Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 17

AWIT BLG. 111 Mga Dahilan ng Ating Kagalakan

Huwag na Huwag Mong Iiwan ang Espirituwal na Paraiso

Huwag na Huwag Mong Iiwan ang Espirituwal na Paraiso

“Magsaya kayo at magalak magpakailanman sa aking nililikha.”​—ISA. 65:18.

MATUTUTUHAN

Kung paano tayo nakikinabang sa espirituwal na paraiso at kung paano natin maaakay dito ang iba.

1. Ano ang espirituwal na paraiso, at ano ang dapat na maging determinasyon natin?

 MAY isang paraiso ngayon sa lupa na punong-puno ng mga taong abala sa paggawa ng mabuti. Nararanasan nila ang tunay na kapayapaan. Determinado ang mga nasa paraisong ito na huwag itong iwan. At gusto nilang maranasan din ng iba ang paraisong ito. Ano ito? Ang espirituwal na paraiso! a

2. Ano ang kahanga-hanga sa espirituwal na paraiso?

2 Dahil kay Satanas, naging mapanganib at napuno ng galit at kasamaan ang mundong ito. Pero sa kabila nito, nakagawa si Jehova ng isang makasagisag na lugar kung saan payapa at nagkakaisa ang mga tao. (1 Juan 5:19; Apoc. 12:12) Alam ng mapagmahal nating Diyos ang masamang epekto ng mundong ito sa atin. Kaya gumawa siya ng paraan para maging panatag tayo at patuloy na makapaglingkod nang masaya. Sa Bibliya, inilalarawan ang espirituwal na paraiso bilang isang ligtas na “kanlungan” at isang “hardin na laging nadidiligan.” (Isa. 4:6; 58:11) Dahil sa pagpapala ni Jehova, masaya at panatag ang mga nakatira sa paraisong ito kahit nabubuhay sila sa mahirap na mga huling araw na ito.​—Isa. 54:14; 2 Tim. 3:1.

3. Paano natupad noon ang Isaias kabanata 65?

3 Sa pamamagitan ni propeta Isaias, inilarawan ni Jehova kung ano ang magiging kalagayan sa espirituwal na paraiso. Mababasa ito sa Isaias kabanata 65, na unang natupad noong 537 B.C.E. Nang panahong iyon, nakalaya sa Babilonya ang nagsising mga Judio at nakabalik sa lupain nila. Pinagpala sila ni Jehova at tinulungan na mapagandang muli ang wasak na lunsod ng Jerusalem. Naitayo rin nilang muli ang templo na sentro ng tunay na pagsamba sa Israel.​—Isa. 51:11; Zac. 8:3.

4. Ano ang ikalawang katuparan ng Isaias kabanata 65?

4 Nagsimula ang ikalawang katuparan ng hula ni Isaias noong 1919 C.E. nang makalaya sa Babilonyang Dakila ang mga lingkod ni Jehova sa ngayon. Pagkatapos, unti-unti nang lumawak ang espirituwal na paraiso sa lupa. Dahil sa masisigasig na tagapaghayag ng Kaharian, nagkaroon ng maraming kongregasyon na binubuo ng may-gulang na mga Kristiyano. Ang ilan sa kanila ay dating marahas at imoral. Pero isinuot nila ang “bagong personalidad na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos.” (Efe. 4:24) Siyempre, sa hinaharap pa literal na matutupad ang marami sa mga pagpapalang inilarawan ni Isaias. Pero ngayon pa lang, nakikinabang na tayo sa makasagisag na paraisong ito. Tingnan natin kung paano tayo nakikinabang sa espirituwal na paraiso at kung bakit hinding-hindi natin ito dapat iwan.

ANG NARARANASAN NG MGA NASA ESPIRITUWAL NA PARAISO

5. Gaya ng ipinangako sa Isaias 65:​13, ano ang nararanasan natin sa espirituwal na paraiso?

5 Saganang pagkain at kaginhawahan. Ipinakita sa hula ni Isaias ang malaking pagkakaiba ng mga nasa espirituwal na paraiso at ng mga wala dito. (Basahin ang Isaias 65:13.) Saganang inilalaan ni Jehova ang espirituwal na pangangailangan ng mga mananamba niya. Mayroon tayong banal na espiritu, nasusulat na Salita niya, at saganang espirituwal na pagkain para ‘makakain tayo, makainom, at maging masaya.’ (Ihambing ang Apocalipsis 22:17.) Pero ang mga wala sa espirituwal na paraiso ay ‘nagugutom, nauuhaw, at nasa kahiya-hiyang kalagayan.’ Hindi nasasapatan ang espirituwal na pangangailangan nila.​—Amos 8:11.

6. Paano inilalarawan sa Joel 2:​21-24 ang espirituwal na mga paglalaan ni Jehova, at paano tayo nakikinabang sa mga ito?

6 Sa hula ni Joel, ginamit niya ang pangunahing mga pangangailangan noon, gaya ng butil, alak, at langis ng olibo, para ilarawan kung paano saganang inilalaan ni Jehova sa bayan niya ang kailangan nila, kasama na ang espirituwal na pagkain. (Joel 2:​21-24) Inilaan niya ang Bibliya at mga salig-Bibliyang publikasyon, ang website natin, pati na ang mga pulong, asamblea, at kombensiyon. Araw-araw, makakakain tayo sa espirituwal na mga paglalaan ni Jehova, kaya nagiging mas malusog tayo at maginhawa ang pakiramdam.

7. Bakit mayroon tayong “mabuting kalagayan ng puso”? (Isaias 65:14)

7 Pagiging masaya at kontento. ‘Humihiyaw sa kagalakan’ ang bayan ng Diyos dahil sa sobrang pasasalamat nila sa kaniya. (Basahin ang Isaias 65:14.) Mayroon tayong “mabuting kalagayan ng puso” dahil sa nakakapagpatibay na mga pangako at katotohanan sa Bibliya. Dahil din ito sa tunay na pag-asa nating salig sa haing pantubos ni Kristo. Kapag pinag-uusapan natin ang mga ito kasama ang mga kapatid natin, talagang sumasaya tayo.​—Awit 34:8; 133:​1-3.

8. Anong dalawang katangian ang kitang-kita sa espirituwal na paraiso?

8 Kitang-kita ang pag-ibig at pagkakaisa ng bayan ng Diyos sa espirituwal na paraiso. Ang pagkakaisang ito ay patikim ng magiging buhay natin sa bagong sanlibutan, kung saan lalo pang titibay ang buklod ng pag-ibig at pagkakaisa ng mga lingkod ni Jehova. (Col. 3:14) Ganito ang sinabi ng isang sister nang una niyang makilala ang mga Saksi ni Jehova: “Hindi ko alam kung paano maging maligaya, kahit sa aking pamilya. Ang kauna-unahang pagkakataon na nakakita ako ng pag-ibig na isinasagawa ay sa gitna ng mga Saksi ni Jehova.” Kung gusto ng isang tao na maging tunay na masaya at kontento, kailangan niyang maging bahagi ng espirituwal na paraiso. Iba man ang maging tingin ng sanlibutan sa mga lingkod ni Jehova, ang mahalaga, may magandang pangalan sila sa harap ng Diyos at sa iba pang mga lingkod niya.​—Isa. 65:15.

9. Gaya ng ipinangako sa Isaias 65:​16, 17, ano ang mangyayari sa mga problema natin?

9 Pagiging kalmado at panatag. Sinasabi sa Isaias 65:14 na “daraing dahil sa kirot ng puso at hahagulgol dahil sa pamimighati” ang mga nagdesisyong hindi maging bahagi ng espirituwal na paraiso. May mga problema rin naman ang mga lingkod ng Diyos, pero ano ang mangyayari sa mga ito? ‘Malilimutan na ang mga ito at mawawala na sa paningin ng Diyos.’ (Basahin ang Isaias 65:​16, 17.) Aalisin ni Jehova ang lahat ng problema natin, at darating ang panahon na hindi na natin maaalala ang lahat ng ito.

10. Bakit natin ipinagpapasalamat na may pagkakataon tayong makasama ang mga kapatid? (Tingnan din ang larawan.)

10 Ngayon pa lang, napapanatag na tayo. Kapag dumadalo tayo sa mga pulong natin, narerelaks tayo at pansamantala nating nalilimutan ang mga problema sa mundong ito. Matutulungan natin ang mga kapatid na maging panatag din kung magpapakita tayo ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, kabaitan, at kahinahunan, na kasama sa mga katangiang bunga ng espiritu ng Diyos. (Gal. 5:​22, 23) Talagang ipinagpapasalamat natin na bahagi tayo ng organisasyon ng Diyos! Makikita ng mga mananatili sa espirituwal na paraiso ang lubusang katuparan ng pangako ng Diyos na isang “bagong langit at bagong lupa.”

Napakalaking pagpapala na maging bahagi ng pamilya ng Diyos sa espirituwal na paraiso (Tingnan ang parapo 10) c


11. Ayon sa Isaias 65:​18, 19, ano ang dapat nating maramdaman sa espirituwal na paraiso na ginawa ni Jehova?

11 Sobrang pasasalamat at pananabik. Sinabi ni Isaias ang dahilan kung bakit dapat tayong ‘magsaya at magalak’ sa espirituwal na paraiso. Si Jehova ang gumawa ng paraisong ito. (Basahin ang Isaias 65:​18, 19.) Kaya naman hindi nakakapagtaka na ginagamit niya tayong mga lingkod niya para akayin ang iba na nasa mundong ito na gutom sa espirituwal papunta sa ating napakagandang espirituwal na paraiso! Napakarami nating tinatanggap na pagpapala dahil nasa katotohanan tayo, kaya sabik na sabik tayong sabihin sa iba ang mga ito.​—Jer. 31:12.

12. Ano ang masasabi mo sa mga pangakong binabanggit sa Isaias 65:​20-24?

12 Nagpapasalamat din tayo at sabik na sabik sa mararanasan nating buhay sa hinaharap dahil sa magandang kaugnayan natin kay Jehova. Isipin ang lahat ng makikita natin at puwedeng magawa sa bagong sanlibutan ng Diyos! Ipinapangako ng Bibliya: “Hindi na magkakaroon ng sanggol . . . na ilang araw lang mabubuhay, o ng matanda na hindi malulubos ang kaniyang mga araw.” “Magtatayo [tayo] ng mga bahay at titira sa mga iyon, at magtatanim [tayo] ng ubas at kakainin ang bunga nito.” “Hindi [tayo] magpapagod nang walang saysay,” dahil ‘pagpapalain tayo ni Jehova.’ Nangangako siya ng isang panatag at makabuluhang buhay. “Bago pa sila tumawag,” alam na niya ang pangangailangan ng bawat isa at ‘ibibigay niya ang inaasam nila.’—Isa. 65:​20-24; Awit 145:16.

13. Paano inilalarawan sa Isaias 65:25 ang mga pagbabagong ginagawa ng isang tao kapag nagsimula na siyang maglingkod kay Jehova?

13 Pagiging payapa at ligtas. Sa tulong ng espiritu ng Diyos, nakagawa ng malalaking pagbabago sa buhay ang mga dating may makahayop na mga ugali. (Basahin ang Isaias 65:25.) Nagsikap sila nang husto para maalis ang pangit na mga ugali nila. (Roma 12:2; Efe. 4:​22-24) Siyempre, hindi pa rin tayo perpekto, kaya magkakamali pa rin tayo. Pero pinagkaisa ni Jehova ang “lahat ng uri ng tao” na nagmamahal sa kaniya at mahal ang isa’t isa. (Tito 2:11) Kaya nararanasan nila ang tunay na kapayapaan. Isa itong himala na ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat lang ang makakagawa!

14. Paano naging totoo sa karanasan ng isang brother ang Isaias 65:25?

14 Talaga bang kayang magbago ng isang tao? Tingnan ang isang karanasan. Isang kabataan na edad 20 ang labas-pasok sa bilangguan. Imoral at marahas ang naging pamumuhay niya. Nabilanggo siya dahil sa carnapping, pagnanakaw, at iba pang krimen. Wala rin siyang pinipiling kaaway. Pero nang malaman niya ang katotohanan mula sa Bibliya at makadalo siya sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, nakahanap siya ng dahilan para mabuhay—ang espirituwal na paraiso. Nang mabautismuhan na siya, lagi niyang naiisip na totoong-totoo sa kaniya ang Isaias 65:25. Mabangis siya noon at marahas, gaya ng isang leon. Pero ngayon, kasing amo na siya ng tupa.

15. Bakit gusto nating akayin ang iba sa espirituwal na paraiso, at paano natin iyan magagawa?

15 Ganito ang sinabi sa simula ng Isaias 65:13: “Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.” Natapos naman ang talata 25 sa pananalitang “ang sabi ni Jehova.” Laging nagkakatotoo ang salita niya. (Isa. 55:​10, 11) Umiiral na sa ngayon ang espirituwal na paraiso. Bumuo si Jehova ng isang espesyal na kapatiran. Dahil bahagi tayo ng kapatirang ito, nakakaranas tayo ng kapayapaan sa gitna ng isang marahas at magulong mundo. (Awit 72:7) Kaya naman, gusto nating marami tayong matulungan na maging bahagi ng ating Kristiyanong kapatiran. At magagawa natin ito kung magpopokus tayo sa paggawa ng alagad.​—Mat. 28:​19, 20.

KUNG PAANO MAAAKAY ANG IBA SA ESPIRITUWAL NA PARAISO

16. Paano naaakit ang isang tao na maging bahagi ng espirituwal na paraiso?

16 May mahalagang papel ang bawat isa sa atin para maging kaakit-akit sa iba ang espirituwal na paraiso. Magagawa natin iyan kung tutularan natin si Jehova. Hindi niya pinipilit ang mga tao na maging bahagi ng organisasyon niya. Sa halip, ginagawa niya itong kaakit-akit para kusang-loob na lumapit ang mga tao sa kaniya. (Juan 6:44; Jer. 31:3) Kapag nalaman ng mga tapat-puso ang magagandang katangian ni Jehova, natural lang na mapalapit sila sa kaniya. Paano naman naaakit ang mga tao sa espirituwal na paraiso dahil sa magagandang katangian natin at mabuting paggawi?

17. Paano natin maaakay ang iba sa espirituwal na paraiso?

17 Maaakay natin ang iba sa espirituwal na paraiso kung magiging mapagmahal at mabait tayo sa mga kapatid. Sa mga pulong, may dumadalong mga interesado. Gusto nating masabi rin nila ang sinabi ng mga di-sumasampalataya na posibleng dumalo noon sa mga Kristiyanong pagpupulong sa Corinto. Sinabi nila: “Talagang nasa gitna ninyo ang Diyos.” (1 Cor. 14:​24, 25; Zac. 8:23) Kaya napakahalagang patuloy na sundin ang payo sa atin na ‘makipagpayapaan sa isa’t isa.’—1 Tes. 5:13.

18. Bakit gugustuhin ng mga tao na maging bahagi ng organisasyon natin?

18 Dapat na lagi nating pagsikapang matularan ang pananaw ni Jehova sa mga kapatid. Magagawa natin iyan kung magpopokus tayo sa magagandang katangian nila at hindi sa mga pangit na katangiang mawawala naman sa hinaharap. Maaayos natin ang anumang di-pagkakaunawaan kung ‘magiging mabait tayo sa isa’t isa, tunay na mapagmalasakit, at kung lubusan nating papatawarin ang isa’t isa.’ (Efe. 4:32) Kaya gugustuhin ng mga tao na maging bahagi ng espirituwal na paraiso kasi gusto nilang mapakitunguhan sa ganiyan ding paraan. b

MANATILI SA ESPIRITUWAL NA PARAISO

19. (a) Gaya ng makikita sa kahong “ Umalis Sila at Bumalik,” ano ang sinabi ng ilan nang makabalik sila sa espirituwal na paraiso? (b) Ano ang determinado nating gawin? (Tingnan din ang larawan.)

19 Napakasarap maging bahagi ng espirituwal na paraiso! Mas maganda pa ito ngayon, at mas dumami na rin ang pumupuri kay Jehova. Lagi sana nating pahalagahan ang paraisong ito na ginawa ni Jehova para sa atin. Kung gusto ng sinuman na maginhawahan at maging kontento, kalmado, at ligtas, kailangan niyang maging bahagi ng espirituwal na paraiso at huwag na huwag itong iiwan. Pero dapat tayong mag-ingat, dahil ginagawa ni Satanas ang buong makakaya niya para ilayo tayo dito. (1 Ped. 5:8; Apoc. 12:9) Huwag natin siyang hayaang magtagumpay. Gawin natin ang lahat para maprotektahan ang kagandahan, pagiging dalisay, at kapayapaan ng espirituwal na paraiso.

Mararanasan ng mga mananatili sa espirituwal na paraiso ang mga pagpapala sa literal na paraiso sa hinaharap (Tingnan ang parapo 19)


ANO ANG SAGOT MO?

  • Ano ang espirituwal na paraiso?

  • Ano ang mga pagpapalang mararanasan natin sa espirituwal na paraisong ito?

  • Paano natin maaakay dito ang iba?

AWIT BLG. 144 Masdan Mo ang Gantimpala!

a KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang terminong “espirituwal na paraiso” ay tumutukoy sa magandang kalagayan sa espirituwal ng mga lingkod ni Jehova habang sumasamba sila sa kaniya. Sa espirituwal na paraisong ito, mayroon tayong mapayapang kaugnayan kay Jehova at sa isa’t isa.

b Panoorin ang video na Kumusta Na Sila Ngayon? Alena Žitníková: Kung Paano Natupad ang Aking Pangarap na nasa jw.org, at tingnan kung anong mga pagpapala ang tinanggap ng isang sister dahil sa espirituwal na paraiso.

c LARAWAN: Sa pulong, habang nakikipagsamahan ang mga kapatid sa isa’t isa, nakahiwalay ang isang brother.