Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 17

Napakahalaga Mo kay Jehova!

Napakahalaga Mo kay Jehova!

“Nalulugod si Jehova sa bayan niya.”​—AWIT 149:4.

AWIT 108 Ang Tapat na Pag-ibig ng Diyos

NILALAMAN *

“Nalulugod” sa bawat isa sa atin ang ating Ama sa langit (Tingnan ang parapo 1)

1. Ano ang nakikita ni Jehova sa bayan niya?

“NALULUGOD si Jehova sa bayan niya.” (Awit 149:4) Napakasarap isipin niyan! Nakikita ni Jehova ang magaganda nating katangian at kung ano ang kaya nating gawin, at inilalapit niya tayo sa kaniya. Kung mananatili tayong tapat sa kaniya, hindi niya tayo iiwan kahit kailan!—Juan 6:44.

2. Bakit nahihirapang maniwala ang ilan na mahal sila ni Jehova?

2 Baka sabihin ng ilan, ‘Alam kong mahal ni Jehova ang bayan niya, pero hindi ako sigurado kung mahal ako ni Jehova.’ Bakit nila naiisip iyan? Sinabi ni Oksana, * na mahirap ang pinagdaanan noong bata pa siya: “Masayang-masaya ako nang magpabautismo ako at magpayunir. Pero pagkalipas ng 15 taon, bumabalik sa isip ko ang mga pangit na nangyari sa buhay ko. Naisip ko na ayaw na sa akin ni Jehova at hindi ako karapat-dapat sa pag-ibig niya.” Sinabi naman ni Yua, isang sister na payunir na hindi rin maganda ang pinagdaanan noong bata siya: “Inialay ko kay Jehova ang buhay ko kasi gusto ko siyang mapasaya. Pero sigurado akong hindi niya ako kayang mahalin.”

3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

3 Gaya ng dalawang sister na binanggit, mahal na mahal mo din si Jehova pero baka nagdududa kang mahal ka niya. Bakit kailangan mong maniwalang talagang nagmamalasakit siya sa iyo? At ano ang makakatulong sa iyo kapag naiisip mong hindi ka mahal ni Jehova? Alamin natin ang mga sagot.

MAPANGANIB KUNG MAGDUDUDA KANG MAHAL KA NI JEHOVA

4. Bakit mapanganib kung magdududa tayong mahal tayo ni Jehova?

4 Malaki ang nagagawa ng pag-ibig. Kung sigurado tayong mahal tayo at sinusuportahan ni Jehova, gugustuhin nating paglingkuran siya nang buong puso kahit may mga problema. Pero kung nagdududa tayo na nagmamalasakit sa atin ang Diyos, ‘mababawasan ang lakas natin.’ (Kaw. 24:10) At kung masisiraan tayo ng loob at iisiping hindi tayo mahal ng Diyos, mas madali tayong atakihin ni Satanas.​—Efe. 6:16.

5. Ano ang naging epekto sa ilang kapatid nang pagdudahan nilang mahal sila ng Diyos?

5 May ilang tapat na kapatid na humina ang espirituwalidad dahil nagduda silang mahal sila ng Diyos. Sinabi ng elder na si James: “Kahit na Bethelite ako at naglilingkod sa kongregasyong iba ang wika, hindi ako sigurado kung masaya si Jehova sa paglilingkod ko. Minsan, napaisip pa nga ako kung pinapakinggan niya ang mga panalangin ko.” Sinabi ni Eva, na naglilingkod din nang buong panahon: “Nakita kong mapanganib pagdudahan na mahal tayo ni Jehova kasi makakaapekto iyon sa paglilingkod natin sa kaniya. Mawawalan ka ng gana sa espirituwal na mga bagay at hindi ka na mag-e-enjoy sa paglilingkod kay Jehova.” Sinabi ni Michael, isang regular pioneer at elder: “Kung hindi ka naniniwalang nagmamalasakit sa iyo ang Diyos, unti-unti kang mapapalayo sa kaniya.”

6. Ano ang dapat nating gawin kapag naiisip nating hindi tayo mahal ng Diyos?

6 Makikita sa mga karanasang iyon na talagang mapanganib kung pagdududahan nating mahal tayo ng Diyos. Pero ano ang dapat nating gawin kung naiisip na natin iyon? Alisin agad iyon sa isip natin! Hilingin kay Jehova na tulungan kang maalis ang mga “gumugulo sa isip” mo at magkaroon ng ‘kapayapaan ng Diyos na magbabantay sa iyong puso at isip.’ (Awit 139:23; tlb.; Fil. 4:6, 7) At tandaan na hindi ka nag-iisa. Nararamdaman din ng ibang tapat na kapatid ang nararamdaman mo. Pinagdaanan din iyan ng ibang lingkod ni Jehova noon. Tingnan natin kung ano ang matututuhan natin kay apostol Pablo.

ANG MATUTUTUHAN NATIN KAY PABLO

7. Ano ang naging mga problema ni Pablo?

7 Minsan ba, pakiramdam mo, ang dami mong responsibilidad at parang hindi mo kayang gawin lahat? Kung oo, maiintindihan mo si Pablo. Nag-alala siya, hindi lang para sa isang kongregasyon, kundi “para sa lahat ng kongregasyon.” (2 Cor. 11:23-28) Pinapahirapan ka ba ng sakit mo? Nagkaroon ng “tinik sa laman” si Pablo na hindi mawala-wala. Posibleng isa itong sakit na gusto na niyang maalis. (2 Cor. 12:7-10) Nasisiraan ka ba ng loob dahil sa mga kahinaan mo? Nangyari din iyan kay Pablo. Tinawag niyang “miserableng tao” ang sarili niya dahil sa patuloy niyang pakikipaglaban sa mga kahinaan niya.​—Roma 7:21-24.

8. Ano ang nakatulong kay Pablo na maharap ang mga problema niya?

8 Maraming problema si Pablo, pero patuloy siyang naglingkod kay Jehova. Paano niya iyon nagawa? Kahit na alam niya ang mga kahinaan niya, matibay ang pananampalataya niya sa pantubos. Alam din niya ang pangako ni Jesus na ‘ang bawat isa na nananampalataya kay Jesus ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.’ (Juan 3:16; Roma 6:23) Siguradong isa si Pablo sa mga nanampalataya sa pantubos. Kumbinsido siyang handang patawarin ni Jehova kahit ang mga nagkasala nang malubha kung nagsisisi sila.​—Awit 86:5.

9. Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Pablo sa Galacia 2:20?

9 Nanampalataya din si Pablo na mahal na mahal siya ng Diyos dahil sa ginawa ni Kristo. (Basahin ang Galacia 2:20.) Pansinin ang nakakapagpatibay na sinabi ni Pablo sa dulo ng talata: ‘Minahal ako ng Anak ng Diyos at ibinigay ang sarili niya para sa akin.’ Hindi naramdaman ni Pablo na napakasama niya para mahalin ng Diyos. Hindi niya inisip, ‘Mamahalin ni Jehova ang mga kapatid ko, pero ako, hindi.’ Ipinaalala ni Pablo sa mga taga-Roma: “Namatay si Kristo para sa atin habang makasalanan pa tayo.” (Roma 5:8) Walang makakapigil sa Diyos para mahalin tayo!

10. Ano ang matututuhan natin sa Roma 8:38, 39?

10 Basahin ang Roma 8:38, 39. Talagang kumbinsido si Pablo na mahal tayo ng Diyos. Sinabi niya na walang “makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.” Alam ni Pablo na naging matiisin si Jehova sa bansang Israel. Alam din niya kung paano nagpakita ng awa sa kaniya si Jehova. Para bang sinasabi ni Pablo, ‘Kung isinugo ni Jehova ang sarili niyang Anak para mamatay alang-alang sa akin, hindi ko dapat pagdudahan na mahal niya ako.’—Roma 8:32.

Ang mahalaga sa Diyos ay ang ginagawa natin ngayon at gagawin sa hinaharap, hindi ang mga pagkakamaling nagawa natin noon (Tingnan ang parapo 11) *

11. Kahit nagawa ni Pablo ang mga kasalanang binabanggit sa 1 Timoteo 1:12-15, bakit siya nakakasigurong mahal siya ng Diyos?

11 Basahin ang 1 Timoteo 1:12-15. Siguradong may mga pagkakataong nakokonsensiya si Pablo kapag naiisip niya ang mga pagkakamaling nagawa niya noon. Hindi nga nakakapagtakang sinabi niyang siya ang “pinakamakasalanan”! Bago malaman ni Pablo ang katotohanan, pinag-usig niya ang mga Kristiyano sa iba’t ibang lunsod, ipinabilanggo niya ang ilan, at pumabor siya sa pagpatay sa iba. (Gawa 26:10, 11) Ano kaya ang pakiramdam ni Pablo kapag may nakilala siyang kabataang Kristiyano na may mga magulang na pinatay dahil sa kaniya? Pinagsisihan ni Pablo ang mga pagkakamali niya, pero alam niyang hindi na niya mababago ang nakaraan. Kumbinsido siyang namatay si Kristo para sa kaniya, at sinabi niya: “Dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos, ako ay naging kung ano ako ngayon.” (1 Cor. 15:3, 10) Ano ang aral para sa atin? Maging kumbinsido na namatay si Kristo para sa iyo para magkaroon ka ng malapít na kaugnayan kay Jehova. (Gawa 3:19) Ang mahalaga sa Diyos ay ang ginagawa natin ngayon at gagawin sa hinaharap, hindi ang mga pagkakamaling nagawa natin noon, Saksi man tayo ni Jehova o hindi nang magawa natin ang mga iyon.​—Isa. 1:18.

12. Paano makakatulong sa atin ang 1 Juan 3:19, 20 kung iniisip nating hindi tayo mahalaga o hindi karapat-dapat mahalin?

12 Kapag naiisip mong namatay si Jesus para takpan ang mga kasalanan mo, baka sabihin mo, ‘Hindi ako karapat-dapat diyan.’ Bakit posibleng maramdaman mo iyan? Kasi baka dayain tayo ng puso natin para isiping hindi tayo mahalaga o hindi karapat-dapat mahalin. (Basahin ang 1 Juan 3:19, 20.) Kapag nangyari iyan, tandaan na “ang Diyos ay mas dakila kaysa sa puso natin.” Ang pag-ibig at pagpapatawad ng ating Ama sa langit ay mas malakas kaysa sa anumang negatibong nararamdaman natin. Dapat tayong maniwala na mahal tayo ni Jehova. Para magawa iyan, dapat na madalas tayong mag-aral ng kaniyang Salita, laging manalangin, at regular na makipagsamahan sa tapat na mga lingkod niya. Bakit napakahalaga ng mga iyan?

MAKAKATULONG ANG BIBLIYA, PANALANGIN, AT TAPAT NA KAIBIGAN

13. Paano makakatulong sa atin ang pag-aaral sa Salita ng Diyos? (Tingnan din ang kahong “ Nakakatulong sa Kanila ang Salita ng Diyos.”)

13 Pag-aralan ang Salita ng Diyos araw-araw, at mas makikilala mo si Jehova. Makikita mo kung gaano ka niya kamahal. Makakatulong ang pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos araw-araw para ‘maituwid’ mo ang nasa isip at puso mo. (2 Tim. 3:16) Sinabi ng elder na si Kevin, na mababa ang tingin sa sarili: “Nakatulong sa akin ang pagbabasa at pagbubulay-bulay sa Awit 103 para maituwid ko ang kaisipan ko at maintindihan ko kung ano talaga ang tingin sa akin ni Jehova.” Sinabi ni Eva, na binanggit kanina: “Sa pagtatapos ng araw, binubulay-bulay ko ang mga kaisipan ni Jehova. Napapayapa nito ang puso ko at napapatibay ang pananampalataya ko.”

14. Paano makakatulong sa atin ang panalangin?

14 Laging manalangin. (1 Tes. 5:17) Kung gusto nating maging kaibigan ang isang tao, dapat na lagi natin siyang kausapin at sabihin sa kaniya ang nararamdaman natin. Ganiyan din sa pakikipagkaibigan natin kay Jehova. Kapag sinasabi natin sa kaniya sa panalangin ang mga nararamdaman, iniisip, at problema natin, ipinapakita nating nagtitiwala tayo sa kaniya at alam nating mahal niya tayo. (Awit 94:17-19; 1 Juan 5:14, 15) Sinabi ni Yua, na binanggit kanina: “Kapag nananalangin ako, hindi ko lang inirereport ang mga nangyari sa akin sa araw na iyon. Sinasabi ko rin kay Jehova kung ano talaga ang iniisip ko at nararamdaman. Unti-unti, hindi ko na itinuturing si Jehova na parang isang manager ng kompanya, kundi bilang isang Ama na talagang nagmamahal sa mga anak niya.”​—Tingnan ang kahong “ Nabasa Mo Na Ba Ito?

15. Paano ipinapakita ni Jehova na nagmamalasakit siya sa atin?

15 Makipagsamahan sa tapat na mga kaibigan; regalo sila ni Jehova. (Sant. 1:17) Para maipakita ng ating Ama sa langit na nagmamalasakit siya sa atin, binigyan niya tayo ng mga kapatid sa kongregasyon na “nagmamahal sa lahat ng panahon.” (Kaw. 17:17) Sa liham ni Pablo sa mga taga-Colosas, binanggit niya ang mga Kristiyanong sumuporta sa kaniya at sinabi niyang “talagang napalalakas” nila siya. (Col. 4:10, 11) Kahit si Kristo Jesus ay nangailangan din ng suporta ng mga kaibigan niyang anghel at tao, at ipinagpasalamat niya ito.​—Luc. 22:28, 43.

16. Paano makakatulong ang tapat na mga kaibigan para mas mapalapít tayo kay Jehova?

16 Pinapahalagahan mo ba ang tulong na maibibigay ng tapat na mga kaibigan? Kapag sinasabi natin sa isang matured na kaibigan ang mga problema natin, hindi ibig sabihin nito na mahina ang pananampalataya natin. Ang totoo, mapoprotektahan tayo nito. Tingnan ang sinabi ni James, na binanggit kanina: “Malaking tulong sa akin ang mga kaibigan kong matured sa espirituwal. Kapag puro negatibo na ang naiisip ko, matiyagang nakikinig sa akin ang mga kaibigan ko at sinasabi nilang mahal nila ako. Nararamdaman ko sa kanila ang pagmamahal at malasakit ni Jehova sa akin.” Napakahalaga ngang maging malapít sa mga kapatid!

MANATILI SA PAG-IBIG NI JEHOVA

17-18. Kanino tayo dapat makinig, at bakit?

17 Gusto ni Satanas na sumuko tayo sa paggawa ng mabuti. Gusto niyang maniwala tayo na hindi tayo mahal ni Jehova at hindi tayo karapat-dapat maligtas. Pero gaya ng nakita natin, kasinungalingan iyon.

18 Mahal ka ni Jehova. Napakahalaga mo sa kaniya. Kung susundin mo siya, ‘mananatili ka sa pag-ibig niya’ magpakailanman, gaya ni Jesus. (Juan 15:10) Kaya huwag kang makinig kay Satanas o sa mapandaya mong puso. Sa halip, makinig kay Jehova, na nakakakita sa magagandang katangian ng bawat isa sa atin. Maging kumbinsido na “nalulugod si Jehova sa bayan niya,” kasama ka na!

AWIT 141 Ang Regalong Buhay

^ par. 5 May mga kapatid tayong hindi naniniwalang kaya silang mahalin ni Jehova. Tatalakayin sa artikulong ito kung bakit tayo makakasigurong mahal ni Jehova ang bawat isa sa atin. Tatalakayin din natin kung ano ang puwede nating gawin kung nagdududa tayong mahal tayo ni Jehova.

^ par. 2 Binago ang ilang pangalan.

^ par. 67 LARAWAN: Maraming Kristiyano ang ipinabilanggo ni Pablo noon. Nang tanggapin niya ang ginawa ni Jesus para sa kaniya, nagbago siya at pinatibay ang mga kapuwa niya Kristiyano, na ang ilan ay posibleng kamag-anak ng mga pinag-usig niya.