat na hakbang para maging kaibigan ni Jesus?

14 (4) Suportahan ang mga kaayusan ng kongregasyong Kristiyano. Nagiging matalik tayong kaibigan ni Jesus, na ulo ng kongregasyon, kapag nakikipagtulungan tayo sa mga naatasang mangalaga sa atin. (Basahin ang Efeso 4:15, 16.) Halimbawa, sinisikap natin ngayon na masulit ang paggamit sa lahat ng Kingdom Hall. Dahil diyan, may mga kongregasyong pinagsama at may ginawang pagbabago sa mga teritoryo. Kaya malaki ang natitipid ng organisasyon. Pero sa pagbabagong ito, kinailangang mag-adjust ng ilang kapatid. Ang tapat na mga kapatid na ito ay baka matagal nang naglilingkod sa isang kongregasyon at napamahal na sa kanila ang mga kapatid doon. Pero hinihilingan sila ngayong maglingkod sa ibang kongregasyon. Tiyak na tuwang-tuwa si Jesus na makitang nakikipagtulungan ang tapat na mga kapatid na ito sa ganitong kaayusan!

KAIBIGAN NI JESUS MAGPAKAILANMAN

15. Bakit masasabing patuloy na titibay ang pakikipagkaibigan natin kay Jesus sa hinaharap?

15 May pag-asang makasama ni Jesus magpakailanman ang mga pinahiran ng banal na espiritu, na maghaharing kasama niya sa Kaharian ng Diyos. Aktuwal nilang makikita, makakausap, at makakasama si Kristo. (Juan 14:2, 3) Ang mga may pag-asang mabuhay sa lupa ay makakatanggap din ng pagmamahal at atensiyon mula kay Jesus. Kahit hindi nila makikita si Jesus, patuloy na titibay ang kanilang pakikipagkaibigan sa kaniya habang tinatamasa nila ang buhay na inilaan ni Jehova at ni Jesus para sa kanila.​—Isa. 9:6, 7.

16. Ano-anong pagpapala ang natatanggap natin dahil kaibigan tayo ni Jesus?

16 Kapag tinanggap natin ang paanyaya ni Jesus na maging kaibigan niya, pagpapalain tayo. Halimbawa, nararamdaman natin ngayon ang pagmamahal at suporta niya. May pag-asa tayong mabuhay magpakailanman. At higit sa lahat, ang pakikipagkaibigan natin kay Jesus ay aakay sa pinakamahalagang kayamanan—ang pakikipagkaibigan sa Ama ni Jesus, si Jehova. Isa ngang napakalaking pribilehiyo na tawaging kaibigan ni Jesus!

AWIT 17 Handang Tumulong

^ par. 5 Mga ilang taóng nakausap at nakasama ng mga apostol si Jesus kaya naging matalik silang magkakaibigan. Gusto rin ni Jesus na maging kaibigan niya tayo pero di-gaya ng mga apostol, mahirap ito para sa atin. Tatalakayin sa artikulong ito kung bakit. Tatalakayin din dito ang mga mungkahi kung paano tayo magkakaroon ng matalik na pakikipagkaibigan kay Jesus at kung paano natin ito mapapanatili.

^ par. 55 LARAWAN: (1) Sa pampamilyang pagsamba, pag-aralan ang buhay at ministeryo ni Jesus. (2) Sa kongregasyon, pagsikapang makipagpayapaan sa mga kapatid. (3) Sa ministeryo, gawin ang buong makakaya para masuportahan ang mga kapatid ni Kristo. (4) Kapag pinagsasama ang mga kongregasyon, makipagtulungan sa desisyon ng mga elder.