Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Kung diniborsiyo ng isang Kristiyano ang asawa niyang babae nang walang makakasulatang dahilan at nag-asawa ng iba, paano ituturing ng kongregasyon ang naunang pag-aasawa niya at ang muli niyang pag-aasawa?

Sa gayong sitwasyon, ituturing ng kongregasyon na putol na ang kaugnayan niya sa una niyang asawa at na legal ang muli niyang pag-aasawa. Para malaman kung bakit nagkaroon tayo ng ganiyang konklusyon, talakayin natin ang sinabi ni Jesus tungkol sa pagdidiborsiyo at muling pag-aasawa.

Sa Mateo 19:9, ipinaliwanag ni Jesus ang tanging makakasulatang dahilan para sa diborsiyo. Sinabi niya: “Ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, malibang dahil sa seksuwal na imoralidad, at mag-asawa ng iba ay nangangalunya.” Sa sinabi ni Jesus, nalaman natin na (1) seksuwal na imoralidad lang ang makakasulatang dahilan para sa diborsiyo at (2) ang isang lalaki na dumidiborsiyo sa asawa niya nang walang makakasulatang dahilan at mag-asawa ng iba ay nangangalunya. a

Ibig bang sabihin ni Jesus, ang isang lalaki na nagkasala ng seksuwal na imoralidad at diniborsiyo ang asawa niya ay malaya nang makakapag-asawa ulit ayon sa Kasulatan? Hindi naman. Kapag nangalunya ang isang may asawa, magpapasiya ang pinagkasalahang asawa kung papatawarin niya o itatakwil ang asawa niya. Kung hindi na siya makikipagkasundo sa nagkasala niyang asawa at nag-file sila ng diborsiyo, magiging malaya na ang bawat isa sa kanila na muling mag-asawa kapag natapos na ang proseso ng diborsiyo.

Pero posibleng gusto ng pinagkasalahang asawa na maisalba ang pagsasama nila at na talagang pinapatawad na niya ang asawa niya. Paano kung tanggihan ng nangalunyang asawang lalaki ang pagpapatawad ng asawa niya at nagdesisyong makipagdiborsiyo kahit ayaw ng asawa niya? Dahil handa ang asawang babae na patawarin siya at magpatuloy ang pagsasama nila, wala siyang kalayaan na muling mag-asawa ayon sa Kasulatan. Kung patuloy niyang lalabagin ang sinasabi ng Bibliya at mag-aasawa ng iba kahit wala siyang kalayaan na gawin iyon, magkakasala ulit siya ng pangangalunya. Dahil diyan, bubuo ulit ang mga elder ng hudisyal na komite para asikasuhin ang kasong ito.​—1 Cor. 5:1, 2; 6:9, 10.

Kung mag-asawa ulit ang lalaki kahit wala siyang kalayaan na gawin iyon ayon sa Kasulatan, paano ituturing ng kongregasyon ang naunang pag-aasawa niya at ang muli niyang pag-aasawa? May bisa pa rin ba ang naunang pag-aasawa ayon sa Kasulatan? Puwede pa bang magdesisyon ang pinagkasalahang asawa kung papatawarin niya o itatakwil ang dati niyang asawa? Ituturing ba ng kongregasyon na pangangalunya ang muling pag-aasawa ng lalaki?

Noon, itinuturing ng kongregasyon na pangangalunya ang muling pag-aasawa ng isang lalaki hangga’t ang pinagkasalahang asawa ay nabubuhay pa, nananatiling walang asawa, at hindi nakagawa ng seksuwal na imoralidad. Pero walang binanggit si Jesus tungkol sa pinagkasalahang asawa nang talakayin niya ang diborsiyo at muling pag-aasawa. Sa halip, ipinaliwanag niya na kung didiborsiyuhin ng isang lalaki ang asawa niya nang walang makakasulatang dahilan at mag-asawa ng iba, nangangalunya ang lalaki. Sa gayong kaso, ang diborsiyo at ang muling pag-aasawa, na itinumbas ni Jesus sa pangangalunya, ay tumatapos sa naunang pag-aasawa ng lalaki.

“Ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, malibang dahil sa seksuwal na imoralidad, at mag-asawa ng iba ay nangangalunya.”​—Mat. 19:9

Kapag diniborsiyo ng isang lalaki ang asawa niya at muling nag-asawa, hindi na posible para sa pinagkasalahang asawa na patawarin o itakwil ang asawa niya. Kaya hindi na niya kailangang gumawa ng mabigat na desisyon kung papatawarin niya o itatakwil ang dati niyang asawa. Isa pa, ang magiging tingin ng kongregasyon sa muling pag-aasawa ng lalaki ay hindi nakadepende kung mamatay, mag-asawa ulit, o makagawa ng seksuwal na imoralidad ang pinagkasalahang asawa. b

Sa halimbawang binanggit kanina, nangalunya ang asawang lalaki kaya sila nagdiborsiyo. Paano kung hindi nangalunya ang asawang lalaki pero nakipagdiborsiyo siya at muling nag-asawa? O paano naman kung hindi nakagawa ng seksuwal na imoralidad ang lalaki bago sila magdiborsiyo pero nangalunya siya pagkatapos ng diborsiyo at nag-asawang muli kahit handa naman siyang patawarin ng asawa niya? Sa mga halimbawang ito, tinatapos na ng diborsiyo at muling pag-aasawa, na maituturing na isang pangangalunya, ang ugnayan nila bilang mag-asawa. Kaya ang muling pag-aasawa ng lalaki ay maituturing na legal. Gaya ng sinasabi sa The Watchtower, isyu ng Nobyembre 15, 1979, pahina 32, “ngayong nag-asawa na siyang muli, hindi niya puwedeng basta tapusin ito para bumalik sa dati niyang asawa; ang ugnayan nila ng una niyang asawa ay pinutol na ng diborsiyo, pangangalunya, at muling pag-aasawa.”

Sa bagong unawang ito, hindi naman nababawasan ang pagiging sagrado ng pag-aasawa o na hindi na maituturing na malubhang kasalanan ang pangangalunya. Kapag diniborsiyo ng isang lalaki ang asawa niya nang walang makakasulatang dahilan at pagkatapos ay nag-asawa ng iba kahit hindi siya malayang gawin iyon ayon sa Kasulatan, bubuo ang mga elder ng hudisyal na komite dahil nagkasala siya ng pangangalunya. (Kung ang napangasawa niya ay isa ring Kristiyano, haharap din ito sa isang hudisyal na komite dahil nagkasala rin ito ng pangangalunya.) Kahit hindi maituturing na pangangalunya ang muling pag-aasawa ng lalaki, hindi siya magiging kuwalipikado sa espesyal na mga pribilehiyo ng paglilingkod sa kongregasyon sa loob ng maraming taon at hangga’t masama pa rin ang reputasyon niya sa mga tao dahil sa kasalanang nagawa niya. Kasama sa isasaalang-alang ng mga elder ang kasalukuyang kalagayan ng pinagkasalahang asawa pati na ang menor-de-edad nilang mga anak na iniwan niya.​—Mal. 2:14-16.

Dahil sa di-magagandang resulta ng diborsiyo at muling pag-aasawa na hindi sinasang-ayunan ng Bibliya, makakabuting tularan ng mga Kristiyano ang pananaw ni Jehova sa pagiging sagrado ng pag-aasawa.​—Ecles. 5:4, 5; Heb. 13:4.

a Para madaling maintindihan, tutukuyin natin dito ang nagkasalang asawa bilang lalaki at ang pinagkasalahang asawa bilang babae. Pero gaya ng nakaulat sa Marcos 10:11, 12, nilinaw ni Jesus na ang payong ito ay parehong para sa lalaki at babae.

b Pagbabago ito sa dati nating unawa na ang gayong muling pag-aasawa ay itinuturing na pangangalunya hangga’t ang pinagkasalahang asawa ay nabubuhay pa, hindi nag-aasawa ulit, o hindi nakagawa ng seksuwal na imoralidad.