Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 35

AWIT BLG. 123 Magpasakop sa Teokratikong Kaayusan

Tulong Para sa mga Inalis sa Kongregasyon

Tulong Para sa mga Inalis sa Kongregasyon

“Mas magsasaya rin sa langit dahil sa isang makasalanan na nagsisisi kaysa sa 99 na matuwid na hindi kailangang magsisi.”​—LUC. 15:7.

MATUTUTUHAN

Kung bakit may ilan na kailangang alisin sa kongregasyon at kung paano sila matutulungan ng mga elder na magsisi at manumbalik kay Jehova.

1-2. (a) Ano ang tingin ni Jehova sa mga nakagawa ng malubhang kasalanan at di-nagsisisi? (b) Ano ang gusto ni Jehova para sa mga nagkasala?

 HINDI kunsintidor na Diyos si Jehova; galit siya sa kasalanan. (Awit 5:​4-6) Gusto niya na sundin natin ang mataas na pamantayan niya na nasa Bibliya. Inaasahan ba ni Jehova na hindi tayo magkakamali? Hindi, kasi alam niyang hindi tayo perpekto. (Awit 130:​3, 4) Pero hindi niya kinukunsinti ang “mga taong di-makadiyos na ginagawang dahilan ang walang-kapantay na kabaitan [niya] para gumawi nang may kapangahasan.” (Jud. 4) Kaya sinasabi ng Bibliya na ‘mapupuksa ang mga taong di-makadiyos’ sa digmaan ng Armagedon.​—2 Ped. 3:7; Apoc. 16:16.

2 Pero ayaw ni Jehova na mapuksa ang sinuman. Gaya ng malinaw na ipinakita sa mga naunang artikulo, sinasabi ng Bibliya na “gusto niya na ang lahat ay magsisi.” (2 Ped. 3:9) Tinutularan ng mga elder si Jehova, kaya matiyaga nilang tinutulungan ang nagkasala na magbago at manumbalik sa kaniya. Pero may ilang nagkasala na ayaw magsisi. (Isa. 6:9) Kahit paulit-ulit na silang tinulungan ng mga elder, hindi pa rin nila itinitigil ang masamang ginagawa nila. Kapag ganito ang sitwasyon, ano ang dapat gawin?

“ALISIN NINYO ANG MASAMA SA GITNA NINYO”

3. (a) Ayon sa Bibliya, ano ang dapat gawin sa mga di-nagsisising nagkasala? (b) Bakit natin masasabi na sariling desisyon ng di-nagsisising nagkasala na alisin siya sa kongregasyon?

3 Kapag ayaw magsisi ng nagkasala, wala nang magagawa ang mga elder kundi sundin ang sinasabi sa 1 Corinto 5:13: “Alisin ninyo ang masama sa gitna ninyo.” Masasabing sariling desisyon ng nagkasala na maalis siya sa kongregasyon; inaani lang niya ang inihasik niya. (Gal. 6:7) Bakit natin nasabi iyan? Kasi pinili niya pa ring ituloy ang masamang ginagawa niya kahit paulit-ulit siyang tinulungan ng mga elder na magsisi. (2 Hari 17:​12-15) Ipinakita niya na ayaw niya talagang sundin ang pamantayan ni Jehova.​—Deut. 30:​19, 20.

4. Bakit ipinapatalastas sa kongregasyon na inalis ang isang di-nagsisising nagkasala?

4 Kapag inalis sa kongregasyon ang isang di-nagsisising nagkasala, ipapatalastas na hindi na siya isang Saksi ni Jehova. a Hindi ito ginagawa para ipahiya ang nagkasala. Ipinapatalastas ito para masunod ng kongregasyon ang utos ng Bibliya na “tigilan ang pakikisama” sa taong iyon at “huwag man lang kumaing kasama” niya. (1 Cor. 5:​9-11) May mahalagang dahilan kung bakit iniutos iyan ni Jehova. Isinulat ni apostol Pablo: “Ang kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong masa.” (1 Cor. 5:6) Kung hindi aalisin sa kongregasyon ang di-nagsisising nagkasala, puwedeng maisip ng ilan na hindi naman pala nila kailangang sundin ang pamantayan ng Diyos.​—Kaw. 13:20; 1 Cor. 15:33.

5. Ano ang dapat na maging tingin natin sa taong inalis sa kongregasyon, at bakit?

5 Ano ngayon ang dapat na maging tingin natin sa isang kapananampalataya na inalis sa kongregasyon? Totoo, hindi na tayo makikisama sa kaniya. Pero dapat natin siyang ituring na nawawalang tupa. Kapag nawala ang isang tupa, puwede pa rin siyang makabalik sa kawan. Hindi natin iisipin na wala na siyang pag-asa. Tandaan na inialay niya kay Jehova ang sarili niya. Hindi lang niya natutupad sa ngayon ang pag-aalay na iyon, at nanganganib siya dahil diyan. (Ezek. 18:31) Pero hangga’t binibigyan pa siya ni Jehova ng pagkakataong magbago, umaasa tayong babalik siya. Kaya paano ipinapakita ng mga elder na hindi nila sinusukuan ang nagkasala na inalis sa kongregasyon?

KUNG PAANO TINUTULUNGAN NG MGA ELDER ANG MGA INALIS SA KONGREGASYON

6. Paano tutulungan ng mga elder ang isa na inalis sa kongregasyon?

6 Pababayaan na lang ba ang mga inalis sa kongregasyon at sila na ang bahalang gumawa ng paraan kung paano makakabalik kay Jehova? Hindi! Kapag sasabihin na sa isang di-nagsisising nagkasala na aalisin siya sa kongregasyon, ipapaliwanag ng komite ng mga elder kung ano ang mga puwede niyang gawin para makabalik siya. Pero hindi lang iyan ang gagawin nila. Kadalasan na, sasabihin nila sa nagkasala na gusto nila siyang makausap ulit pagkalipas ng ilang buwan para malaman kung nagbago na siya ng desisyon. Kung payag ang nagkasala na makipag-usap ulit sa mga elder, sisikapin ulit nilang akayin ito sa pagsisisi sa susunod na pag-uusap na iyon. Kung hindi pa rin nagbago ang isip niya sa pagkakataong iyon, patuloy pa ring mag-iiskedyul ang mga elder na makausap siya.

7. Kapag inalis sa kongregasyon ang isang tao, paano tinutularan ng mga elder ang awa ni Jehova? (Jeremias 3:12)

7 Sinisikap ng mga elder na ipakita ang awa ni Jehova habang tinutulungan nila ang isa na inalis sa kongregasyon. Halimbawa, hindi hinintay ni Jehova na magsisi muna ang masuwayin niyang bayang Israel bago niya sila tulungan. Siya ang unang kumilos. Gaya ng binanggit sa ikalawang artikulo ng seryeng ito, inutusan ni Jehova si propeta Oseas na puntahan at patawarin ang asawa niya, kahit na kasalukuyan pa itong gumagawa ng kasalanan. Sa ganitong paraan itinuro ni Jehova kung gaano siya kamaawain. (Os. 3:1; Mal. 3:7) Gaya ni Jehova, talagang gusto ng mga elder na magsisi ang nagkasala, at hindi nila ginagawang mahirap para sa kaniya na bumalik.​—Basahin ang Jeremias 3:12.

8. Ano ang matututuhan natin kay Jehova mula sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa nawalang anak? (Lucas 15:7)

8 Alalahanin ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa nawalang anak na tinalakay sa ikalawang artikulo ng seryeng ito. Nang matanaw ng tatay ang anak niya, ‘tumakbo siya at niyakap ito at hinalikan.’ (Luc. 15:20) Pansinin na hindi na hinintay ng ama na humingi ng tawad ang anak niya. Siya ang unang lumapit dahil mahal na mahal niya ito. Ganiyan din ang nararamdaman ng mga elder sa mga napalayo. Gusto nilang bumalik na ang mga ito. (Luc. 15:​22-24, 32) Nagsasaya sa langit kapag may bumalik na nagkasala, at ganiyan din sa lupa!—Basahin ang Lucas 15:7.

9. Ano ang gusto ni Jehova na gawin ng mga nagkasala?

9 Malinaw sa mga natalakay natin na hindi kinukunsinti ni Jehova ang mga di-nagsisising nagkasala. Pero hindi niya sila sinusukuan. Gusto niya silang manumbalik. Makikita sa Oseas 14:4 kung ano ang nararamdaman ni Jehova para sa mga nagsisisi: “Pagagalingin ko sila, at hindi na sila magiging taksil. Mamahalin ko sila nang buong puso, dahil wala na ang galit ko sa kanila.” Hindi ba mapapakilos niyan ang mga elder na maghanap ng anumang senyales na nagsisisi na ang nagkasala? At nakakapagpatibay din ito sa mga nagkasala kasi ipinapakita nito na mahal pa rin sila ni Jehova at na gusto niyang bumalik na sila.

10-11. Paano tutulungan ng mga elder ang mga matagal nang inalis sa kongregasyon?

10 Paano naman ang mga indibidwal na matagal nang inalis sa kongregasyon—baka nga maraming taon na ang nakakalipas? Posibleng hindi na nila ginagawa ang kasalanang naging dahilan kaya sila naalis. Baka nga may ilan sa kanila na hindi na maalala kung bakit sila inalis. Anuman ang sitwasyon, sisikapin ng mga elder na hanapin sila at dalawin. Kapag dinalaw nila ang ganoong indibidwal, puwede silang manalanging kasama niya at mabait siyang pasiglahin na bumalik sa kongregasyon. Siyempre, siguradong napakahina na sa espirituwal ng isang taong matagal nang napalayo sa kongregasyon. Kaya kung sabihin niya na gusto na niyang manumbalik, puwedeng isaayos ng mga elder na ma-Bible study siya kahit hindi pa siya nakakabalik. Tandaan, mga elder lang ang magsasaayos nito.

11 Dahil tinutularan ng mga elder ang maawain nating Diyos, sisikapin nilang hanapin ang lahat ng naalis sa kongregasyon para ipaalam sa kanila na hinihintay pa rin sila ni Jehova na bumalik. Kapag nagsisi ang nagkasala at itinigil na ang masamang ginagawa niya, puwede na siyang ibalik agad.​—2 Cor. 2:​6-8.

12. (a) Sa anong mga sitwasyon dapat na maging mas maingat ang mga elder? (b) Bakit hindi natin dapat isipin na imposible nang makatanggap ng awa ni Jehova ang mga nakagawa ng ilang partikular na kasalanan? (Tingnan din ang talababa.)

12 Sa ilang kaso, dapat na maging mas maingat ang mga elder kapag nagpapasiyang ibalik sa kongregasyon ang isang tao. Halimbawa, kapag ang kasalanang ginawa ay pang-aabuso sa bata, apostasya, o pagpaplano para tapusin ang pag-aasawa, dapat tiyaking mabuti ng mga elder kung nagsisisi talaga ang taong ito. (Mal. 2:14; 2 Tim. 3:6) Kailangan nilang protektahan ang kawan. Pero dapat din nating tandaan na tatanggapin ni Jehova ang sinumang nagkasala na talagang nagsisisi at inihinto na ang maling ginagawa niya. Kaya kahit na kailangang maging mas maingat ng mga elder kapag ang kasalanan ay may kaugnayan sa panlilinlang, hindi nila dapat isipin na ang mga nakagawa ng ganiyang partikular na mga kasalanan ay hindi na mapapatawad ni Jehova. b1 Ped. 2:10.

ANO ANG GAGAWIN NG KONGREGASYON?

13. Ano ang pagkakaiba ng pakikitungo natin sa isa na sinaway at sa isa na inalis sa kongregasyon?

13 Gaya ng tinalakay sa naunang artikulo, may mga pagkakataon na ipinapatalastas sa kongregasyon na sinaway ang isang kapatid. Sa ganiyang kaso, puwede pa rin tayong makipagsamahan sa kaniya dahil alam nating nagsisi na siya at itinigil na ang maling ginagawa niya. (1 Tim. 5:20) Bahagi pa rin siya ng kongregasyon, at kailangan niya ng pampatibay mula sa mga kapatid para patuloy niyang magawa ang tama. (Heb. 10:​24, 25) Pero iba ang gagawin natin kapag inalis sa kongregasyon ang isang tao. ‘Ititigil natin ang pakikisama’ sa kaniya, at ‘hindi man lang tayo kakaing kasama’ niya.​—1 Cor. 5:11.

14. Paano gagamitin ng isang Kristiyano ang konsensiya niyang sinanay sa Bibliya sa pakikitungo sa mga inalis sa kongregasyon? (Tingnan din ang larawan.)

14 Ibig bang sabihin ng 1 Corinto 5:​11, hindi na talaga natin papansinin ang isa na inalis sa kongregasyon? Hindi naman. Totoo, hindi na tayo makikipagsamahan sa kaniya. Pero puwedeng magpasiya ang bawat Kristiyano, depende sa sinasabi ng konsensiya niyang sinanay sa Bibliya, kung iimbitahan niya sa pulong ang isa na inalis sa kongregasyon. Baka kapamilya niya ito o kaibigan. Ano ang gagawin natin kapag dumalo ito? Dati, hindi man lang natin babatiin ang taong iyon. Pero ngayon, sa ganitong sitwasyon, dapat gamitin ng bawat Kristiyano ang konsensiya niyang sinanay sa Bibliya para magpasiya kung babati siya o hindi. Pero hindi pa rin tayo makikipagkuwentuhan o makikipagsamahan sa kaniya.

Puwedeng imbitahan sa pulong ng isang Kristiyano ang isang taong inalis sa kongregasyon o batiin ito kapag dumalo, depende sa konsensiya niyang sinanay sa Bibliya (Tingnan ang parapo 14)


15. Anong pagkakasala ang ginagawa ng taong binabanggit sa 2 Juan 9-11? (Tingnan din ang kahong “ Magkapareho Ba ang Kasalanan na Tinutukoy ni Juan at ni Pablo?”)

15 Baka maisip ng ilan, ‘Hindi ba sinasabi ng Bibliya na kapag binati natin ang mga di-nagsisising nagkasala, magiging kasangkot tayo sa masasamang ginagawa nila?’ (Basahin ang 2 Juan 9-11.) Ipinapakita ng konteksto ng tekstong ito na tumutukoy ito sa mga apostata at sa mga umiimpluwensiya sa iba na gumawa ng masama. (Apoc. 2:20) Kaya kapag apostata pa rin ang isang tao o iniimpluwensiyahan niya ang iba na gumawa ng masama, hindi siya dadalawin ng mga elder. Siyempre, umaasa pa rin tayo na puwede pa siyang magbago. Pero hangga’t hindi niya iyon ginagawa, hindi natin siya babatiin o iimbitahan na dumalo sa pulong.

TINUTULARAN ANG AWA NI JEHOVA

16-17. (a) Ano ang gusto ni Jehova na gawin ng mga nakagawa ng malubhang kasalanan? (Ezekiel 18:32) (b) Paano makikipagtulungan ang mga elder kay Jehova kapag nakikitungo sa mga nakagawa ng malubhang kasalanan?

16 Ano ang natutuhan natin sa seryeng ito? Ayaw ni Jehova na mapuksa ang sinuman! (Basahin ang Ezekiel 18:32.) Gusto niyang makipagkasundo sa kaniya ang mga nagkasala. (2 Cor. 5:20) Kaya naman sa buong kasaysayan ng tao, paulit-ulit na sinikap ni Jehova na tulungan ang masuwaying bayan niya—pati na ang mga nagkasalang indibidwal—na magsisi at manumbalik sa kaniya. Pribilehiyo ng mga elder na makipagtulungan kay Jehova at akayin ang mga nagkasala sa pagsisisi.​—Roma 2:4; 1 Cor. 3:9.

17 Isipin na lang kung gaano kasaya sa langit kapag nagsisi ang mga nagkasala! Napakasaya ng Ama natin sa langit sa tuwing bumabalik sa kongregasyon ang isang nawalang tupa. At lalong lumalalim ang pagmamahal natin kay Jehova habang pinag-iisipan natin ang awa at walang-kapantay na kabaitan niya.​—Luc. 1:78.

AWIT BLG. 111 Mga Dahilan ng Ating Kagalakan

a Hindi na natin gagamitin ang terminong “tiwalag.” Base sa sinabi ni Pablo sa 1 Corinto 5:​13, tutukuyin na natin sila ngayon na inalis sa kongregasyon.

b May binabanggit sa Bibliya na mga kasalanang hindi na mapapatawad. Pero hindi ito tumutukoy sa isang partikular na kasalanan, kundi sa kasalanang ginawa ng isang tao na matigas ang puso at determinadong kalabanin ang Diyos. Si Jehova at si Jesus lang ang hahatol kung nakagawa ng ganitong kasalanan ang isang tao.​—Mar. 3:29; Heb. 10:​26, 27.