ARALING ARTIKULO 17
Tutulungan Ka ni Jehova na Maharap ang Di-inaasahang mga Problema
“Maraming paghihirap ang matuwid, pero inililigtas siya ni Jehova sa lahat ng ito.”—AWIT 34:19.
AWIT 44 Panalangin ng Nanghihina
NILALAMAN a
1. Saan tayo kumbinsido?
MGA lingkod tayo ni Jehova, kaya kumbinsido tayong mahal niya tayo at gusto niya na magkaroon tayo ng napakasayang buhay. (Roma 8:35-39) Alam din natin na lagi tayong mapapabuti kung susundin natin ang mga prinsipyo sa Bibliya. (Isa. 48:17, 18) Pero ano ang gagawin natin kapag may dumating na di-inaasahang mga problema?
2. Anong mga problema ang puwedeng mapaharap sa atin, at ano ang puwede nating maisip dahil dito?
2 Nagkakaproblema ang lahat ng lingkod ni Jehova. Halimbawa, baka may nagawa ang kapamilya natin na ikinadismaya natin. Baka nagkaroon tayo ng malubhang sakit at limitado na lang ang nagagawa natin para kay Jehova. Baka naapektuhan tayo ng isang likas na sakuna. O baka pinag-uusig tayo dahil sa paniniwala natin. Sa ganiyang mga sitwasyon, baka maitanong natin: ‘Bakit nangyayari ito sa akin? May nagawa ba akong mali? Ibig bang sabihin nito, hindi ako pinagpapala ni Jehova?’ Naramdaman mo na rin ba iyan? Kung oo, huwag masiraan ng loob. Naramdaman din iyan ng maraming tapat na lingkod ni Jehova.—Awit 22:1, 2; Hab. 1:2, 3.
3. Ano ang matututuhan natin sa Awit 34:19?
3 Basahin ang Awit 34:19. Pansinin ang dalawang mahalagang punto sa tekstong ito: (1) Nagkakaproblema kahit ang mga taong matuwid. (2) Tinutulungan tayo ni Jehova na maharap ang mga problema. Paano niya iyan ginagawa? Tinutulungan niya tayo na magkaroon ng tamang pananaw habang nabubuhay tayo sa sistemang ito. Nangangako si Jehova na magiging masaya tayo habang naglilingkod sa kaniya, pero hindi niya sinasabing hindi na tayo magkakaproblema. (Isa. 66:14) Gusto niya na magpokus tayo sa hinaharap—kapag nararanasan na natin ang buhay na gusto niya para sa atin. (2 Cor. 4:16-18) Pero habang hinihintay iyon, tinutulungan niya tayong patuloy na makapaglingkod sa kaniya araw-araw.—Panag. 3:22-24.
4. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
4 Talakayin natin kung ano ang matututuhan natin sa halimbawa ng tapat na mga lingkod ni Jehova noong panahon ng Bibliya at sa panahon natin. Gaya ng makikita natin, puwede tayong magkaroon ng di-inaasahang mga problema. Pero kung lagi tayong aasa kay Jehova, aalalayan niya tayo. (Awit 55:22) Habang tinatalakay natin ang mga halimbawa nila, tanungin ang sarili: ‘Kung ako ang nasa sitwasyon nila, ano kaya ang ginawa ko? Paano mapapatibay ng mga halimbawa nila ang pagtitiwala ko kay Jehova? Paano ko sila matutularan?’
NOONG PANAHON NG BIBLIYA
5. Ano ang mga naging problema ni Jacob dahil kay Laban? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
5 Noong panahon ng Bibliya, nagkaroon ng di-inaasahang mga problema ang mga lingkod ni Jehova. Isa na diyan si Jacob. Inutusan siya ng tatay niya na kumuha ng asawa mula sa mga anak ni Laban, isang kamag-anak nila na mananamba rin ni Jehova. Tiniyak sa kaniya ng tatay niya na pagpapalain siya ni Jehova. (Gen. 28:1-4) Sumunod si Jacob, at iniwan niya ang Canaan at naglakbay papunta sa bahay ni Laban, na may dalawang anak na babae—sina Lea at Raquel. Minahal ni Jacob si Raquel, ang mas batang anak ni Laban. Kaya pumayag siyang maglingkod nang pitong taon kay Laban bago mapangasawa si Raquel. (Gen. 29:18) Pero hindi tumupad si Laban sa usapan, at niloko niya si Jacob. Imbes na si Raquel, si Lea ang ibinigay niya para mapangasawa nito. Pumayag din naman si Laban na maging asawa ni Jacob si Raquel. Pero papalipasin ni Jacob ang isang linggo at kailangan niya ulit maglingkod nang pitong taon. (Gen. 29:25-27) Dinaya rin ni Laban si Jacob sa negosyo. Dalawampung taon niyang niloko si Jacob!—Gen. 31:41, 42.
6. Ano pa ang mga naging problema ni Jacob?
6 Nagkaroon ng iba pang mga problema si Jacob. Malaki ang pamilya nila, pero hindi laging nagkakasundo ang mga anak niya. Ibinenta pa nga nila ang kapatid nilang si Jose para maging alipin. Nagdala ng kahihiyan sa pamilya at sa pangalan ni Jehova ang dalawang anak ni Jacob, sina Simeon at Levi. Namatay rin ang asawa niyang si Raquel sa ikalawang panganganak nito. At dahil sa matinding taggutom, napilitang lumipat sa Ehipto ang may-edad nang si Jacob.—Gen. 34:30; 35:16-19; 37:28; 45:9-11, 28.
7. Paano ipinakita ni Jehova na sinasang-ayunan niya si Jacob?
7 Sa lahat ng ito, hindi nawala ang pananampalataya ni Jacob kay Jehova at sa mga pangako Niya. Dahil dito, ipinakita ni Jehova na sinasang-ayunan niya si Jacob. Halimbawa, kahit dinaya ni Laban si Jacob, pinagpala naman siya ni Jehova ng maraming pag-aari. At laking pasasalamat ni Jacob kay Jehova nang makasama niya ulit ang anak niyang si Jose, na inaakala niyang matagal nang patay! Dahil malapít si Jacob kay Jehova, nakayanan niya ang lahat ng problema. (Gen. 30:43; 32:9, 10; 46:28-30) Kung mananatili tayong malapít kay Jehova, makakayanan din natin ang di-inaasahang mga problema.
8. Ano ang gustong gawin ni Haring David?
8 Hindi nagawa ni Haring David ang lahat ng gusto niya sanang gawin para kay Jehova. Halimbawa, gustong-gusto ni David na magtayo ng templo para sa Diyos niya, at sinabi niya iyon kay propeta Natan. Sinabi naman ni Natan: “Gawin mo kung ano ang nasa puso mo, dahil ang tunay na Diyos ay sumasaiyo.” (1 Cro. 17:1, 2) Siguradong napatibay niyan si David. Malamang na nagplano siya agad para sa malaking proyektong ito.
9. Kahit nakakadismaya para kay David ang mensahe ni Jehova, ano ang ginawa niya?
9 Pero “nang gabing iyon,” sinabi ni Jehova kay Natan na hindi si David ang magtatayo ng templo kundi ang isa sa mga anak nito. (1 Cro. 17:3, 4, 11, 12) Bumalik si Natan para sabihin iyon kay David. Posibleng nakakadismaya iyon para sa hari. Pero ano ang ginawa niya? Ini-adjust ni David ang goal niya. Nagpokus siya sa paghahanda ng mga pera at materyales na kakailanganin ng anak niyang si Solomon para sa proyektong ito.—1 Cro. 29:1-5.
10. Paano pinagpala ni Jehova si David?
10 Kahit hindi si David ang magtatayo ng templo, nakipagtipan si Jehova sa kaniya. Nangako si Jehova na isa sa mga inapo niya ang mamamahala magpakailanman. (2 Sam. 7:16) Sa bagong sanlibutan, sa loob ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Jesus, isipin kung gaano kasaya si David kapag nalaman niya na ang Hari ay isa sa mga inapo niya! Natutuhan natin sa ulat na ito na hindi man natin magawa ang lahat ng gusto sana nating gawin para kay Jehova, puwede niya tayong pagpalain sa paraang hindi natin inaasahan.
11. Paano pinagpala ang mga Kristiyano noong unang siglo kahit hindi dumating ang Kaharian sa panahong inaasahan nila? (Gawa 6:7)
11 Nagkaroon din ng di-inaasahang mga problema ang mga Kristiyano noong unang siglo. Halimbawa, gusto na nilang dumating ang Kaharian ng Diyos, pero hindi nila alam kung kailan iyon mangyayari. (Gawa 1:6, 7) Kaya ano ang ginawa nila? Nanatili silang abala sa pangangaral. Habang lumalawak ang gawaing pangangaral, kitang-kita nila na tinutulungan sila ni Jehova.—Basahin ang Gawa 6:7.
12. Ano ang ginawa ng mga Kristiyano noong unang siglo nang magkaroon ng taggutom?
12 May panahong nagkaroon ng matinding taggutom “sa buong lupa” noon. (Gawa 11:28) Isipin kung gaano kalaki ang naging epekto nito sa mga Kristiyano noong unang siglo. Malamang na nag-alala ang mga magulang kung paano paglalaanan ang pamilya nila. At paano naman ang mga kabataan na nagpaplanong palawakin ang ministeryo nila? Naisip kaya nilang hintayin munang matapos ang taggutom bago nila ituloy ang plano nila? Anuman ang kalagayan ng mga Kristiyano noon, nag-adjust sila. Nangaral pa rin sila sa abot ng makakaya nila, at masaya silang nagbigay ng tulong sa mga kapatid sa Judea.—Gawa 11:29, 30.
13. Anong mga pagpapala ang naranasan ng mga Kristiyano noong taggutom?
13 Anong mga pagpapala ang naranasan ng mga Kristiyano noong taggutom? Nakita ng mga tumanggap ng tulong na sinusuportahan sila ni Jehova. (Mat. 6:31-33) Siguradong mas napalapit sila sa mga kapatid na nagbigay ng donasyon at tumulong. At naranasan mismo ng mga kapatid na iyon ang kaligayahan sa pagbibigay. (Gawa 20:35) Dahil nag-adjust sila sa nagbagong kalagayan, pinagpala silang lahat ni Jehova.
14. Ano ang nangyari kina Bernabe at apostol Pablo, at ano ang resulta? (Gawa 14:21, 22)
14 Madalas pag-usigin ang mga Kristiyano noong unang siglo, minsan, sa paraang hindi nila inaasahan. Pag-isipan ang nangyari kina Bernabe at apostol Pablo noong nangangaral sila sa Listra. Noong una, tinanggap sila ng mga tao. Pero may dumating na mga Judio at “inimpluwensiyahan ang mga tao” na pagbabatuhin si Pablo hanggang sa halos mamatay na ito. (Gawa 14:19) Pero patuloy na nangaral sina Bernabe at Pablo sa ibang lugar. Ano ang resulta? ‘Marami silang natulungan na maging alagad.’ Napatibay rin ng mga salita at halimbawa nila ang mga kapatid. (Basahin ang Gawa 14:21, 22.) Marami ang napatibay dahil hindi sumuko sina Bernabe at Pablo kahit na pinag-usig sila. Hangga’t hindi tayo sumusuko sa mga ipinapagawa sa atin ni Jehova, pagpapalain din niya tayo.
SA PANAHON NATIN
15. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Brother A. H. Macmillan?
15 Noong mga taon bago 1914, may mga inaasahang mangyari ang bayan ni Jehova. Tingnan ang halimbawa ni Brother A. H. Macmillan. Gaya ng maraming kapatid nang panahong iyon, iniisip ni Brother Macmillan na napakalapit na niyang tanggapin ang gantimpala niya sa langit. Sa pahayag na ibinigay niya noong Setyembre 1914, sinabi niya: “Ito na marahil ang huling pahayag pangmadla na aking bibigkasin.” Siyempre, hindi iyon ang naging huling pahayag niya. Di-nagtagal, isinulat ni Brother Macmillan: “Marahil ang ilan sa amin ay naging totoong padalos-dalos sa pag-iisip na kami’y aakyat na sa langit karaka-raka, at ang dapat na gawin namin ay ang maging abala sa paglilingkod sa Panginoon.” Naging abala at masigasig nga si Brother Macmillan sa ministeryo. Nagkaroon siya ng pribilehiyo na patibayin ang maraming kapatid na nabilanggo dahil sa pagiging neutral. At patuloy pa rin siyang dumalo sa mga pulong kahit noong may-edad na siya. Paano nakinabang si Brother Macmillan habang naghihintay sa gantimpala niya? Bago siya mamatay noong 1966, sinabi niya: “Kahit kailan, hindi nanghina ang pananampalataya ko.” Napakagandang halimbawa niyan para sa atin—lalo na kung may pinagtitiisan tayong problema na mas matagal kaysa sa inaasahan natin!—Heb. 13:7.
16. Anong di-inaasahang problema ang naranasan ni Herbert Jennings at ng asawa niya? (Santiago 4:14)
16 Maraming lingkod ni Jehova ang nakaranas ng di-inaasahang problema sa kalusugan. Halimbawa, sa talambuhay ni Brother Herbert Jennings, b sinabi niya na masaya silang mag-asawa sa paglilingkod bilang misyonero sa Ghana. Pero nagkaroon siya ng malalang mood disorder. Ginamit ni Brother Jennings ang Santiago 4:14, at sinabi niya na ang nararanasan niya ay “isang ‘bukas’ na hindi namin inaasahan.” (Basahin.) Sinabi niya: “Sa pagharap sa katotohanan, isinaayos naming lisanin ang Ghana at ang aming maraming malalapít na kaibigan at bumalik sa Canada [para magpagamot].” Tinulungan ni Jehova si Brother Jennings at ang asawa niya na patuloy na makapaglingkod nang tapat kahit may mga problema sila.
17. Paano nakatulong sa mga kapatid ang halimbawa ni Brother Jennings?
17 Marami ang natulungan ng mga sinabi ni Brother Jennings sa talambuhay niya. Sinabi ng isang sister: “Ngayon lamang ako naantig nang ganito nang basahin ko ang artikulong ito. . . . Nang mabasa kong kinailangan ni Brother Jennings na huminto sa isang atas upang magpagaling, natulungan akong malasin ang aking sitwasyon sa timbang na paraan.” Parang ganiyan din ang sinabi ng isang brother: “Matapos maglingkod bilang elder sa kongregasyon sa loob ng 10 taon, kinailangan kong bitiwan ang aking pribilehiyo dahil sa sakit sa isip. Gayon na lamang ang kabiguan ko anupat madalas na lumong-lumo ako tuwing nagbabasa ako ng mga artikulo hinggil sa talambuhay . . . Subalit napasigla ako ng pagtitiyaga ni Brother Jennings.” Ipinapaalala nito sa atin na kapag may tinitiis tayong mga problema, puwede nating mapatibay ang iba. Kaya kapag may nangyari sa buhay natin na hindi natin inaasahan, puwede pa rin tayong maging halimbawa pagdating sa pananampalataya at pagtitiis.—1 Ped. 5:9.
18. Ano ang matututuhan natin sa biyuda sa Nigeria, gaya ng makikita sa mga larawan?
18 Naapektuhan ng COVID-19 pandemic ang maraming lingkod ni Jehova. Halimbawa, naghirap nang husto ang isang biyuda sa Nigeria. Isang umaga, isang takal na lang ng bigas ang natitira sa kanila. Kaya tinanong siya ng anak niya kung ano na ang kakainin nila kapag naubos na iyon. Sinabi ng sister na wala na silang pera o iba pang pagkain, pero dapat nilang tularan ang biyuda ng Zarepat. Kaya isinaing nila ang huling takal ng bigas at nagtiwala kay Jehova. (1 Hari 17:8-16) Bago pa nila isipin kung ano ang tanghalian nila, nakatanggap sila ng relief galing sa mga kapatid. Tatagal nang mahigit dalawang linggo ang natanggap nilang pagkain. Sinabi ng sister na narinig pala ni Jehova ang pag-uusap nila ng anak niya. Kaya kapag may di-inaasahang mga problema, umasa tayo kay Jehova at mas mapapalapit tayo sa kaniya.—1 Ped. 5:6, 7.
19. Anong pag-uusig ang tiniis ni Aleksey Yershov?
19 Nitong mga nakaraang taon, maraming kapatid ang nakapagtiis ng pag-uusig sa paraang hindi nila inaasahan. Isa na diyan si Brother Aleksey Yershov, na nakatira sa Russia. Nang mabautismuhan si Brother Yershov noong 1994, mas malaya pa ang mga Saksi sa lugar nila. Pero nagbago iyon. Noong 2020, pinasok at hinalughog ang bahay ni Brother Yershov at kinumpiska ang marami sa pag-aari niya. Pagkalipas ng ilang buwan, sinampahan siya ng gobyerno ng kasong kriminal. Pero ang masaklap nito, base iyon sa mga video recording ng isang nagpanggap na interesadong mag-Bible study sa loob ng mahigit isang taon!
20. Ano ang nakatulong kay Brother Yershov para maging mas malapít kay Jehova?
20 May maganda bang epekto ang pagtitiis ni Brother Yershov? Oo. Mas naging malapít siya kay Jehova. Sinabi niya: “Mas madalas na kaming manalangin ng asawa ko. Na-realize ko na hindi ko makakayanan ang sitwasyon ko kung wala ang tulong ni Jehova.” Sinabi pa niya: “Nakatulong sa akin ang personal study para hindi ako sumuko. Pinag-isipan ko ang halimbawa ng tapat na mga lingkod ni Jehova noon. Maraming ulat sa Bibliya ang nagpapakitang mahalaga na manatiling panatag at laging magtiwala kay Jehova.”
21. Ano ang natutuhan natin sa artikulong ito?
21 Ano ang natutuhan natin sa artikulong ito? Puwede tayong magkaroon ng di-inaasahang mga problema sa sistemang ito. Pero lagi tayong tutulungan ni Jehova kung aasa tayo sa kaniya. Gaya nga ng sinabi sa temang teksto natin, “maraming paghihirap ang matuwid, pero inililigtas siya ni Jehova sa lahat ng ito.” (Awit 34:19) Patuloy sana tayong magpokus, hindi sa mga problema, kundi sa kakayahan ni Jehova na tulungan tayo. At gaya ni apostol Pablo, masasabi natin: “May lakas akong harapin ang anumang bagay dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”—Fil. 4:13.
AWIT 38 Tutulungan Ka Niya
a Puwede tayong magkaroon ng di-inaasahang mga problema sa sistemang ito. Pero makakapagtiwala tayo na kung mananatili tayong tapat kay Jehova, tutulungan niya tayo. Paano tinulungan ni Jehova ang mga lingkod niya noon? Paano niya iyan ginagawa ngayon? Kapag pinag-aralan natin iyan, titibay ang pagtitiwala natin na tutulungan din tayo ni Jehova kung aasa tayo sa kaniya.
b Tingnan ang Bantayan, isyu ng Disyembre 1, 2000, p. 24-28.