Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 31

“Hindi Tayo Sumusuko”!

“Hindi Tayo Sumusuko”!

“Kaya hindi tayo sumusuko.”—2 COR. 4:16.

AWIT 128 Magtiis Hanggang sa Wakas

NILALAMAN *

1. Ano ang dapat gawin ng mga Kristiyano para matapos ang takbuhan para sa buhay?

ANG mga Kristiyano ay nasa takbuhan para sa buhay. Baguhan man tayo o matagal na sa takbuhang ito, kailangan nating patuloy na tumakbo hanggang finish line. Ang payo ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Filipos ay magpapatibay sa atin na tapusin ang takbuhan. Matagal nang naglilingkod kay Jehova ang ilang miyembro ng kongregasyong iyon nang matanggap nila ang liham ni Pablo. Tumatakbo naman sila, pero pinaalalahanan pa rin sila ni Pablo na patuloy na tumakbo nang may pagtitiis. Gusto niyang patuloy nilang tularan ang ‘pagsisikap niyang maabot ang tunguhin niya.’—Fil. 3:14.

2. Bakit napapanahon ang payo ni Pablo sa mga taga-Filipos?

2 Napapanahon ang payo ni Pablo sa mga taga-Filipos. Sa umpisa pa lang ay inuusig na ang kongregasyon. Nagsimula iyon noong mga 50 C.E. nang dumating sina Pablo at Silas sa Filipos dahil sa paanyaya sa kanila ng Diyos na ‘pumunta sa Macedonia.’ (Gawa 16:9) Nakilala nila roon si Lydia. Nakinig siya sa kanila, at “binuksan ni Jehova ang puso niya” sa mabuting balita. (Gawa 16:14) Di-nagtagal, nabautismuhan siya at ang kaniyang sambahayan. Pero kumilos agad ang Diyablo. Dinala ng mga lalaking tagaroon sina Pablo at Silas sa mga mahistrado sibil dahil nanggugulo raw ang mga ito. Sina Pablo at Silas ay binugbog, ibinilanggo, at sa kalaunan ay pinaalis sa lunsod. (Gawa 16:16-40) Sumuko ba sila? Hindi! Kumusta naman ang mga kapatid sa bagong-tatag na kongregasyon? Nakakatuwa dahil nakapagtiis din sila. Talagang napatibay sila sa magandang halimbawang ipinakita nina Pablo at Silas.

3. Ano ang alam ni Pablo na dapat niyang gawin, at ano-anong tanong ang tatalakayin natin?

3 Determinado si Pablo na huwag sumuko. (2 Cor. 4:16) Pero alam niyang para matapos niya ang takbuhan para sa buhay, dapat na lagi siyang nakapokus sa tunguhin niya. Ano ang matututuhan natin kay Pablo? Anong mga halimbawa ng pananampalataya sa ngayon ang nagpapakitang makakayanan natin ang anumang hadlang? At paano mapapatibay ng ating pag-asa ang determinasyon nating huwag sumuko?

MAKIKINABANG TAYO SA HALIMBAWA NI PABLO

4. Paano nanatiling abala si Pablo sa kabila ng kalagayan niya?

4 Isipin ang kalagayan ni Pablo nang sumulat siya sa mga taga-Filipos. Nakabilanggo siya sa tirahan niya sa Roma. Hindi siya makapangaral sa labas. Pero naging abala siya sa pagpapatotoo sa mga dumadalaw sa kaniya at sa pagsulat sa malalayong kongregasyon. Sa ngayon, sinasamantala rin ng maraming Kristiyanong hindi na makaalis ng bahay ang bawat pagkakataong masabi ang mabuting balita sa mga dumadalaw sa kanila. Sumusulat din sila sa mga taong hindi napapangaralan nang personal.

5. Ayon sa Filipos 3:12-14, ano ang nakatulong kay Pablo para manatiling nakapokus sa tunguhin niya?

5 Hindi hinayaan ni Pablo na mawala ang pokus niya dahil sa mga naabot niyang tagumpay o sa mga nagawa niyang kasalanan noon. Sa katunayan, sinabi niyang kinailangan niyang kalimutan ang “mga bagay na nasa likuran” nang sa gayon ay buong lakas siyang makatakbo para sa “mga bagay na nasa unahan,” o matapos niya ang takbuhan. (Basahin ang Filipos 3:12-14.) Ano ang ilang bagay na posibleng nakagambala sana kay Pablo? Una, ang mga naabot niyang tagumpay sa Judaismo ay kahanga-hanga, pero itinuring niyang “basura ang mga iyon.” (Fil. 3:3-8) Ikalawa, kahit nakokonsensiya siya sa ginawa niyang pag-uusig noon sa mga Kristiyano, hindi niya hinayaang makahadlang ito sa paglilingkod niya kay Jehova. At ikatlo, hindi niya ikinatuwirang sapat na ang mga nagawa niya sa paglilingkod sa Diyos. Napakaraming nagawa ni Pablo sa ministeryo kahit dumanas siya ng pagkabilanggo, pambubugbog, pambabato, pagkawasak ng barko, at ng kakulangan sa pagkain at pananamit. (2 Cor. 11:23-27) Sa kabila ng lahat ng ito, nagpokus pa rin si Pablo sa kaniyang paglilingkod. Dapat na ganoon din tayo.

6. Ano ang ilang “bagay na nasa likuran” na baka kailangan nating kalimutan?

6 Paano natin matutularan si Pablo sa ‘hindi niya pag-alaala sa mga bagay na nasa likuran’? Baka may ilan sa atin na kailangang labanan ang pagkabagabag ng konsensiya dahil sa mga kasalanang nagawa natin noon. Kung gayon, makakabuting pag-aralan ang tungkol sa haing pantubos ni Kristo. Kapag nag-aaral tayo, nagbubulay-bulay, at nananalangin tungkol sa nakakapagpatibay na paksang iyan, mapaglalabanan natin ang pang-uusig ng ating konsensiya sa mga kasalanang pinatawad na ni Jehova. May isa pa tayong aral na matututuhan kay Pablo. Baka iniwan na ng ilan sa atin ang isang napakagandang trabaho para magpokus sa Kaharian. Kung gayon, kaya ba nating kalimutan ang mga bagay na nasa likuran at hindi panghinayangan ang materyal na mga bagay na posibleng nae-enjoy sana natin? (Bil. 11:4-6; Ecles. 7:10) Maaaring kasama rin sa “mga bagay na nasa likuran” ang mga nagawa na natin para kay Jehova o ang mga pagsubok na nalampasan natin. Siyempre pa, kapag iniisip natin kung paano tayo pinagpala at tinulungan noon ng ating Ama, lalo tayong napapalapít sa kaniya. Pero hinding-hindi natin iisiping sapat na ang mga nagawa natin para kay Jehova at puwede na tayong huminto.—1 Cor. 15:58.

Sa takbuhan para sa buhay, dapat tayong umiwas sa mga panggambala at manatiling nakapokus sa ating tunguhin (Tingnan ang parapo 7)

7. Ayon sa 1 Corinto 9:24-27, ano ang kailangan para matapos natin ang takbuhan para sa buhay? Ilarawan.

7 Maliwanag kay Pablo ang sinabi ni Jesus: “Magsikap kayo nang husto.” (Luc. 13:23, 24) Gaya ni Kristo, alam ni Pablo na dapat siyang magsikap hanggang katapusan. Kaya naman ikinumpara niya ang buhay ng mga Kristiyano sa isang takbuhan. (Basahin ang 1 Corinto 9:24-27.) Ang isang mananakbo ay nakapokus lang sa finish line at hindi palingon-lingon. Halimbawa, kapag ang takbuhan ay nasa siyudad, baka may mga pamilihan at iba pang panggambala sa ruta nito. Sa palagay mo, titigil ba ang isang mananakbo para tingnang mabuti ang nakadispley na mga paninda? Hindi niya gagawin iyon kung gusto niyang manalo! Sa takbuhan para sa buhay, dapat din tayong umiwas sa mga panggambala. Kapag nanatili tayong nakapokus sa tunguhin natin at nagsikap nang husto gaya ni Pablo, makakamit natin ang gantimpala!

MGA HAMON SA ATING PANANAMPALATAYA

8. Anong tatlong hamon ang tatalakayin natin?

8 Tatalakayin natin ngayon ang tatlong hamon na puwedeng magpahina ng ating loob. Ito ay ang mga inaasahang hindi nangyayari, panghihina dahil sa katandaan, at mga pagsubok sa loob ng maraming taon. Matututo tayo sa mga nakapagtiis sa ganitong mga kalagayan.—Fil. 3:17.

9. Paano tayo puwedeng maapektuhan ng mga inaasahang hindi nangyayari?

9 Mga inaasahang hindi nangyayari. Natural lang na masabik tayo sa magagandang bagay na ipinangako ni Jehova. Sa katunayan, nang makiusap si propeta Habakuk kay Jehova na tapusin na ang kasamaan sa Juda, sinabi sa kaniya ni Jehova na “patuloy . . . itong hintayin.” (Hab. 2:3) Pero kapag parang nagtatagal ang katuparan ng mga inaasahan natin, baka mabawasan ang ating sigasig. Baka panghinaan pa nga tayo ng loob. (Kaw. 13:12) Nangyari ito sa pasimula ng ika-20 siglo. Maraming pinahirang Kristiyano ang umaasa noon na aakyat na sila sa langit noong 1914. Pero nang hindi iyon mangyari, ano ang ginawa ng mga tapat na Kristiyano?

Hindi nangyari ang inaasahan nina Royal at Pearl Spatz noong 1914, pero nanatili silang tapat sa loob ng maraming taon (Tingnan ang parapo 10)

10. Ano ang ginawa ng isang mag-asawa nang hindi mangyari ang inaasahan nila?

10 Tingnan ang halimbawang ito. Si Brother Royal Spatz ay nabautismuhan noong 1908 sa edad na 20. Asang-asa siya na malapit na siyang umakyat sa langit. Sa katunayan, nang yayain niyang magpakasal si Pearl noong 1911, sinabi niya: “Alam mo naman kung ano ang mangyayari sa 1914. Kaya kung magpapakasal tayo, madaliin na natin!” Tumigil ba ang mag-asawang ito sa takbuhan para sa buhay nang hindi mangyari ang inaasahan nilang pag-akyat sa langit noong 1914? Hindi, dahil nakapokus sila sa tapat na paglilingkod sa Diyos, hindi sa gantimpala. Desidido silang tumakbo nang may pagtitiis. At nanatili ngang tapat at aktibo sina Royal at Pearl hanggang sa mamatay sila pagkaraan pa ng maraming taon. Siguradong nasasabik ka na ring makita ang pagbabangong-puri ni Jehova sa kaniyang pangalan at soberanya, at ang pagtupad niya sa lahat ng kaniyang pangako. Makakasiguro kang mangyayari ang mga ito sa takdang panahon ni Jehova. Pero hangga’t wala pa ito, maging abala sana tayo sa paglilingkod sa ating Diyos, at huwag nating hayaang panghinaan tayo ng loob dahil sa mga inaasahang hindi nangyayari.

Kahit matanda na, nagsisikap pa rin si Arthur Secord na maglingkod kay Jehova sa abot ng kaniyang makakaya (Tingnan ang parapo 11)

11-12. Bakit may magagawa pa rin tayo kahit mahina na tayo? Magbigay ng halimbawa.

11 Panghihina dahil sa katandaan. Di-gaya ng isang literal na mananakbo, hindi mo kailangang maging malakas sa pisikal para patuloy na lumakas sa espirituwal. Sa katunayan, maraming mahihina na sa pisikal ang nagsisikap pa ring maglingkod kay Jehova sa abot ng kanilang makakaya. (2 Cor. 4:16) Halimbawa, si Brother Arthur Secord * ay nakapaglingkod sa Bethel nang 55 taon. Pero ngayon, 88 anyos na siya at mahina na. Minsan, lumapit sa kama niya ang isang nars para asikasuhin siya. Tiningnan siya nito at magiliw na sinabi: “Brother Secord, napakarami n’yo nang nagawa para kay Jehova.” Pero hindi doon nakapokus si Arthur. Tiningnan niya sa mata ang nars, nginitian ito, at sinabi: “Oo nga. Pero hindi iyon ang mahalaga. Ang mahalaga ay kung ano ang ginagawa natin ngayon.”

12 Matagal ka na sigurong naglilingkod kay Jehova, kaya lang, dahil sa humihinang kalusugan, baka hindi mo na nagagawa ngayon ang mga nagagawa mo noon. Pero huwag kang malungkot. Makakatiyak kang hindi malilimutan ni Jehova ang iyong mga ginawa. (Heb. 6:10) At sa ngayon, tandaan na ang ating debosyon kay Jehova ay hindi masusukat sa kung gaano karami ang nagagawa natin para sa kaniya. Sa halip, maipapakita natin ang lalim ng ating debosyon kung magiging positibo tayo at gagawin ang ating buong makakaya. (Col. 3:23) Naiintindihan ni Jehova ang mga limitasyon natin, at hindi niya tayo hinihilingan ng higit sa kaya natin.—Mar. 12:43, 44.

Nanatiling tapat sina Anatoly at Lidiya Melnik sa kabila ng maraming pagsubok (Tingnan ang parapo 13)

13. Paano tayo pinapatibay ng karanasan nina Anatoly at Lidiya na patuloy na maglingkod sa kabila ng maraming pagsubok?

13 Mga pagsubok sa loob ng maraming taon. May mga lingkod si Jehova na pinahirapan at pinag-usig sa loob ng maraming taon. Halimbawa, 12 anyos lang si Anatoly Melnik * nang arestuhin ang tatay niya, ibilanggo, at ipatapon sa Siberia na mahigit 7,000 kilometro ang layo mula sa kanilang pamilya sa Moldova. Pagkalipas ng isang taon, si Anatoly, ang nanay niya, at ang lolo’t lola niya ay ipinatapon din sa Siberia. Nang maglaon, nakadalo sila sa mga pulong sa kabilang nayon, pero kailangan nilang maglakad nang 30 kilometro sa niyebe, sa napakalamig na klima. Pagkatapos, si Anatoly ay nabilanggo nang tatlong taon, malayo sa kaniyang asawang si Lidiya at sa isang-taóng-gulang nilang anak na babae. Sa kabila ng maraming-taóng pagdurusa, si Anatoly at ang pamilya niya ay patuloy pa ring naglingkod nang tapat kay Jehova. Ngayon ay 82 anyos na si Anatoly, at naglilingkod siya bilang miyembro ng Komite ng Sangay sa Central Asia. Tulad nina Anatoly at Lidiya, patuloy sana tayong magtiis at gawin natin ang ating buong makakaya sa paglilingkod kay Jehova.—Gal. 6:9.

MAGPOKUS SA ATING PAG-ASA

14. Ayon kay Pablo, ano ang dapat niyang gawin para maabot ang tunguhin niya?

14 Nagtitiwala si Pablo na matatapos niya ang takbuhan at maaabot ang kaniyang tunguhin. Bilang pinahirang Kristiyano, inaasam niya “ang gantimpala ng makalangit na pagtawag ng Diyos.” Pero para maabot ang tunguhing iyan, alam niyang dapat na patuloy siyang magsikap. (Fil. 3:14) Gumamit si Pablo ng magandang ilustrasyon para tulungan ang mga taga-Filipos na manatiling nakapokus sa tunguhin nila.

15. Paano ginamit ni Pablo ang tungkol sa pagkamamamayan para patibayin ang mga Kristiyano sa Filipos na patuloy na magsikap?

15 Ipinaalaala ni Pablo sa mga taga-Filipos na ang pagkamamamayan nila ay sa langit. (Fil. 3:20) Bakit mahalagang tandaan ito? Noon kasi, gustong-gusto ng mga tao na maging mamamayan ng Roma. * Pero mas maganda ang pagkamamamayan ng mga pinahirang Kristiyano, dahil ito ang magbibigay sa kanila ng mas maraming pakinabang. Walang-wala ang pagkamamamayan ng Roma kumpara dito! Dahil diyan, pinatibay ni Pablo ang mga taga-Filipos na “mamuhay . . . bilang mga mamamayan na nararapat para sa mabuting balita tungkol sa Kristo.” (Fil. 1:27, tlb.) Magandang halimbawa ang mga pinahirang Kristiyano sa ngayon sa pagsisikap nilang maabot ang tunguhin nilang mabuhay magpakailanman sa langit.

16. Ang pag-asa man natin ay mabuhay sa langit o sa lupa, ano ang dapat na patuloy nating gawin ayon sa Filipos 4:6, 7?

16 Ang pag-asa man natin ay mabuhay magpakailanman sa langit o sa paraisong lupa, dapat tayong patuloy na magsikap na maabot ang tunguhing iyan. Anuman ang kalagayan natin, hindi tayo dapat lumingon sa mga bagay na nasa likuran; at huwag nating hayaang may makahadlang sa ating pagsulong. (Fil. 3:16) Baka matagal na tayong naghihintay sa katuparan ng mga pangako ng Diyos, o baka humihina na tayo. Baka maraming taon na tayong nagtitiis ng pag-uusig at iba pang pagsubok. Anuman ang sitwasyon, “huwag . . . mag-alala sa anumang bagay.” Sa halip, ipaalám mo sa Diyos ang lahat ng pakiusap mo, at bibigyan ka niya ng kapayapaang higit sa maiisip mo.—Basahin ang Filipos 4:6, 7.

17. Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?

17 Gaya ng isang mananakbong nagpupursigi habang papalapit sa finish line, manatili sana tayong nakapokus sa tunguhin nating matapos ang takbuhan para sa buhay. Gawin natin ang ating buong makakaya hanggang sa makamit natin ang magagandang bagay na naghihintay sa atin sa hinaharap. Ano ang dapat nating gawin para manatili tayo sa takbuhan at patuloy na makapagtiis? Tutulungan tayo ng susunod na artikulo na malaman ang dapat unahin at “makita . . . kung ano ang mas mahahalagang bagay.”—Fil. 1:9, 10.

AWIT 79 Turuan Mo Silang Maging Matatag

^ par. 5 Kahit gaano na tayo katagal na naglilingkod kay Jehova, gusto nating patuloy na sumulong bilang mga Kristiyano. Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga kapananampalataya niya na huwag sumuko! Ang liham niya sa mga taga-Filipos ay tutulong sa atin na makapanatili sa takbuhan para sa buhay. Ipapakita sa artikulong ito kung paano natin masusunod ang sinabi ni Pablo.

^ par. 11 Tingnan ang talambuhay ni Brother Secord, “My Part in Advancing Right Worship,” sa The Watchtower, Hunyo 15, 1965.

^ par. 13 Tingnan ang talambuhay ni Brother Melnik, “Tinuruan Mula sa Pagkabata na Ibigin ang Diyos,” sa Gumising!, Oktubre 22, 2004.

^ par. 15 Dahil sakop ng Roma ang Filipos, ang mga mamamayan ng lunsod na iyon ay may mga karapatan ding katulad ng sa mga mamamayan ng Roma. Kaya naiintindihan ng mga nakikinig kay Pablo ang ilustrasyon niya.