Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Alam Kong Babangon Siya”

“Alam Kong Babangon Siya”

“[Ang] ating kaibigan ay namamahinga, ngunit maglalakbay ako patungo roon upang gisingin siya.”—JUAN 11:11.

AWIT: 142, 129

1. Ano ang inaasahan ni Marta na mangyayari sa kapatid niya? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

NAGDADALAMHATI ang malapít na kaibigan at alagad ni Jesus na si Marta. Namatay kasi ang kapatid nitong si Lazaro. May makapagpapagaan kaya ng loob ni Marta? Oo. Tiniyak sa kaniya ni Jesus: “Ang iyong kapatid ay babangon.” Maaaring hindi nito tuluyang naalis ang kalungkutan ni Marta, pero nagtiwala siya sa sinabi ni Jesus. Sinabi ni Marta: “Alam kong babangon siya sa pagkabuhay-muli sa huling araw.” (Juan 11:20-24) Sigurado si Marta na mangyayari iyon sa hinaharap. Pero nang araw ding iyon, gumawa ng himala si Jesus: Binuhay niyang muli si Lazaro.

2. Bakit mo gustong magkaroon ng pagtitiwala na kagaya ng kay Marta?

2 Sa ngayon, hindi tayo umaasa na gagawa ng gayong himala si Jesus o ang kaniyang Ama para sa atin. Pero nagtitiwala ka ba, gaya ni Marta, na mabubuhay-muli ang mga mahal mo sa buhay sa hinaharap? Baka namatayan ka na ng asawa, nanay, tatay, lolo, lola, o ng isang anak pa nga. Sabik na sabik ka nang mayakap at makausap ang mahal mo sa buhay at tumawang kasama niya. Mabuti na lang, gaya ni Marta, mayroon kang dahilan para sabihin, ‘Alam kong babangon siya sa pagkabuhay-muli.’ Pero makabubuting pag-isipan ng bawat Kristiyano kung bakit tayo makapagtitiwala na mangyayari iyan.

3, 4. Paano posibleng napatibay ng mga pagbuhay-muli na ginawa ni Jesus ang pananampalataya ni Marta?

3 Dahil nakatira si Marta malapit sa Jerusalem, malamang na hindi niya nakita ang pagbuhay-muli ni Jesus sa anak ng isang biyuda malapit sa Nain sa Galilea. Pero posibleng narinig niya ang tungkol dito. At malamang na gayundin ang tungkol sa pagbuhay-muli ni Jesus sa anak na babae ni Jairo. Alam ng mga nasa bahay ng dalagita na “ito ay namatay.” Pero hinawakan ni Jesus ang kamay nito at sinabi: “Dalagita, bumangon ka!” At agad itong bumangon. (Luc. 7:11-17; 8:41, 42, 49-55) Alam ni Marta, at ng kapatid niyang si Maria, na kayang pagalingin ni Jesus ang mga maysakit. Dahil dito, naniniwala sila na kung kasama nila si Jesus noon, hindi sana namatay si Lazaro. Pero ngayong patay na ang minamahal na kaibigan ni Jesus, ano ang inaasahan ni Marta? Pansinin na sinabi ni Marta na bubuhaying muli si Lazaro sa hinaharap—“sa huling araw.” Bakit kumbinsido si Marta hinggil dito? At bakit ka makatitiyak na bubuhaying muli ang mga patay sa hinaharap, pati na ang iyong mga mahal sa buhay?

4 May mabubuting dahilan para manampalataya ka sa pagkabuhay-muli. Habang nirerepaso natin ang ilang dahilan, baka makita mo na may mga punto sa Salita ng Diyos na hindi mo dating naiuugnay sa pagkabuhay-muli.

MGA PANGYAYARING NAGBIBIGAY NG PAG-ASA!

5. Ano ang nagpatibay sa pagtitiwala ni Marta na bubuhaying muli si Lazaro?

5 Pansinin na hindi sinabi ni Marta: ‘Sana bumangon ang kapatid ko sa pagkabuhay-muli.’ Sa halip, sinabi niya: “Alam kong babangon siya sa pagkabuhay-muli.” Kumbinsido si Marta rito dahil sa mga himalang natutuhan niya bago pa man magsimula ang ministeryo ni Jesus. Bata pa siya nang matutuhan niya ang mga ito sa tahanan at sa sinagoga. Tingnan natin ang tatlong ulat sa Kasulatan tungkol sa pagkabuhay-muli.

6. Anong kamangha-manghang himala ang ginawa ni Elias? At ano ang posibleng epekto nito kay Marta?

6 Nangyari ang unang pagkabuhay-muli nang bigyang-kapangyarihan ng Diyos si propeta Elias na gumawa ng mga himala. Isang mahirap na biyuda sa Zarepat, isang bayan sa Fenicia, ang nagpatulóy sa propeta. Dahil sa himala ng Diyos, tumagal ang suplay ng harina at langis ng biyuda para makaraos sila ng kaniyang anak. (1 Hari 17:8-16) Nang maglaon, nagkasakit ang anak nito at namatay. Pero tinulungan ni Elias ang biyuda. Nanalangin si Elias: “Aking Diyos, pakisuyo, pabalikin mo [ang buhay] ng batang ito.” Dininig ng Diyos si Elias, at nabuhay ang bata! Iyan ang unang ulat ng pagkabuhay-muli sa Bibliya. (Basahin ang 1 Hari 17:17-24.) Tiyak na alam ni Marta ang mahalagang pangyayaring iyon.

7, 8. (a) Ilahad kung ano ang ginawa ni Eliseo para pawiin ang pamimighati ng isang ina. (b) Ano ang pinatutunayan ng ginawang himala ni Eliseo tungkol kay Jehova?

7 Ang ikalawang pagkabuhay-muli na nakaulat sa Kasulatan ay isinagawa ni propeta Eliseo, na kahalili ni Elias. Isang kilaláng babaeng Israelita sa Sunem ang malugod na nagpatulóy kay Eliseo. Kaya naman, ang babaeng ito at ang may-edad niyang asawa, na walang anak, ay pinagpala ng Diyos ng isang anak na lalaki. Pero pagkalipas ng ilang taon, namatay ang bata. Isip-isipin ang pamimighati ng babae! Sa pahintulot ng kaniyang asawa, naglakbay ang babae nang mga 30 kilometro para puntahan si Eliseo sa Bundok Carmel. Pinauna ng propeta ang tagapaglingkod niyang si Gehazi pabalik ng Sunem. Pero hindi nito kayang buhayin ang bata. Pagkatapos, dumating ang nagdadalamhating ina kasama si Eliseo.—2 Hari 4:8-31.

8 Pumasok si Eliseo sa bahay sa Sunem, kung saan naroon ang patay na bata, at nanalangin. Makahimalang nabuhay ang bata at nakapiling muli ng kaniyang ina! (Basahin ang 2 Hari 4:32-37.) Posibleng naalaala ng babae ang panalangin ng dating baog na si Hana nang dalhin nito si Samuel sa tabernakulo: “Si Jehova ay . . . nagbababa sa Sheol, at Siya ay nag-aahon.” (1 Sam. 2:6) Maliwanag, iniahon ng Diyos ang batang lalaki mula sa Sheol, o Libingan, at pinatunayan ang Kaniyang kakayahang bumuhay-muli ng patay.

9. Paano naganap ang ikatlong pagkabuhay-muli na iniulat sa Bibliya?

9 Pero hindi iyan ang huling kamangha-manghang pangyayari may kinalaman kay Eliseo. Naglingkod siya bilang propeta nang mahigit 50 taon, at pagkatapos, nagkaroon siya ng ‘sakit na ikinamatay niya.’ Sa kalaunan, nang mga buto na lang ang nalabi sa katawan ni Eliseo, isang grupo ng mga kaaway ang dumating sa lupain. May mga Israelita noon na naglilibing ng isang lalaki. Para makatakas sa mga kaaway, inihagis nila ang bangkay sa libingan ni Eliseo. Mababasa natin: “Nang masagi ng lalaki ang mga buto ni Eliseo, kaagad siyang nabuhay at tumayo sa kaniyang mga paa.” (2 Hari 13:14, 20, 21) Isipin ang epekto ng mga ulat na iyon kay Marta! Pinatutunayan ng mga ito na may kapangyarihan ang Diyos laban sa kamatayan. Bulay-bulayin din ang kahulugan ng mga ulat na ito para sa iyo. Lalo kang magiging kumbinsido na ang kapangyarihan ng Diyos ay napakalakas at walang limitasyon.

MGA PANGYAYARI NOONG UNANG SIGLO

10. Ano ang ginawa ni Pedro para sa isang namatay na babaeng Kristiyano?

10 Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, may mababasa rin tayong mga ulat ng pagkabuhay-muli na isinagawa ng mga kinatawan ng Diyos. Kasama sa mga ito ang pagbuhay-muli na ginawa ni Jesus sa labas ng Nain at sa bahay ni Jairo. Kasama rin dito ang pagbuhay-muli ni apostol Pedro sa babaeng Kristiyano na si Dorcas (Tabita). Pumunta si Pedro sa silid na kinaroroonan ng patay, at nanalangin. Pagkatapos, sinabi niya: “Tabita, bumangon ka!” Agad na nabuhay ang babae, at “iniharap siyang buháy” ni Pedro sa mga kapuwa Kristiyano. Dahil sa pangyayaring iyon, “marami ang naging mga mananampalataya sa Panginoon.” Kaya makapagbibigay sila ng patotoo tungkol sa Panginoon at lalo na sa kakayahan ni Jehova na bumuhay ng patay.—Gawa 9:36-42.

11. Ano ang iniulat ng manggagamot na si Lucas tungkol sa isang kabataang lalaki, at paano ito nakaapekto sa iba?

11 May isa pang pagkabuhay-muli na nasaksihan din ng iba. Minsan, si apostol Pablo ay nasa Troas, na ngayon ay hilagang-kanlurang Turkey. Sa isang silid sa ikatlong palapag, nagpahayag siya hanggang hatinggabi. Isang kabataang lalaki, si Eutico, ang nakaupo sa bintana at nakikinig. Pero nakatulog siya at nahulog sa labas. Marahil ang manggagamot na si Lucas ang unang tumingin kay Eutico at nakita niya na hindi lang ito basta nasaktan o nawalan ng malay—patay na si Eutico! Bumaba si Pablo at niyakap ang patay. Pagkatapos, tiyak na namangha ang iba nang sabihin niyang buháy si Eutico. Siguradong malaki ang epekto ng himalang ito sa mga nakasaksi! Dahil alam nila na talagang namatay ang kabataang lalaki at muling nabuhay, “di-masukat ang kanilang pagkaaliw.”—Gawa 20:7-12.

ISANG MAPANANALIGANG PAG-ASA

12, 13. Salig sa mga ulat ng pagkabuhay-muli na tinalakay natin, ano ang maaari nating itanong?

12 Ang mga ulat na tinalakay natin ay makatutulong sa iyo na magkaroon ng pagtitiwala, gaya ni Marta. Makapagtitiwala tayo na ang ating Diyos at Tagapagbigay-Buhay ay may kakayahang bumuhay ng patay. Gayunman, kapansin-pansin na nang gawin ni Jehova ang mga himalang iyon, mayroon siyang tapat na lingkod, gaya ni Elias, Jesus, o Pedro, na naroon. Pero kumusta naman ang mga namatay noong mga panahong hindi gumagawa ng pagbuhay-muli ang Diyos? Makaaasa ba ang tapat na mga lalaki at babae na bubuhaying muli ng Diyos ang mga patay sa hinaharap? Masasabi rin ba nila ang sinabi ni Marta: “Alam kong babangon [ang aking kapatid] sa pagkabuhay-muli sa huling araw”? Bakit siya nagtiwala na mangyayari iyon, at bakit makapagtitiwala ka rin?

13 Maraming ulat sa Bibliya ang nagpapakita na alam ng tapat na mga lingkod ni Jehova na magkakaroon ng pagkabuhay-muli sa hinaharap. Tingnan natin ang ilan sa mga ito.

14. Ano ang matututuhan natin hinggil sa pagkabuhay-muli mula sa ulat tungkol kay Abraham?

14 Pag-isipan ang iniutos ng Diyos kay Abraham na gawin kay Isaac, ang matagal nang hinihintay na tagapagmana. Sinabi ni Jehova: “Pakisuyo, kunin mo ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak na pinakaiibig mo, si Isaac, at . . . ihandog mo siya bilang handog na sinusunog.” (Gen. 22:2) Isip-isipin ang nadama ni Abraham nang marinig niya ang utos na ito. Nangako si Jehova na pagpapalain ang lahat ng bansa sa pamamagitan ng supling ni Abraham. (Gen. 13:14-16; 18:18; Roma 4:17, 18) Gayundin, sinabi ni Jehova na ang pagpapala ay darating “sa pamamagitan nga ni Isaac.” (Gen. 21:12) Pero paano mangyayari iyan kung papatayin ni Abraham si Isaac bilang hain? Ipinaliwanag ni Pablo na nagtiwala si Abraham na kayang ibangon ng Diyos si Isaac mula sa kamatayan. (Basahin ang Hebreo 11:17-19.) Hindi binabanggit ng Bibliya na umasa si Abraham na kung susunod siya, bubuhaying muli si Isaac sa loob lang ng ilang oras, isang araw, o isang linggo. Hindi alam ni Abraham kung kailan bubuhaying muli ang kaniyang anak. Pero nagtiwala siya na gagawin iyon ni Jehova.

15. Ano ang inaasahan ng patriyarkang si Job?

15 Umaasa rin ang patriyarkang si Job na magkakaroon ng pagkabuhay-muli sa hinaharap. Alam niya na kung ang isang puno ay puputulin, muli itong sisibol gaya ng isang bagong halaman. Pero hindi ganiyan ang tao. (Job 14:7-12; 19:25-27) Kapag namatay ang isang tao, wala siyang kakayahang buhaying muli ang sarili niya. (2 Sam. 12:23; Awit 89:48) Siyempre pa, hindi ito nangangahulugan na hindi kaya ng Diyos na bumuhay ng tao. Sa katunayan, naniniwala si Job na nagtakda si Jehova ng panahon para alalahanin siya. (Basahin ang Job 14:13-15.) Hindi alam ni Job kung kailan iyon mangyayari. Pero nagtiwala siya na kaya siyang alalahanin at buhaying muli ng Maylikha ng tao, at na gagawin Niya iyon.

16. Anong pampatibay ang sinabi ng anghel kay propeta Daniel?

16 Si Daniel ay isa ring tapat na lalaki. Naglingkod siya sa Diyos nang maraming dekada, at inalalayan siya ni Jehova. Minsan, tinawag ng isang anghel si Daniel na isang “lubhang kalugud-lugod na lalaki,” at sinabi nito na ‘sumakaniya nawa ang kapayapaan’ at ‘magpakalakas siya.’—Dan. 9:22, 23; 10:11, 18, 19.

17, 18. Ano ang ipinangako ni Jehova kay Daniel?

17 Si Daniel ay halos 100 taóng gulang na at malapit nang magwakas ang kaniyang buhay. Maaaring iniisip niya kung ano ang mangyayari sa kaniya sa hinaharap. Mabubuhay pa kayang muli si Daniel? Tiyak iyon! Sa huling bahagi ng aklat na isinulat ni Daniel, tiniyak ng Diyos sa kaniya: “Yumaon ka patungo sa kawakasan; at magpapahinga ka.” (Dan. 12:13) Alam ng matanda nang si Daniel na ang mga patay ay namamahinga lang, dahil walang ‘katha, ni kaalaman, ni karunungan man sa Sheol, ang dako na kaniyang paroroonan.’ (Ecles. 9:10) Pero hindi iyon ang magiging wakas ni Daniel. Nangako si Jehova ng isang magandang kinabukasan para sa kaniya.

18 Idinagdag pa ng anghel kay propeta Daniel: “Tatayo ka para sa iyong kahinatnan sa kawakasan ng mga araw.” Hindi sinabi kung kailan iyon eksaktong mangyayari. Si Daniel ay yayaon patungo sa kaniyang kawakasan, o kamatayan, at magpapahinga. Pero ang pangakong ‘tatayo siya para sa kaniyang kahinatnan’ sa hinaharap ay nangangahulugan na bubuhayin siyang muli—kahit matagal na siyang patay. Mangyayari iyon “sa kawakasan ng mga araw.” Ganito ang salin ng Magandang Balita Biblia sa pangako kay Daniel: “Mamamatay ka ngunit muling bubuhayin sa huling araw upang tanggapin ang iyong gantimpala.”

Gaya ni Marta, makapagtitiwala ka na magkakaroon ng pagkabuhay-muli (Tingnan ang parapo 19, 20)

19, 20. (a) Paano nauugnay ang mga pangyayaring tinalakay natin sa sinabi ni Marta kay Jesus? (b) Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?

19 Maliwanag na may dahilan si Marta para magtiwala na ang kaniyang tapat na kapatid na si Lazaro ay ‘babangon sa pagkabuhay-muli sa huling araw.’ Ang pangako ni Jehova kay Daniel at ang pananampalataya ni Marta ay nagbibigay-katiyakan sa mga Kristiyano sa ngayon. Magkakaroon ng pagkabuhay-muli.

20 Pinatutunayan ng aktuwal na mga pangyayari noon na talagang puwedeng mabuhay-muli ang mga patay. At umaasa ang tapat na mga lalaki at babaeng naglingkod sa Diyos na mangyayari iyan sa hinaharap. Pero mayroon bang ebidensiya na puwedeng maganap ang pagkabuhay-muli kahit matagal na itong ipinangako? Kung oo, gaya ni Marta, may karagdagan tayong dahilan para magtiwala sa pagkabuhay-muli sa hinaharap. Pero kailan ito mangyayari? Tatalakayin natin ang mga puntong iyan sa susunod na artikulo.