ARALING ARTIKULO 35
Maging Matiisin
“Magpakita kayo ng . . . pagtitiis.”—COL. 3:12.
AWIT BLG. 114 “Maging Matiisin”
NILALAMAN a
1. Bakit gusto mo ang mga taong matiisin?
GUSTO natin ang mga taong matiisin. Humahanga tayo sa mga taong hindi agad naiinip. Masaya tayo kapag pinagtitiisan tayo ng iba kapag nagkakamali tayo. At nagpapasalamat tayo dahil naging matiisin at matiyaga ang nag-Bible study sa atin noong nahirapan tayong matutuhan, tanggapin, o isabuhay ang isang turo ng Bibliya. Higit sa lahat, nagpapasalamat tayo sa Diyos na Jehova dahil matiisin siya sa atin!—Roma 2:4.
2. Sa anong mga sitwasyon tayo baka mahirapang magtiis?
2 Gusto natin na matiisin ang iba, pero baka may mga sitwasyon na nahihirapan tayong magtiis. Halimbawa, kapag nagmamadali na tayo at napaka-traffic, baka nahihirapan tayong manatiling kalmado. Baka uminit agad ang ulo natin kapag may nang-iinis sa atin. At baka minsan, naiinip na tayo sa paghihintay sa pangako ni Jehova na bagong sanlibutan. Gusto mo ba na maging mas matiisin? Tatalakayin sa artikulong ito kung paano natin maipapakita ang pagiging matiisin at kung bakit napakahalaga nito. Aalamin din natin kung ano ang makakatulong sa atin na maging mas matiisin.
KUNG PAANO MAGIGING MATIISIN
3. Ano ang ginagawa ng isang taong matiisin kapag iniinis siya ng iba?
3 Tingnan ang apat na puwede nating gawin para maipakitang matiisin tayo. Una, ang taong matiisin ay hindi madaling magalit. Nananatili siyang kalmado at hindi gumaganti kapag ginawan siya ng masama, at kapag nai-stress, maganda pa rin ang pakikitungo niya sa iba. Sa Bibliya, unang lumitaw ang pananalitang “hindi madaling magalit” nang tukuyin si Jehova na “isang Diyos na maawain at mapagmalasakit, hindi madaling magalit at sagana sa tapat na pag-ibig at katotohanan.”—Ex. 34:6.
4. Ano ang ginagawa ng isang taong matiisin kapag kailangan niyang maghintay?
4 Ikalawa, ang isang taong matiisin ay kayang maghintay nang kalmado. Kung kailangan niyang maghintay nang mas matagal kaysa sa inaasahan, iniiwasan niyang mainis. (Mat. 18:26, 27) Maraming sitwasyon na kailangan nating maging kalmado habang naghihintay. Halimbawa, baka kailangan nating pigilang sumabat habang nagsasalita pa ang iba. (Job 36:2) Baka kailangan din nating maging matiisin habang tinutulungan natin ang isang Bible study na maintindihan ang isang turo ng Bibliya o baguhin ang isang masamang gawain.
5. Paano pa natin maipapakita ang pagiging matiisin?
5 Ikatlo, ang isang taong matiisin ay hindi padalos-dalos. Siyempre, may mga pagkakataon talaga na kailangan nating kumilos agad. Pero kapag may importanteng bagay na kailangang gawin ang isang taong matiisin, hindi niya minamadaling simulan o tapusin iyon, kundi naglalaan siya ng sapat na panahon para planuhin ang mga gagawin niya. Kaya may panahon siya para magawa nang mabuti at matapos ang mga iyon.
6. Ano ang ginagawa ng isang taong matiisin kapag may mga pagsubok o problema?
6 Ikaapat, ang isang taong matiisin ay nagsisikap na tiisin ang mga pagsubok nang hindi nagrereklamo. Siyempre, hindi naman maling ikuwento sa isang kaibigan ang mga pinagdadaanan natin. Pero gagawin ng taong matiisin ang lahat para matiis ang mga problema habang nananatiling positibo. (Col. 1:11) Bilang mga Kristiyano, kailangan nating magsikap na maging matiisin sa mga sitwasyong ito. Bakit? Tingnan natin ang ilang dahilan.
KUNG BAKIT NAPAKAHALAGA NG PAGIGING MATIISIN
7. Ayon sa Santiago 5:7, 8, bakit napakahalaga ng pagiging matiisin? (Tingnan din ang larawan.)
7 Kailangan nating maging matiisin para maligtas. Gaya ng tapat na mga lingkod noon, kailangan din nating maghintay na tuparin ng Diyos ang mga pangako niya. (Heb. 6:11, 12) Ikinumpara iyan ng Bibliya sa isang magsasaka. (Basahin ang Santiago 5:7, 8.) Nagsisikap ang isang magsasaka na magtanim at magdilig kahit hindi niya alam kung kailan tutubo ang mga itinanim niya. Kaya matiyagang naghihintay ang magsasaka at nagtitiwalang mag-aani siya. Ganiyan din tayo. Abala tayo sa espirituwal na mga gawain kahit “hindi [natin] alam kung anong araw darating ang [ating] Panginoon.” (Mat. 24:42) Matiyaga tayong naghihintay at nagtitiwala na sa itinakdang panahon ni Jehova, tutuparin niya ang lahat ng ipinangako niya. Kung maiinip tayo, baka unti-unti na tayong mapalayo kay Jehova. Baka magpokus na lang din tayo sa mga bagay na makakapagpasaya sa atin ngayon. Pero kung matiisin tayo, makakapaghintay tayo hanggang sa wakas at makakaligtas.—Mik. 7:7; Mat. 24:13.
8. Paano makakatulong sa atin ang pagiging matiisin kapag nakikitungo tayo sa iba? (Colosas 3:12, 13)
8 Kailangan nating maging matiisin para magkaroon ng magandang kaugnayan sa iba. Nakakatulong din ito para makinig tayong mabuti kapag may nagsasalita. (Sant. 1:19) Dahil sa pagtitiis, may mapayapang kaugnayan tayo sa iba. Tutulong din ito sa atin na huwag magpadalos-dalos sa mga sinasabi at ginagawa natin kapag nai-stress. At kung matiisin tayo, hindi agad tayo magagalit kapag may nakasakit sa damdamin natin. Imbes na gumanti, ‘patuloy nating pagtitiisan at lubusang patatawarin ang isa’t isa.’—Basahin ang Colosas 3:12, 13.
9. Paano makakatulong ang pagtitiis kapag kailangan nating gumawa ng mga desisyon? (Kawikaan 21:5)
9 Tutulong din ang pagtitiis para makagawa tayo ng tamang mga desisyon. Imbes na magpadalos-dalos, maglalaan tayo ng panahon para pag-aralan kung alin sa mga opsiyon natin ang pinakamaganda. (Basahin ang Kawikaan 21:5.) Halimbawa, kung naghahanap tayo ng trabaho, baka gusto nating tanggapin agad ang una nating makita, kahit na makakaapekto iyon sa paglilingkod natin. Pero kung matiisin tayo, maglalaan muna tayo ng panahon para pag-isipan kung gaano iyon kalayo, kung ilang oras tayong magtatrabaho, at kung ano ang magiging epekto nito sa pamilya at espirituwalidad natin. Kung matiisin tayo, maiiwasan nating magkamali ng desisyon.
KUNG PAANO MAGIGING MAS MATIISIN
10. Paano magiging matiisin ang isang Kristiyano, at paano niya mapapanatili ito?
10 Ipanalangin na maging mas matiisin ka. Ang pagtitiis ay isa sa mga katangian na bunga ng espiritu. (Gal. 5:22, 23) Kaya puwede nating hilingin kay Jehova na bigyan tayo ng banal na espiritu para mapasulong ang katangiang iyon. Kapag nasusubok ang pagtitiis natin, ‘patuloy tayong humihingi’ ng banal na espiritu para tulungan tayo. (Luc. 11:9, 13) Puwede rin nating hilingin kay Jehova na tulungan tayong maunawaan ang pananaw niya. Pagkatapos manalangin, gawin natin ang buong makakaya natin na maging matiisin araw-araw. Kung patuloy nating ipapanalangin na maging matiisin tayo at magsisikap tayong ipakita ito, tutulungan tayo ni Jehova na maging mas matiisin kahit hindi tayo ganoon dati.
11-12. Paano naging matiisin si Jehova?
11 Pag-isipang mabuti ang mga halimbawa sa Bibliya. Maraming halimbawa sa Bibliya ng mga taong matiisin. Kung pag-iisipan nating mabuti ang mga ginawa nila, may matututuhan tayo kung paano magiging matiisin. Bago natin talakayin ang ilang karakter sa Bibliya, pag-usapan muna natin ang pinakamagandang halimbawa sa pagtitiis, si Jehova.
12 Sa hardin ng Eden, siniraan ni Satanas ang pangalan ni Jehova at ang reputasyon Niya bilang isang patas at mapagmahal na Tagapamahala. Imbes na puksain agad si Satanas, naging matiisin si Jehova at nagpigil. Kasi alam niya na kailangan ng panahon para mapatunayan na ang pamamahala niya ang pinakamahusay. At habang naghihintay, tiniis niya ang lahat ng paninira sa pangalan niya. Isa pa, matiyagang naghihintay si Jehova para mas maraming tao ang magkaroon ng pagkakataon na mabuhay magpakailanman. (2 Ped. 3:9, 15) Dahil diyan, milyon-milyong tao ang napalapit sa kaniya. Kung magpopokus tayo sa magagandang resulta ng pagiging matiisin ni Jehova, magiging mas madali sa atin na hintayin ang pagdating ng wakas.
13. Paano perpektong natularan ni Jesus ang pagiging matiisin ng kaniyang Ama? (Tingnan din ang larawan.)
13 Perpektong natularan ni Jesus ang pagiging matiisin ng kaniyang Ama, at ipinakita niya iyan noong nasa lupa siya. Hindi laging naging madali sa kaniya na maging matiisin, lalo na sa pakitang-taong mga eskriba at Pariseo. (Juan 8:25-27) Pero gaya ng kaniyang Ama, hindi madaling magalit si Jesus. Hindi siya gumanti nang insultuhin siya. (1 Ped. ) Tiniis ni Jesus ang mga pagsubok nang hindi nagrereklamo. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi sa atin ng Bibliya na “isipin [nating] mabuti ang isa na nagtiis ng gayong malupit na pananalita mula sa mga makasalanan.” ( 2:23Heb. 12:2, 3) Sa tulong ni Jehova, matitiis din natin ang anumang pagsubok na mapapaharap sa atin.
14. Ano ang matututuhan natin sa pagiging matiisin ni Abraham? (Hebreo 6:15) (Tingnan din ang larawan.)
14 Baka umaasa ang ilan sa atin na noon pa sana dumating ang wakas at nag-aalala na baka hindi na natin makita ang pagdating nito. Ano ang tutulong sa atin na matiyagang maghintay? Tingnan ang halimbawa ni Abraham. Noong 75 taóng gulang na siya at wala pang anak, ipinangako sa kaniya ni Jehova: “Gagawin kitang isang malaking bansa.” (Gen. 12:1-4) Hindi nakita ni Abraham ang buong katuparan ng pangakong iyon. Pagkatapos tumawid ng Ilog Eufrates at maghintay nang 25 taon, nakita ni Abraham na ipinanganak si Isaac. At pagkalipas ng 60 taon, ipinanganak ang mga apo niyang sina Esau at Jacob. (Basahin ang Hebreo 6:15.) Pero hindi na nakita ni Abraham na naging isang malaking bansa ang mga inapo niya at manahin ng mga ito ang Lupang Pangako. Pero naging malapít pa rin niyang kaibigan ang kaniyang Maylalang. (Sant. 2:23) At kapag binuhay-muli si Abraham, siguradong matutuwa siya kapag nalaman niyang pinagpala ang lahat ng bansa dahil sa pananampalataya at pagtitiis niya. (Gen. 22:18) Ano ang aral? Baka hindi natin agad makita ang katuparan ng lahat ng pangako ni Jehova. Pero kung magiging matiisin tayo gaya ni Abraham, makakapagtiwala tayo na pagpapalain tayo ni Jehova ngayon, lalo na kapag tinupad na niya ang pangako niyang bagong sanlibutan.—Mar. 10:29, 30.
15. Ano ang puwede nating pag-aralan sa personal study natin?
15 Maraming halimbawa sa Bibliya ng mga taong naging matiisin. (Sant. 5:10) Baka magandang gawin mo itong study project. b Halimbawa, kahit bata pa si David nang pahiran siya na maging susunod na hari ng Israel, kinailangan niya munang maghintay nang maraming taon bago siya naging hari. Tapat na naglingkod kay Jehova sina Simeon at Ana habang hinihintay nila ang ipinangakong Mesiyas. (Luc. 2:25, 36-38) Habang pinag-aaralan mo ang mga ulat na iyan, alamin ang sagot sa mga tanong na ito: Ano kaya ang nakatulong sa taong ito na maging matiisin? Paano siya pinagpala sa pagiging matiisin? Paano ko siya matutularan? May mga aral ka ring makukuha sa mga hindi naging matiisin. (1 Sam. 13:8-14) Puwede mong pag-isipan: ‘Bakit kaya hindi sila nakapagtiis? Ano ang naging masamang resulta?’
16. Ano ang ilan sa mga pagpapala kapag matiisin tayo?
16 Pag-isipan ang mga pagpapala ng pagiging matiisin. Kapag matiisin tayo, mas masaya tayo at kalmado. Kaya may magandang epekto ito sa mental at pisikal na kalusugan natin. Kapag matiisin tayo sa iba, mas malapít tayo sa kanila. Mas nagkakaisa rin ang kongregasyon. Kapag may nang-iinis sa atin, hindi tayo madaling magalit kaya maiiwasan nating lumala ang sitwasyon. (Awit 37:8, tlb.; Kaw. 14:29) Pero higit sa lahat, kung matiisin tayo, natutularan natin ang ating Ama sa langit at mas mapapalapit tayo sa kaniya.
17. Ano ang determinado nating gawin?
17 Napakagandang katangian ng pagiging matiisin! Hindi laging madali na magtiis. Pero sa tulong ni Jehova, patuloy nating mapapasulong ang katangiang ito. Habang hinihintay natin ang bagong sanlibutan, makakapagtiwala tayo na “ang mata ni Jehova ay nagbabantay sa mga may takot sa kaniya, sa mga naghihintay sa kaniyang tapat na pag-ibig.” (Awit 33:18) Maging determinado sana tayong lahat na maging matiisin.
AWIT BLG. 41 Pakinggan Sana ang Aking Dalangin
a Marami sa ngayon ang hindi matiisin. Pero sinasabi ng Bibliya na maging matiisin tayo. Tatalakayin sa artikulong ito kung bakit napakahalaga ng katangiang iyan at kung paano tayo magiging mas matiisin.
b Para makita ang mga ulat sa Bibliya tungkol sa pagtitiis, tingnan ang heading na “Patience” sa Watch Tower Publications Index. Puwede mo ring tingnan ang subheading na “Pagkamatiisin” sa ilalim ng heading na “Emosyon, Katangian, at Ugali” sa Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova.