Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mahabang Pagtitiis—Pagbabata na May Layunin

Mahabang Pagtitiis—Pagbabata na May Layunin

DAHIL tumitindi ang panggigipit sa “mga huling araw,” lalong kailangang maging matiisin ang bayan ni Jehova. (2 Tim. 3:1-5) Napalilibutan tayo ng isang sanlibutan ng mga taong karaniwan nang maibigin sa sarili, hindi bukás sa anumang kasunduan, at walang pagpipigil sa sarili. Ang mga nagpapakita ng gayong ugali ay kadalasan nang hindi matiisin. Kaya naman dapat itanong ng bawat Kristiyano: ‘Tulad na rin ba ako ng sanlibutan na hindi matiisin? Ano ang ibig sabihin ng pagiging matiisin? At paano magiging bahagi ng personalidad ko bilang Kristiyano ang napakagandang katangiang ito?’

ANG KAHULUGAN NG MAHABANG PAGTITIIS

Ayon sa pagkakagamit sa Bibliya, ang mahabang pagtitiis ay hindi lang basta makaraos sa isang problema. Ang isang taong may mahabang pagtitiis ay nagbabata na may layunin. Hindi lang sariling pangangailangan ang iniisip niya kundi isinasaalang-alang din niya ang kapakanan ng pinagmumulan ng problema. Kaya kapag ginawan ng mali o ginalit ang isang matiising tao, hindi siya nawawalan ng pag-asang maaayos pa ang nasirang ugnayan. Hindi nga nakapagtatakang inuna ng Bibliya ang pagiging matiisin, o “may mahabang pagtitiis,” sa listahan ng maraming katangiang nagmumula sa pag-ibig. * (1 Cor. 13:4) Isinama rin ng Salita ng Diyos ang “mahabang pagtitiis” bilang isang aspekto ng “bunga ng espiritu.” (Gal. 5:22, 23) Pero paano natin malilinang ang makadiyos na katangiang ito?

KUNG PAANO LILINANGIN ANG MAHABANG PAGTITIIS

Para malinang ang katangiang ito, dapat nating hingin sa panalangin ang tulong ng espiritu ni Jehova, na ibinibigay niya sa mga nagtitiwala at nananalig sa kaniya. (Luc. 11:13) Pero kahit makapangyarihan ang espiritu ng Diyos, kailangan pa rin nating gawin ang ating bahagi at kumilos ayon sa ating panalangin. (Awit 86:10, 11) Ibig sabihin, dapat nating sikaping magpakita ng mahabang pagtitiis araw-araw para mag-ugat ito sa ating puso. Gayunman, baka higit pa ang dapat nating gawin para maging bahagi ito ng ating personalidad. Ano pa ang makatutulong sa atin?

Malilinang natin ang mahabang pagtitiis kung susuriin natin at tutularan ang sakdal na halimbawa ni Jesus. Kaayon ng halimbawang iyan, inilarawan ni apostol Pablo ang “bagong personalidad,” kung saan kabilang ang “mahabang pagtitiis,” at saka niya tayo hinimok na “hayaang ang kapayapaan ng Kristo ang pumatnubay sa [ating] mga puso.” (Col. 3:10, 12, 15) Magagawa natin ito kung tutularan natin ang matibay na pananampalataya ni Jesus na sa itinakdang panahon ng Diyos, itutuwid Niya ang mga bagay na nakaaapekto sa atin. Kapag tinutularan natin ang halimbawa ni Jesus, makapananatili tayong matiisin, anuman ang mangyari.—Juan 14:27; 16:33.

Kahit gustong-gusto na nating makita ang bagong sanlibutang ipinangako ng Diyos, nakapagtitiis tayo kapag binubulay-bulay natin ang pagtitiis ni Jehova sa atin. Tinitiyak sa atin ng Kasulatan: “Si Jehova ay hindi mabagal may kinalaman sa kaniyang pangako, gaya ng itinuturing ng ilang tao na kabagalan, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Ped. 3:9) Habang iniisip natin ang pagtitiis ni Jehova sa atin, hindi ba’t nauudyukan tayo na maging matiisin din sa iba? (Roma 2:4) Kung gayon, ano ang ilang sitwasyong nangangailangan ng mahabang pagtitiis?

MGA SITWASYONG NANGANGAILANGAN NG MAHABANG PAGTITIIS

Maraming sitwasyon sa araw-araw ang sumusubok sa ating mahabang pagtitiis. Halimbawa, kahit sa tingin mo’y mahalaga ang sasabihin mo, baka kailangang pigilin mo iyon hangga’t may nagsasalita pa. (Sant. 1:19) Baka kailangan mo ring maging matiisin kapag kasama ng mga kapananampalatayang kinaiinisan mo ang paggawi. Sa halip na mag-overreact, makabubuting isipin kung ano ang reaksiyon ni Jehova at ni Jesus sa mga kahinaan natin. Hindi sila nakapokus sa ating mga pagkukulang. Sa halip, ang tinitingnan nila ay ang ating magagandang katangian at patuloy nilang inoobserbahan ang ating pagsisikap na sumulong.—1 Tim. 1:16; 1 Ped. 3:12.

Ang isa pang sitwasyong susubok sa ating mahabang pagtitiis ay kapag may nagsabing mali ang ating sinabi o ginawa. Karaniwan nang naghihinanakit agad tayo at nangangatuwiran. Pero iba ang ipinapayo ng Salita ng Diyos: “Mas mabuti ang matiisin kaysa sa isa na may palalong espiritu. Huwag kang magmadaling maghinanakit sa iyong espiritu, sapagkat hinanakit ang nagpapahinga sa dibdib ng mga hangal.” (Ecles. 7:8, 9) Kaya kahit hindi totoo ang akusasyon sa atin, dapat muna tayong mag-isip na mabuti bago mag-react. Sinunod ni Jesus ang simulaing iyan nang di-makatuwirang tuyain siya ng iba.—Mat. 11:19.

Kailangang-kailangan ng mga magulang ang mahabang pagtitiis kapag kailangang ituwid ang maling ugali, pagnanasa, o hilig na napapansin nila sa kanilang mga anak. Tingnan ang nangyari kay Mattias, isang Bethelite sa Scandinavia. Noong tin-edyer siya, lagi siyang tinutuya sa iskul dahil sa kaniyang paniniwala. Noong una, hindi ito alam ng mga magulang niya. Pero kinailangan nilang harapin ang naging epekto nito sa kanilang anak, na nagsimula nang magduda sa katotohanan. “Kinailangan ang mahabang pagtitiis sa sitwasyong iyon,” ang sabi ng tatay ni Mattias na si Gillis. Itinatanong ni Mattias: “Sino po ba ang Diyos? Paano kung hindi naman Salita ng Diyos ang Bibliya? Paano natin nalaman na talagang ang Diyos ang may gustong gawin natin ang mga bagay-bagay?” Sinasabi rin niya sa tatay niya: “Kasalanan ko po ba kung magkaiba tayo ng nararamdaman at pinaniniwalaan?”

“Kung minsan,” ang sabi ni Gillis, “habang nagtatanong ang aming anak, galít siya, hindi sa aming mag-asawa, kundi sa katotohanan na iniisip niyang nagpapahirap sa buhay niya.” Paano ito hinarap ni Gillis? “Umuupo kami ng anak ko at ilang oras na nag-uusap. Madalas na ako ang nakikinig sa kaniya at nagtatanong paminsan-minsan para maunawaan ko ang damdamin at pananaw niya. Kung minsan, binibigyan ko siya ng isang paliwanag na mga isang araw niyang pag-iisipan bago kami mag-usap ulit. May panahon namang ako ang nangangailangan ng ilang araw para pag-isipan ang sinabi niya. Dahil sa regular na pag-uusap na iyon, unti-unti niyang naunawaan at tinanggap ang mga turo gaya ng pantubos, soberanya ng Diyos, at pag-ibig ni Jehova. Nangailangan ito ng panahon, at hindi ito naging madali, pero unti-unti, tumubo sa puso niya ang pag-ibig kay Jehova. Tuwang-tuwa kaming mag-asawa dahil nagbunga ang matiyaga naming pagtulong sa aming anak noong tin-edyer siya.”

Nagtiwala si Gillis at ang kaniyang asawa sa suporta ni Jehova habang matiyaga nilang tinutulungan ang kanilang anak. Sinabi ni Gillis: “Madalas kong sabihin noon kay Mattias na dahil mahal na mahal namin siya, naging mas marubdob ang panalangin namin kay Jehova na tulungan sana siyang makaunawa.” Laking pasasalamat ng mag-asawa dahil nagpakita sila ng mahabang pagtitiis!

Bukod sa espirituwal na tulong, ang mga tunay na Kristiyano ay dapat magpakita ng maibiging pagtitiis kapag nag-aalaga ng mga kapamilya o kaibigang may nagtatagal na sakit. Tingnan ang halimbawa ni Ellen, * na nakatira din sa Scandinavia.

Mga walong taon na ang nakalilipas, dalawang beses naistrok ang asawa ni Ellen at napinsala ang utak nito. Dahil dito, hindi na siya nakadarama ng habag, saya, o lungkot. Napakahirap nito para kay Ellen. Sinabi niya: “Kailangan dito ang mahabang pagtitiis at maraming panalangin.” Dagdag pa niya: “Napapatibay ako ng paborito kong teksto, ang Filipos 4:13: ‘Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.’” Dahil sa kapangyarihang iyan, nakapagbabata si Ellen taglay ang lubos na pagtitiwala sa suporta ni Jehova.—Awit 62:5, 6.

TULARAN ANG MAHABANG PAGTITIIS NI JEHOVA

Siyempre pa, pagdating sa mahabang pagtitiis, si Jehova ang pinakamahusay nating halimbawa. (2 Ped. 3:15) Maraming ulat sa Bibliya tungkol sa mga pagkakataong nagpakita si Jehova ng mahabang pagtitiis. (Neh. 9:30; Isa. 30:18) Halimbawa, ano ang naging reaksiyon ni Jehova nang magtanong si Abraham tungkol sa Kaniyang desisyong wasakin ang Sodoma? Hinayaan muna ni Jehova na magsalita si Abraham. Matiyaga siyang nakinig sa bawat tanong at ikinababahala ni Abraham. Pagkatapos, para ipakita ni Jehova na nakinig siya, inulit niya ang mga ikinababahala ni Abraham at tiniyak sa kaniya na hindi Niya wawasakin ang Sodoma kahit 10 matuwid lang ang masumpungan sa lunsod na iyon. (Gen. 18:22-33) Napakagandang halimbawa ng matiyagang pakikinig at hindi pag-o-overreact!

Oo, ang mahabang pagtitiis ay isang napakahalagang bahagi ng bagong personalidad na dapat isuot ng lahat ng Kristiyano. Kung sisikapin nating malinang ang mahalagang katangiang ito, mapararangalan natin ang ating mapagmalasakit at matiising Ama sa langit, at mapapabilang tayo doon sa mga “sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis ay nagmamana ng mga pangako.”—Heb. 6:10-12.

^ par. 4 Ang katangian ng pag-ibig ay tinalakay sa unang artikulo ng seryeng ito na may siyam na bahagi tungkol sa bunga ng banal na espiritu ng Diyos.

^ par. 15 Binago ang pangalan.