Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

Pinagpapala ang Nagbabata sa Harap ng Pagsubok

Pinagpapala ang Nagbabata sa Harap ng Pagsubok

“MALUPIT kang ama,” ang sigaw ng opisyal ng KGB. * “Inabandona mo ang asawa mong buntis at ang inyong sanggol. Sino ang magpapakain at mag-aalaga sa kanila? Itakwil mo na ang pananampalataya mo para makauwi ka na!” Sumagot ako: “Hindi, hindi ko sila inabandona. Inaresto n’yo ’ko! At para saan?” Nagalit ang opisyal at sinabi: “Kahit anong krimen, huwag lang maging Saksi!”

Nangyari iyan noong 1959 sa isang bilangguan sa lunsod ng Irkutsk sa Russia. Ikukuwento ko sa inyo kung bakit kami ng asawa kong si Maria ay handang “magdusa . . . alang-alang sa katuwiran” at kung ano ang mga pagpapalang tinanggap namin dahil nanatili kaming tapat.—1 Ped. 3:13, 14.

Isinilang ako sa Ukraine noong 1933 sa nayon ng Zolotniki. Noong 1937, dinalaw kami ng tiyahin ko at ng kaniyang asawa. Mga Saksi sila sa France at binigyan nila kami ng mga aklat na Government at Deliverance, na inilathala ng Watch Tower Society. Binasa iyon ni Itay at nagising ang pananampalataya niya sa Diyos. Nakalulungkot, nagkasakit siya nang malubha noong 1939. Pero bago siya mamatay, sinabi niya kay Inay: “Ito ang katotohanan. Ituro mo ito sa mga bata.”

SIBERIA—BAGONG TERITORYO SA PANGANGARAL

Noong Abril 1951, nagsimulang ipatapon ng mga awtoridad ang mga Saksi sa kanluran ng USSR patungong Siberia. Ako, si Inay, at ang nakababatang kapatid ko, si Grigory, ay pinatalsik mula sa West Ukraine. Sakay ng tren, bumiyahe kami nang mga 6,000 kilometro at dumating sa lunsod ng Tulun sa Siberia. Pagkalipas ng dalawang linggo, dumating ang nakatatandang kapatid ko na si Bogdan sa isang kampong malapit sa lunsod ng Angarsk. Sinentensiyahan siya ng 25-taóng sapilitang pagtatrabaho.

Nangangaral kami nina Inay at Grigory sa mga pamayanan sa palibot ng Tulun, pero kailangan naming maging mapamaraan. Halimbawa, tinatanong namin ang mga tao, “May nagbebenta ba ng baka dito?” Kung mayroon, ikinukuwento namin sa nagbebenta ng baka kung gaano kahusay ang pagkakadisenyo sa mga baka. Mayamaya, nag-uusap na kami tungkol sa Maylikha. Noong panahong iyon, ibinalita ng isang pahayagan na may mga Saksing nagtatanong tungkol sa baka pero ang talagang hinahanap ay mga tupa! At nakakita nga kami ng mga taong tulad-tupa! Napakasarap magturo ng Bibliya sa mga taong mapagpakumbaba at mapagpatuloy sa di-nakaatas na teritoryong iyon. Sa ngayon, mayroon nang isang kongregasyon sa Tulun na binubuo ng mahigit 100 mamamahayag.

NASUBOK ANG PANANAMPALATAYA NI MARIA

Nalaman ng asawa ko, si Maria, ang katotohanan sa Ukraine noong kasagsagan ng Digmaang Pandaigdig II. Noong 18 anyos siya, may isang opisyal ng KGB na nambabastos sa kaniya at pinipilit siyang gumawa sila ng imoralidad. Pero matatag niyang tinatanggihan ito. Isang araw, pagdating ni Maria sa bahay, nadatnan niyang nakahiga ang lalaking iyon sa kaniyang kama. Tumakas si Maria. Sa galit ng opisyal, pinagbantaan niya si Maria na ikukulong dahil sa pagiging Saksi. At noong 1952, sinentensiyahan nga si Maria ng 10-taóng pagkakabilanggo. Pakiramdam niya para siyang si Jose, na nabilanggo dahil sa katapatan. (Gen. 39:12, 20) Sinabi ng drayber na naghatid kay Maria mula sa hukuman papuntang bilangguan: “Huwag kang matakot. Marami nang nabilanggo, pero lumaya sila nang hindi nawawala ang dignidad.” Napatibay siya dahil dito.

Mula 1952 hanggang 1956, nagtrabaho si Maria sa isang labor camp malapit sa lunsod ng Gorkiy (ngayon ay Nizhniy Novgorod) sa Russia. Doon, inutusan siyang magbunot ng mga puno, kahit nagyeyelo ang paligid. Bumagsak ang kalusugan niya, pero pinalaya siya noong 1956 at pumuntang Tulun.

NAPALAYO SA AKING ASAWA AT MGA ANAK

Sinabi ng isang brother sa Tulun na may paparating na sister. Kaya nagbisikleta ako papunta sa bus stop para salubungin ang sister at tulungan siya sa kaniyang bagahe. Pagkakita ko pa lang kay Maria, gusto ko na siya. Hindi madaling makuha ang puso niya—pero nagtagumpay naman ako. Ikinasal kami noong 1957. Pagkalipas ng isang taon, nagkaanak kami ng babae, si Irina. Pero napahiwalay ako sa kanila. Noong 1959, inaresto ako dahil sa paglilimbag ng literatura sa Bibliya. Kalahating taon akong nabartolina. Para manatiling payapa ang puso ko, lagi akong nananalangin, kumakanta ng mga awiting pang-Kaharian, at nagbubulay-bulay kung paano ako mangangaral kapag nakalaya na ako.

Habang nasa labor camp noong 1962

Sa isang interogasyon, sinigawan ako ng imbestigador, “Malapit na namin kayong tapakan na parang mga daga sa sahig!” Sumagot ako, “Sinabi ni Jesus na IPANGANGARAL ang mabuting balita ng Kaharian sa lahat ng bansa, at walang makapipigil dito.” Pagkatapos, nagbago ng taktika ang imbestigador at hinikayat niya akong talikuran ang aking pananampalataya, gaya ng nabanggit ko sa simula. Dahil hindi nagtagumpay ang mga pagbabanta at panghihikayat, sinentensiyahan ako ng pitong taon ng sapilitang pagtatrabaho malapit sa lunsod ng Saransk. Habang papunta roon, nabalitaan kong isinilang ang ikalawang anak naming babae, si Olga. Kahit malayo ang mag-iina ko, gumagaan ang pakiramdam ko dahil alam ko na kami ni Maria ay nananatiling tapat kay Jehova.

Si Maria at ang mga anak naming sina Olga at Irina noong 1965

Minsan sa isang taon, naglalakbay si Maria papuntang Saransk para dalawin ako, kahit inaabot nang 12 araw ang biyahe sa tren papunta at pabalik sa Tulun. Taon-taon, dinadalhan niya ako ng bagong boots. Nakatago sa takong ng boots ang mga bagong kopya ng Ang Bantayan. Espesyal ang isa sa mga taóng iyon dahil isinama ni Maria ang aming dalawang anak. Talagang napakasayang makita at makasama sila!

MGA PAGLIPAT AT MGA HAMON

Noong 1966, pinalaya ako mula sa labor camp at kaming apat ay lumipat sa lunsod ng Armavir, malapit sa Black Sea. Doon isinilang ang mga anak naming lalaki, sina Yaroslav at Pavel.

Di-nagtagal, nire-raid na ng mga opisyal ng KGB ang tahanan namin para maghanap ng literatura sa Bibliya. Hinahalughog nila ang bawat sulok, kahit ang pakain para sa baka. Sa isa sa mga raid nila, tagaktak ang pawis ng mga opisyal dahil sa init, at punô ng alikabok ang damit nila. Naawa si Maria sa kanila dahil sumusunod lang naman sila sa utos. Binigyan niya sila ng juice at ng pamunas ng damit, tubig sa palanggana, at mga tuwalya. Nang dumating ang hepe ng KGB, ikinuwento ng mga opisyal ang kabaitang ipinakita sa kanila. Pag-alis nila, ngumiti ang hepe at kinawayan kami. Natuwa kaming makita ang magandang resulta ng pagsisikap naming “patuloy na daigin ng mabuti ang masama.”—Roma 12:21.

Sa kabila ng mga raid, patuloy pa rin kaming nangangaral sa Armavir. Nakatulong din kami para mapatibay ang maliit na grupo ng mamamahayag sa kalapít na bayan ng Kurganinsk. Masaya ako dahil sa ngayon, mayroon nang anim na kongregasyon sa Armavir at apat naman sa Kurganinsk.

May mga panahong nanghina rin kami sa espirituwal. Pero nagpapasalamat kami kay Jehova dahil ginamit niya ang tapat na mga kapatid para ituwid kami at palakasin. (Awit 130:3) Naging matinding pagsubok din para sa amin ang pagpasok sa kongregasyon ng mga tauhan ng KGB nang hindi namin namamalayan. Mukha silang masisigasig at aktibo sa ministeryo. Nagkaroon pa nga ng pribilehiyo sa organisasyon ang ilan sa kanila. Pero nang maglaon, nabunyag din kung ano talaga sila.

Noong 1978, nang 45 anyos na si Maria, nagdalang-tao siya uli. Dahil mayroon siyang malubhang sakit sa puso, sinabi ng mga doktor na delikado ang buhay niya at kinukumbinsi siyang magpalaglag. Pero tumanggi si Maria. Dahil dito, sinusundan-sundan siya ng ilang doktor sa ospital para turukan ng pampalaglag. Kaya tumakas si Maria.

Inutusan kami ng KGB na umalis sa lunsod. Lumipat kami sa isang nayon malapit sa lunsod ng Tallinn sa Estonia, na bahagi noon ng USSR. Hindi nagkatotoo ang sinabi ng mga doktor dahil sa Tallinn, nagsilang si Maria ng isang malusog na sanggol na lalaki, si Vitaly.

Nang maglaon, mula sa Estonia ay lumipat kami papunta sa pamayanan ng Nezlobnaya, sa may timog ng Russia. Maingat kaming nangangaral sa kalapít na mga bayan kung saan may mga resort, na pinupuntahan ng mga tao mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Pumupunta sila rito para sa kanilang kalusugan, pero ang ilan ay umaalis dala ang pag-asang buhay na walang hanggan!

PAGTUTURO SA AMING MGA ANAK NA IBIGIN SI JEHOVA

Sinikap naming itanim sa mga anak namin ang pag-ibig kay Jehova at ang pagnanais na maglingkod sa kaniya. Madalas naming anyayahan sa bahay ang mga kapatid na mabubuting impluwensiya sa mga anak namin. Isa sa madalas dumalaw ay ang kapatid kong si Grigory, na naglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa mula 1970 hanggang 1995. Natutuwa ang buong pamilya kapag binibisita niya kami dahil masayahin siya at palabiro. Kapag may mga bisita, madalas kaming maglaro ng Bible games, at gustong-gusto ng mga anak namin ang makasaysayang mga kuwento sa Bibliya.

Ang mga anak ko at ang kani-kanilang asawa.

Mula sa kaliwa pakanan, sa likuran: Yaroslav, Pavel, Jr., Vitaly

Sa harapan: Alyona, Raya, Svetlana

Noong 1987, ang anak naming si Yaroslav ay lumipat sa lunsod ng Riga sa Latvia, kung saan mas malaya siyang mangaral. Pero nang tumanggi siyang maglingkod sa militar, sinentensiyahan siyang mabilanggo nang isa’t kalahating taon at inilipat-lipat sa siyam na bilangguan. Nakatulong sa kaniya ang mga naikuwento kong karanasan ko sa bilangguan. Nang maglaon, nagpayunir siya. Noong 1990, gusto naman ng anak naming si Pavel, na 19 anyos noon, na magpayunir sa Sakhalin, isang isla sa hilaga ng Japan. Noong una, ayaw namin siyang payagan. Mayroon lang 20 mamamahayag sa buong isla, at mga 9,000 kilometro ang layo nito sa kinaroroonan namin. Pero pumayag din kami, at magandang desisyon pala iyon. Tumugon ang mga tagaroon sa mensahe ng Kaharian. Pagkalipas lang ng ilang taon, mayroon nang walong kongregasyon doon. Naglingkod si Pavel sa Sakhalin hanggang 1995. Ang bunso naming si Vitaly na lang ang kasama namin sa bahay noon. Mula pagkabata, mahilig na siyang magbasa ng Bibliya. Sa edad na 14, nagsimula siyang magpayunir, at nagpayunir din akong kasama niya nang dalawang taon. Napakasayang panahon iyon. Noong 19 anyos siya, umalis si Vitaly para maglingkod bilang special pioneer.

Noong 1952, sinabi ng isang opisyal ng KGB kay Maria: “Talikuran mo ang pananampalataya mo, kung hindi, mabibilanggo ka nang 10 taon. At paglaya mo, matanda ka na at nag-iisa.” Pero hindi ganoon ang nangyari. Damang-dama namin ang pagmamahal ng aming tapat na Diyos, si Jehova, ng aming mga anak, at ng marami sa mga natulungan naming makaalam ng katotohanan. Nadalaw pa nga namin ni Maria ang mga lugar kung saan naglilingkod ang aming mga anak. Nakatutuwang makita ang pagpapahalaga ng mga taong natulungan nila na makilala si Jehova.

NAGPAPASALAMAT SA KABUTIHAN NI JEHOVA

Noong 1991, legal nang kinilala ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Dahil dito, sumigla ang gawaing pangangaral. Bumili pa nga ng bus ang aming kongregasyon para mapuntahan ang kalapít na mga bayan at nayon tuwing dulo ng sanlinggo.

Kami ng asawa ko noong 2011

Masaya ako dahil si Yaroslav at ang kaniyang asawa, si Alyona, gayundin si Pavel at ang kaniyang asawa, si Raya, ay naglilingkod ngayon sa Bethel. Si Vitaly naman at ang kaniyang asawa, si Svetlana, ay nasa gawaing pansirkito. Ang panganay naming babae, si Irina, at ang kaniyang pamilya, ay nasa Germany. Ang asawa niya, si Vladimir, at ang kanilang tatlong anak ay naglilingkod bilang mga elder. Ang anak naming si Olga ay nakatira sa Estonia at palagi niya akong tinatawagan. Nakalulungkot, namatay ang mahal kong si Maria noong 2014. Nasasabik akong makita siya sa pagkabuhay-muli! Nakatira ako ngayon sa lunsod ng Belgorod, at napakalaking tulong sa akin ng mga kapatid dito.

Sa maraming taon ko ng paglilingkod kay Jehova, natutuhan ko na hindi laging madaling panatilihin ang katapatan. Pero ang kapayapaang ibinibigay ni Jehova ay kayamanang hindi matutumbasan. Ang mga pagpapalang tinanggap namin ni Maria dahil sa pananatiling matatag ay higit pa sa inaasahan ko. Bago bumagsak ang USSR noong 1991, mahigit 40,000 lang ang mamamahayag dito. Pero ngayon, mayroon nang mahigit 400,000 mamamahayag sa mga lupaing dating bahagi ng Unyong Sobyet! Ako ay 83 anyos na at naglilingkod pa rin bilang elder. Dahil sa pag-alalay ni Jehova, nagkakaroon ako ng lakas na makapagbata. Oo, napakabuti ni Jehova sa akin.—Awit 13:5, 6.

^ par. 4 Sa wikang Russian, ang mga letrang KGB ay tumutukoy sa Soviet State Security Committee.