Pag-aasawa—Ang Pinagmulan at Layunin Nito
“Sinabi ng Diyos na Jehova: ‘Hindi mabuti para sa lalaki na manatiling nag-iisa. Gagawa ako ng isang katulong para sa kaniya.’”—GEN. 2:18.
1, 2. (a) Paano nagsimula ang pag-aasawa? (b) Ano ang maaaring naunawaan ng unang lalaki at babae tungkol sa pag-aasawa? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
ANG pag-aasawa ay bahagi na ng buhay ng tao. Kung babalikan natin ang pinagmulan at layunin ng pag-aasawa, makatutulong ito para magkaroon tayo ng tamang pananaw rito at sa mga pagpapala nito. Matapos lalangin ng Diyos ang unang taong si Adan, dinala Niya sa kaniya ang mga hayop para pangalanan. Pero “para sa lalaki ay walang nasumpungang katulong bilang kapupunan niya.” Kaya naman mahimbing na pinatulog ng Diyos si Adan, kinuha ang isang tadyang nito, ginawa iyon na isang babae, at dinala sa lalaki. (Basahin ang Genesis 2:20-24.) Kaya ang pag-aasawa ay mula sa Diyos.
2 Ipinakita ni Jesus na si Jehova ang nagsabi: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman.” (Mat. 19:4, 5) Dahil isang tadyang ni Adan ang ginamit ng Diyos sa paglalang sa unang babae, maaaring naidiin nito sa unang mag-asawa na malapít ang ugnayan nila. Walang ginawang kaayusan si Jehova noon para sa diborsiyo o para sa pagkakaroon ng higit sa isang asawa.
ANG PAG-AASAWA AY BAHAGI NG LAYUNIN NI JEHOVA
3. Ano ang isang mahalagang layunin ng pag-aasawa?
3 Tuwang-tuwa si Adan sa kaniyang asawa, na pinangalanan niyang Eva. Bilang “kapupunan” niya, si Eva ay magiging “isang katulong para sa kaniya” habang maligaya nilang ginagampanan ang kani-kanilang papel bilang mag-asawa. (Gen. 2:18) Ang isang mahalagang layunin ng pag-aasawa ay para punuin ng mga tao ang lupa. (Gen. 1:28) Kahit mahal ng mga anak ang kanilang mga magulang, iiwan nila ang mga ito para mag-asawa at bumuo ng kani-kanilang pamilya. Sa isang komportableng antas, pupunuin ng mga tao ang lupa at gagawin itong paraiso.
4. Ano ang nangyari sa unang mag-asawa?
4 Dumanas ng matinding dagok ang unang pag-aasawa nang piliin nina Adan at Eva na sumuway kay Jehova. Dinaya ni Satanas na Diyablo, ang “orihinal na serpiyente,” si Eva at pinaniwala na kung kakain siya mula sa “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama,” magkakaroon siya ng espesyal na kaalaman at makapagpapasiya kung ano ang mabuti at masama. Hindi nagpakita si Eva ng paggalang sa pagkaulo ng kaniyang asawa dahil hindi muna siya nagtanong dito. Sa halip na sumunod sa Diyos, tinanggap naman ni Adan ang bungang ibinigay sa kaniya ni Eva.—Apoc. 12:9; Gen. 2:9, 16, 17; 3:1-6.
5. Ano ang matututuhan natin sa mga sagot nina Adan at Eva kay Jehova?
5 Nang tanungin sila ng Diyos, sinisi ni Adan ang asawa niya: “Ang babae na ibinigay mo upang maging kasama ko, siya ang nagbigay sa akin ng bunga mula sa punungkahoy kung kaya ako kumain.” Sinisi naman ni Eva ang serpiyente at sinabing nilinlang siya nito. (Gen. 3:12, 13) Napakababaw na mga dahilan! Dahil sa pagsuway kay Jehova, hinatulan sila bilang mga rebelde. Babala nga ito para sa atin! Para magtagumpay ang pagsasama ng mag-asawa, dapat nilang kilalanin ang kani-kanilang responsibilidad at sumunod kay Jehova.
6. Paano mo ipaliliwanag ang Genesis 3:15?
6 Sa kabila ng ginawa ni Satanas sa Eden, nagbigay si Jehova ng pag-asa sa mga tao sa pamamagitan ng unang hula sa Bibliya. (Basahin ang Genesis 3:15.) Ang unang espiritung rebeldeng ito ay dudurugin ng “binhi” ng “babae.” Sa pamamagitan ng hulang iyon, ipinahiwatig ni Jehova ang espesyal na kaugnayan niya at ng pagkarami-raming matuwid na espiritung nilalang na naglilingkod sa kaniya sa langit. Nang maglaon, isiniwalat ng Kasulatan na mula sa tulad-asawang organisasyon ng Diyos, isusugo niya ang isa na dudurog sa Diyablo at magbubukas ng daan para matamasa ng masunuring mga tao ang pag-asang naiwala ng unang mag-asawa—ang mabuhay magpakailanman sa lupa ayon sa orihinal na layunin ni Jehova.—Juan 3:16.
7. (a) Ano ang nangyari sa pagsasama ng mga mag-asawa mula nang magrebelde sina Adan at Eva? (b) Ano ang hinihiling ng Bibliya sa mga asawang lalaki at babae?
7 Ang pagrerebelde nina Adan at Eva ay nagkaroon ng malaking epekto sa kanila at sa lahat ng mag-asawa. Halimbawa, si Eva at ang kaniyang mga inapo ay makararanas ng matinding kirot sa panahon ng pagdadalang-tao at panganganak. Ang mga babae ay magkakaroon ng paghahangad sa kanilang asawa, at pamumunuan naman sila ng mga ito, nang may pang-aabuso pa nga, gaya ng makikita natin sa maraming pagsasama ngayon. (Gen. 3:16) Sinasabi ng Bibliya na dapat magpakita ng maibiging pagkaulo ang mga lalaki sa kanilang asawa. Ang mga asawang babae naman ay dapat magpasakop sa kanilang asawang lalaki. (Efe. 5:33) Kung magtutulungan ang mag-asawang may-takot sa Diyos, mababawasan o maiiwasan pa nga ang maiigting na sitwasyon.
PAG-AASAWA MULA NOONG PANAHON NI ADAN HANGGANG SA BAHA
8. Ano ang naging kasaysayan ng pag-aasawa mula noong panahon ni Adan hanggang sa Baha?
8 Bago mamatay sina Adan at Eva, nagkaanak sila ng mga lalaki at babae. (Gen. 5:4) Napangasawa ng unang anak nilang si Cain ang isang kamag-anak nila. Ang inapo naman ni Cain na si Lamec ang unang lalaking iniulat sa Bibliya na may dalawang asawa. (Gen. 4:17, 19) Mula noong panahon ni Adan hanggang sa Baha noong panahon ni Noe, iilan lang ang naging mananamba ni Jehova. Kasama rito sina Abel, Enoc, at si Noe at ang kaniyang pamilya. Noong panahon ni Noe, “napansin ng mga anak ng tunay na Diyos ang mga anak na babae ng mga tao, na sila ay magaganda,” ang sabi ng Bibliya. Kaya “kumuha sila ng kani-kanilang mga asawa, samakatuwid ay lahat ng kanilang pinili.” Dahil sa di-likas na pagsasamang ito ng nagkatawang-taong mga anghel at ng mga babae, nagkaanak sila ng mararahas na Nefilim. Bukod diyan, “ang kasamaan ng tao ay laganap sa lupa at ang bawat hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay masama na lamang sa lahat ng panahon.”—Gen. 6:1-5.
9. Ano ang ginawa ni Jehova sa masasama noong panahon ni Noe, at anong aral ang matututuhan natin dito?
9 Pinasapit ni Jehova ang Baha noong mga araw ni Noe para puksain ang masasama. Nang panahong iyon, masyadong abala ang mga tao sa pang-araw-araw na gawain, kasama na ang pag-aasawa, kung kaya hindi nila sineryoso ang sinabi ni “Noe, isang mangangaral ng katuwiran,” tungkol sa nalalapit na pagkapuksa. (2 Ped. 2:5) Inihalintulad ni Jesus ang mga kalagayan noon sa magiging kalagayan sa panahon natin. (Basahin ang Mateo 24:37-39.) Sa ngayon, karamihan ay ayaw makinig sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos na ipinangangaral sa buong lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa bago wakasan ang masamang sistemang ito. Anong aral ang matututuhan natin sa panahon ni Noe? Ang mga bagay na gaya ng pag-aasawa at pagpapalaki ng mga anak ay hindi dapat maging dahilan para makalimutan natin na malapit na ang araw ni Jehova.
PAG-AASAWA MULA NOONG BAHA HANGGANG SA PANAHON NI JESUS
10. (a) Sa maraming kultura, anong seksuwal na mga gawain ang naging pangkaraniwan? (b) Paano nagpakita ng mabuting halimbawa sina Abraham at Sara?
10 Isa lang ang asawa ni Noe, at gayundin ang kaniyang tatlong anak, pero mayroon nang poligamya kahit noong panahon ng mga patriyarka. Sa maraming kultura, pangkaraniwan ang seksuwal na imoralidad, at bahagi pa nga ito ng mga ritwal sa relihiyon. Nang lumipat sina Abram (Abraham) at ang asawa niyang si Sarai (Sara) sa Canaan, laganap doon ang mga gawaing lumalapastangan sa pag-aasawa. Ang mga taga-Sodoma at Gomorra ay nagsasagawa ng malulubhang seksuwal na imoralidad, o kinukunsinti iyon, kaya naman ipinasiya ni Jehova na puksain ang mga lunsod na iyon. Nagpakita si Abraham ng wastong pagkaulo sa kaniyang pamilya, at nagpakita naman si Sara ng mahusay na halimbawa ng pagpapasakop sa kaniyang asawa. (Basahin ang 1 Pedro 3:3-6.) Tiniyak ni Abraham na isang mananamba ni Jehova ang mapapangasawa ng anak niyang si Isaac. Ganito rin ang ginawa ni Isaac sa anak niyang si Jacob, na ang mga anak ay naging ninuno ng 12 tribo ng Israel.
11. Paano pinrotektahan ng Kautusang Mosaiko ang mga Israelita?
11 Nang maglaon, nakipagtipan si Jehova sa mga inapo ni Jacob (Israel). Ibinigay niya sa kanila ang Kautusang Mosaiko, na may mga batas para sa pag-aasawa, pati na sa poligamya. Pinrotektahan nito ang mga Israelita sa espirituwal na paraan dahil ipinagbawal nito ang pakikipag-asawa sa huwad na Deuteronomio 7:3, 4.) Kapag nagkaroon ng malulubhang problema ang mga mag-asawa, kadalasang tinutulungan sila ng matatandang lalaki. May mga batas din hinggil sa pagtataksil, pagseselos, at paghihinala. At kahit pinapayagan ang diborsiyo, may mga alituntunin na dapat sundin para maprotektahan ang mag-asawa. Halimbawa, maaaring diborsiyuhin ng isang lalaki ang kaniyang asawa dahil sa “isang bagay na marumi,” o hindi disente. (Deut. 24:1) Hindi sinasabi ng Bibliya kung ano iyon, pero makatuwirang isipin na hindi kasama rito ang maliliit na isyu.—Lev. 19:18.
mga mananamba. (Basahin angHUWAG MAKITUNGO NANG MAY KATAKSILAN SA IYONG KABIYAK
12, 13. (a) Paano pinakikitunguhan ng ilang lalaki ang kanilang asawa noong panahon ni Malakias? (b) Kung ang isang taong bautisado ay sumama sa asawa ng iba, ano ang magiging resulta nito?
12 Noong panahon ni propeta Malakias, maraming lalaking Judio ang nakikitungo nang may kataksilan sa kanilang asawa. Dinidiborsiyo nila ang asawa ng kanilang kabataan sa kung ano-anong dahilan, marahil para makapag-asawa ng mas bata o paganong babae pa nga. Noong panahon ni Jesus, may-kataksilan pa ring dinidiborsiyo ng mga lalaking Judio ang kanilang asawa “sa bawat uri ng saligan.” (Mat. 19:3) Kinapopootan ng Diyos na Jehova ang gayong pagdidiborsiyo.—Basahin ang Malakias 2:13-16.
13 Sa ngayon, hindi kinukunsinti sa bayan ni Jehova ang pagtataksil sa asawa. Pero ipagpalagay nang isang may-asawa at bautisadong lalaki o babae ang sumama sa asawa ng iba at matapos makipagdiborsiyo ay nagpakasal sa taong iyon. Kung hindi siya nagsisisi, ititiwalag siya para mapanatili ang espirituwal na kalinisan ng kongregasyon. (1 Cor. 5:11-13) Kailangan siyang “magluwal . . . ng mga bungang angkop sa pagsisisi” bago maibalik sa kongregasyon. (Luc. 3:8; 2 Cor. 2:5-10) Kahit walang espesipikong haba ng panahon na kailangang palipasin bago maibalik ang nagkasala, ang gayong pagtataksil, na bihirang mangyari sa gitna ng bayan ng Diyos, ay hindi puwedeng ipagwalang-bahala. Maaaring umabot nang mahaba-habang panahon—isang taon o higit pa—bago makapagpakita ng katibayan ng tunay na pagsisisi ang nagkasala. Kahit naibalik na siya sa kongregasyon, magsusulit pa rin siya “sa harap ng luklukan ng paghatol ng Diyos.”—Roma 14:10-12; tingnan ang The Watchtower, Nobyembre 15, 1979, p. 31-32.
PAG-AASAWA SA GITNA NG MGA KRISTIYANO
14. Anong layunin ang tinupad ng Kautusan?
14 Mahigit 1,500 taóng nasa ilalim ng Kautusang Mosaiko ang Israel. Tinulungan sila nito na isaisip ang matuwid na mga pamantayan sa paglutas sa mga problema ng pamilya at iba pang usapin habang nagsisilbi itong tagaakay tungo sa Mesiyas. (Gal. 3:23, 24) Nang mamatay si Jesus, napawalang-bisa ang Kautusan at isang bagong kaayusan ang pinasimulan ng Diyos. (Heb. 8:6) Sa ilalim nito, hindi na pinahihintulutan ang ilang bagay na pinayagan sa ilalim ng Kautusan.
15. (a) Sa kongregasyong Kristiyano, ano ang magiging pamantayan sa pag-aasawa? (b) Anong mga bagay ang dapat isaalang-alang ng isang Kristiyanong nagbabalak makipagdiborsiyo?
15 Bilang sagot sa tanong ng mga Pariseo, sinabi ni Jesus na bagaman nagbigay-laya si Moises para sa pagdidiborsiyo, “hindi gayon ang kalagayan mula sa pasimula.” (Mat. 19:6-8) Kaya ipinakita ni Jesus na ang pamantayang itinatag ng Diyos sa Eden para sa pag-aasawa ang dapat sundin sa kongregasyong Kristiyano. (1 Tim. 3:2, 12) Dahil sila ay “isang laman,” ang mag-asawa ay dapat manatiling magkasama. Ang kanilang pag-ibig sa Diyos at sa isa’t isa ang tutulong para tumibay ang kanilang pagsasama. Kahit legal pa ang diborsiyo, kung walang nangyaring seksuwal na imoralidad, hindi malayang makapag-asawang muli ang isa. (Mat. 19:9) Siyempre pa, maaaring ipasiya ng isa na patawarin ang nangalunyang asawa na nagsisisi, gaya ng ginawa ni propeta Oseas sa imoral na asawa nitong si Gomer. Nagpakita rin ng awa si Jehova sa nagsisising bansang Israel matapos itong mangalunya sa espirituwal. (Os. 3:1-5) Tandaan din na kung alam ng isa na ang kaniyang asawa ay nangalunya pero nagpasiya siyang muling makipagtalik dito, nangangahulugan ito na pinatawad na niya ang kaniyang asawa at wala na siyang makakasulatang saligan para makipagdiborsiyo.
16. Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa pagiging walang asawa?
16 Matapos sabihing seksuwal na imoralidad lang ang saligan ng pagdidiborsiyo sa mga tunay na Kristiyano, binanggit ni Jesus ang mga “may kaloob” na mamuhay nang walang asawa. Idinagdag niya: “Siya na makapaglalaan ng dako para rito ay maglaan ng dako para rito.” (Mat. 19:10-12) Marami ang nagpasiyang manatiling walang asawa para makapaglingkod kay Jehova nang walang abala. Karapat-dapat nga sila sa komendasyon!
17. Ano ang makatutulong sa isang Kristiyano na magpasiya kung mag-aasawa siya o hindi?
17 Para malaman ng isa kung mag-aasawa siya o hindi, kailangan niyang magpasiya kung kaya niyang linangin ang kaloob ng pagiging walang asawa. Inirekomenda ni apostol Pablo ang pagiging walang asawa, pero sinabi niya: “Dahil laganap ang pakikiapid, magkaroon ang bawat lalaki ng kaniyang sariling asawa at magkaroon ang bawat babae ng kaniyang sariling asawa.” Idinagdag pa niya: “Ngunit kung wala silang pagpipigil sa sarili, mag-asawa sila, sapagkat mas mabuti ang mag-asawa kaysa magningas sa pagnanasa.” Kung ang isa ay mag-aasawa, makatutulong ito para hindi siya madala ng pagnanasa at makaiwas sa gawaing gaya ng masturbasyon o seksuwal na imoralidad. Depende rin ito sa edad ng isa, dahil sinabi ng apostol: “Kung iniisip ng sinuman na gumagawi siya nang di-nararapat sa kaniyang pagkabirhen, kung iyan ay lampas na sa kasibulan ng kabataan, at ganito ang dapat maganap, gawin niya kung ano ang ibig niya; hindi siya nagkakasala. Hayaan silang mag-asawa.” (1 Cor. 7:2, 9, 36; 1 Tim. 4:1-3) Pero hindi dapat ibuyo ang isa na mag-asawa dahil sa bugso ng pagnanasa sa panahon ng kabataan. Maaaring kulang pa siya sa pagkamaygulang na kailangan para balikatin ang mga pananagutan ng buhay may-asawa.
18, 19. (a) Paano dapat magsimula ang Kristiyanong pag-aasawa? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
18 Ang Kristiyanong pag-aasawa ay dapat magsimula sa isang lalaki at isang babae na nakaalay kay Jehova at buong-pusong umiibig sa kaniya. Dapat na mahal na mahal din nila ang isa’t isa kung kaya gusto nilang pag-isahin ang kanilang buhay sa buklod ng pag-aasawa. Tiyak na pagpapalain sila dahil sinunod nila ang payo na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Cor. 7:39) At kapag kasal na sila, siguradong magtatagumpay ang kanilang pagsasama kung patuloy nilang susundin ang payo ng Bibliya.
19 Tatalakayin sa susunod na artikulo ang mga simulain sa Bibliya na tutulong sa mga Kristiyanong may asawa na harapin ang mga hamon ng pamumuhay sa “mga huling araw” na ito, kung saan marami ang may mga ugaling nakasisira sa matagumpay na pag-aasawa. (2 Tim. 3:1-5) Sa kaniyang Salita, binibigyan tayo ni Jehova ng kinakailangang payo para maging matagumpay at maligaya ang ating pag-aasawa habang lumalakad tayo sa daan tungo sa buhay na walang hanggan.—Mat. 7:13, 14.