Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 14

“Sundan Ninyong Mabuti ang mga Yapak Niya”

“Sundan Ninyong Mabuti ang mga Yapak Niya”

“Si Kristo ay nagdusa para sa inyo, at nag-iwan siya ng huwaran para sundan ninyong mabuti ang mga yapak niya.”​—1 PED. 2:21.

AWIT 13 Si Kristo ang Ating Huwaran

NILALAMAN *

Nag-iwan si Jesus ng mga bakas ng yapak niya para sundan nating mabuti (Tingnan ang parapo 1-2)

1-2. Paano natin masusundan ang mga yapak ni Jesus? Ilarawan.

ISIPING nagha-hiking kayo sa isang lugar na mapanganib at puno ng snow. Sanay na sanay sa lugar na iyon ang guide ninyo. Habang naglalakad siya, nag-iiwan ng mga bakas ang mga paa niya sa malambot na snow. May pagkakataong nawawala siya sa paningin mo! Pero hindi ka nagpa-panic. Sinusundan na lang ninyong mabuti ang mga bakas ng paa niya!

2 Bilang tunay na mga Kristiyano, para din tayong nagha-hiking sa isang mapanganib na lugar—ang masamang sanlibutang ito. Buti na lang, nagbigay si Jehova ng perpektong Guide—ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Masusundan nating mabuti ang mga yapak niya. (1 Ped. 2:21) Ayon sa isang reperensiya sa Bibliya, ikinumpara ni Pedro si Jesus sa isang guide. Gaya ng guide, nag-iwan si Jesus ng mga bakas, o yapak, na masusundan natin. Talakayin natin ang tatlong tanong tungkol sa pagsunod sa mga yapak niya—ano? bakit? at paano?

ANO ANG IBIG SABIHIN NG SUNDAN ANG MGA YAPAK NI JESUS?

3. Ano ang ibig sabihin ng sundan ang mga yapak ng isa?

3 Ano ang ibig sabihin ng sundan ang mga yapak ng isa? Sa Bibliya, ang mga salitang “lumakad” at “mga paa” ay tumutukoy kung minsan sa landasin ng isang tao. (Gen. 6:9; Kaw. 4:26) Ang ginagawa ng isang tao sa buhay niya ay maitutulad sa mga bakas, o yapak, ng mga paa niya. Kaya ang ibig sabihin ng sundan ang mga yapak ng isa ay sundan ang ginagawa niya, o tularan siya.

4. Ano ang ibig sabihin ng sundan ang mga yapak ni Jesus?

4 Kaya ano ang ibig sabihin ng sundan ang mga yapak ni Jesus? Sa maikli, tularan ang halimbawa niya. Sa ating temang teksto, ang tinutukoy ni apostol Pedro ay ang magandang halimbawa ng pagtitiis ni Jesus; pero marami pa tayong puwedeng tularan kay Jesus. (1 Ped. 2:18-25) Sa katunayan, ang buong buhay niya—lahat ng sinabi niya at ginawa—ay isang halimbawa na dapat nating tularan.

5. Matutularan ba talaga ng di-perpektong mga tao ang perpektong halimbawa ni Jesus? Ipaliwanag.

5 Bilang di-perpektong mga tao, matutularan ba talaga natin ang halimbawa ni Jesus? Oo naman. Tandaan na hindi sinabi ni Pedro na perpektong sundan ang mga yapak ni Jesus, kundi ‘sundang mabuti ang mga yapak niya.’ Kung gagawin natin iyan sa abot ng ating makakaya, masusunod natin ang sinabi ni apostol Juan: “Patuloy na lumakad kung paanong lumakad ang isang iyon [si Jesus].”​—1 Juan 2:6.

BAKIT DAPAT NATING SUNDAN ANG MGA YAPAK NI JESUS?

6-7. Bakit masasabing mas mapapalapít tayo kay Jehova kung susundan natin ang mga yapak ni Jesus?

6 Mas mapapalapít tayo kay Jehova kung susundan natin ang mga yapak ni Jesus. Bakit? Una, nagpakita si Jesus ng magandang halimbawa kung paano mamumuhay sa paraang mapapasaya ang Diyos. (Juan 8:29) Kaya kung susundan natin ang mga yapak ni Jesus, matutuwa si Jehova. At makakasiguro tayong lalapit ang ating makalangit na Ama sa mga nagsisikap na maging kaibigan niya.​—Sant. 4:8.

7 Ikalawa, perpektong tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama. Kaya masasabi ni Jesus: “Ang sinumang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:9) Kapag tinutularan natin ang mga katangian ni Jesus at ang pakikitungo niya sa iba—halimbawa, nagpakita siya ng awa sa isang ketongin, empatiya sa isang babaeng may malubhang sakit, at habag sa mga namatayan—natutularan din natin si Jehova. (Mar. 1:40, 41; 5:25-34; Juan 11:33-35) Habang natutularan natin ang mga katangian ni Jehova, lalo tayong napapalapít sa kaniya.

8. Ipaliwanag kung bakit makakatulong ang pagsunod sa mga yapak ni Jesus para ‘madaig’ ang sanlibutan.

8 Hindi tayo maililihis ng masamang sanlibutang ito kung susundan natin ang mga yapak ni Jesus. Noong huling gabi bago mamatay si Jesus, sinabi niya: “Dinaig ko ang sanlibutan.” (Juan 16:33) Ang ibig niyang sabihin, hindi siya nagpaimpluwensiya sa kaisipan, tunguhin, at ginagawa ng sanlibutan. Hindi kinalimutan ni Jesus kung bakit siya isinugo sa lupa—para ipagbangong-puri si Jehova. Kumusta naman tayo? Sa sanlibutang ito, maraming makakapaglihis sa atin. Pero kung magpopokus tayo sa paggawa ng kalooban ni Jehova gaya ni Jesus, ‘madaraig’ din natin ang sanlibutan.​—1 Juan 5:5.

9. Ano ang dapat nating gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan?

9 Magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan kung susundan natin ang mga yapak ni Jesus. Nang magtanong ang isang mayamang lalaki kung ano ang kailangan niyang gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan, sumagot si Jesus: “Sumama ka sa akin, at maging tagasunod kita.” (Mat. 19:16-21) Para sa ilang Judio na hindi naniniwalang siya ang Kristo, sinabi ni Jesus: ‘Ang mga tupa ko ay sumusunod sa akin. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan.’ (Juan 10:24-29) Sinabi naman ni Jesus kay Nicodemo, isang miyembro ng Sanedrin na naging interesado sa mga turo niya, na ang mga ‘nananampalataya sa kaniya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.’ (Juan 3:16) Nananampalataya tayo kay Jesus kapag sinusunod natin ang mga sinabi niya at tinutularan ang mga ginawa niya. Kung gagawin natin iyan, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan.​—Mat. 7:14.

PAANO NATIN MASUSUNDANG MABUTI ANG MGA YAPAK NI JESUS?

10. Ano ang dapat gawin para mas “makilala” si Jesus? (Juan 17:3)

10 Bago natin masundang mabuti ang mga yapak ni Jesus, dapat muna natin siyang “makilala.” (Basahin ang Juan 17:3.) Ito ay isang patuluyang proseso. Para patuloy natin siyang makilala, kailangan nating alamin ang kaniyang mga katangian, pag-iisip, at pamantayan. Gaano man tayo katagal na sa katotohanan, dapat tayong patuloy na magsikap na makilala si Jehova at ang Anak niya.

11. Ano ang nilalaman ng apat na Ebanghelyo?

11 Para makilala natin ang Anak niya, maibiging ipinasulat ni Jehova sa Salita niya ang apat na Ebanghelyo. Mababasa natin sa mga ito ang buhay at ministeryo ni Jesus. Makikita rin natin dito ang mga sinabi niya, ginawa, at naramdaman. Tutulungan tayo ng apat na aklat na ito na ‘isiping mabuti’ ang halimbawa ni Jesus. (Heb. 12:3) Kaya masasabing naglalaman ang mga ito ng mga bakas ng yapak ni Jesus. Kung susuriin natin ang mga Ebanghelyo, patuloy nating makikilala si Jesus at masusundang mabuti ang mga yapak niya.

12. Paano tayo lubusang makikinabang sa mga Ebanghelyo?

12 Para lubusang makinabang sa mga Ebanghelyo, hindi lang natin basta babasahin ang mga ito. Kailangan nating maglaan ng panahon para pag-aralang mabuti at bulay-bulayin ang mga ito. (Ihambing ang Josue 1:8, talababa.) Talakayin natin ang dalawang mungkahi na tutulong sa ating magbulay-bulay sa mga Ebanghelyo at isabuhay ang mga nababasa natin dito.

13. Paano mo gagawing buhay na buhay ang mga ulat ng Ebanghelyo?

13 Una, gawing buhay na buhay ang mga ulat ng Ebanghelyo. Gamitin ang imahinasyon mo para makita, marinig, at madama ang mga nangyayari. Para magawa iyan, mag-research sa mga publikasyong inilaan ng organisasyon ni Jehova. Suriin ang konteksto—mga pangyayari bago o pagkatapos ng ulat na pinag-aaralan mo. Humanap ng iba pang impormasyon tungkol sa mga tao at lugar na binanggit sa ulat. Ikumpara ang ulat na pinag-aaralan mo sa kaparehong ulat sa iba pang Ebanghelyo. Kung minsan, may mahalagang detalye na binanggit ang isang manunulat ng Ebanghelyo na hindi nabanggit ng iba.

14-15. Paano natin maisasabuhay ang mga ulat ng Ebanghelyo?

14 Ikalawa, isabuhay ang mga ulat ng Ebanghelyo. (Juan 13:17) Pagkatapos mong pag-aralang mabuti ang isang ulat ng Ebanghelyo, tanungin ang sarili: ‘May aral ba sa ulat na ito na puwede kong isabuhay? Paano ko magagamit ang ulat na ito para tulungan ang iba?’ Mag-isip ng isang indibidwal, at sa tamang panahon, maibigin at mataktikang i-share sa kaniya ang aral na natutuhan mo.

15 Talakayin natin ang isang halimbawa kung paano natin gagawin ang dalawang mungkahing ito. Susuriin natin ang ulat tungkol sa mahirap na biyudang napansin ni Jesus sa templo.

ANG MAHIRAP NA BIYUDA SA TEMPLO

16. Ano ang nai-imagine mo sa ulat ng Marcos 12:41?

16 Gawing buhay na buhay ang ulat. (Basahin ang Marcos 12:41.) Isipin ang nangyayari. Nisan 11 noon, 33 C.E.​—ilang araw na lang, papatayin na si Jesus. Halos buong araw nang nagtuturo si Jesus sa templo. Ayaw siyang tantanan ng mga lider ng relihiyon. Kinukuwestiyon ng ilan ang awtoridad niya. Tinatanong naman siya ng iba ng mga tanong na akala nila ay hindi niya masasagot. (Mar. 11:27-33; 12:13-34) Pumunta ngayon si Jesus sa ibang bahagi ng templo—malamang na sa lugar na tinatawag na Looban ng mga Babae, kaya nakikita niya mula roon ang mga kabang-yaman malapit sa pader ng looban. Umupo siya at pinagmasdan ang mga tao habang naghuhulog sila ng donasyon sa mga kabang-yaman. Nakikita niya ang maraming mayayaman na naghuhulog ng maraming barya. Posibleng nasa malapit lang siya kaya naririnig niya ang malalakas na kalansing ng mga barya habang nahuhulog sa kabang-yaman.

17. Ano ang ginawa ng mahirap na biyudang binanggit sa Marcos 12:42?

17 Basahin ang Marcos 12:42. Di-nagtagal, napansin ni Jesus ang isang babae. Siya ay isang “mahirap na biyuda.” (Luc. 21:2) Hirap na hirap siya sa buhay, at malamang na walang sapat na pambili ng mga pangangailangan niya. Pero lumapit pa rin siya sa isa sa mga kabang-yaman at tahimik na inihulog ang dalawang maliliit na barya, na halos hindi man lang siguro kumalansing nang mahulog sa kabang-yaman. Alam ni Jesus kung ano ang inihulog niya—dalawang lepton, ang pinakamaliit na barya na ginagamit noon. Hindi man lang ito maipambibili ng isang maya, ang isa sa pinakamurang ibon na ibinebenta bilang pagkain.

18. Ayon sa Marcos 12:43, 44, ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa donasyon ng biyuda?

18 Basahin ang Marcos 12:43, 44. Hangang-hanga si Jesus sa biyuda. Kaya tinawag niya ang kaniyang mga alagad, itinuro ang biyuda, at sinabi: “Mas malaki ang inihulog ng mahirap na biyudang ito kaysa sa lahat ng iba pa.” Pagkatapos, ipinaliwanag niya: “Silang lahat [lalo na ang mayayaman] ay naghulog mula sa kanilang sobra, pero siya, kahit na kapos, inihulog niya ang lahat ng pera niya, ang buong ikabubuhay niya.” Nang ibigay ng tapat na biyuda ang kaniyang kahuli-hulihang barya nang araw na iyon, ipinaubaya na niya ang buhay niya sa mapagkalingang mga kamay ni Jehova.​—Awit 26:3.

Gaya ni Jesus, komendahan ang mga nagbibigay ng kanilang buong makakaya kay Jehova (Tingnan ang parapo 19-20) *

19. Anong mahalagang aral ang matututuhan natin sa sinabi ni Jesus tungkol sa mahirap na biyuda?

19 Isabuhay ang ulat. Tanungin ang sarili, ‘Ano ang matututuhan ko sa sinabi ni Jesus tungkol sa mahirap na biyuda?’ Siguradong gusto sana ng biyudang iyon na mas malaki pa ang naibigay niya kay Jehova. Pero ginawa niya ang makakaya niya; ibinigay niya kay Jehova ang lahat ng maibibigay niya. At alam ni Jesus na napakahalaga sa kaniyang Ama ng donasyon ng biyuda. Kaya ito ang mahalagang aral para sa atin: Natutuwa si Jehova kapag ibinibigay natin sa kaniya ang ating buong makakaya—ang ating buong-puso at buong-kaluluwang paglilingkod. (Mat. 22:37; Col. 3:23) Masaya si Jehova kapag nakikita niyang ginagawa natin ang lahat ng magagawa natin! Kasama na rito ang panahon at lakas na ginagamit natin sa pagsamba, gaya ng pagmiministeryo at pagdalo sa mga pulong.

20. Paano mo maisasabuhay ang aral mula sa ulat tungkol sa biyuda? Magbigay ng halimbawa.

20 Paano mo maisasabuhay ang aral mula sa ulat tungkol sa biyuda? Mag-isip ng mga indibidwal na mapapatibay kapag sinabi mong natutuwa si Jehova sa mga pagsisikap nila. Halimbawa, may kilala ka bang may-edad na sister na sakitin o mahina na at nakokonsensiya dahil kaunti na lang ang nagagawa niya sa ministeryo? May kilala ka bang brother na may sakit at pinanghihinaan ng loob dahil hindi siya laging nakakapunta sa Kingdom Hall para dumalo? Tulungan sila at magsalita ng “mabubuting bagay na nakapagpapatibay.” (Efe. 4:29) I-share sa kanila ang nakakapagpatibay na aral na natutuhan mo sa ulat tungkol sa mahirap na biyuda. Ang nakakapagpatibay mong mga salita ay magpapaalala sa kanila na natutuwa si Jehova kapag ibinibigay natin ang ating buong makakaya. (Kaw. 15:23; 1 Tes. 5:11) Kapag kinokomendahan mo ang iba dahil ibinibigay nila kay Jehova ang kanilang buong makakaya—gaano man iyon kaliit—nasusundan mong mabuti ang mga yapak ni Jesus.

21. Ano ang determinado mong gawin?

21 Laking pasasalamat natin sa napakaraming detalyeng nakaulat sa mga Ebanghelyo tungkol sa buhay ni Jesus! Nakakatulong ito para matularan siya at masundang mabuti ang mga yapak niya. Baka gusto mong mag-personal study o gumawa ng Family Worship project na tungkol lang sa mga Ebanghelyo. Tandaan na para lubusang makinabang sa gayong pag-aaral, kailangan nating gawing buhay na buhay ang mga ulat at isabuhay ang mga iyon. Bukod sa pagtulad sa ginawa ni Jesus, kailangan din nating pakinggan ang sinabi niya. Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin kung ano ang matututuhan natin sa mga huling sinabi ni Jesus bago siya mamatay.

AWIT 15 Purihin ang Panganay ni Jehova!

^ par. 5 Bilang tunay na mga Kristiyano, kailangan nating ‘sundang mabuti ang mga yapak’ ni Jesus. Anong “mga yapak” na iniwan ni Jesus ang dapat nating sundan? Sasagutin sa artikulong ito ang tanong na iyan. Tatalakayin din dito kung bakit dapat nating sundang mabuti ang mga yapak niya at kung paano natin ito magagawa.

^ par. 60 LARAWAN: Matapos bulay-bulayin ng isang sister ang sinabi ni Jesus tungkol sa mahirap na biyuda, kinomendahan niya ang may-edad na sister dahil sa buong-kaluluwang paglilingkod nito.