Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 34

‘Patuloy na Lumakad sa Katotohanan’

‘Patuloy na Lumakad sa Katotohanan’

‘Patuloy na lumakad sa katotohanan.’—3 JUAN 4.

AWIT 111 Mga Dahilan ng Ating Kagalakan

NILALAMAN a

1. Paano tayo nakikinabang kapag pinag-uusapan natin kung paano natin nalaman ang “katotohanan”?

 “PAANO mo nalaman ang katotohanan?” Siguradong maraming beses mo nang nasagot iyan. Isa iyan sa mga unang itinatanong natin sa isang kapatid kapag gusto natin siyang mas makilala. Gusto nating malaman kung paano nakilala at minahal ng mga kapatid si Jehova. Gusto rin nating sabihin sa kanila kung gaano kahalaga sa atin ang katotohanan. (Roma 1:11) Ipinapaalala ng ganitong mga pag-uusap na napakahalaga ng katotohanan. Mas nagiging determinado rin tayo na ‘patuloy na lumakad sa katotohanan’—ang pamumuhay sa paraang pagpapalain tayo ni Jehova at makukuha ang pagsang-ayon niya.​—3 Juan 4.

2. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

2 Sa artikulong ito, babalikan natin ang ilang dahilan kung bakit mahal natin ang katotohanan. Pagkatapos, tatalakayin natin kung paano natin patuloy na papahalagahan ang regalong ito. Siguradong mapapalalim nito ang pagpapahalaga natin sa ginawa ni Jehova para mailapit tayo sa katotohanan. (Juan 6:44) Mas gugustuhin din nating ibahagi sa iba ang katotohanan.

BAKIT MAHAL NATIN ANG “KATOTOHANAN”?

3. Ano ang pinakamahalagang dahilan kung bakit mahal natin ang katotohanan?

3 Maraming dahilan kung bakit mahal natin ang katotohanan. Unang-una, mahal natin ang Diyos na Jehova, ang Pinagmumulan ng katotohanan. Sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, nakilala natin siya bilang ang pinakamakapangyarihang Maylalang ng langit at lupa. Pero hindi lang iyon. Nakilala rin natin siya bilang ating maibiging Ama sa langit, na nagmamalasakit sa atin. (1 Ped. 5:7) Alam natin na ang ating Diyos ay “maawain at mapagmalasakit, hindi madaling magalit at sagana sa tapat na pag-ibig at katotohanan.” (Ex. 34:6) Iniibig ni Jehova ang katarungan. (Isa. 61:8) Nasasaktan siya kapag nakikita niya tayong nagdurusa, at gustong-gusto niyang alisin ang lahat ng pagdurusa sa kaniyang itinakdang panahon. (Jer. 29:11) Gustong-gusto na rin nating mangyari iyan! Kaya mahal na mahal natin si Jehova!

Ang Katotohanan Mula sa Bibliya ay Gaya ng . . . Angkla

Kapag may angkla, hindi tatangayin ng alon ang isang bangka. Magiging matatag din tayo kahit may mga pagsubok dahil sa pag-asa natin mula sa Bibliya. Pinapakilos din tayo ng katotohanan mula sa Bibliya na ibahagi ito sa iba (Tingnan ang parapo 4-7)

4-5. Bakit ikinumpara ni apostol Pablo ang ating pag-asa sa angkla?

4 Ano ang isa pang dahilan kung bakit mahal natin ang katotohanan? Malaki ang naitutulong sa atin ng katotohanan. Halimbawa, kasama sa mga katotohanan mula sa Bibliya ang tungkol sa pag-asa natin sa hinaharap. Para ilarawan kung gaano kahalaga ang pag-asang ito, isinulat ni apostol Pablo: “Ang pag-asa nating ito ay nagsisilbing angkla ng buhay natin; ito ay tiyak at matatag.” (Heb. 6:19) Makakatulong ang angkla para hindi tangayin ng alon ang isang bangka. Makakatulong din ang pag-asa mula sa Bibliya para maging matatag tayo kahit may mga pagsubok.

5 Sa kontekstong ito, tinatalakay ni Pablo ang makalangit na pag-asa na inaasam-asam ng mga pinahirang Kristiyano. Pero para din ito sa mga Kristiyanong gustong-gustong mabuhay nang walang hanggan sa paraisong lupa. (Juan 3:16) Talagang naging makabuluhan ang buhay natin nang malaman natin ang tungkol sa pag-asang ito.

6-7. Paano nakatulong kay Yvonne ang katotohanan tungkol sa hinaharap?

6 Pansinin ang karanasan ng sister na si Yvonne. Hindi siya lumaki sa katotohanan, at takót siyang mamatay noong bata siya. May nabasa siya na tumatak sa isip niya: “Balang-araw, wala nang bukas.” Sinabi niya: “Dahil doon, hindi ako makatulog sa gabi sa kaiisip sa hinaharap. Naisip ko: ‘Tiyak na hindi lang ganito ang buhay. Bakit ako nandito?’ Takót akong mamatay!”

7 Nang maging tin-edyer siya, may nakilala si Yvonne na mga Saksi ni Jehova. Ikinuwento niya: “Naniniwala na akong puwede akong mabuhay nang walang hanggan sa isang Paraisong lupa.” Paano nakatulong kay Yvonne ang katotohanan? “Nakakatulog na ako at hindi na nag-aalala tungkol sa kinabukasan o sa kamatayan.” Nakita natin na napakahalaga ng katotohanan kay Yvonne, at masayang-masaya siya na ibahagi sa iba ang pag-asa sa hinaharap.​—1 Tim. 4:16.

Ang Katotohanan Mula sa Bibliya ay Gaya ng . . . Kayamanan

Ang paglilingkod kay Jehova ngayon at sa hinaharap sa ilalim ng Kaharian niya ay gaya ng isang kayamanan. Sulit ang anumang sakripisyo na kailangan nating gawin (Tingnan ang parapo 8-11)

8-9. (a) Sa isang ilustrasyon ni Jesus, paano pinahalagahan ng lalaki ang kayamanang nakita niya? (b) Gaano kahalaga sa iyo ang katotohanan?

8 Kasama rin sa mga katotohanan mula sa Bibliya ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Inihalintulad ito ni Jesus sa isang nakatagong kayamanan. Sinabi ni Jesus sa Mateo 13:44: “Ang Kaharian ng langit ay gaya ng kayamanang nakabaon sa bukid, na nakita ng isang tao at ibinaon ulit; dahil sa saya, umalis siya at ipinagbili ang lahat ng ari-arian niya at binili ang bukid na iyon.” Pansinin na hindi naman hinahanap ng lalaki ang kayamanang iyon. Pero nang makita niya ito, marami siyang isinakripisyo para makuha ito. Ipinagbili niya ang lahat ng ari-arian niya. Bakit? Dahil alam niya kung gaano kahalaga ang kayamanang iyon. Di-hamak na mas mahalaga iyon kaysa sa anumang isinakripisyo niya.

9 Ganiyan din ba ang tingin mo sa katotohanan? Siyempre naman! Hindi matutumbasan ng anumang maiaalok ng mundong ito ang kagalakang paglingkuran si Jehova ngayon at ang pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Sulit ang anumang sakripisyong kailangan nating gawin para maging kaibigan ni Jehova. Napakasaya natin kapag ‘lubusan natin siyang napalulugdan.’—Col. 1:10.

10-11. Bakit gumawa si Michael ng malalaking pagbabago sa buhay niya?

10 Marami sa atin ang gumawa ng malalaking sakripisyo para makuha ang pagsang-ayon ni Jehova. Iniwan ng ilan ang magaganda nilang trabaho. Ang iba naman, hindi na nagpayaman. At gumawa ang ilan ng malalaking pagbabago sa buhay nang makilala nila si Jehova. Ganiyan ang ginawa ni Michael. Hindi siya lumaki sa katotohanan. Noong kabataan siya, nag-aral siya ng martial arts. Sinabi niya: “Pinananatili ko ang aking magandang pangangatawan, at ipinagmamalaki ko iyon. Kung minsan, pakiramdam ko’y walang makatatalo sa akin.” Pero nang mag-aral siya ng Bibliya, nalaman ni Michael ang tingin ni Jehova sa karahasan. (Awit 11:5) Sinabi ni Michael tungkol sa mag-asawang Saksi na nag-Bible study sa kaniya: “Hindi nila sinasabi sa akin na tumigil na sa martial arts, basta patuloy lang nila akong tinuturuan.”

11 Habang mas nakikilala ni Michael si Jehova, mas lumalalim ang pag-ibig niya kay Jehova. Ang pinakanagustuhan niya ay ang malasakit ni Jehova sa mga mananamba Niya. Di-nagtagal, nakita ni Michael na kailangan niyang gumawa ng malaking pagbabago sa buhay niya. “Alam kong ang pinakamahirap na gagawin ko ay ang huminto sa karate,” ang sabi niya. “Pero alam ko ring kapag ginawa ko iyon ay mapasasaya ko si Jehova, at kumbinsido akong sulit ang anumang sakripisyong gagawin ko, mapaglingkuran ko lang siya.” Pinahalagahan ni Michael ang katotohanang nakita niya, at dahil doon, gumawa siya ng malalaking pagbabago sa buhay niya.​—Sant. 1:25.

Ang Katotohanan Mula sa Bibliya ay Gaya ng . . . Lampara

Nakakatulong ang isang lampara para makita natin ang daan kahit madilim. Ipinapakita rin ng Salita ng Diyos ang daan kahit nasa madilim na sanlibutan tayo ni Satanas (Tingnan ang parapo 12-13)

12-13. Paano nakatulong kay Mayli ang katotohanan mula sa Bibliya?

12 Para ipakita ang halaga ng katotohanan, ikinumpara ito ng Bibliya sa lamparang nagliliwanag sa dilim. (Awit 119:105; Efe. 5:8) Talagang pinahalagahan ni Mayli, na taga-Azerbaijan, ang liwanag na naibibigay ng Salita ng Diyos. Magkaiba ang relihiyon ng mga magulang niya. Muslim ang tatay niya, at Judio naman ang nanay niya. Sinabi niya: “Hindi ko pinagdudahan kung may Diyos, pero may mga tanong na gumugulo sa isip ko, ‘Bakit nilalang ng Diyos ang tao, at bakit kailangang magdusa habang-buhay ang isa kung parurusahan din lang siya magpakailanman sa impiyerno?’ Yamang sinasabi ng iba na kalooban ng Diyos ang lahat ng nangyayari, naisip ko, ‘Pinaglalaruan lang ba tayo ng Diyos at gusto niyang makitang nagdurusa ang mga tao?’”

13 Hindi tumigil si Mayli sa paghahanap ng sagot sa mga tanong niya. Nang maglaon, nagpa-Bible study siya at naging Saksi ni Jehova. “Binago ng nakakukumbinsi at makatuwirang sagot ng Bibliya ang pananaw ko sa buhay,” ang sabi niya. “Dahil sa maaasahang paliwanag na nakita ko sa Salita ng Diyos, napanatag ang loob ko.” Katulad ni Mayli, pinupuri natin si Jehova, ang “tumawag sa [atin] mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.”​—1 Ped. 2:9.

14. Paano pa natin mapapalalim ang pagmamahal natin sa katotohanan? (Tingnan din ang kahong “ Karagdagang Paghahambing.”)

14 Ilan lang ang halimbawang ito na nagpapakita kung gaano kahalaga ang katotohanan. Sigurado, marami ka pang ibang naiisip. Bakit hindi mo gawing study project na alamin ang iba pang dahilan kung bakit natin dapat mahalin ang katotohanan? Habang minamahal natin ang katotohanan, mas marami tayong maiisip na mga paraan kung paano natin ipapakita ang pagpapahalaga natin dito.

PAANO NATIN MAIPAPAKITANG MAHAL NATIN ANG KATOTOHANAN?

15. Paano natin maipapakitang mahal natin ang katotohanan?

15 Maipapakita nating mahal natin ang katotohanan kung regular nating pag-aaralan ang Bibliya at ang ating mga salig-Bibliyang publikasyon. Kahit matagal na tayo sa katotohanan, marami pa rin tayong puwedeng matutuhan. Ganito ang sabi ng pinakaunang isyu ng magasing ito: “Ang katotohanan, tulad ng isang … bulaklak sa kaparangan ng buhay, ay napalilibutan at halos nasasakal ng malagong pagtubo ng damo ng kamalian. Kung ibig mong masumpungan ito ay kailangang lagi kang mapagbantay. . . . Kung ibig mong makuha ito ay kailangan kang yumuko upang abutin ito. Huwag makontento sa isang bulaklak ng katotohanan. . . . Patuloy na magtipon, humanap ng higit pa.” Kailangan ng pagsisikap sa pag-aaral, pero sulit ito.

16. Anong paraan ng pag-aaral ang nakita mong epektibo sa iyo? (Kawikaan 2:4-6)

16 Hindi lahat ay mahilig magbasa at mag-aral. Pero gusto ni Jehova na ‘patuloy nating hanapin at hukayin’ ang katotohanan para mas maintindihan natin ito. (Basahin ang Kawikaan 2:4-6.) Kapag ginawa natin iyan, makikinabang tayo. Sinabi ni Corey na kapag nagbabasa siya ng Bibliya, pinag-aaralan niya ang bawat talata. Ipinaliwanag niya: “Binabasa ko ang lahat ng talababa at cross-reference, at nagsasaliksik pa. . . . Marami akong natututuhan sa ganitong paraan!” Ganiyan man ang ginagawa natin o may iba pa tayong paraan, maipapakita natin ang pagpapahalaga natin sa katotohanan kapag naglalaan tayo ng panahon at nagsisikap na pag-aralan ito.​—Awit 1:1-3.

17. Ano ang ibig sabihin ng mamuhay ayon sa katotohanan? (Santiago 1:25)

17 Siyempre, hindi sapat na basta pag-aralan lang ang katotohanan. Para lubusan tayong makinabang, kailangan nating isabuhay ang katotohanan. Sa ganiyang paraan lang tayo magiging tunay na maligaya. (Basahin ang Santiago 1:25.) Paano natin masisiguro na namumuhay tayo ayon sa katotohanan? Sinabi ng isang brother na puwede nating suriin ang sarili natin para makita kung ano na ang nagagawa natin at kung saan pa tayo puwedeng sumulong. Sinabi ni apostol Pablo: “Anumang antas ng pagsulong ang naabot na natin, patuloy tayong lumakad nang maayos sa gayong landasin.”​—Fil. 3:16.

18. Bakit natin sinisikap na ‘patuloy na lumakad sa katotohanan’?

18 Kapag sinisikap nating ‘patuloy na lumakad sa katotohanan,’ siguradong makakatulong ito sa atin! Hindi lang mapapabuti ang buhay natin, mapapasaya rin natin si Jehova at ang mga kapatid natin. (Kaw. 27:11; 3 Juan 4) Napakaganda ngang dahilan para mahalin ang katotohanan at mamuhay ayon dito.

AWIT 144 Masdan Mo ang Gantimpala!

a Madalas nating tawaging “katotohanan” ang mga paniniwala at paraan ng pamumuhay natin. Baguhan man tayo sa katotohanan o dito na tayo lumaki, makikinabang tayo nang husto kapag tinalakay natin kung bakit mahal natin ang katotohanan. Mapapatibay nito ang determinasyon natin na makuha ang pagsang-ayon ni Jehova.