Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa panunumpa?

Ang panunumpa ay nangangahulugang “isang seryoso at pormal na kapahayagan o pangako na tutuparin ang isang bagay, na laging binabanggit ang Diyos . . . bilang saksi.” Puwede itong nakasulat o gawin sa salita.

Iniisip ng ilan na mali ang manumpa dahil sinabi ni Jesus: “Huwag ka nang sumumpa . . . Tiyakin ninyo na ang inyong ‘Oo’ ay oo at ang inyong ‘Hindi’ ay hindi, dahil ang pagiging di-tapat sa sinasabi ay katangian ng masama.” (Mat. 5:33-37) Alam ni Jesus na sa Kautusang Mosaiko, hinihilingan ang mga Israelita na manumpa sa ilang kalagayan at na may mga tapat na lingkod ng Diyos na gumawa nito. (Gen. 14:22, 23; Ex. 22:10, 11) Alam din niya na nanumpa rin mismo si Jehova. (Heb. 6:13-17) Kaya hindi sinasabi ni Jesus na hindi tayo dapat manumpa. Sa halip, sinasabi niya rito na huwag tayong manunumpa tungkol sa mga bagay na walang kabuluhan o wala naman talagang layunin. Kapag nangako tayo, dapat nating tuparin iyon, kasi iyon ang gusto ni Jehova na gawin natin.

Kaya ano ang dapat mong gawin kapag hinilingan kang manumpa? Una, tiyakin mo na kaya mong tuparin ang sumpa mo. Kung hindi ka sigurado, mas mabuti kung hindi ka na lang manumpa. Nagbababala ang Salita ng Diyos: “Mas mabuti pang hindi ka manata kaysa manata ka at hindi tumupad.” (Ecles. 5:5) Pagkatapos, pag-isipan ang mga prinsipyo sa Bibliya na may kaugnayan sa gagawin mong panunumpa, at magpasiya ayon sa iyong konsensiya na sinanay sa Bibliya. Ano ang ilan sa mga prinsipyong ito?

May panunumpa na kaayon ng kalooban ng Diyos. Halimbawa, ang mga Saksi ni Jehova na ikinakasal ay nananata. Ang pananatang ito ay isang uri ng panunumpa. Sa harap ng Diyos at ng mga saksi, nangangako ang mga ikinakasal na mamahalin at igagalang nila ang isa’t isa at gagawin nila iyon “habang [sila] ay kapuwa magkasamang nabubuhay.” (May mga ikinakasal na hindi eksaktong sinasabi ang mga salitang ito, pero nananata pa rin sila sa harap ng Diyos.) Pagkatapos, ipapakilala na sila bilang mag-asawa at magsasama sila habambuhay. (Gen. 2:24; 1 Cor. 7:39) Ang panatang ito sa pag-aasawa ay angkop at kaayon ng kalooban ng Diyos.

May panunumpa na salungat sa kalooban ng Diyos. Hindi gagawa ng ganiyang panunumpa ang isang tunay na Kristiyano para ipagtanggol ang bansa niya gamit ang armas o itakwil ang pananampalataya niya sa Diyos. Salungat iyan sa utos ng Diyos. “Hindi . . . bahagi ng sanlibutan” ang mga Kristiyano, kaya hindi tayo dapat masangkot sa mga isyu sa lipunan at labanan.​—Juan 15:19; Isa. 2:4; Sant. 1:27.

May panunumpa na nakadepende sa konsensiya. Kung minsan, kailangan nating pag-isipang mabuti ang isang panunumpa kung kaayon ito ng payo ni Jesus na “ibayad . . . kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, pero sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”​—Luc. 20:25.

Halimbawa, mag-aaplay ng pagiging mamamayan ng ibang bansa o kukuha ng passport ang isang Kristiyano at nalaman niya na kailangan niyang manumpa ng katapatan. Kung ang panunumpang iyon ay isang pangako na gagawin niya ang isang bagay na malinaw na labag sa utos ng Diyos, hindi makakaya ng konsensiya niyang sinanay sa Bibliya na gawin iyon. Pero baka pumayag ang pamahalaan na baguhin niya ang ilang salita sa panunumpa kaayon ng konsensiya niya.

Ang panunumpa na may pagbabago ay baka kaayon naman ng prinsipyo sa Roma 13:1, na nagsasabi: “Ang bawat tao ay dapat magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad.” Kaya baka ipasiya ng isang Kristiyano na kung gagawin niya ang panunumpa, walang masama rito dahil hinihiling naman ng Diyos na gawin niya iyon.

Mahalaga ring sundin ang konsensiya mo kapag hinihilingan kang sumenyas o gumamit ng isang bagay habang nanunumpa. Nanunumpa ang sinaunang mga Romano at Scita gamit ang kanilang mga espada. Simbolo kasi iyon ng kapangyarihan ng diyos ng digmaan at isang garantiya na mapagkakatiwalaan ang taong nanunumpa. Itinataas naman ng mga Griego ang isang kamay nila kapag nanunumpa. Naniniwala kasi sila na may isang makapangyarihan sa langit na nakikinig sa mga sinasabi nila at nakakakita sa mga ginagawa nila at na mananagot sila sa kaniya.

Kapag nanumpa ang isang lingkod ni Jehova, siyempre, hindi siya gagamit ng anumang simbolo ng bansa na may kaugnayan sa huwad na pagsamba. Pero paano kung hilingan ka ng korte na ipatong ang kamay mo sa Bibliya at manumpang magsasabi ng totoo? Sa gayong kaso, baka magpasiya ka na gawin iyon, dahil may mga tapat na lingkod naman sa Bibliya na gumawa ng katulad nito. (Gen. 24:2, 3, 9; 47:29-31) Mahalagang tandaan na kung manunumpa ka, nangangako ka sa harap ng Diyos na magsasabi ka ng totoo. Kailangang maging handa ka na sagutin nang tama ang mga itatanong sa iyo.

Kapag hinilingan tayong manumpa, dapat natin itong ipanalangin para matiyak natin na hindi natin malalabag ang konsensiya natin o ang mga prinsipyo sa Bibliya. Gagawin natin iyan dahil mahalaga sa atin ang kaugnayan natin kay Jehova. Kaya kung manunumpa ka, tiyakin mong tutuparin mo iyon.​—1 Ped. 2:12.