Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 33

Matuto sa Halimbawa ni Daniel

Matuto sa Halimbawa ni Daniel

“Isa kang taong talagang kalugod-lugod.”​—DAN. 9:23.

AWIT BLG. 73 Bigyan Mo Kami ng Katapangan

NILALAMAN a

1. Bakit humanga ang mga taga-Babilonya kay propeta Daniel?

 KABATAAN pa lang si propeta Daniel nang kunin siya at gawing bihag sa Babilonya. Malayo iyon sa Jerusalem. Kahit kabataan pa lang siya, humanga sa kaniya ang mga opisyal sa Babilonya. ‘Tumingin sila sa panlabas na anyo’—nakita nila na si Daniel ay “walang kapintasan, maganda ang hitsura,” at galing sa kilalang angkan. (1 Sam. 16:7) Kaya sinanay nila siya para maglingkod sa palasyo.​—Dan. 1:3, 4, 6.

2. Bakit mahal ni Jehova si Daniel? (Ezekiel 14:14)

2 Minahal ni Jehova si Daniel, hindi dahil sa hitsura niya o katayuan sa lipunan, kundi dahil pinili niyang maging tapat sa Kaniya. Ang totoo, nang sabihin ni Jehova na si Daniel ay gaya nina Noe at Job, mga 20 anyos lang si Daniel. Itinuring siya ni Jehova na matuwid gaya ng mga lalaking ito na maraming taóng naglingkod nang tapat sa Kaniya. (Gen. 5:32; 6:9, 10; Job 42:16, 17; basahin ang Ezekiel 14:14.) At patuloy na minahal ni Jehova si Daniel sa buong buhay nito.​—Dan. 10:11, 19.

3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

3 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang dalawang katangian ni Daniel kung bakit siya minahal ni Jehova. Aalamin muna natin kung ano ang mga katangiang iyan at kung sa anong mga pagkakataon niya ito ipinakita. Pagkatapos, aalamin natin kung ano ang nakatulong kay Daniel na magkaroon ng ganitong mga katangian. Panghuli, tatalakayin natin kung paano natin siya matutularan. Kahit para sa mga kabataan ang artikulong ito, matututo tayong lahat sa halimbawa ni Daniel.

TULARAN ANG LAKAS NG LOOB NI DANIEL

4. Paano nagpakita ng lakas ng loob si Daniel? Magbigay ng halimbawa.

4 Natatakot din kung minsan ang mga taong malakas ang loob. Pero hindi nila hinahayaan na mapigilan sila nito na gawin ang tama. Malakas ang loob ni Daniel. Tingnan ang dalawang pagkakataon na nagpakita siya ng lakas ng loob. Ang una ay malamang na nangyari mga dalawang taon pagkatapos wasakin ng Babilonya ang Jerusalem. Nagkaroon ng nakakatakot na panaginip si Haring Nabucodonosor ng Babilonya. Tungkol iyon sa isang pagkalaki-laking imahen. Sinabi niya na kung hindi maipapaalam sa kaniya ng matatalinong tao—kasama na si Daniel—ang napanaginipan niya at ang ibig sabihin nito, papatayin silang lahat. (Dan. 2:3-5) Kung hindi agad kikilos si Daniel, marami ang mamamatay. “Kaya pumunta sa hari si Daniel at humiling na bigyan siya ng panahon para ipaliwanag sa hari ang ibig sabihin ng panaginip.” (Dan. 2:16) Kailangan diyan ang lakas ng loob at pananampalataya. Walang ulat sa Bibliya na dati nang nakapagpaliwanag si Daniel ng panaginip. Nakisuyo siya sa mga kaibigan niya—na pinangalanan sa Babilonya na Sadrac, Mesac, at Abednego—na “manalangin para maawa ang Diyos ng langit at ipaalám sa kanila ang lihim na ito.” (Dan. 2:18) Sinagot ni Jehova ang panalanging iyon. Sa tulong ng Diyos, naipaliwanag ni Daniel ang panaginip ni Nabucodonosor. Naligtas si Daniel at ang mga kaibigan niya.

5. Sa anong pagkakataon pa kinailangan ni Daniel ng lakas ng loob?

5 Ilang panahon pagkatapos ipaliwanag ni Daniel ang panaginip tungkol sa pagkalaki-laking imahen, nasubok ulit ang lakas ng loob niya. Nagkaroon ulit ng nakakatakot na panaginip si Nabucodonosor. Tungkol naman ito sa napakataas na puno. Lakas-loob na ipinaliwanag ni Daniel sa hari ang ibig sabihin ng panaginip. Sinabi pa nga niya na mababaliw ang hari at mawawala sa kaniya ang pamamahala sa loob ng ilang panahon. (Dan. 4:25) Puwedeng isipin ng hari na nagrerebelde sa kaniya si Daniel, at puwede niya itong ipapatay. Pero nagpakita ng lakas ng loob si Daniel at ipinaliwanag pa rin ang panaginip.

6. Ano ang posibleng nakatulong kay Daniel na magkaroon ng lakas ng loob?

6 Ano ang posibleng nakatulong kay Daniel na magkaroon ng lakas ng loob sa buong buhay niya? Noong bata pa si Daniel, siguradong natuto siya sa magandang halimbawa ng mga magulang niya. Tiyak na sinunod nila ang mga tagubilin ni Jehova para sa mga magulang na Israelita at itinuro nila ang Kautusan ng Diyos sa anak nila. (Deut. 6:6-9) Alam ni Daniel, hindi lang ang Sampung Utos, kundi pati na ang maraming detalye sa Kautusan, gaya ng kung ano ang puwede at hindi puwedeng kainin ng mga Israelita. b (Lev. 11:4-8; Dan. 1:8, 11-13) Alam din ni Daniel ang kasaysayan ng mga lingkod ng Diyos at ang mga nangyari sa kanila nang suwayin nila si Jehova. (Dan. 9:10, 11) Dahil sa mga karanasan ni Daniel, lalo siyang nagtiwala na anuman ang mangyari, tutulungan siya ni Jehova at ng makapangyarihang mga anghel.​—Dan. 2:19-24; 10:12, 18, 19.

Nagkaroon ng lakas ng loob si Daniel dahil nag-aral siya, nanalangin, at nagtiwala kay Jehova (Tingnan ang parapo 7)

7. Ano pa ang nakatulong kay Daniel na magkaroon ng lakas ng loob? (Tingnan din ang larawan.)

7 Pinag-aralan ni Daniel ang isinulat ng mga propeta ng Diyos, kasama na ang mga hula ni Jeremias. Dahil doon, nalaman ni Daniel na malapit nang magwakas ang pagkabihag ng mga Judio sa Babilonya. (Dan. 9:2) Nakita ni Daniel na natutupad ang mga hula ni Jehova, kaya tumibay ang pagtitiwala niya sa Kaniya. Masasabing malakas ang loob ng mga nagtitiwala sa Diyos. (Ihambing ang Roma 8:31, 32, 37-39.) At ang pinakamahalaga, madalas manalangin si Daniel sa kaniyang Ama sa langit. (Dan. 6:10) Ipinagtapat niya kay Jehova ang mga kasalanan niya at sinabi ang mga nararamdaman niya. Humingi rin ng tulong si Daniel. (Dan. 9:4, 5, 19) Gaya nating lahat, hindi ipinanganak si Daniel na may lakas ng loob. Pero nagkaroon siya nito dahil sa pag-aaral, pananalangin, at pagtitiwala kay Jehova.

8. Paano tayo magkakaroon ng lakas ng loob?

8 Ano ang kailangan nating gawin para magkaroon ng lakas ng loob? Kahit may lakas ng loob ang mga magulang natin at gusto nilang magkaroon din tayo nito, hindi nila iyon puwedeng ipamana sa atin. Ang pagkakaroon ng lakas ng loob ay parang pag-aaral ng bagong skill. Para maging mahusay ka dito, kailangan mong obserbahang mabuti ang ginagawa ng nagtuturo sa iyo at gayahin iyon. Kaya magkakaroon din tayo ng lakas ng loob kung oobserbahan nating mabuti kung paano nagpapakita ng lakas ng loob ang iba at tularan sila. Ano ang natutuhan natin kay Daniel? Gaya niya, kailangan nating maunawaang mabuti ang Salita ng Diyos. Dapat na madalas nating kausapin si Jehova at sabihin sa kaniya ang nararamdaman natin para maging malapít tayo sa kaniya. Kailangan din nating magtiwala kay Jehova at maging kumbinsido na lagi niya tayong tutulungan. Kaya masubok man ang pananampalataya natin, magkakaroon pa rin tayo ng lakas ng loob.

9. Ano ang resulta kapag malakas ang loob natin?

9 Maraming magagandang resulta kapag malakas ang loob natin. Tingnan ang karanasan ni Ben. Sa school na pinasukan niya sa Germany, naniniwala ang lahat sa ebolusyon at na hindi totoo ang ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang. Minsan, nagkaroon ng pagkakataon si Ben na ipaliwanag sa klase kung bakit siya naniniwala na may pinagmulan ang buhay. Malakas ang loob niya kaya ipinaliwanag niya ang paniniwala niya. Ano ang resulta? Sinabi ni Ben: “Nakinig nang mabuti ang teacher ko. Gumawa siya ng mga kopya ng mga reperensiyang ginamit ko at binigyan niya ng kopya ang lahat ng kaklase ko.” Ano ang naging reaksiyon nila? Sinabi ni Ben, “Marami sa kanila ang nakinig, at sinabi nila na hanga sila sa akin.” Nakita natin sa karanasan ni Ben na madalas na nakukuha ng mga taong malakas ang loob ang respeto ng iba. Puwede rin nilang matulungan ang mga tapat-puso na makilala si Jehova. Kaya marami tayong magagandang dahilan para sikapin na magkaroon ng lakas ng loob.

TULARAN ANG KATAPATAN NI DANIEL

10. Ano ang katapatan?

10 Sa Bibliya, ang salitang Hebreo para sa “tapat,” o “tapat na pag-ibig,” ay may ideya ng pag-ibig na ipinapakita ng Diyos sa mga lingkod niya. Ginamit din ang salitang iyan para sa pag-ibig ng mga lingkod ng Diyos sa isa’t isa. (2 Sam. 9:6, 7) Sa paglipas ng panahon, puwedeng mas tumibay ang determinasyon natin na maging tapat. Tingnan natin kung paano iyan pinatunayan ni Daniel.

Pinagpala ni Jehova ang katapatan ni Daniel nang iligtas Niya siya at itikom ang bibig ng mga leon. (Tingnan ang parapo 11)

11. Paano nagpakita ng katapatan si Daniel noong matanda na siya? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)

11 Maraming pangyayari sa buhay ni Daniel na sumubok sa katapatan niya. Pero ang isa sa pinakamahirap ay noong mahigit 90 na siya. Bihag noon ang Babilonya ng mga Medo at mga Persiano, na pinamamahalaan ni Haring Dario. Ayaw ng mga opisyal niya kay Daniel, at wala silang respeto sa Diyos nito. Kaya nagplano sila na ipapatay si Daniel. Nagpagawa sila ng batas na susubok kung kanino siya magiging tapat, sa kaniyang Diyos o sa hari. Para mapatunayan ni Daniel na tapat siya sa hari at hindi maparusahan, kailangan niyang itigil ang pananalangin kay Jehova sa loob ng 30 araw. Pero pinili ni Daniel na maging tapat kay Jehova. Dahil diyan, inihagis siya sa yungib ng mga leon. Pero pinagpala ni Jehova ang katapatan ni Daniel nang iligtas Niya siya at itikom ang bibig ng mga leon. (Dan. 6:12-15, 20-22) Paano natin matutularan ang determinasyon ni Daniel na manatiling tapat kay Jehova?

12. Bakit naging determinado si Daniel na manatiling tapat kay Jehova?

12 Para maging tapat tayo kay Jehova, dapat na mahal na mahal natin siya. Nanatiling tapat si Daniel kay Jehova dahil malalim ang pag-ibig niya sa kaniyang Ama sa langit. Napalalim niya iyon dahil pinag-isipan niya ang mga katangian ni Jehova at kung paano Niya ipinakita ang mga ito. (Dan. 9:4) Pinag-isipan din ni Daniel ang lahat ng magagandang bagay na ginawa ni Jehova sa kaniya at sa mga lingkod Niya.​—Dan. 2:20-23; 9:15, 16.

Gaya ni Daniel, kung mahal na mahal mo si Jehova, magiging determinado ka na manatiling tapat sa Kaniya (Tingnan ang parapo 13)

13. (a) Paano nasusubok ang katapatan ng mga kabataang Kristiyano ngayon? Magbigay ng halimbawa. (Tingnan din ang larawan.) (b) Gaya ng makikita sa video, ano ang puwede mong sabihin kapag may nagtanong kung sinusuportahan ba ng mga Saksi ni Jehova ang mga homoseksuwal?

13 Gaya ni Daniel, napapalibutan din ang mga kabataang Kristiyano ng mga taong hindi nagpapahalaga kay Jehova at sa mga pamantayan niya. Baka ayaw nila sa mga taong nagmamahal sa Diyos. Baka binu-bully rin nila ang mga kabataang Kristiyano at sinisikap na sirain ang katapatan nila kay Jehova. Tingnan ang nangyari sa kabataang si Graeme, na taga-Australia. Napaharap siya sa pagsubok noong high school siya. Tinanong ng guro ang klase kung ano ang gagawin nila kung may kaibigan silang umamin na homoseksuwal ito. Sinabi ng guro na pumunta sa isang panig ang lahat ng susuporta sa kaibigang iyon at sa kabilang panig naman ang mga hindi. Sinabi ni Graeme, “Kami lang ng kaklase kong Saksi ang hindi pumunta sa panig ng mga susuporta sa ganoong pamumuhay.” Lalong nasubok ng sumunod na nangyari ang katapatan ni Graeme kay Jehova. Sinabi niya: “Sa buong klaseng iyon, tinuya at ininsulto kami ng ibang kaklase namin, pati ng teacher namin. Ginawa ko ang lahat para ipagtanggol ang pananampalataya ko at maging kalmado. Pero hindi sila nakinig.” Ano ang naging epekto nito kay Graeme? Sinabi niya: “Hindi ko nagustuhan na ininsulto ako ng mga kaklase ko. Pero sobrang saya ko kasi nakapanatili akong tapat kay Jehova at naipagtanggol ko ang paniniwala ko.” c

14. Ano ang isang paraan para maging determinado tayong manatiling tapat kay Jehova?

14 Gaya ni Daniel, kung mahal na mahal natin si Jehova, magiging determinado tayong manatiling tapat sa Kaniya. Magagawa natin iyan kung pag-aaralan natin ang mga katangian ni Jehova. Halimbawa, puwede nating pag-aralan ang mga nilalang niya. (Roma 1:20) Kung gusto mong lumalim ang pag-ibig at paggalang mo kay Jehova, puwede mong basahin ang maiikling artikulo sa seryeng “May Nagdisenyo Ba Nito?” o panoorin ang mga video. Puwede mo ring pag-aralan ang mga brosyur na Saan Nagmula ang Buhay? at The Origin of Life—Five Questions Worth Asking. Tungkol sa mga publikasyong iyon, sinabi ni Esther, isang kabataang sister na taga-Denmark: “Napakaganda ng paliwanag sa mga brosyur na iyon. Hindi sinasabi doon kung ano ang dapat mong paniwalaan; ipinapaliwanag lang ng mga brosyur ang katotohanan para tulungan kang magdesisyon.” Sinabi naman ni Ben, na binanggit kanina: “Talagang napatibay ng mga publikasyong ito ang pananampalataya ko. Nakumbinsi ako nito na nilalang ng Diyos ang buhay.” Kapag pinag-aralan mo ang mga publikasyong ito, siguradong sasang-ayon ka sa sinabi ng Bibliya: “O Jehova na Diyos namin, ikaw ang karapat-dapat sa kaluwalhatian at karangalan at kapangyarihan, dahil nilalang mo ang lahat ng bagay.”​—Apoc. 4:11. d

15. Ano ang isa pang paraan para maging malapít tayo kay Jehova?

15 Mapapalalim din natin ang pag-ibig natin kay Jehova kung pag-aaralan natin ang buhay ng kaniyang Anak, si Jesus. Ginawa iyan ni Samira, isang kabataang sister na taga-Germany. Sinabi niya, “Dahil kay Jesus, mas nakilala ko si Jehova.” Noong bata pa si Samira, nahihirapan siyang maunawaan na may damdamin si Jehova. Pero alam niyang may damdamin si Jesus. Sinabi niya, “Mahal ko si Jesus dahil friendly siya at mahal niya ang mga bata.” Habang mas nakikilala niya si Jesus, mas napapalapit siya kay Jehova. Bakit? Sinabi niya: “Unti-unti kong naunawaan na perpektong natularan ni Jesus ang kaniyang Ama. Parehong-pareho sila. Naisip ko na ito ang isa sa mga dahilan kung bakit isinugo ni Jehova si Jesus sa lupa—para mas makilala ng mga tao si Jehova.” (Juan 14:9) Kung gusto mong mas mapalapit kay Jehova, bakit hindi mo pag-aralan ang buhay ni Jesus para makilala mo siya nang husto? Kung gagawin mo iyan, lalalim ang pag-ibig mo kay Jehova at magiging mas determinado kang manatiling tapat sa kaniya.

16. Bakit dapat tayong maging tapat? (Awit 18:25; Mikas 6:8)

16 Kung tapat tayo sa iba, madalas na nagkakaroon tayo ng malalapit na kaibigan na tapat din sa atin. (Ruth 1:14-17) At kung tapat tayo kay Jehova, payapa tayo at kontento. Bakit? Dahil nangangako si Jehova na magiging tapat siya sa mga tapat sa kaniya. (Basahin ang Awit 18:25; Mikas 6:8.) Isipin ito: Nangangako sa atin ang Maylalang na Makapangyarihan-sa-Lahat na lagi niya tayong mamahalin! At kung malapít tayo kay Jehova, walang pagsubok o mananalansang na makakapaghiwalay sa atin sa kaniya, kahit pa ang kamatayan. (Dan. 12:13; Luc. 20:37, 38; Roma 8:38, 39) Kaya napakahalagang tularan si Daniel at manatiling tapat kay Jehova!

MATUTO PA TUNGKOL KAY DANIEL

17-18. Ano pa ang matututuhan natin kay Daniel?

17 Dalawang katangian lang ni Daniel ang natalakay natin sa artikulong ito. Pero marami pa tayong matututuhan sa kaniya. Halimbawa, binigyan siya ni Jehova ng mga pangitain at panaginip at ng kakayahan na ipaliwanag ang mga hula. Marami sa mga hulang iyon ang natupad na. Ang ilan naman ay nagbibigay ng mga detalye tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap na makakaapekto sa lahat ng tao.

18 Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang dalawa sa mga inihula ni Daniel. Tutulong ito sa ating lahat na makagawa ng tamang mga desisyon, bata man tayo o matanda. Tutulong din ito sa atin na maging handa sa hinaharap. Kasi bibigyan tayo nito ng higit na lakas ng loob at determinasyon na maging tapat kay Jehova.

AWIT BLG. 119 Dapat Magkaroon ng Pananampalataya

a Nasusubok ngayon ang lakas ng loob at katapatan ng mga kabataang lingkod ni Jehova. Baka tinutuya sila ng mga kaklase nila dahil naniniwala sila sa paglalang. O baka pinagtatawanan sila ng mga nakakasama nila dahil sumusunod sila sa mga pamantayan ng Diyos. Pero gaya ng makikita sa artikulong ito, masasabing tunay na marunong ang mga tumutulad kay propeta Daniel at ang mga naglilingkod kay Jehova nang may lakas ng loob at katapatan.

b May tatlong posibleng dahilan kung bakit itinuring ni Daniel na marumi ang pagkain sa Babilonya: (1) Posibleng karne iyon ng hayop na marumi ayon sa Kautusan. (Deut. 14:7, 8) (2) Posibleng hindi pinatulo nang mabuti ang dugo ng karne. (Lev. 17:10-12) (3) Posibleng itinuturing na bahagi ng pagsamba sa huwad na diyos ang pagkain nito.​—Ihambing ang Levitico 7:15 at 1 Corinto 10:18, 21, 22.

c Panoorin ang video na Ang Resulta ng Tunay na Katuwiran ay Kapayapaan na nasa jw.org.

d Para mapalalim ang pag-ibig mo kay Jehova, puwede mo ring pag-aralan ang aklat na Maging Malapít kay Jehova. Tutulong ito sa iyo na mas matuto pa tungkol sa mga katangian at personalidad ni Jehova.