ARALING ARTIKULO 31
AWIT BLG. 12 Dakilang Diyos, Jehova
Ang Ginawa ni Jehova Para Iligtas ang Makasalanang mga Tao
“Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak.”—JUAN 3:16.
MATUTUTUHAN
Kung ano ang mga ginawa ni Jehova para tulungan tayong patuloy na malabanan ang kasalanan at mabuhay tayo nang walang hanggan at walang kasalanan.
1-2. (a) Ano ang kasalanan, at paano natin ito matatalo? (Tingnan din ang “Karagdagang Paliwanag.”) (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito at sa mga susunod na artikulo sa isyung ito ng Bantayan? (Tingnan din ang “Para sa mga Mambabasa” sa isyung ito.)
GUSTO mo bang malaman kung gaano ka kamahal ni Jehova? Pag-aralan mo kung ano ang ginawa niya para iligtas ka sa kasalanan at kamatayan. Napakasamang kaaway ng kasalanan, a at hinding-hindi mo ito matatalo nang mag-isa. Nagkakasala tayo araw-araw, at namamatay tayo dahil sa kasalanan. (Roma 5:12) Pero may magandang balita. Sa tulong ni Jehova, matatalo natin ang kasalanan. Nangako pa nga siyang tutulungan niya tayong magawa iyan!
2 Mga 6,000 taon nang tinutulungan ni Jehova ang mga tao na malabanan ang kasalanan. Bakit? Kasi mahal na mahal na niya ang mga tao mula pa noong lalangin niya sila. At dahil sa pagmamahal na iyan, ginawa niya ang lahat ng magagawa niya para tulungan sila kapag nagkakasala sila. Alam ng Diyos na namamatay tayo dahil sa kasalanan, at ayaw niyang mangyari iyan. Gusto niya tayong mabuhay nang walang hanggan. (Roma 6:23) Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang tatlong tanong: (1) Anong pag-asa ang ibinigay ni Jehova sa makasalanang mga tao? (2) Ano ang ginagawa ng makasalanang mga tao noong panahon ng Bibliya para mapasaya si Jehova? (3) Ano ang ginawa ni Jesus para iligtas ang mga tao sa kasalanan?
ANONG PAG-ASA ANG IBINIGAY NI JEHOVA SA MAKASALANANG MGA TAO?
3. Paano naging makasalanan ang unang mga magulang natin?
3 Gusto ni Jehova na maging masaya ang unang lalaki at babaeng nilalang niya. Binigyan niya sila ng napakagandang lugar na titirhan, masayang pag-aasawa, at makabuluhang atas. Pupunuin nila ng mga anak nila ang buong lupa, at gagawin itong Paraiso gaya ng hardin ng Eden. Binigyan niya lang sila ng isang simpleng utos. At binabalaan niya sila na kung susuway sila sa utos niya at magrerebelde sa kaniya, mamamatay sila. Alam na natin ang nangyari. Dumating ang isang masamang anghel na walang pagmamahal sa Diyos o kina Adan at Eva, at tinukso sila na sumuway. Sumunod naman sa kaniya ang mag-asawa. Imbes na magtiwala sa mapagmahal nilang Ama, pinili nilang magkasala. At gaya ng alam natin, nagkatotoo ang mga sinabi ni Jehova. Mula nang araw na iyon, nagdusa sila. Naranasan na nilang tumanda at bandang huli, namatay sila.—Gen. 1:28, 29; 2:8, 9, 16-18; 3:1-6, 17-19, 24; 5:5.
4. Bakit galit si Jehova sa kasalanan at tinutulungan niya tayong malabanan ito? (Roma 8:20, 21)
4 Ipinasulat ni Jehova sa Bibliya ang malungkot na pangyayaring ito dahil may gusto siyang ituro sa atin. Gusto niyang maintindihan natin kung bakit galit na galit siya sa kasalanan. Dahil kasi sa kasalanan, napapalayo tayo sa kaniya at namamatay tayo. (Isa. 59:2) Pero gustong-gusto iyan ni Satanas kasi galit siya kay Jehova at sa mga tao. Kaya tinukso niya sina Adan at Eva na magkasala, at ganiyan pa rin ang ginagawa niya sa mga tao ngayon. Nang maimpluwensiyahan ni Satanas sina Adan at Eva, akala niya nagtagumpay na siya na sirain ang layunin ni Jehova para sa mga tao. Pero hindi niya alam kung gaano sila kamahal ni Jehova. Hindi binago ng Diyos ang layunin niya sa mga anak nina Adan at Eva. Mahal na mahal niya ang mga tao kaya nagbigay siya agad ng pag-asa para sa lahat. (Basahin ang Roma 8:20, 21.) Alam ni Jehova na ang ilan sa magiging anak nina Adan at Eva ay magmamahal sa kaniya at hihingi ng tulong sa kaniya para labanan ang kasalanan. At bilang Ama nila at Maylalang, gagawa siya ng paraan para mapalaya sila sa kasalanan at mapalapit sa kaniya. Paano iyan magagawa ni Jehova?
5. Kailan unang ipinaalam ni Jehova ang pag-asa ng makasalanang mga tao? Ipaliwanag. (Genesis 3:15)
5 Basahin ang Genesis 3:15. Unang ipinaalam ni Jehova ang pag-asa ng mga tao nang hatulan niya si Satanas. Inihula niya na may isang “supling” na magliligtas sa mga tao. Dudurugin ng supling na ito si Satanas, at aayusin niya ang lahat ng problemang lumitaw dahil sa nangyari sa Eden. (1 Juan 3:8) Pero magdurusa muna ang supling bago iyan mangyari. Susugatan siya ni Satanas, kaya mamamatay siya. Napakasakit niyan para kay Jehova. Pero handa siyang tiisin iyan para maligtas ang napakaraming tao sa kasalanan at kamatayan.
ANO ANG GINAWA NG MAKASALANANG MGA TAO NOONG PANAHON NG BIBLIYA PARA MAPASAYA SI JEHOVA?
6. Ano ang ginawa ng tapat na mga lalaking gaya nina Abel at Noe para mapalapit kay Jehova?
6 Sa paglipas ng panahon, unti-unting nilinaw ni Jehova kung paano mapapalapit sa kaniya ang makasalanang mga tao. Pagkatapos ng nangyari sa Eden, si Abel, na ikalawang anak nina Adan at Eva, ang pinakaunang nanampalataya kay Jehova. Mahal ni Abel si Jehova at gusto niyang mapasaya Siya at mapalapit sa Kaniya. Kaya naghandog si Abel. Isa siyang pastol, kaya kumuha siya ng ilang batang tupa at pinatay iyon para ihandog kay Jehova. Ano ang naging reaksiyon ni Jehova? “Sinang-ayunan [niya] si Abel at ang handog nito.” (Gen. 4:4) Tinanggap din ni Jehova ang mga handog ng ibang tao na nagmamahal at nagtitiwala sa kaniya—gaya ni Noe. (Gen. 8:20, 21) Ipinakita ni Jehova na puwede siyang mapasaya ng makasalanang mga tao at posible silang mapalapit sa kaniya. b
7. Ano ang matututuhan natin sa pagiging handa ni Abraham na ihandog ang sarili niyang anak?
7 Napakalaki ng pananampalataya ni Abraham, pero may ipinagawa si Jehova na talagang susubok sa pananampalatayang iyon. Hiniling niya kay Abraham na ihandog ang anak nitong si Isaac. Siguradong napakahirap nito para kay Abraham. Pero sumunod pa rin siya. Nang gagawin na niya ito, pinigilan siya ni Jehova. Itinuturo ng pangyayaring iyan sa lahat ng may pananampalataya ang isang napakahalagang katotohanan—handa si Jehova na isakripisyo ang pinakamamahal niyang Anak. Ganiyan niya kamahal ang mga tao.—Gen. 22:1-18.
8. Ano ang itinuturo ng mga handog na hinihiling sa Kautusan? (Levitico 4:27-29; 17:11)
8 Pagkalipas ng daan-daang taon, ibinigay sa bansang Israel ang Kautusan. At marami itong hinihiling na handog para makapagbayad-sala ang bayan ng Diyos. (Basahin ang Levitico 4:27-29; 17:11.) Itinuturo ng mga handog na iyon na maglalaan si Jehova ng isang mas magandang handog na permanenteng mag-aalis ng kasalanan ng mga tao. Ginamit ni Jehova ang mga propeta niya para humula tungkol sa ipinangakong supling, na bandang huli ay tumutukoy pala sa espesyal na Anak ng Diyos. Ipinaliwanag nila na kailangang magdusa at mamatay ng supling na ito. Papatayin siyang gaya ng isang tupang ihahandog. (Isa. 53:1-12) Isipin mo, isasakripisyo ni Jehova ang pinakamamahal niyang Anak para iligtas sa kasalanan at kamatayan ang mga tao—at kasama ka diyan!
ANO ANG GINAWA NI JESUS PARA ILIGTAS ANG MGA TAO SA KASALANAN?
9. Ano ang sinabi ni Juan Bautista tungkol kay Jesus? (Hebreo 9:22; 10:1-4, 12)
9 Noong unang siglo C.E., nakita ni Juan Bautista si Jesus ng Nazaret at sinabi: “Tingnan ninyo, ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sangkatauhan!” (Juan 1:29) Ipinapakita ng sinabing ito ni Juan na si Jesus ang inihulang supling. Ibibigay niya ang buhay niya bilang handog. Sa wakas, dumating na ang ipinangakong supling ni Jehova na lubusang mag-aalis ng kasalanan sa sangkatauhan!—Basahin ang Hebreo 9:22; 10:1-4, 12.
10. Paano ipinakita ni Jesus na “dumating [siya] para tawagin” ang mga makasalanan?
10 Nagbigay si Jesus ng espesyal na atensiyon sa mga taong nabibigatan dahil sa kasalanan nila, at binigyan niya sila ng pagkakataong maging tagasunod niya. Alam niyang kasalanan ang puno’t dulo ng pagdurusa ng mga tao. Kaya partikular niyang tinulungan ang mga kilalang makasalanan. Gamit ang isang ilustrasyon, ipinaliwanag niya kung bakit niya ginagawa ito: “Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit.” Sinabi pa niya: “Dumating ako para tawagin, hindi ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.” (Mat. 9:12, 13) Talagang ginawa ni Jesus ang mga sinabi niya. Nang hugasan ng isang babae ang mga paa niya gamit ang mga luha nito, mabait niyang kinausap ito at pinatawad sa mga kasalanan. (Luc. 7:37-50) Tinuruan niya ng mahahalagang katotohanan ang isang Samaritana sa tabi ng balon, kahit alam niyang imoral ang pamumuhay nito. (Juan 4:7, 17-19, 25, 26) Binigyan din ng Diyos si Jesus ng kapangyarihan na alisin ang resulta ng kasalanan—ang kamatayan. Bumuhay siya ng mga patay—lalaki at babae, bata at matanda.—Mat. 11:5.
11. Bakit palagay ang loob ng makasalanang mga tao kay Jesus?
11 Nagpakita si Jesus ng malasakit at empatiya sa makasalanang mga tao. Kaya hindi kataka-takang palagay ang loob nila sa kaniya. Hindi sila nahiyang lumapit kay Jesus. (Luc. 15:1, 2) At pinuri at ginantimpalaan niya sila dahil sa pananampalataya nila sa kaniya. (Luc. 19:1-10) Perpektong naipakita ni Jesus ang awa ng Ama niya. (Juan 14:9) Sa salita at gawa, ipinakita niyang mahal ng maawain niyang Ama ang mga tao at gusto Niya silang tulungan na malabanan ang kasalanan. Dahil sa mga ginawa ni Jesus, napakilos ang makasalanang mga tao na magbago at sumunod sa kaniya.—Luc. 5:27, 28.
12. Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa sarili niyang kamatayan?
12 Alam na ni Jesus kung ano ang mangyayari sa kaniya. Hindi lang niya isang beses sinabi sa mga tagasunod niya na tatraidurin siya at mamamatay sa tulos. (Mat. 17:22; 20:18, 19) Bukod diyan, alam niyang maaalis ng sakripisyo niya ang kasalanan ng sangkatauhan, gaya ng sinabi ni Juan at ng mga propeta. Sinabi rin ni Jesus na pagkatapos niyang mamatay, ‘ilalapit niya sa kaniya ang lahat ng uri ng tao.’ (Juan 12:32) Mapapasaya ng makasalanang mga tao si Jehova kung mananampalataya sila kay Jesus at tutularan ang halimbawa niya. Kung gagawin nila ito, ‘mapapalaya sila mula sa kasalanan.’ (Roma 6:14, 18, 22; Juan 8:32) Kaya naman bukal sa pusong ibinigay ni Jesus ang buhay niya at lakas-loob na hinarap ang isang masakit na kamatayan.—Juan 10:17, 18.
13. Paano namatay si Jesus, at ano ang itinuturo nito tungkol kay Jehova? (Tingnan din ang larawan.)
13 Tinraidor si Jesus, inaresto, ininsulto, inakusahan, hinatulan, at pinahirapan pa nga. Bandang huli, ipinako ng mga sundalo si Jesus sa tulos at namatay siya. Habang tinitiis niya ang lahat ng iyon, may Isa na mas nasasaktan pa sa kaniya—ang Diyos na Jehova. Napakamakapangyarihan ni Jehova at kaya sana niyang pigilan na mangyari ito. Pero bakit hindi niya iyon ginawa? Dahil sa pag-ibig. Sinabi ni Jesus: “Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Juan 3:16.
14. Ano ang itinuturo sa iyo ng sakripisyo ni Jesus?
14 Ang sakripisyo ni Jesus ang pinakamatibay na ebidensiya na mahal na mahal ni Jehova ang mga anak nina Adan at Eva. Patunay iyan na mahal na mahal ka niya. Ginawa niya ang lahat at tiniis ang pinakamasakit na bagay na puwede niyang maranasan para iligtas ka sa kasalanan at kamatayan. (1 Juan 4:9, 10) Malinaw na gusto niyang tulungan ang bawat isa sa atin na malabanan ang kasalanan—at matalo ito!
15. Ano ang dapat nating gawin para makinabang sa regalo ng Diyos na haing pantubos ni Jesus?
15 Puwede tayong mapatawad sa mga kasalanan natin dahil sa regalo ng Diyos na haing pantubos ng kaniyang kaisa-isang Anak. Pero may kailangan tayong gawin para patawarin tayo ng Diyos. Ano iyon? Sinasagot iyan ni Juan Bautista at ni Jesu-Kristo mismo: “Magsisi kayo dahil ang Kaharian ng langit ay malapit na.” (Mat. 3:1, 2; 4:17) Kaya kailangan nating magsisi kung gusto nating malabanan ang kasalanan at mapalapit sa mapagmahal nating Ama. Pero ano nga ba ang ibig sabihin ng pagsisisi, at paano iyan makakatulong para malabanan natin ang kasalanan? Sasagutin iyan sa susunod na artikulo.
AWIT BLG. 18 Salamat sa Pantubos
a KARAGDAGANG PALIWANAG: Sa Bibliya, ang salitang “kasalanan” ay puwedeng tumukoy sa paggawa ng mga bagay na sinasabi ni Jehova na mali o sa hindi paggawa ng sinasabi niyang dapat nating gawin. Pero puwede rin itong tumukoy sa kalagayang minana natin kay Adan—ang pagiging di-perpekto. Namamatay tayong lahat dahil sa minanang kasalanang ito.