Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Bago siya mamatay, bakit sinipi ni Jesus ang mga sinabi ni David sa Awit 22:1?

Kasama sa mga huling sinabi ni Jesus bago siya mamatay ang nakaulat sa Mateo 27:46: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Nang sabihin niya ito, tinupad niya ang sinabi ng salmistang si David sa Awit 22:1. (Mar. 15:34) Maling isiping kaya sinipi ni Jesus ang mga pananalitang iyon ay dahil binigo siya ni Jehova o pansamantala siyang nawalan ng pananampalataya. Malinaw na malinaw kay Jesus kung bakit kailangan siyang mamatay, at handa siyang gawin iyon. (Mat. 16:21; 20:28) Alam din niya na sa panahon ng kamatayan niya, kailangang alisin ni Jehova ang anumang “bakod” sa palibot niya. (Job 1:10) Kaya hinayaan ni Jehova na lubusang mapatunayan ni Jesus na mananatili siyang tapat gaano man kahirap ang kamatayan niya.​—Mar. 14:35, 36.

Kaya bakit sinabi ni Jesus ang mga salita sa awit na ito? Hindi tayo sigurado kung bakit, pero tingnan natin ang ilang posibleng dahilan. *

Nang sabihin ni Jesus ang pananalitang ito, idiniriin ba niya na hindi makikialam si Jehova sa kamatayan niya? Kailangang mabayaran ni Jesus ang pantubos nang walang tulong ni Jehova. Isa siyang tao noon at kailangang mamatay para “matikman niya ang kamatayan para sa bawat tao.”​—Heb. 2:9.

Nang sumipi si Jesus sa Awit 22:1, gusto ba niyang isipin ng mga Judio ang buong awit? Karaniwan nang kinakabisado noon ng mga Judio ang karamihan sa mga awit. Kapag naipaalala sa kanila ang isang talata ng awit, natural lang sa kanila na maisip ang buong awit. Kung ito ang nasa isip ni Jesus, natulungan niya ang mga Judiong tagasunod niya na maalala ang maraming hula sa awit na ito tungkol sa mga pangyayaring magaganap sa kamatayan niya. (Awit 22:7, 8, 15, 16, 18, 24) At sa pagtatapos ng awit na ito, ang tagumpay ng paghahari ni Jehova ay inilarawang aabot sa buong lupa.​—Awit 22:27-31.

Nang sipiin ni Jesus ang pananalita ni David, idiniriin ba niya na wala siyang kasalanan? Bago siya mamatay, kinailangang tiisin ni Jesus ang ilegal na paglilitis kung saan hinatulan siyang nagkasala ng pamumusong. (Mat. 26:65, 66) Ang paglilitis na iyon ay mabilisang ginawa sa kalaliman ng gabi at maliwanag na labag sa itinakda ng batas. (Mat. 26:59; Mar. 14:56-59) Nang sipiin ni Jesus ang tanong na “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” posibleng gusto niyang idiin na wala siyang anumang ginawa na nararapat para sa gayong uri ng parusa.

Ipinapaalala din ba ni Jesus na ang pagdurusa ni David, ang manunulat ng awit na ito, ay hindi nangangahulugang naiwala ni David ang pagsang-ayon ni Jehova? Ang pagtatanong ni David ay hindi nagpapakitang nawalan siya ng pananampalataya. Pagkatapos niyang magtanong, sinabi niyang nagtitiwala siya na maililigtas ni Jehova ang kaniyang bayan, at patuloy siyang pinagpala ni Jehova. (Awit 22:23, 24, 27) Sa katulad na paraan, ang pagdurusa ni Jesus, ang “Anak ni David,” sa pahirapang tulos, ay hindi nangangahulugang nawala na ang pagsang-ayon ni Jehova kay Jesus.​—Mat. 21:9.

Nasabi ba iyon ni Jesus dahil sa matinding pamimighati nang alisin ni Jehova sa kaniya ang proteksiyon para lubusang mapatunayan ang katapatan niya? Hindi nilayon ni Jehova na magdusa at mamatay ang kaniyang Anak. Kinailangan lang ito pagkatapos ng unang rebelyon. Walang ginawang masama si Jesus, pero kailangan niyang magdusa at mamatay para masagot ang isyung ibinangon ni Satanas at mailaan ang halaga ng pantubos na kailangan para mabawi ang naiwala ng tao. (Mar. 8:31; 1 Ped. 2:21-24) Mangyayari lang ito kung pansamantalang aalisin ni Jehova ang proteksiyon niya kay Jesus sa kauna-unahang pagkakataon.

Tinutulungan ba ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na magpokus sa dahilan kung bakit hinayaan ni Jehova na mamatay siya sa ganoong paraan? * Alam ni Jesus na maraming matitisod sa paraan ng pagkamatay niyang ito sa pahirapang tulos bilang isang kriminal. (1 Cor. 1:23) Kung magpopokus ang mga tagasunod niya sa tunay na dahilan ng kaniyang pagkamatay, maiintindihan nila ang talagang kahulugan nito. (Gal. 3:13, 14) Kaya ituturing nila siyang Tagapagligtas at hindi kriminal.

Anuman ang dahilan ni Jesus sa pagsipi sa pananalitang ito, alam niya na ang nararanasan niya ay bahagi ng kalooban ni Jehova para sa kaniya. Di-nagtagal pagkatapos niyang sipiin ang awit na ito, sinabi ni Jesus: “Naganap na!” (Juan 19:30; Luc. 22:37) Oo, nang pansamantalang alisin ni Jehova ang kaniyang proteksiyon, lubusang nagawa ni Jesus ang lahat ng dapat niyang gawin dito sa lupa. Natupad din niya ang lahat ng nakasulat tungkol sa kaniya “sa Kautusan ni Moises at sa mga Propeta at sa mga Awit.”​—Luc. 24:44.

^ par. 2 Tingnan din ang parapo 9 at 10 sa artikulong “Matuto sa mga Huling Sinabi ni Jesus” sa isyung ito.

^ par. 4 Sa panahon ng ministeryo ni Jesus, kung minsan, may sinasabi siya o itinatanong na hindi nagpapakita ng talagang nararamdaman niya. Ginawa niya ito para bigyan ng pagkakataon ang kaniyang mga tagasunod na sabihin ang kanilang iniisip.​—Mar. 7:24-27; Juan 6:1-5; tingnan ang Bantayan, Oktubre 15, 2010, p. 4-5.