Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kahinahunan—Isang Karunungan

Kahinahunan—Isang Karunungan

Nang mag-doorbell ang professional caregiver na si Toñi, isang babae ang nagbukas ng pinto. Ininsulto at pinagalitan niya si Toñi dahil hindi ito dumating nang mas maaga para asikasuhin ang kaniyang may-edad nang nanay. Dumating naman sa oras si Toñi. Pero mahinahon siyang humingi ng paumanhin sa babae dahil sa di-pagkakaunawaang iyon.

NANG sumunod na pagpunta ni Toñi, pinagalitan na naman siya ng babae. Paano tumugon si Toñi? “Napakahirap ng sitwasyong ’yon,” ang inamin ni Toñi. “Walang basehan ang masasakit na sinabi niya.” Pero muling humingi ng paumanhin si Toñi at sinabi sa babae na naiintindihan niya ang pinagdaraanan nito.

Kung ikaw si Toñi, paano ka kaya tutugon? Magiging mahinahon ka kaya? Mahihirapan ka bang kontrolin ang emosyon mo? Totoo namang hindi madaling manatiling kalmado sa gayong mga sitwasyon. Kapag naii-stress tayo o nasusubok ang pasensiya natin, mahirap manatiling mahinahon.

Pero pinasisigla ng Bibliya ang mga Kristiyano na maging mahinahon. Sa katunayan, iniuugnay ng Salita ng Diyos ang kahinahunan sa karunungan. “Sino ang marunong at may-unawa sa inyo?” ang tanong ni Santiago. “Ipakita niya mula sa kaniyang mainam na paggawi ang kaniyang mga gawa na may kahinahunan na nauukol sa karunungan.” (Sant. 3:13) Paanong ang kahinahunan ay katunayan ng karunungan mula sa itaas? At ano ang tutulong sa atin na malinang ang makadiyos na katangiang ito?

ISANG KARUNUNGAN ANG PAGIGING MAHINAHON

Kapag mahinahon tayo, maaaring humupa ang tensiyon. “Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit, ngunit ang salitang nakasasakit ay pumupukaw ng galit.”Kaw. 15:1.

Kung sasagot ka nang pagalít, puwedeng lumala ang sitwasyon dahil gagatungan nito ang apoy. (Kaw. 26:21) Pero ang mahinahong tugon ay nagpapakalma. Mapalalamig pa nga nito ang ulo ng taong masungit.

Napatunayan iyan ni Toñi. Dahil sa mahinahong tugon niya, napaluha ang babae. Ipinaliwanag ng babae na nabibigatan siya sa mga problema niya at ng kaniyang pamilya. Nakapagbigay si Toñi ng mainam na patotoo, at napasimulan ang isang Bible study—dahil sa kaniyang pagiging kalmado at mapagpayapa.

Kapag mahinahon tayo, magiging masaya tayo. “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa.”Mat. 5:5.

Bakit maligaya ang mga mahinahong-loob? Maraming dating agresibo ang maligaya na ngayon dahil dinamtan nila ng kahinahunan ang kanilang sarili. Napabuti ang kanilang buhay, at alam nilang may magandang kinabukasang naghihintay sa kanila. (Col. 3:12) Naalaala ni Adolfo, isang tagapangasiwa ng sirkito sa Spain, ang buhay niya bago niya nalaman ang katotohanan.

“Walang direksiyon ang buhay ko noon,” ang sabi ni Adolfo. “Laging napakainit ng ulo ko. Pati ang ilang kaibigan ko, natatakot dahil arogante ako at marahas. Pero may nagpabago sa ’kin. Sa isang rambulan, nagtamo ako ng anim na saksak. Duguan ako at halos mamatay na.”

Pero ngayon, sa pamamagitan ng salita at halimbawa, tinuturuan na ni Adolfo ang iba na maging mahinahon. Dahil sa magandang personalidad niya, marami ang napalapít sa kaniya. Masaya si Adolfo sa mga pagbabagong ginawa niya. At nagpapasalamat siya kay Jehova dahil tinulungan Niya siyang malinang ang kahinahunan.

Kapag mahinahon tayo, napasasaya natin si Jehova. “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.”Kaw. 27:11.

Si Jehova ay tinutuya ng kaniyang pangunahing kaaway, ang Diyablo. May makatuwirang dahilan ang Diyos na mapoot sa mga pang-iinsulto sa kaniya, pero sinasabi ng Bibliya na si Jehova ay “mabagal sa pagkagalit.” (Ex. 34:6) Kapag nagsisikap tayong tularan ang pagiging mahinahon at mabagal sa pagkagalit ng Diyos, nagiging marunong tayo at talagang nakalulugod ito kay Jehova.—Efe. 5:1.

Napakasamâ ng mundong ito. Baka nakakasalamuha natin ang “mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, mga mamumusong, . . . mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis.” (2 Tim. 3:2, 3) Pero dapat pa ring linangin ng isang Kristiyano ang kahinahunan. Ipinaaalaala sa atin ng Salita ng Diyos na “ang karunungan mula sa itaas . . . ay mapayapa, makatuwiran.” (Sant. 3:17) Kung mapayapa at makatuwiran tayo, patunay ito na mayroon tayong makadiyos na karunungan. Mauudyukan tayo ng karunungang iyan na tumugon nang mahinahon kapag iniinis tayo, at mailalapít tayo nito sa Pinagmumulan ng walang-hanggang karunungan, si Jehova.