Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 33

Masiyahan sa mga Pribilehiyo Mo Ngayon

Masiyahan sa mga Pribilehiyo Mo Ngayon

“Mas mabuting masiyahan sa nakikita ng mga mata kaysa hangarin ang mga bagay na hindi naman makukuha.”​—ECLES. 6:9.

AWIT 111 Mga Dahilan ng Ating Kagalakan

NILALAMAN *

1. Ano ang ginagawa ng marami para mas mapaglingkuran nila si Jehova?

 NAPAKARAMI ng gawain natin habang papalapit ang wakas ng sistemang ito. (Mat. 24:14; Luc. 10:2; 1 Ped. 5:2) Gusto nating lahat na paglingkuran si Jehova sa abot ng ating makakaya. Marami ang nagpapalawak ng kanilang ministeryo. Tunguhin ng ilan na maging payunir, ang ilan ay makapaglingkod sa Bethel, o tumulong sa pagtatayo ng teokratikong mga pasilidad. Marami ring brother ang nagsisikap na maging kuwalipikado para maging ministeryal na lingkod o elder. (1 Tim. 3:1, 8) Siguradong tuwang-tuwa si Jehova kapag nakikita niyang nagsisikap ang bayan niya para paglingkuran siya!—Awit 110:3; Isa. 6:8.

2. Ano ang posibleng maramdaman natin kapag hindi natin naaabot ang ilang espirituwal na tunguhin natin?

2 Pero paano kung hindi pa rin natin naaabot ang ilang tunguhin natin kahit na matagal na tayong nagsisikap? O kaya, hindi natin magawa ang ilang bagay na gusto nating gawin para kay Jehova dahil sa edad natin o kalagayan? Malamang na madismaya tayo o panghinaan ng loob. (Kaw. 13:12) Ganiyan ang sitwasyon ni Melissa. * Gustong-gusto niyang maglingkod sa Bethel o mag-aral sa School for Kingdom Evangelizers, pero sinabi niya: “Lampas na ako sa age limit. Kaya hanggang pangarap na lang ang mga pribilehiyong iyon. Nakakalungkot din talaga kung minsan.”

3. Ano ang puwedeng gawin ng ilan para maging kuwalipikado para sa karagdagang mga pribilehiyo?

3 May ilan na malusog at kabataan pa na kailangan munang maging maygulang sa espirituwal at magpasulong ng ilang katangian para maging kuwalipikado sila sa karagdagang pribilehiyo. Baka matalino sila, mabilis magpasiya, at handang magtrabaho. Pero baka kailangan nilang matutong maging matiisin, maingat sa trabaho, o magalang. Kung magsisikap ka na pasulungin ang magagandang katangian, malamang na bigyan ka ng karagdagang pribilehiyo nang hindi mo inaasahan. Tingnan ang karanasan ni Nick. Noong 20 siya, dismayado si Nick kasi hindi pa siya nagiging ministeryal na lingkod. Sinabi niya, “Pakiramdam ko, may mali sa akin.” Pero hindi sumuko si Nick. Sinamantala niya ang mga pribilehiyo na bukás para sa kaniya. Sa ngayon, naglilingkod na siya bilang miyembro ng Komite ng Sangay.

4. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

4 Nalulungkot ka ba kasi hindi mo pa naaabot ang isang espirituwal na tunguhin? Kung oo, ipanalangin mo iyon kay Jehova at sabihin mo sa kaniya ang nararamdaman mo. (Awit 37:5-7) Puwede mo ring tanungin ang may-gulang na mga brother kung ano pa ang puwede mong pasulungin, at sikaping sundin ang mga payo nila. Kung gagawin mo iyan, baka maabot mo ang inaasam mong pribilehiyo. Pero gaya ng sitwasyon ni Melissa, na binanggit kanina, baka hindi talaga posible sa ngayon na magawa mo ang gusto mong gawin para kay Jehova. Kaya paano ka mananatiling masaya? Para masagot iyan, tatalakayin ng artikulong ito (1) kung ano ang magpapasaya sa iyo, (2) kung paano ka magiging mas masaya, at (3) kung ano ang mga tunguhin na mas magpapasaya sa iyo.

KUNG ANO ANG MAGPAPASAYA SA IYO

5. Para maging masaya, saan tayo dapat magpokus? (Eclesiastes 6:9)

5 Ipinapaliwanag sa Eclesiastes 6:9 kung ano ang magpapasaya sa atin. (Basahin.) Ang isang tao na nasisiyahan sa “nakikita ng mga mata” ay kontento sa kung ano ang mayroon siya, gaya ng kasalukuyan niyang sitwasyon. Pero ang isang tao na naghahangad ng “mga bagay na hindi naman makukuha” ay hindi makokontento at hindi kailanman magiging masaya. Ano ang aral para sa atin? Para maging masaya, dapat tayong magpokus sa kung ano ang mayroon tayo at sa mga tunguhin na posible talaga nating maabot.

6. Anong ilustrasyon ang tatalakayin natin, at saan tayo magpopokus?

6 Natural lang na gusto nating matuto ng mga bagong bagay. Kaya posible ba talaga na masiyahan tayo sa kung ano lang ang mayroon tayo? Oo naman. Paano? Talakayin natin ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga talento na nakaulat sa Mateo 25:14-30. Magpopokus tayo sa kung ano ang magpapasaya sa atin at kung paano tayo magiging mas masaya sa kung ano ang mayroon tayo ngayon.

KUNG PAANO KA MAGIGING MAS MASAYA

7. Ikuwento sa maikli ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga talento.

7 Sa ilustrasyon, may isang lalaki na maglalakbay sa ibang bayan. Bago umalis, ipinatawag niya ang mga alipin niya at binigyan sila ng mga talento para gamitin sa negosyo. * Binigyan niya sila ng talento ayon sa kakayahan ng bawat isa—sa isa ay lima, sa isa ay dalawa, at sa isa pa ay isang talento. Ang unang dalawang alipin ay nagsikap at pinalago ang pera ng kanilang panginoon. Pero walang ginawa ang ikatlong alipin, kaya tinanggal siya ng kaniyang panginoon sa pagiging alipin.

8. Bakit malamang na masayang-masaya ang unang alipin?

8 Malamang na masayang-masaya ang unang alipin dahil pinagkatiwalaan siya ng panginoon niya ng limang talento. Napakalaki ng halaga ng perang iyon, at ipinapakita nito na ganoon na lang ang tiwala sa kaniya ng panginoon niya! Pero kumusta ang ikalawang alipin? Puwede sanang nalungkot siya dahil hindi ganoon karami ang natanggap niyang talento. Pero ano ang ginawa niya?

Anong mga aral ang matututuhan natin sa ikalawang alipin na binanggit ni Jesus sa kaniyang ilustrasyon? (1) Binigyan siya ng panginoon niya ng dalawang talento. (2) Nagtrabaho siyang mabuti at pinalago ang pera ng kaniyang panginoon. (3) Nadoble niya ang talento ng kaniyang panginoon (Tingnan ang parapo 9-11)

9. Ano ang hindi sinabi ni Jesus tungkol sa ikalawang alipin? (Mateo 25:22, 23)

9 Basahin ang Mateo 25:22, 23. Hindi sinabi ni Jesus na nagalit at nagtampo ang ikalawang alipin dahil dalawang talento lang ang ibinigay sa kaniya. Hindi rin sinabi ni Jesus na nagreklamo ito: ‘Bakit ito lang? Masipag din naman ako gaya ng unang alipin na binigyan ng limang talento! Kung hindi rin lang ako mahalaga sa panginoon ko, mabuti pang ibaon ko na lang ang dalawang talentong ito at magtrabaho para sa sarili ko.’

10. Ano ang ginawa ng ikalawang alipin sa mga talentong ipinagkatiwala sa kaniya?

10 Gaya ng unang alipin, sineryoso ng ikalawang alipin ang responsibilidad na ibinigay sa kaniya at nagtrabahong mabuti para sa panginoon niya. Kaya naman, nadoble niya ang mga talentong ibinigay sa kaniya. Ginantimpalaan siya ng panginoon niya dahil sa kasipagan niya. At hindi lang basta natuwa ang panginoon niya sa kaniya. Pinuri din siya nito at binigyan ng mas marami pang responsibilidad!

11. Paano tayo magiging mas masaya?

11 Magiging mas masaya rin tayo kung gagawin natin ang buong makakaya natin anumang atas ang ibigay sa atin ni Jehova. Maging “abalang-abala” sa pangangaral at sa iba pang gawain sa kongregasyon. (Gawa 18:5; Heb. 10:24, 25) Paghandaang mabuti ang mga pag-aaralan sa pulong para makapagbigay ka ng nakakapagpatibay na mga komento. Pahalagahan anuman ang bahagi na iatas sa iyo sa midweek meeting. Kung pinakisuyuan ka na tumulong sa isang gawain sa kongregasyon, dumating nang tama sa oras at ipakitang maaasahan ka. Huwag maliitin ang atas na ibinibigay sa iyo at isipin na hindi sulit na paglaanan iyon ng panahon. Sikaping pasulungin ang mga kakayahan mo. (Kaw. 22:29) Kapag ibinibigay mo ang buong makakaya mo para gampanan ang atas mo at ang iba pang espirituwal na gawain, mas mabilis kang susulong at magiging mas masaya ka. (Gal. 6:4) Magiging mas madali rin para sa iyo na makipagsaya kapag may ibang nakatanggap ng pribilehiyo na gusto mo sanang maabot.​—Roma 12:15; Gal. 5:26.

12. Ano ang ginawa ng dalawang Saksi para maging mas masaya sila?

12 Naaalala mo ba si Melissa, ang sister na nagsabing gusto niyang maglingkod sa Bethel o mag-aral sa School for Kingdom Evangelizers? Kahit hindi posible para sa kaniya na magawa ang mga iyon, sinabi niya, “Ginagawa ko ang buong makakaya ko sa pagpapayunir at sinusubukan ko ang iba’t ibang paraan ng pangangaral, kaya napakasaya ko!” Ano naman ang nakatulong kay Nick nang hindi siya maatasan bilang ministeryal na lingkod? “Nagpokus ako sa mga pribilehiyo na meron ako noon, gaya ng pangangaral at pagkokomento sa mga pulong. Nag-apply rin ako sa Bethel, at natanggap ako nang sumunod na taon.”

13. Ano ang resulta kung gagawin mo ang buong makakaya mo sa atas mo ngayon? (Eclesiastes 2:24)

13 Kung gagawin mo ang buong makakaya mo sa atas mo ngayon, ibig bang sabihin, mabibigyan ka na ng karagdagang pribilehiyo sa hinaharap? Posible iyon, gaya ng nangyari kay Nick. Pero kung hindi man, gaya ni Melissa, magiging mas masaya ka pa rin at kontento sa mga nagagawa mo para kay Jehova. (Basahin ang Eclesiastes 2:24.) Bukod diyan, siguradong magiging mas masaya ka rin dahil alam mong napapasaya mo ang ating Panginoon, si Jesu-Kristo.

MGA TUNGUHIN NA MAS MAGPAPASAYA SA ATIN

14. Ano ang dapat nating tandaan kapag umaabót tayo ng espirituwal na mga tunguhin?

14 Kung nagpopokus tayo sa atas natin ngayon, ibig bang sabihin, hindi na tayo mag-iisip ng ibang paraan para higit pang mapaglingkuran si Jehova? Hindi naman. Dapat pa rin tayong magtakda ng espirituwal na mga tunguhin na tutulong sa atin para maging mas mahusay sa ministeryo at mas makatulong sa mga kapatid. Maaabot natin ang mga tunguhing ito kung magpopokus tayo sa paglilingkod sa iba imbes na sa sarili natin.​—Kaw. 11:2; Gawa 20:35.

15. Ano ang ilang tunguhin na mas magpapasaya sa iyo?

15 Ano-ano ang puwede mong maging tunguhin? Ipanalangin mo kay Jehova na tulungan ka na makita ang mga tunguhin na kaya mo talagang abutin. (Kaw. 16:3; Sant. 1:5) Puwede mo bang gawing tunguhin ang isa sa mga pribilehiyo na binanggit sa  unang parapo ng artikulong ito—maging auxiliary o regular pioneer, maglingkod sa Bethel, o tumulong sa pagtatayo ng teokratikong mga pasilidad? O kung nasa kalagayan ka, puwede ka bang mag-aral ng bagong wika para maipangaral ang mabuting balita o makapangaral pa nga sa ibang lugar? Makakatulong kung babasahin mo ang kabanata 10 ng aklat na Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova at kung lalapit ka sa mga elder sa inyong kongregasyon. * Habang nagsisikap kang maabot ang mga tunguhing ito, makikita ang pagsulong mo at magiging mas masaya ka.

16. Ano ang puwede mong gawin kung hindi mo pa maabot ang isang tunguhin?

16 Paano kung hindi mo pa maabot ang mga tunguhin na nabanggit kanina? Magtakda ng ibang tunguhin na kaya mong abutin. Tingnan ang sumusunod na halimbawa.

Ano ang isang tunguhin na kaya mong abutin? (Tingnan ang parapo 17) *

17. Ayon sa 1 Timoteo 4:13, 15, ano ang puwedeng gawin ng isang brother para maging mas mahusay na tagapagturo?

17 Basahin ang 1 Timoteo 4:13, 15. Kung isa kang bautisadong brother, puwede mong pagsikapan na maging mas mahusay sa pagsasalita at pagtuturo. Bakit? Dahil kung ‘magbubuhos ka ng pansin’ sa pagbabasa, pagsasalita, at pagtuturo, makikinabang ang mga nakikinig sa iyo. Puwede mong gawing tunguhin na pag-aralan at sundin ang bawat aralin sa brosyur na Maging Mahusay sa Pagbabasa at Pagtuturo. Isa-isa mong pag-aralan ang mga aralin, magpraktis nang mabuti, at sikaping gamitin ang lahat ng natutuhan mo sa mga bahagi mo. Humingi ng mungkahi sa katulong na tagapayo o sa iba pang elder na “nagsisikap nang husto sa pagsasalita at pagtuturo.” * (1 Tim. 5:17) Mahalagang sundin ang mga aralin sa brosyur. Pero mahalaga rin na magpokus ka kung paano mo matutulungan ang mga tagapakinig mo na mapatibay ang pananampalataya nila o mapakilos sila na sundin ang mga napapakinggan nila. Kapag ginawa mo iyan, magiging mas masaya ka pati na ang iba.

Ano ang isang tunguhin na kaya mong abutin? (Tingnan ang parapo 18) *

18. Paano tayo magiging mas mahusay sa pangangaral at pagtuturo?

18 Lahat tayo ay inatasan na mangaral at gumawa ng alagad. (Mat. 28:19, 20; Roma 10:14) Gusto mo ba na maging mas mahusay pa sa napakahalagang gawaing ito? Magtakda ka ng mga espesipikong tunguhin habang pinag-aaralan mo at sinusunod ang mga natututuhan mo sa brosyur na Pagtuturo. Makakatulong din sa iyo ang mga praktikal na mungkahi sa Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong at mga video ng sampol na pakikipag-usap na ipinapakita sa mga pulong. Subukan mo kung ano ang nakita mong epektibo. Kapag ginawa mo iyan, tiyak na magiging mas mahusay kang tagapagturo at magiging mas masaya ka.​—2 Tim. 4:5.

Ano ang isang tunguhin na kaya mong abutin? (Tingnan ang parapo 19) *

19. Paano mo mapapasulong ang mga katangiang Kristiyano?

19 Kapag nagtatakda ka ng mga tunguhin, huwag mong kakalimutan ang isa sa pinakamahalagang tunguhin—ang pagpapasulong ng mga katangiang Kristiyano. (Gal. 5:22, 23; Col. 3:12; 2 Ped. 1:5-8) Paano mo ito gagawin? Halimbawa, gusto mong patibayin ang pananampalataya mo. May mababasa kang praktikal na mga mungkahi sa mga publikasyon natin kung paano mo iyon magagawa. Makakatulong din sa iyo ang panonood ng mga video mula sa JW Broadcasting® tungkol sa mga kapatid natin na nagpakita ng matibay na pananampalataya nang dumanas sila ng iba’t ibang pagsubok. Pagkatapos, pag-isipan mo kung paano mo matutularan ang kanilang pananampalataya.

20. Ano ang puwede nating gawin para maging mas masaya tayo at mabawasan ang pagkadismaya natin?

20 Gusto nating lahat na mas marami pang magawa para kay Jehova sa ngayon. Sa bagong sanlibutan ng Diyos, mapaglilingkuran natin siya nang lubusan. Pero habang wala pa ang panahong iyon, kung gagawin natin ang buong makakaya natin para paglingkuran siya, magiging mas masaya tayo at mababawasan ang pagkadismaya natin. At ang pinakamahalaga, maluluwalhati at mapapapurihan natin si Jehova, ang ating “maligayang Diyos.” (1 Tim. 1:11) Kaya patuloy tayong masiyahan sa mga pribilehiyo natin ngayon!

AWIT 82 Pasikatin ang Inyong Liwanag

^ par. 5 Mahal na mahal natin si Jehova, at gusto nating gawin ang buong makakaya natin para paglingkuran siya. Kaya naman nagpapalawak tayo ng ating ministeryo o umaabót ng karagdagang pribilehiyo sa kongregasyon. Pero paano kung ginawa na natin ang lahat pero hindi pa rin natin naaabot ang ilang tunguhin natin? Ano ang makakatulong para patuloy pa rin tayong makapaglingkod nang masaya? Makikita natin ang sagot sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga talento.

^ par. 2 Binago ang ilang pangalan.

^ par. 7 KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang isang talento ay katumbas ng mga 20-taóng suweldo ng isang karaniwang manggagawa.

^ par. 15 Pinapasigla ang mga bautisadong brother na magsikap na maging kuwalipikado bilang mga ministeryal na lingkod at elder. Para makita ang mga kuwalipikasyon, tingnan ang kabanata 5 at 6 ng aklat na Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova.

^ par. 17 KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang katulong na tagapayo ay isang elder na inatasan na magbigay ng pribadong payo, kung kailangan, sa mga elder at ministeryal na lingkod na gumanap ng anumang atas sa pagsasalita sa kongregasyon.

^ par. 64 LARAWAN: Para maabot ang tunguhin niya na maging mas mahusay na tagapagturo, nagre-research ang isang brother sa mga publikasyon natin.

^ par. 66 LARAWAN: Tunguhin ng isang sister na makapagpatotoo sa di-pormal na paraan, kaya nagbigay siya ng isang contact card sa waitress.

^ par. 68 LARAWAN: Dahil gusto ng isang sister na maipakita ang mga katangiang Kristiyano, sinorpresa niya ang isang kapananampalataya at binigyan ito ng regalo.