ARALING ARTIKULO 19
Patibayin ang Pananampalataya Mo sa Pangako ni Jehova na Bagong Sanlibutan
“Kapag may sinasabi [si Jehova], hindi ba gagawin niya iyon?”—BIL. 23:19.
AWIT 142 Manalig sa Ating Pag-asa
NILALAMAN a
1-2. Ano ang dapat nating gawin habang hinihintay ang bagong sanlibutan?
NAPAKAHALAGA sa atin ng pangako ni Jehova na papalitan niya ang sistemang ito ng isang matuwid na bagong sanlibutan. (2 Ped. 3:13) Hindi natin alam kung kailan iyon darating, pero makikita sa mga ebidensiya na malapit nang mangyari iyon.—Mat. 24:32-34, 36; Gawa 1:7.
2 Gaano man tayo katagal sa katotohanan, kailangan pa rin nating patibayin ang pananampalataya natin sa pangakong iyan. Bakit? Kasi puwede pa ring humina iyon. Ang totoo, tinawag pa nga ni apostol Pablo ang mahinang pananampalataya na “kasalanan na madaling nakasasalabid sa atin.” (Heb. 12:1) Para hindi maging ganiyan ang pananampalataya natin, dapat na lagi nating pag-isipan ang mga ebidensiya na malapit nang dumating ang bagong sanlibutan.—Heb. 11:1.
3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
3 Tatalakayin natin sa artikulong ito ang tatlong magagawa natin para tumibay ang pananampalataya natin sa pangako ni Jehova na bagong sanlibutan: (1) Pag-isipan ang pantubos, (2) isipin ang kapangyarihan ni Jehova, at (3) maging abala sa espirituwal na mga gawain. Pag-uusapan din natin kung paano tayo mapapatibay ng mensahe ni Jehova kay Habakuk. Pero talakayin muna natin ang ilang sitwasyon na kailangan ang matibay na pananampalataya.
MGA SITWASYON NA KAILANGAN ANG MATIBAY NA PANANAMPALATAYA
4. Anong mga desisyon ang nangangailangan ng matibay na pananampalataya?
4 Araw-araw tayong gumagawa ng mga desisyon na kailangan ang matibay na pananampalataya. Halimbawa, nagdedesisyon tayo tungkol sa ating libangan, edukasyon, trabaho, pamilya, at kaibigan. Tanungin ang sarili: ‘Makikita ba sa mga desisyon ko na sigurado akong malapit nang mawala ang sistemang ito at darating na ang bagong sanlibutan? O naiimpluwensiyahan ako ng mga taong hindi naniniwala sa pangako ng Diyos?’ (Mat. 6:19, 20; Luc. 12:16-21) Makakapagdesisyon tayo nang tama kung papatibayin natin ang pananampalataya natin na napakalapit nang dumating ng bagong sanlibutan.
5-6. Kapag may mga problema, bakit kailangan natin ang matibay na pananampalataya? Magbigay ng ilustrasyon.
5 Nagkakaroon din tayo ng mga problema na kailangan ang matibay na pananampalataya. Puwede tayong pag-usigin, magkaroon ng malubhang sakit, o makaranas ng iba pang problema na makakasira ng loob natin. Baka sa una, pakiramdam natin, matitiis natin iyon. Pero madalas, nagtatagal ang ganitong mga problema. Kaya kailangan natin ang matibay na pananampalataya para makapagtiis at patuloy na makapaglingkod kay Jehova nang masaya.—Roma 12:12; 1 Ped. 1:6, 7.
6 Kapag namomroblema tayo, baka pakiramdam natin, hindi na darating ang bagong sanlibutan. Ibig bang sabihin nito, mahina ang pananampalataya natin? Hindi naman. Halimbawa, kapag summer at sobrang init ng panahon, baka pakiramdam natin, hindi na matatapos iyon. Pero lumalamig din naman ang panahon. Ganiyan din kapag sobra tayong problemado; baka maramdaman natin na hindi na darating ang bagong sanlibutan. Pero kung matibay ang pananampalataya natin, sigurado tayong matutupad ang mga pangako ng Diyos. (Awit 94:3, 14, 15; Heb. 6:17-19) Kaya anuman ang problema natin, patuloy tayong makakapaglingkod kay Jehova.
7. Saan tayo dapat mag-ingat?
7 Kailangan din ang matibay na pananampalataya sa pangangaral. Iniisip ng marami sa mga nakakausap natin na imposibleng mangyari ang mabuting balita tungkol sa bagong sanlibutan. (Mat. 24:14; Ezek. 33:32) Ayaw nating mahawa sa kaisipan nila, kaya dapat nating patuloy na patibayin ang pananampalataya natin. Pag-usapan natin ang tatlong puwede nating gawin.
PAG-ISIPAN ANG PANTUBOS
8-9. Paano makakatulong sa atin kung pag-iisipan natin ang pantubos?
8 Mapapatibay natin ang pananampalataya natin kung pag-iisipan natin ang pantubos. Tinitiyak sa atin ng pantubos na matutupad ang mga pangako ng Diyos. Kung pag-iisipan natin kung bakit ito inilaan at kung gaano kalaki ang isinakripisyo ni Jehova, titibay ang pananampalataya natin na tutuparin ng Diyos ang pangako niya na buhay na walang hanggan. Bakit natin nasabi iyan?
9 Gaano ba kalaki ang isinakripisyo ni Jehova para mailaan ang pantubos? Mula sa langit, isinugo ni Jehova sa lupa ang panganay at pinakamamahal niyang Anak. Noong nasa lupa si Jesus, marami siyang tiniis na problema at pagsubok. Nagdusa rin siya bago mamatay. Talagang napakalaki ng isinakripisyo ni Jehova! Hahayaan ba ng ating mapagmahal na Diyos na magdusa at mamatay ang Anak niya kung maikling buhay lang naman ang ibibigay niya sa atin? Siyempre, hindi! (Juan 3:16; 1 Ped. 1:18, 19) Kaya sisiguraduhin ni Jehova na matutupad ang pangako niyang mabubuhay tayo magpakailanman sa bagong sanlibutan.
ISIPIN ANG KAPANGYARIHAN NI JEHOVA
10. Ayon sa Efeso 3:20, ano ang kayang gawin ni Jehova?
10 Mapapatibay rin natin ang pananampalataya natin kung iisipin natin ang kapangyarihan ni Jehova. Kaya niyang tuparin ang anumang ipangako niya. Sa pananaw ng tao, parang imposibleng matupad ang pangako ng Diyos na buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan. Pero dahil si Jehova ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, madalas na hindi naman talaga kayang gawin ng mga tao ang mga ipinapangako niya. (Job 42:2; Mar. 10:27) Kaya bakit pa tayo magtataka kung hindi ordinaryo ang mga pangako niya?—Basahin ang Efeso 3:20.
11. Magbigay ng isang halimbawa ng pangako ng Diyos na parang imposibleng matupad. (Tingnan ang kahong “ Ilan sa mga Pangakong Natupad Kahit Parang Imposible.”)
11 Pansinin ang ilang pangako ni Jehova sa mga lingkod niya noon na parang imposibleng mangyari. Sinabi niya kina Abraham at Sara na magkakaroon sila ng anak kahit matanda na sila. (Gen. 17:15-17) Sinabi rin niya kay Abraham na ibibigay sa mga inapo niya ang Canaan. Pero maraming taóng naging alipin sa Ehipto ang mga Israelita na inapo ni Abraham. Kaya parang imposibleng matupad ang pangako ng Diyos. Pero nangyari iyon! Sinabi naman ni Jehova sa may-edad nang si Elisabet na magkakaanak siya. Sinabi rin Niya kay Maria, na isang birhen, na isisilang niya ang Anak ng Diyos. Magiging katuparan ito ng pangako ni Jehova sa hardin ng Eden libo-libong taon na ang nakakaraan!—Gen. 3:15.
12. Ano ang tinitiyak sa atin ng Josue 23:14 at Isaias 55:10, 11 tungkol sa kapangyarihan ni Jehova?
12 Kung pag-iisipan natin ang mga pangako ni Jehova noon at kung paano niya tinupad ang lahat ng iyon, mas titibay ang pananampalataya natin na may kapangyarihan siya na tuparin ang pangako niya na bagong sanlibutan. (Basahin ang Josue 23:14; Isaias 55:10, 11.) At kung matibay ang pananampalataya natin, matutulungan natin ang iba na maging totoong-totoo rin sa kanila ang pangako ng Diyos. Tungkol sa pangako ni Jehova na bagong langit at bagong lupa, sinabi niya: “Ang mga salitang ito ay tapat at totoo.”—Apoc. 21:1, 5.
MAGING ABALA SA ESPIRITUWAL NA MGA GAWAIN
13. Paano napapatibay ng mga pulong ang pananampalataya natin?
13 Ang ikatlong magagawa natin para tumibay ang pananampalataya natin ay ang maging abala sa espirituwal na mga gawain. Halimbawa, isipin ang naitutulong sa atin ng mga pulong. Sinabi ni Anna, na matagal nang naglilingkod nang buong panahon: “Napapatibay ng mga pulong ang pananampalataya ko. Kahit hindi ganoon kahusay magturo ang speaker o walang bago sa mga sinabi niya, may natututuhan pa rin ako na nakakatulong para mas maintindihan ko ang Bibliya, at iyon ang nagpapatibay ng pananampalataya ko.” b Isa pa, napapatibay rin tayo sa komento ng mga kapatid.—Roma 1:11, 12; 10:17.
14. Paano napapatibay ng ministeryo ang pananampalataya natin?
14 Mapapatibay rin tayo kung lagi tayong makikibahagi sa ministeryo. (Heb. 10:23) Sinabi ni Barbara, na mahigit 70 taon nang naglilingkod kay Jehova: “Lagi akong napapatibay kapag nangangaral ako. Kapag mas madalas kong sinasabi sa iba ang magagandang pangako ni Jehova, mas tumitibay ang pananampalataya ko.”
15. Paano napapatibay ng personal study ang pananampalataya natin? (Tingnan din ang mga larawan.)
15 May isa pang gawain na magpapatibay ng pananampalataya natin: ang personal study. Malaking tulong kay Susan ang schedule niya ng personal study. Sinabi niya: “Tuwing Linggo, pinag-aaralan ko ang tatalakayin sa Bantayan para sa susunod na linggo. Tuwing Lunes at Martes naman, naghahanda ako para sa midweek meeting. At sa iba pang mga araw, may study project ako.” Dahil lagi niyang sinusunod ang schedule niya, patuloy na tumitibay ang pananampalataya niya. Napapatibay naman si Irene, na matagal nang naglilingkod sa world headquarters, kapag pinag-aaralan niya ang mga hula sa Bibliya. Sinabi niya: “Hangang-hanga ako sa mga hula ni Jehova kasi natutupad iyon hanggang sa kaliit-liitang detalye.” c
“ITO AY TIYAK NA MAGKAKATOTOO”
16. Bakit natin masasabing para sa atin din ang mensahe ni Jehova kay Habakuk? (Hebreo 10:36, 37)
16 Matagal nang hinihintay ng ilang lingkod ni Jehova ang wakas ng sistemang ito. Iniisip ng ilan na noon pa dapat nangyari iyon. Pero alam ni Jehova ang nararamdaman ng mga lingkod niya. Sinabi nga niya kay propeta Habakuk: “Ang pangitain ay naghihintay pa sa takdang panahon nito, at ito ay nagmamadali papunta sa wakas nito, at hindi ito magiging kasinungalingan. Kahit na nagtatagal ito, patuloy mo itong hintayin! Dahil ito ay tiyak na magkakatotoo. Hindi ito maaantala!” (Hab. 2:3) Para lang ba ito kay Habakuk? O para din sa atin? Sinipi ni apostol Pablo ang mensaheng iyan para sa mga Kristiyano, na naghihintay sa pagdating ng bagong sanlibutan. (Basahin ang Hebreo 10:36, 37.) Kaya kung nagtataka tayo kung bakit hindi pa dumarating ang pangako ng Diyos, tandaan: “Ito ay tiyak na magkakatotoo. Hindi ito maaantala!”
17. Paano sinunod ng isang sister ang payo ni Jehova kay Habakuk?
17 Sinunod ng maraming lingkod ni Jehova ang payo niya na ‘patuloy na maghintay.’ Ang ilan pa nga sa kanila, matagal nang naghihintay. Halimbawa, 1939 pa nang magsimulang maglingkod si Louise kay Jehova. Sinabi niya: “Akala ko, darating ang Armagedon bago ako magtapos ng high school. Pero hindi iyon nangyari. Sa loob ng maraming taon, nakatulong sa akin ang pagbabasa ng mga ulat sa Bibliya ng mga naghintay nang matagal sa katuparan ng mga pangako ni Jehova para sa kanila—halimbawa, sina Noe, Abraham, Jose, at iba pa. Nakatulong sa akin at sa iba ang patuloy na paghihintay para lagi naming maisip na malapit nang dumating ang bagong sanlibutan.” Siguradong sang-ayon diyan ang iba pang matatagal nang lingkod ni Jehova!
18. Paano makakatulong sa atin ang mga nilalang para tumibay ang pananampalataya natin sa pagdating ng bagong sanlibutan?
18 Totoo, hindi pa dumarating ang bagong sanlibutan. Pero isipin ang mga bituin, puno, hayop, at iba pang mga tao. Hindi tayo nagdududa na totoo sila. Pero may panahon na wala pa ang lahat ng ito. Umiral lang sila dahil nilikha sila ni Jehova. (Gen. 1:1, 26, 27) Nangako rin si Jehova na magkakaroon ng bagong sanlibutan. Matutupad iyon! Sa panahong iyon, magiging perpekto na ang kalusugan ng mga tao at mabubuhay sila nang walang hanggan. Siguradong mangyayari iyan sa itinakdang panahon ng Diyos.—Isa. 65:17; Apoc. 21:3, 4.
19. Paano mo mapapatibay ang pananampalataya mo?
19 Habang naghihintay, gawin ang lahat para tumibay ang pananampalataya mo. Laging pahalagahan ang pantubos. Isipin ang kapangyarihan ni Jehova. Maging abala sa espirituwal na mga gawain. Kung gagawin natin ang mga iyan, puwede tayong makasama sa “mga [magmamana] ng mga pangako sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis.”—Heb. 6:11, 12; Roma 5:5.
AWIT 139 Kapag Naging Bago ang Lahat ng Bagay
a Sa ngayon, marami ang hindi naniniwala na magkakatotoo ang pangako ng Bibliya na bagong sanlibutan. Iniisip nila na pangarap lang iyon at imposibleng mangyari. Bilang mga lingkod ni Jehova, sigurado tayong matutupad ang lahat ng pangako niya. Pero paano natin mapapanatiling matibay ang pananampalataya natin? Tatalakayin iyan sa artikulong ito.
b Binago ang ilang pangalan.
c Maraming artikulo tungkol sa mga hula sa Bibliya ang makikita sa ilalim ng paksang “Prophecy” sa Watch Tower Publications Index. Halimbawa, tingnan ang artikulong “Natutupad ang Lahat ng Inihula ni Jehova” sa Bantayan, isyu ng Enero 1, 2008.