Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 36

Dalhin ang Kailangan, Alisin ang Pabigat

Dalhin ang Kailangan, Alisin ang Pabigat

“Alisin din natin ang bawat pabigat . . . , at takbuhin natin nang may pagtitiis ang takbuhan na nasa harap natin.”​—HEB. 12:1.

AWIT BLG. 33 Ihagis Mo kay Jehova ang Iyong Pasanin

NILALAMAN a

1. Ayon sa Hebreo 12:1, ano ang kailangan nating gawin para marating ang finish line ng takbuhan para sa buhay?

 IKINUMPARA ng Bibliya ang buhay ng mga Kristiyano sa isang takbuhan. Kapag nakarating tayo sa finish line, gagantimpalaan tayo ng buhay na walang hanggan. (2 Tim. 4:7, 8) Kailangan nating gawin ang lahat para patuloy na makatakbo, lalo na’t napakalapit na ng finish line. Natapos ni apostol Pablo ang takbuhan para sa buhay. Para manalo tayo, sinabi niya na “alisin din natin ang bawat pabigat at . . . takbuhin natin nang may pagtitiis ang takbuhan na nasa harap natin.”​—Basahin ang Hebreo 12:1.

2. Ano ang ibig sabihin ng ‘alisin ang bawat pabigat’?

2 Nang sabihin ni Pablo na dapat nating ‘alisin ang bawat pabigat,’ ibig ba niyang sabihin, wala na tayong dadalhing pasan? Hindi iyon ang punto niya. Gusto niyang sabihin na kailangan nating alisin ang anumang di-kinakailangang pabigat na magpapabagal at magpapahinto sa atin. Para makapagtiis tayo, dapat na matukoy agad natin at alisin ang mga ito. Pero siyempre, hindi natin dapat pabayaan ang mga pasan na dapat nating dalhin para patuloy tayong maging kuwalipikado sa takbuhan. (2 Tim. 2:5) Ano-ano ang mga ito?

3. (a) Ayon sa Galacia 6:5, ano ang dapat nating dalhin? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito, at bakit?

3 Basahin ang Galacia 6:5. May sinabi si Pablo na dapat nating dalhin: “Ang bawat isa ang magdadala ng sarili niyang pasan.” Tinutukoy dito ni Pablo ang personal na pananagutan natin sa Diyos, na hindi puwedeng gawin ng iba para sa atin. Tatalakayin sa artikulong ito kung ano-ano ang kasama sa “sarili [nating] pasan” at kung paano natin ito madadala. Aalamin din natin kung ano ang mga di-kinakailangang pabigat na baka dala natin at kung paano natin aalisin ang mga ito. Kung dadalhin natin ang sarili nating pasan at aalisin ang mga di-kinakailangang pabigat, matatapos natin ang takbuhan para sa buhay.

MGA PASAN NA DAPAT DALHIN

Kasama sa mga pasan na dapat nating dalhin ang pag-aalay natin kay Jehova, obligasyon sa pamilya, at epekto ng mga desisyon natin (Tingnan ang parapo 4-9)

4. Bakit hindi pabigat ang panata natin sa pag-aalay? (Tingnan din ang larawan.)

4 Panata sa pag-aalay. Nang mag-alay tayo kay Jehova, nanata tayo na sasambahin natin siya at gagawin ang kalooban niya. Dapat nating tuparin ang pag-aalay natin. Mabigat na pananagutan iyon, pero hindi iyon pabigat. Ang totoo, nilalang tayo ni Jehova para gawin ang kalooban niya. (Apoc. 4:11) Binigyan niya tayo ng espirituwal na pangangailangan at nilalang ayon sa larawan niya. Dahil diyan, puwede tayong mapalapit sa kaniya at maging masaya sa paggawa ng kalooban niya. (Awit 40:8) At kapag ginagawa natin ang kalooban ng Diyos at sinusundan ang Anak niya, ‘nagiginhawahan tayo.’—Mat. 11:28-30.

(Tingnan ang parapo 4-5)

5. Ano ang tutulong sa iyo para matupad mo ang pag-aalay mo? (1 Juan 5:3)

5 Paano mo madadala ang pasan na ito? May dalawang bagay na makakatulong. Una, palalimin ang pag-ibig mo kay Jehova. Magagawa mo iyan kung pag-iisipan mong mabuti ang lahat ng ginawa niya para sa iyo at ang mga pagpapalang ibibigay niya sa iyo sa hinaharap. Habang mas minamahal mo ang Diyos, magiging mas madali sa iyo na sundin siya. (Basahin ang 1 Juan 5:3.) Ikalawa, tularan si Jesus. Nagawa niya ang kalooban ng Diyos dahil humingi siya ng tulong kay Jehova sa panalangin at nagpokus siya sa tatanggapin niyang gantimpala. (Heb. 5:7; 12:2) Gaya ni Jesus, humingi ng lakas kay Jehova sa panalangin at laging isipin ang pag-asang buhay na walang hanggan. Habang lumalalim ang pag-ibig mo sa Diyos at tinutularan mo ang Anak niya, matutupad mo ang pag-aalay mo.

6. Bakit dapat nating gampanan ang obligasyon natin sa pamilya? (Tingnan din ang larawan.)

6 Obligasyon sa pamilya. Sa takbuhan para sa buhay, dapat na mas mahal natin si Jehova at si Jesus kaysa sa mga kamag-anak natin. (Mat. 10:37) Pero hindi ibig sabihin nito na puwede na nating pabayaan ang obligasyon natin sa pamilya, na para bang hadlang ito sa paglilingkod natin sa Diyos at kay Kristo. Ang totoo, para mapasaya natin si Jehova at si Jesus, dapat nating gampanan ang papel natin sa pamilya. (1 Tim. 5:4, 8) Magiging mas masaya rin tayo kapag ginawa natin iyon. Alam ni Jehova na magiging masaya ang mga pamilya kapag minamahal at nirerespeto ng mag-asawa ang isa’t isa, kapag minamahal at sinasanay ng mga magulang ang mga anak nila, at kapag sinusunod ng mga anak ang mga magulang nila.​—Efe. 5:33; 6:1, 4.

(Tingnan ang parapo 6-7)

7. Paano mo magagampanan ang papel mo sa pamilya?

7 Paano mo madadala ang pasan na ito? Anuman ang papel mo sa pamilya, magtiwala sa payo ng Bibliya imbes na sa emosyon mo, kultura, o opinyon ng tinatawag na mga eksperto. (Kaw. 24:3, 4) Makakatulong sa iyo ang mga publikasyon natin. May makikita ka dito na mga mungkahi kung paano susundin ang mga prinsipyo sa Bibliya. Halimbawa, may mga impormasyon sa serye ng mga artikulo na “Tulong Para sa Pamilya” tungkol sa mga problemang nararanasan ng mga mag-asawa, magulang, at tin-edyer. b Sundin ang sinasabi ng Bibliya, kahit hindi ito sinusunod ng mga kapamilya mo. Kapag ginawa mo iyan, makikinabang ang pamilya mo at pagpapalain ka ni Jehova.​—1 Ped. 3:1, 2.

8. Paano nakakaapekto sa atin ang mga desisyon natin?

8 Epekto ng mga desisyon natin. Binigyan tayo ni Jehova ng kalayaang magpasiya. Gusto niya na makinabang tayo sa magagandang desisyon natin. Pero kung magkamali tayo ng desisyon, hahayaan niyang anihin natin ang mga bunga nito. (Gal. 6:7, 8) Kaya tinatanggap natin ang di-magagandang resulta ng mga maling pagpili natin at ng padalos-dalos na mga salita at pagkilos natin. Depende sa nagawa natin, baka nakokonsensiya tayo. Pero dahil alam nating may pananagutan tayo sa mga desisyon natin, mapapakilos tayo nito na aminin ang mga kasalanan natin, ituwid iyon, at iwasan nang maulit iyon. Makakatulong iyan para manatili tayo sa takbuhan para sa buhay.

(Tingnan ang parapo 8-9)

9. Ano ang puwede mong gawin kapag nagkamali ka ng desisyon? (Tingnan din ang larawan.)

9 Paano mo madadala ang pasan na ito? Kung hindi mo na mababawi ang isang maling desisyon, tanggapin mo ito. Hindi mo na maibabalik ang nakaraan. Huwag sayangin ang panahon at lakas mo sa pagdadahilan o paninisi sa sarili o sa iba. Tanggapin na nagkamali ka at gawin ang magagawa mo sa ngayon. Kung nakokonsensiya ka, mapagpakumbabang manalangin kay Jehova, ipagtapat ang pagkakamali mo, at humingi ng kapatawaran. (Awit 25:11; 51:3, 4) Mag-sorry sa mga nasaktan mo, at kung kailangan, humingi ng tulong sa mga elder. (Sant. 5:14, 15) Matuto sa mga pagkakamali mo, at sikaping huwag nang maulit iyon. Kung gagawin mo iyan, siguradong pagpapakitaan ka ni Jehova ng awa at aalalayan ka niya.​—Awit 103:8-13.

MGA PABIGAT NA DAPAT “ALISIN”

10. Bakit pabigat ang mga di-makatuwirang inaasahan? (Galacia 6:4)

10 Mga di-makatuwirang inaasahan. Mapapabigatan tayo kung ikukumpara natin ang sarili natin sa iba. (Basahin ang Galacia 6:4.) Kung lagi nating gagawin iyan, baka maging mainggitin tayo at makipagkompetensiya. (Gal. 5:26) Kung pipilitin nating gawin ang nagagawa ng iba, baka subukan nating gawin ang hindi naman talaga natin kaya. At kung “ang inaasahan na hindi [pa] nangyayari ay nagpapalungkot sa puso,” lalo na ang mga inaasahan na hindi talaga mangyayari! (Kaw. 13:12) Mapapagod lang tayo at babagal sa takbuhan para sa buhay.​—Kaw. 24:10.

11. Paano mo maiiwasang magkaroon ng mga di-makatuwirang inaasahan?

11 Paano mo maaalis ang pabigat na ito? Hindi umaasa si Jehova ng higit sa magagawa mo. Kaya maging makatuwiran sa inaasahan mo sa sarili mo. (2 Cor. 8:12) Hindi ka ikinukumpara ni Jehova sa iba. (Mat. 25:20-23) Pinapahalagahan niya ang buong makakaya mo, ang katapatan mo, at ang pagtitiis mo. Tanggapin na puwedeng malimitahan ng edad mo, kalusugan, at sitwasyon ang magagawa mo ngayon. Gaya ni Barzilai, tanggihan ang isang pribilehiyo kung hindi ito kakayanin ng kalusugan mo. (2 Sam. 19:35, 36) Gaya ni Moises, magpatulong at iatas sa iba ang pananagutan kung kailangan. (Ex. 18:21, 22) Kung alam mo ang mga limitasyon mo, magiging makatuwiran ka sa inaasahan mo sa sarili mo para hindi ka mapagod sa takbuhan para sa buhay.

12. Kasalanan ba natin ang maling desisyon ng iba? Ipaliwanag.

12 Pakiramdam mo, kasalanan mo ang maling desisyon ng iba. Hindi tayo puwedeng magdesisyon para sa iba. Hindi rin natin sila laging mapoprotektahan sa di-magagandang resulta ng mga desisyon nila. Halimbawa, kapag nagdesisyon ang isang anak na huminto sa paglilingkod kay Jehova, baka malungkot nang sobra ang mga magulang niya. Pero kung sisisihin ng mga magulang ang sarili nila dahil sa ginawa ng anak nila, mapapabigatan lang sila. Ayaw ni Jehova na maramdaman nila iyon.​—Roma 14:12.

13. Ano ang puwedeng gawin ng magulang kapag nakagawa ng maling desisyon ang anak niya?

13 Paano mo maaalis ang pabigat na ito? Bawat isa sa atin, binigyan ni Jehova ng kalayaang magpasiya. Personal na desisyon natin kung paglilingkuran natin siya o hindi. Alam ni Jehova na hindi ka perpektong magulang; ang inaasahan lang niya sa iyo, gawin mo ang buong makakaya mo. Ang anak mo ang mananagot sa mga desisyon niya, hindi ikaw. (Kaw. 20:11) Pero paano kung inaalala mo pa rin ang mga nagawa mong pagkakamali bilang magulang? Sabihin mo kay Jehova ang nararamdaman mo at humingi ng kapatawaran. Alam niyang hindi mo na maibabalik at mababago ang nakaraan. At hindi niya inaasahan na maililigtas mo ang anak mo sa mga epekto ng ginawa niya. Pero tandaan na kung magsisikap ang anak mo na manumbalik kay Jehova, buong puso Niya siyang tatanggapin.​—Luc. 15:18-20.

14. Bakit pabigat na dapat alisin ang sobrang pagkakonsensiya?

14 Sobrang pagkakonsensiya. Kapag nagkasala tayo, normal lang na makonsensiya tayo. Pero ayaw ni Jehova na mapabigatan tayo ng sobrang pagkakonsensiya. Kailan natin masasabi na sobra na ang pagkakonsensiya natin? Kapag ipinagtapat na natin ang kasalanan natin, nagsisi na tayo, at gumagawa na tayo ng paraan para hindi na maulit iyon, makakapagtiwala tayo na pinatawad na tayo ni Jehova. (Gawa 3:19) Kung nagawa na natin ang mga hakbang na iyon, ayaw ni Jehova na makonsensiya pa rin tayo. Alam niya na makakasamâ sa atin iyon. (Awit 31:10) Kapag sobra na tayong nabibigatan dahil sa kalungkutan, baka sumuko na tayo sa takbuhan para sa buhay.​—2 Cor. 2:7.

Kapag taos-puso ka nang nagsisi, kinakalimutan na ni Jehova ang mga kasalanan mo, kaya dapat, kalimutan mo na rin iyon (Tingnan ang parapo 15)

15. Ano ang puwede mong gawin kapag sobra kang nakokonsensiya? (1 Juan 3:19, 20) (Tingnan din ang larawan.)

15 Paano mo aalisin ang pabigat na ito? Kung sobra kang nakokonsensiya, magpokus sa “tunay na kapatawaran” na ibinibigay ng Diyos. (Awit 130:4) Kapag pinatawad na niya ang mga taos-pusong nagsisisi, nangangako siya: “Hindi ko na aalalahanin ang kasalanan nila.” (Jer. 31:34) Ibig sabihin, kapag pinatawad ka na ni Jehova, kakalimutan na niya ang kasalanan mo. Kaya huwag isipin na dahil nararanasan mo ang mga epekto ng kasalanan mo, hindi ka pa niya napatawad. At huwag mong patuloy na sisihin ang sarili mo dahil sa mga naiwala mong pribilehiyo. Kinalimutan na ni Jehova ang mga kasalanan mo, kaya dapat, kalimutan mo na rin iyon.​—Basahin ang 1 Juan 3:19, 20.

TUMAKBO PARA MAKUHA ANG GANTIMPALA

16. Ano ang dapat nating malaman bilang mga mananakbo?

16 Sa takbuhan para sa buhay, ‘tumakbo tayo sa paraang makukuha natin ang gantimpala.’ (1 Cor. 9:24) Para magawa iyon, dapat na alam natin ang mga pasan na dapat nating dalhin at ang mga pabigat na dapat nating alisin. May tinalakay tayong mga halimbawa sa artikulong ito, pero may iba pa. Sinabi ni Jesus na puwede tayong mapabigatan ng “sobrang pagkain, sobrang pag-inom, at mga álalahanín sa buhay.” (Luc. 21:34) Makakatulong sa iyo ang mga tekstong gaya nito para makita ang mga kailangan mong baguhin habang tumatakbo ka sa takbuhan para sa buhay.

17. Bakit tayo makakasigurado na matatapos natin ang takbuhan para sa buhay?

17 Makakasigurado tayong matatapos natin ang takbuhan para sa buhay kasi bibigyan tayo ni Jehova ng lakas na kailangan natin. (Isa. 40:29-31) Kaya huwag nating bagalan ang takbo! Tularan natin si apostol Pablo, na ginawa ang buong makakaya niya para makuha ang gantimpala. (Fil. 3:13, 14) Hindi puwedeng iba ang tumakbo para sa iyo. Pero sa tulong ni Jehova, matatapos mo ang takbuhan. Tutulungan ka niya na dalhin ang mga pasan mo at alisin ang mga di-kinakailangang pabigat. (Awit 68:19) Dahil kasama mo si Jehova, makakatakbo ka nang may pagtitiis at makukuha mo ang gantimpala!

AWIT BLG. 65 Sulong Na!

a Tutulong sa atin ang artikulong ito na makapagpatuloy sa takbuhan para sa buhay. May mga pasan tayo na kailangang dalhin. Kasama diyan ang panata natin sa pag-aalay, obligasyon sa pamilya, at epekto ng mga desisyon natin. Pero dapat nating alisin ang anumang di-kinakailangang pabigat na magpapabagal sa atin. Ano ang mga iyon? Sasagutin iyan sa artikulong ito.

b Nasa jw.org ang serye ng mga artikulong “Tulong Para sa Pamilya.” Ito ang ilan sa mga artikulo na para sa mga mag-asawa: “Kung Paano Magpapakita ng Respeto” at “Magpakita ng Pagpapahalaga”; para sa mga magulang, “Turuan ang mga Anak na Maging Matalino sa Paggamit ng Smartphone” at “Kung Paano Makikipag-usap sa Iyong Anak na Tin-edyer”; at para sa mga tin-edyer, “Kung Paano Haharapin ang Panggigipit” at “Kung Paano Haharapin ang Kalungkutan.”