Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Pagsasaisip ng Espiritu ay Nangangahulugan ng Buhay at Kapayapaan”

“Ang Pagsasaisip ng Espiritu ay Nangangahulugan ng Buhay at Kapayapaan”

“Yaong mga kaayon ng espiritu ay [nagtutuon ng kanilang mga kaisipan] sa mga bagay ng espiritu.”—ROMA 8:5.

AWIT: 57, 52

1, 2. Bakit lalo nang interesado sa Roma kabanata 8 ang mga pinahirang Kristiyano?

NABASA mo na ba ang Roma 8:15-17 sa panahon ng Memoryal ng kamatayan ni Jesus? Malamang na oo. Ipinaliliwanag ng mga talatang iyon kung paano nalalaman ng ilang Kristiyano na pinahiran sila—ang banal na espiritu ang nagpapatotoo kasama ng kanilang espiritu. Tinutukoy sa Roma 8:1 “yaong mga kaisa ni Kristo Jesus.” Pero para lang ba sa mga pinahiran ang Roma kabanata 8? O para din ito sa mga Kristiyanong may pag-asang mabuhay dito sa lupa?

2 Mga pinahirang Kristiyano ang pangunahing tinutukoy sa kabanatang iyon. Sila ang tumatanggap “ng espiritu” habang “marubdob [nilang] hinihintay ang pag-aampon bilang mga anak, ang pagpapalaya mula sa [kanilang] mga katawan” na laman. (Roma 8:23) Oo, sila ay magiging mga anak ng Diyos sa langit. Posible iyan dahil nabautismuhan sila bilang Kristiyano, at ikinapit sa kanila ng Diyos ang bisa ng pantubos, pinatawad ang kanilang mga kasalanan, at ipinahayag silang matuwid bilang espirituwal na mga anak niya.—Roma 3:23-26; 4:25; 8:30.

3. Bakit natin masasabing dapat ding maging interesado sa Roma kabanata 8 ang mga may makalupang pag-asa?

3 Pero interesado rin sa Roma kabanata 8 ang mga may makalupang pag-asa dahil itinuturing din silang matuwid ng Diyos. Mapapansin natin iyan sa kabanata 4 ng liham ni Pablo. Doon, binanggit niya si Abraham, isang taong may pananampalataya. Nabuhay siya bago ibigay ni Jehova sa Israel ang Kautusan at matagal na panahon bago namatay si Jesus para sa ating mga kasalanan. Pero itinawag-pansin ni Jehova ang namumukod-tanging pananampalataya ni Abraham at ibinilang siyang matuwid. (Basahin ang Roma 4:20-22.) Maaari ding ituring ni Jehova na matuwid ang tapat na mga Kristiyano sa ngayon na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. Kaya naman makikinabang din sila sa payo na nasa Roma kabanata 8.

4. Kung babasahin natin ang Roma 8:21, anong tanong ang maiisip natin?

4 Sa Roma 8:21, tinitiyak na talagang magkakaroon ng isang bagong sanlibutan. Sinasabi roon na “ang sangnilalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” Ang tanong ay kung makakarating ka sa bagong sanlibutan. May tiwala ka bang makakamit mo ang gantimpalang iyon? Makatutulong sa iyo ang Roma kabanata 8.

“ANG PAGSASAISIP NG LAMAN”

5. Anong seryosong bagay ang binabanggit ni Pablo sa Roma 8:4-13?

5 Basahin ang Roma 8:4-13. Binabanggit ng Roma kabanata 8 ang mga lumalakad “kaayon ng laman” at ang mga lumalakad “kaayon ng espiritu.” Baka isipin ng ilan na pinaghahambing dito ang mga nasa katotohanan at ang mga wala sa katotohanan, ang mga Kristiyano at ang mga hindi Kristiyano. Pero ang liham ni Pablo ay para sa “lahat ng mga nasa Roma bilang mga minamahal ng Diyos, tinawag upang maging mga banal.” (Roma 1:7) Kaya naman, ang pinaghahambing dito ni Pablo ay ang mga Kristiyanong lumalakad ayon sa laman at ang mga Kristiyanong lumalakad ayon sa espiritu. Ano ang pagkakaiba nila?

6, 7. (a) Paano ginagamit sa Bibliya ang pananalitang “laman”? (b) Sa Roma 8:4-13, anong “laman” ang tinutukoy ni Pablo?

6 Talakayin muna natin ang pananalitang “laman.” Ano ang tinutukoy ni Pablo? Sa Bibliya, ginagamit ang “laman” sa iba’t ibang paraan. Kung minsan, tumutukoy ito sa literal na laman ng ating pisikal na katawan. (Roma 2:28; 1 Cor. 15:39, 50) Puwede rin itong tumukoy sa pagiging magkamag-anak. Halimbawa, si Jesus ay “nagmula sa binhi ni David ayon sa laman,” at itinuring ni Pablo ang mga Judio bilang “mga kamag-anak ayon sa laman.”—Roma 1:3; 9:3.

7 Pero ipinahihiwatig sa kabanata 7 kung anong “laman” ang tinutukoy sa Roma 8:4-13. Iniugnay niya ang pamumuhay ‘kaayon ng laman’ sa “makasalanang mga pita,” o pagnanasa, na “gumagana sa [kanilang] mga sangkap.” (Roma 7:5) Nililinaw nito kung sino ang mga namumuhay “kaayon ng laman,” na ayon kay Pablo ay “nagtutuon ng kanilang mga kaisipan sa mga bagay ng laman.” Tinutukoy niya ang mga taong nagpapakontrol o nakapokus sa kanilang pagnanasa at hilig bilang mga taong di-sakdal. Pangunahin na, sila ang mga taong sunod-sunuran sa kanilang mga pagnanasa, simbuyo, at pita.

8. Bakit angkop lang na babalaan kahit ang mga pinahirang Kristiyano tungkol sa paglakad “kaayon ng laman”?

8 Pero bakit idiniin ni Pablo sa mga pinahirang Kristiyano noon ang panganib ng pamumuhay ‘kaayon ng laman’? Nanganganib din kaya ang mga Kristiyano ngayon, na tinanggap na ng Diyos bilang kaniyang mga kaibigan at itinuturing na matuwid? Nakalulungkot pero kahit sinong Kristiyano ay posibleng magsimulang lumakad ayon sa makasalanang laman. Halimbawa, sinabi ni Pablo na may ilang kapatid sa Roma na alipin “ng sarili nilang mga tiyan,” o hilig, na maaaring tumukoy sa hilig sa sekso, pagkain, inumin, o iba pang bagay. “Dinadaya [ng ilan sa kanila] ang mga puso ng mga walang katusuhan.” (Roma 16:17, 18; Fil. 3:18, 19; Jud. 4, 8, 12) May panahon din na isang kapatid sa Corinto ang nakisama “sa asawa ng kaniyang ama.” (1 Cor. 5:1) Kaya may dahilan kung bakit ginamit ng Diyos si Pablo para babalaan ang mga Kristiyano tungkol sa “pagsasaisip ng laman.”—Roma 8:5, 6.

9. Saan hindi kapit ang babala ni Pablo sa Roma 8:6?

9 Kapit din ang babalang iyan sa ngayon. Matapos maglingkod sa Diyos nang maraming taon, baka ang isang Kristiyano ay magsimulang magtuon ng kaniyang kaisipan sa mga bagay ng laman. Hindi ito tumutukoy sa isang Kristiyano na paminsan-minsan ay nag-iisip tungkol sa pagkain, trabaho, paglilibang, o romantikong pag-ibig pa nga. Ang mga bagay na iyan ay bahagi ng buhay ng isang karaniwang lingkod ng Diyos. Kahit si Jesus ay nasiyahan sa pagkain, at nagpakain siya ng iba. Nakita niya na kailangan ang pagrerelaks. At isinulat ni Pablo na may tamang dako ang seksuwal na ugnayan sa pagitan ng mag-asawa.

Makikita ba sa pakikipag-usap mo na isinasaisip mo ang espiritu, o ang laman? (Tingnan ang parapo 10, 11)

10. Ano ang ipinahihiwatig ng pananalitang “nagtutuon ng kanilang mga kaisipan” sa Roma 8:5, 6?

10 Kung gayon, ano ang tinutukoy ni Pablo na “pagsasaisip ng laman”? Ang salitang Griego na ginamit ni Pablo ay nangangahulugang “ituon ang isip at puso sa isang bagay, gamitin ang kakayahan para sa maingat na pagpaplano, na idiniriin ang disposisyon o saloobing nasa likod nito.” Ang mga namumuhay ayon sa laman ay sunod-sunuran sa kanilang likas na pagkamakasalanan bilang tao. Ganito ang sabi ng isang iskolar tungkol sa salitang iyan sa Roma 8:5: “Itinutuon nila ang kanilang isip sa—interesadong-interesado sa, laging nakikipag-usap tungkol sa, nakikibahagi at nasisiyahan sa—mga bagay na may kaugnayan sa laman.”

11. Ano ang isasagot mo sa tanong na, ‘Ano ang pangunahin sa aking buhay?’

11 Kailangang suriin ng mga Kristiyano sa Roma kung saan talaga nakapokus ang kanilang buhay. Posible kaya na ang buhay nila ay kontrolado ng “mga bagay ng laman”? Dapat din nating suriin ang ating sarili. Ano ang pinakamahalaga sa atin, at ano ang lagi nating bukambibig? Ano talaga ang pinagkakaabalahan natin araw-araw? Baka ang ilan ay abala sa pagtikim ng iba’t ibang uri ng alak, pagde-decorate ng bahay, paghahanap ng bagong istilo ng damit, pamumuhunan, pagpaplano ng bakasyon, at iba pang katulad nito. Hindi naman masama ang mga ito; normal na bahagi ito ng buhay. Halimbawa, minsan ay gumawa si Jesus ng alak, at sinabihan ni Pablo si Timoteo na uminom ng “kaunting alak.” (1 Tim. 5:23; Juan 2:3-11) Pero ‘lagi bang nakikipag-usap tungkol sa, nakikibahagi at nasisiyahan sa’ alak si Jesus at si Pablo? Iyon ba ang kanilang hilig, ang kanilang bukambibig? Hindi. Kumusta naman tayo? Ano ang pangunahin sa ating buhay?

12, 13. Bakit seryosong bagay kung saan natin itinutuon ang ating kaisipan?

12 Mahalagang suriin natin ang ating sarili. Bakit? Isinulat ni Pablo: “Ang pagsasaisip ng laman ay nangangahulugan ng kamatayan.” (Roma 8:6) Seryosong bagay iyan—kamatayan sa espirituwal ngayon at pisikal na kamatayan sa hinaharap. Pero hindi naman ibig sabihin ni Pablo na ang isa na nagsimulang ‘magsaisip ng laman’ ay tiyak na hahantong sa kamatayan. Puwede siyang magbago. Isipin ang lalaking imoral sa Corinto na sumunod sa “laman” at kinailangang itiwalag. Pero nagbago siya. Huminto siya sa paglakad kaayon ng laman at bumalik sa tuwid na landas.—2 Cor. 2:6-8.

13 Puwede ring magbago ang isang Kristiyano sa ngayon, lalo na kung hindi naman siya naging sunod-sunuran sa laman gaya ng taong iyon sa Corinto. Ang babala ni Pablo tungkol sa kahihinatnan ng mga ‘nagsasaisip ng laman’ ay dapat ngang magpakilos sa mga Kristiyano na gumawa ng kinakailangang pagbabago!

“ANG PAGSASAISIP NG ESPIRITU”

14, 15. (a) Sa halip na ‘isaisip ang laman,’ ano ang dapat nating gawin? (b) Ano ang hindi ibig sabihin ng “pagsasaisip ng espiritu”?

14 Pagkatapos magbabala tungkol sa “pagsasaisip ng laman,” ibinigay naman ng apostol ang katiyakang ito: “Ang pagsasaisip ng espiritu ay nangangahulugan ng buhay at kapayapaan.” Napakaganda ngang resulta—buhay at kapayapaan! Paano natin makakamit ang gantimpalang iyan?

15 “Ang pagsasaisip ng espiritu” ay hindi nangangahulugan ng pagbubulag-bulagan sa realidad. Hindi ibig sabihin na puro na lang tungkol sa Bibliya o sa Diyos o sa pag-asa sa hinaharap ang bukambibig natin o laman ng ating isip. Tandaan natin na namuhay naman nang normal si Pablo at ang ibang lingkod ng Diyos noong unang siglo. Kumakain sila at umiinom. Marami ang nag-asawa at nagpamilya, at naghanapbuhay para masuportahan ang sarili.—Mar. 6:3; 1 Tes. 2:9.

16. Sa kabila ng pang-araw-araw na mga gawain sa buhay, saan nagpokus si Pablo?

16 Pero hindi pinahintulutan ng mga Kristiyanong iyon na maging sentro ng buhay nila ang pang-araw-araw na mga gawain. Kahit nagtrabaho si Pablo bilang manggagawa ng tolda, sinasabi ng Bibliya kung saan nakasentro ang buhay niya: Regular siyang nakibahagi sa pangangaral at pagtuturo. (Basahin ang Gawa 18:2-4; 20:20, 21, 34, 35.) Iyan ang mga gawaing inirekomenda niya sa mga kapatid sa Roma. Oo, nakasentro ang buhay ni Pablo sa espirituwal na mga paglalaan at gawain. Kailangan siyang tularan ng mga kapatid sa Roma, at gayundin ang dapat nating gawin.—Roma 15:15, 16.

17. Anong uri ng buhay ang maaari nating makamit kung ‘isasaisip natin ang espiritu’?

17 Ano ang resulta kapag nakapokus tayo sa paglilingkod kay Jehova? Malinaw ang sagot ng Roma 8:6: “Ang pagsasaisip ng espiritu ay nangangahulugan ng buhay at kapayapaan.” Ibig sabihin, hinahayaan nating makaimpluwensiya at mangibabaw sa ating kaisipan ang banal na espiritu at nag-iisip tayo kaayon ng kaisipan ng Diyos. Kapag pinakamahalaga sa ating buhay ang “espiritu,” magiging kasiya-siya at makabuluhan ang ating buhay ngayon. At sa hinaharap, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan, sa langit man o sa lupa.

18. Paano nagbubunga ng kapayapaan ang “pagsasaisip ng espiritu”?

18 Pag-isipan naman ito: “Ang pagsasaisip ng espiritu ay nangangahulugan ng . . . kapayapaan.” Maraming tao ang gustong magkaroon ng kapayapaan ng isip. Desperado silang magkaroon ng kapanatagan, pero taglay na natin ito. Kaya naman sinisikap nating magkaroon ng mapayapang kaugnayan sa ating mga kapamilya at kakongregasyon. Alam nating tayo at ang ating mga kapatid ay pare-parehong di-sakdal, kaya naman maaaring bumangon ang mga problema paminsan-minsan. Kapag nangyari iyan, sinusunod natin ang payo ni Jesus: “Makipagpayapaan ka . . . sa iyong kapatid.” (Mat. 5:24) Tandaan na gaya natin, ang ating kapatid ay naglilingkod din sa “Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.”—Roma 15:33; 16:20.

19. Anong natatanging kapayapaan ang maaari nating maranasan?

19 May isa pang uri ng kapayapaan na napakahalaga. Kung ‘isasaisip natin ang espiritu,’ magkakaroon tayo ng kapayapaan sa ating Maylikha. May mas malaking katuparan ngayon ang isinulat ni Isaias tungkol sa mga umaasa kay Jehova: “Iingatan mo [siya] sa namamalaging kapayapaan, sapagkat sa iyo nagtitiwala ang isang iyon.”—Isa. 26:3; basahin ang Roma 5:1.

20. Bakit mo ipinagpapasalamat ang payo sa Roma kabanata 8?

20 Pinahiran man tayo o umaasang mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa, ipinagpapasalamat natin ang kinasihang payo sa Roma kabanata 8. Pinahahalagahan natin ang pampatibay na huwag hayaang maging pangunahin sa buhay natin ang “laman”! Sa halip, katalinuhan ngang mamuhay kaayon ng katiyakang ito: “Ang pagsasaisip ng espiritu ay nangangahulugan ng buhay at kapayapaan.” Walang-hanggan ang gantimpalang tatanggapin natin dahil isinulat ni Pablo: “Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.”—Roma 6:23.