Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 15

Matuto sa mga Himala ni Jesus

Matuto sa mga Himala ni Jesus

“Lumibot siya sa lupain habang gumagawa ng mabuti at pinagagaling ang lahat.”​—GAWA 10:38.

AWIT 13 Si Kristo ang Ating Huwaran

NILALAMAN a

1. Bakit ginawa ni Jesus ang unang himala niya?

 NANG simulan ni Jesus ang ministeryo niya noong 29 C.E., inanyayahan siya sa isang handaan sa kasal sa Cana, na nasa hilaga ng Nazaret, kung saan lumaki si Jesus. Inanyayahan din ang nanay niya na si Maria at ang ilang alagad niya. Kaibigan ni Maria ang pamilya ng ikinasal, at posibleng tumutulong siya sa pag-aasikaso sa mga bisita. Pero nagkaroon ng problema sa okasyong iyon—naubusan sila ng alak. Puwedeng ikapahiya iyon ng bagong kasal at ng pamilya nila. b Baka sobra sa inaasahan ang dumating na bisita. Agad na lumapit si Maria sa anak niya at sinabi: “Wala na silang alak.” (Juan 2:1-3) Ano ang ginawa ni Jesus? Isang himala—ginawa niyang “mainam na alak” ang tubig.​—Juan 2:9, 10.

2-3. (a) Paano ginamit ni Jesus ang kapangyarihan niya? (b) Bakit natin pag-aaralan ang mga himala ni Jesus?

2 Sa buong ministeryo ni Jesus, marami pa siyang ibang himala na ginawa. c Ginamit niya ang kapangyarihan niya para tulungan ang libo-libong tao. Halimbawa, sa isang himala, pinakain niya ang 5,000 lalaki, at sa isa pa, 4,000 lalaki naman. Posibleng umabot nang mahigit 27,000 ang pinakain niya kung isasama sa bilang ang mga babae at bata na nandoon. (Mat. 14:15-21; 15:32-38) Sa dalawang pagkakataon ding iyon, pinagaling ni Jesus ang maraming maysakit. (Mat. 14:14; 15:30, 31) Siguradong manghang-mangha ang mga tao sa mga himala niya!

3 Marami tayong aral na matututuhan sa mga himala ni Jesus. Tatalakayin natin ang ilan para mapatibay ang pananampalataya natin. Pag-uusapan din natin kung paano natin matutularan ang kapakumbabaan at malasakit ni Jesus nang gawin niya ang mga himalang iyon.

MGA ARAL TUNGKOL KAY JEHOVA AT KAY JESUS

4. Sino ang mas makikilala natin kapag pinag-aralan natin ang mga himala ni Jesus?

4 Kung pag-aaralan natin ang mga himala ni Jesus, hindi lang siya ang makikilala natin. Mas makikilala rin natin ang kaniyang Ama. Dahil ang totoo, kay Jehova nagmula ang kapangyarihan niya. Sinasabi ng Gawa 10:38 tungkol kay Jesus: “Inatasan siya ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu at binigyan ng kapangyarihan, at lumibot siya sa lupain habang gumagawa ng mabuti at pinagagaling ang lahat ng pinahihirapan ng Diyablo, dahil sumasakaniya ang Diyos.” Tandaan din na sa lahat ng sinabi at ginawa ni Jesus—kasama na ang mga himala niya—tinularan niya ang pag-iisip at damdamin ng kaniyang Ama. (Juan 14:9) Pag-usapan natin ang tatlong aral mula sa mga himala ni Jesus.

5. Bakit gumawa si Jesus ng mga himala? (Mateo 20:30-34)

5 Una, mahal na mahal tayo ni Jesus at ng kaniyang Ama. Noong nasa lupa si Jesus, ipinakita niyang mahal niya ang mga tao nang gamitin niya ang kapangyarihan niya para tulungan ang mga nagdurusa. Minsan, humingi ng tulong sa kaniya ang dalawang bulag. (Basahin ang Mateo 20:30-34.) Pansinin na “dahil sa awa,” pinagaling sila ni Jesus. Ang pandiwang Griego na isinaling “dahil sa awa” ay tumutukoy sa matinding habag na nadarama sa kaloob-looban ng isang tao. Isa itong kapahayagan ng pag-ibig. Ito rin ang nagpakilos kay Jesus na pakainin ang mga nagugutom at pagalingin ang isang ketongin. (Mat. 15:32; Mar. 1:41) Dahil sa matinding habag ni Jehova at ng kaniyang Anak, makakasigurado tayo na mahal na mahal nila tayo at nasasaktan sila kapag nagdurusa tayo. (Luc. 1:78; 1 Ped. 5:7) Gustong-gusto na nilang alisin ang lahat ng problemang nagpapahirap sa mga tao!

6. Anong kapangyarihan ang ibinigay ng Diyos kay Jesus?

6 Ikalawa, binigyan ng Diyos si Jesus ng kapangyarihan para solusyunan ang lahat ng problema ng tao. Sa mga himala ni Jesus, ipinakita niya na kaya niyang ayusin ang mga problemang hindi natin kayang lutasin. Halimbawa, may kapangyarihan siyang alisin ang ugat ng problema ng tao—ang minana nating kasalanan at ang sakit at kamatayan na epekto nito. (Mat. 9:1-6; Roma 5:12, 18, 19) Pinatunayan ng mga himala niya na kaya niyang pagalingin ang “bawat uri ng sakit” at kaya pa nga niyang bumuhay ng mga patay. (Mat. 4:23; Juan 11:43, 44) Kaya rin niyang pigilan ang malalakas na buhawi at palayain ang mga tao sa impluwensiya ng masasamang espiritu. (Mar. 4:37-39; Luc. 8:2) Buti na lang, binigyan ni Jehova ang Anak niya ng gayong kapangyarihan!

7-8. (a) Ano ang sinisigurado sa atin ng mga himala ni Jesus? (b) Anong himala ang pinapanabikan mo sa bagong sanlibutan?

7 Ikatlo, siguradong magkakatotoo ang mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos sa hinaharap. Ang mga himalang ginawa ni Jesus noong nasa lupa siya ay patikim pa lang ng mga gagawin niya bilang Hari sa Kaharian ng Diyos. Pag-isipan ang ilang halimbawa. Magiging perpekto na ang kalusugan natin kasi aalisin niya ang lahat ng sakit at kapansanan na nagpapahirap sa mga tao. (Isa. 33:24; 35:5, 6; Apoc. 21:3, 4) Hindi na tayo magugutom at maaapektuhan ng mga likas na sakuna. (Isa. 25:6; Mar. 4:41) Makakapiling na nating muli ang mga namatay nating mahal sa buhay. (Juan 5:28, 29) Ikaw, anong himala ang pinapanabikan mo sa bagong sanlibutan?

8 Makikita sa mga himala ni Jesus ang kapakumbabaan niya at malasakit—mga katangian na dapat nating tularan. Pag-usapan natin ang dalawang himala. Unahin natin ang ginawa niya sa handaan sa kasal sa Cana.

ARAL TUNGKOL SA KAPAKUMBABAAN

9. Ano ang ginawa ni Jesus sa handaan sa kasal? (Juan 2:6-10)

9 Basahin ang Juan 2:6-10. Nang maubos ang alak sa handaan sa kasal, obligado ba si Jesus na solusyunan iyon? Hindi. Walang hula na nagsasabing makahimalang gagawa ng alak ang Mesiyas. Pero kung ikaw ang nasa sitwasyon ng bagong kasal, ano ang mararamdaman mo kung maubusan ng inumin sa handaan ninyo? Malamang na naawa si Jesus sa pamilya, lalo na sa bagong kasal. Ayaw niya silang mapahiya, kaya gumawa siya ng himala. Ginawa niyang napakagandang klase ng alak ang mga 390 litro ng tubig. Bakit kaya ganoon karami? Posibleng para may matira na magagamit ng mag-asawa sa ibang pagkakataon. O kaya, puwede nilang ibenta iyon para magkapera sila. Siguradong nakahinga nang maluwag ang bagong kasal dahil sa ginawa ni Jesus!

Tularan si Jesus at huwag ipagyabang ang mga nagagawa mo (Tingnan ang parapo 10-11) e

10. Ano ang ilang mahahalagang detalye sa Juan kabanata 2? (Tingnan din ang larawan.)

10 Pag-isipan ang ilang mahahalagang detalye sa Juan kabanata 2. Pansinin na hindi si Jesus ang naglagay ng tubig sa mga banga. Ayaw niyang sa kaniya mapunta ang atensiyon, kaya sinabi niya sa mga nagsisilbi na sila ang maglagay ng tubig. (Talata 6, 7) At matapos gawing alak ni Jesus ang tubig, hindi siya ang nagbigay nito sa nangangasiwa sa handaan. Nakisuyo siya sa mga nagsisilbi para gawin iyon. (Talata 8) Hindi rin siya nagtaas ng kopa ng alak sa harap ng mga bisita at nagyabang, ‘Tikman n’yo ang alak na ginawa ko!’

11. Ano ang matututuhan natin sa himala ni Jesus?

11 Ano ang matututuhan natin sa himala ni Jesus? Mapagpakumbaba siya. Kahit kailan, hindi niya ipinagyabang ang himalang iyon o ang iba pang mga nagawa niya. Lagi niyang ibinibigay ang kaluwalhatian at papuri sa kaniyang Ama. (Juan 5:19, 30; 8:28) Kung mapagpakumbaba tayo gaya ni Jesus, hindi natin ipagyayabang ang mga nagagawa natin. Anuman ang ginagawa natin para kay Jehova, ipagmalaki natin, hindi ang sarili natin, kundi ang kahanga-hangang Diyos na pinaglilingkuran natin. (Jer. 9:23, 24) Si Jehova ang dapat purihin, kasi wala tayong anumang magagawa kung hindi niya tayo tutulungan.​—1 Cor. 1:26-31.

12. Paano pa natin matutularan ang kapakumbabaan ni Jesus? Magbigay ng halimbawa.

12 Paano pa natin matutularan ang kapakumbabaan ni Jesus? Isipin ang isang elder na tumulong sa isang kabataang ministeryal na lingkod sa paghahanda sa unang pahayag nito. Dahil diyan, naging mahusay ang pahayag ng brother at napatibay ang kongregasyon. Pagkatapos ng pulong, may nagsabi sa elder, ‘Ang ganda ng pahayag, ’no?’ Kailangan bang sabihin ng elder, ‘Oo, tinulungan ko kasi siya.’ O magiging mapagpakumbaba siya at sasabihin, ‘Oo, proud nga ako sa kaniya.’ Kung mapagpakumbaba tayo, hindi tayo aasa ng papuri sa mga ginagawa natin para sa iba. Masaya na tayo na alam iyon at pinapahalagahan ni Jehova. (Ihambing ang Mateo 6:2-4; Heb. 13:16) Natutuwa si Jehova kapag mapagpakumbaba tayo gaya ni Jesus.​—1 Ped. 5:6.

ARAL TUNGKOL SA PAGMAMALASAKIT

13. Ano ang naabutan ni Jesus sa lunsod ng Nain, at ano ang ginawa niya? (Lucas 7:11-15)

13 Basahin ang Lucas 7:11-15. Noong mga 31 C.E., pumunta si Jesus sa Nain, isang lunsod sa Galilea na malapit sa Sunem, kung saan binuhay-muli ni propeta Eliseo ang anak ng isang babae mga 900 taon na ang nakakalipas. (2 Hari 4:32-37) Naabutan ni Jesus na inilalabas sa lunsod ng Nain ang isang patay para ilibing. Napakalungkot ng eksena. Ang namatay ay ang nag-iisang anak ng biyuda. Maraming tao galing sa lunsod ang nakipaglibing. Pinahinto sila ni Jesus, at gumawa siya ng himala para sa nagdadalamhating nanay—binuhay niyang muli ang anak nito! Ito ang una sa tatlong pagbuhay-muli na ginawa ni Jesus na nakarekord sa mga Ebanghelyo.

Tularan si Jesus at magpakita ng malasakit sa mga namatayan (Tingnan ang parapo 14-16)

14. Ano ang ilang mahahalagang detalye sa Lucas kabanata 7? (Tingnan din ang larawan.)

14 Pag-isipan ang ilang mahahalagang detalye sa Lucas kabanata 7. Pansinin na “nang makita” ni Jesus ang nagdadalamhating nanay, “naawa siya rito.” (Talata 13) Posibleng nakita niya na umiiyak ang nanay habang naglalakad malapit sa bangkay, kaya awang-awa siya rito. Pero hindi lang basta naawa si Jesus; nagpakita rin siya ng malasakit. Kinausap niya ang babae sa mabait na paraan at sinabi: “Huwag ka nang umiyak.” Pagkatapos, may ginawa si Jesus para sa kaniya—binuhay niyang muli ang anak at “ibinigay siya ni Jesus sa kaniyang ina.”​—Talata 14, 15.

15. Ano ang matututuhan natin sa himala ni Jesus?

15 Ano ang matututuhan natin sa himala ni Jesus? Dapat tayong magpakita ng malasakit sa mga namatayan. Totoo, hindi natin kayang bumuhay ng patay. Pero matutularan natin ang malasakit ni Jesus sa mga namatayan kung aalamin natin ang sitwasyon nila. Madarama nilang nagmamalasakit tayo kung papatibayin natin sila at tutulong tayo sa abot ng makakaya natin. d (Kaw. 17:17; 2 Cor. 1:3, 4; 1 Ped. 3:8) Malaki ang maitutulong kahit ng mga simpleng salita at kabaitan sa kanila.

16. Gaya ng ipinapakita sa larawan, ano ang matututuhan mo sa karanasan ng isang nanay na namatayan ng anak?

16 Pansinin ang isang karanasan. Maraming taon na ang nakakaraan, napansin ng isang sister ang isang nanay na umiiyak habang kumakanta sa pulong. Kakamatay lang kasi ng anak niya, at binanggit sa kanta ang tungkol sa pagkabuhay-muli. Agad siyang nilapitan ng sister at inakbayan, saka siya sinabayan sa pagkanta. Ipinagpapasalamat ng nanay na dumalo siya sa pulong. Sinabi niya: “Gayon na lamang ang nadama kong pag-ibig para sa mga kapatid.” Sinabi pa niya: “Naroroon ang tulong . . . sa Kingdom Hall.” Sigurado tayong nakikita at pinapahalagahan ni Jehova kahit ang simpleng mga bagay na ginagawa natin bilang malasakit sa mga namatayan na “nasisiraan ng loob.”​—Awit 34:18.

ISANG MAGANDANG STUDY PROJECT

17. Ano ang natutuhan natin sa artikulong ito?

17 Mapapatibay tayo kung pag-aaralan natin ang mga himala ni Jesus na nasa mga Ebanghelyo. Makikita natin sa mga ito na mahal na mahal tayo ni Jehova at ni Jesus, na may kapangyarihan si Jesus na solusyunan ang lahat ng problema ng tao, at na makakapagtiwala tayo na napakalapit na nating maranasan ang mga pagpapala ng Kaharian. Habang pinag-aaralan natin ang mga himalang ito, pag-isipan kung paano natin matutularan si Jesus. Bakit hindi mo gawing study project o isama sa family worship ninyo ang tungkol sa iba pang mga himala ni Jesus? Alamin ang mga aral mula sa mga ito, at i-share ito sa iba. Siguradong magiging nakakapagpatibay ang pag-uusap ninyo!—Roma 1:11, 12.

18. Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?

18 Bago matapos ang ministeryo ni Jesus, ginawa niya ang kaniyang ikatlo at huling pagbuhay-muli na nakaulat sa Bibliya. Pero napakaespesyal nito—kaibigan niya ang namatay, at ibang-iba ito kumpara sa iba pang pagbuhay-muli na ginawa niya. Ano ang matututuhan natin sa himalang ito? At paano magiging mas totoong-totoo sa atin ang pag-asang pagkabuhay-muli? Sasagutin ang mga iyan sa susunod na artikulo.

AWIT 20 Ibinigay Mo ang Iyong Mahal na Anak

a Pinahinto niya ang malakas na buhawi, pinagaling ang mga maysakit, at binuhay ang mga patay. Kapag binabasa natin ang mga himala ni Jesus, talagang napapahanga tayo! Pero isinulat din ang mga iyan sa Bibliya para matuto tayo. Kapag pinag-aralan natin ang mga ito, mapapatibay ang pananampalataya natin. May makikita rin tayong mga aral tungkol kay Jehova at kay Jesus, at malalaman natin ang mga katangian nila na dapat nating tularan.

b Sinabi ng isang iskolar sa Bibliya: “Sa Silangan, ang pag-aasikaso sa mga bisita ay isang sagradong tungkulin. Para sa mga tagaroon, hindi sapat ang basta sakto lang. Kahilingan sa isang tao na maghanda nang sobra-sobra, lalo na sa handaan sa kasal.”

c Mahigit 30 himala ni Jesus ang nakaulat sa mga Ebanghelyo. Bukod diyan, marami pang himalang ginawa si Jesus na hindi na dinetalye sa Bibliya. Halimbawa, minsan, pumunta sa kaniya ang “mga tao sa buong lunsod” at “marami siyang pinagaling na may iba’t ibang sakit.”​—Mar. 1:32-34.

d Tungkol sa mga puwede mong sabihin o gawin para makatulong sa mga namatayan, tingnan ang artikulong “Aliwin ang mga Namatayan, Gaya ng Ginawa ni Jesus” sa Bantayan, isyu ng Nobyembre 1, 2010.

e LARAWAN: Nakatayo si Jesus sa likod habang iniinom ng bagong kasal at ng mga bisita ang magandang klase ng alak.