TALAMBUHAY
Iniwan ang Lahat Para Sundan ang Panginoon
“Kapag nangaral ka, huwag ka nang umuwi. Kapag bumalik ka, pipilayan kita!” Dahil sa banta ni Itay, nagpasiya akong umalis. Iyan ang unang pagkakataon na iniwan ko ang lahat para sundan ang Panginoon. Ako ay 16 anyos lang noon.
BAKIT umabot nang ganoon ang sitwasyon? Hayaan ninyong ikuwento ko. Ipinanganak ako noong Hulyo 29, 1929, at lumaki sa isang nayon sa probinsiya ng Bulacan sa Pilipinas. Simple lang ang buhay doon dahil bagsak ang ekonomiya noon. Sumiklab ang giyera noong kabataan ako. Nilusob ng hukbong Hapones ang Pilipinas. Pero dahil liblib ang nayon namin, hindi kami tuwirang naapektuhan ng labanan. Wala kaming radyo, telebisyon, at diyaryo; kaya nakikibalita lang kami sa ibang tao.
Ako ang ikalawa sa walong magkakapatid, at kinupkop ako ng lolo’t lola ko noong walong taóng gulang ako. Kahit Katoliko kami, bukás ang isip ni Lolo pagdating sa relihiyon, at iniipon niya ang relihiyosong babasahin na bigay ng mga kaibigan niya. Naalaala ko pa nang ipakita niya sa akin ang mga buklet na Kanluñgan, Katiwasayan, at Nahayag, * gayundin ang Bibliya. Nagustuhan kong basahin ang Bibliya, lalo na ang apat na Ebanghelyo. Dahil dito, gusto kong tularan ang halimbawa ni Jesus.—Juan 10:27.
NATUTONG SUNDAN ANG PANGINOON
Nagwakas ang pananakop ng mga Hapones noong 1945. Nang panahong iyon, pinauuwi na ako ng mga magulang ko. Sinabihan din ako ni Lolo na umuwi, kaya umuwi ako sa amin.
Di-nagtagal, noong Disyembre 1945, isang grupo ng mga Saksi ni Jehova mula sa bayan ng Angat ang nangaral sa aming nayon. Isang may-edad nang Saksi ang pumunta sa bahay namin at ipinaliwanag niya ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa “mga huling araw.” (2 Tim. 3:1-5) Inanyayahan niya kaming dumalo sa isang pag-aaral sa Bibliya sa kalapit na nayon. Hindi pumunta ang mga magulang ko, pero dumalo ako. Mga 20 katao ang naroon, at ang ilan ay nagtanong tungkol sa Bibliya.
Dahil hindi ko naman naiintindihan ang pinag-uusapan nila, gusto ko na sanang umalis. Pero sa pagkakataong iyon, nagsimula silang umawit ng awiting pang-Kaharian. Humanga ako sa awit, kaya hindi na ako umalis. Pagkatapos ng awit at panalangin,
lahat ay inanyayahang dumalo sa pulong na gaganapin sa Angat sa susunod na Linggo.Ang ilan sa amin ay naglakad nang mga walong kilometro papunta sa pulong na idaraos sa bahay ng pamilya Cruz. Humanga ako kasi kahit maliliit na bata, na kasama sa 50 dumalo, ay nagkomento tungkol sa malalalim na paksa ng Bibliya. Matapos kong madaluhan ang ilan pang pulong, inanyayahan ako ni Brother Damian Santos, isang may-edad nang payunir na dating alkalde, na matulog sa kanila. Halos magdamag kaming nag-usap tungkol sa Bibliya.
Nang mga panahong iyon, marami sa amin ang mabilis na tumugon matapos malaman ang pangunahing mga turo ng Bibliya. Pagkaraan lang ng ilang pulong, ako at ang iba pa ay tinanong ng mga brother, “Gusto n’yo na bang magpabautismo?” Sumagot ako, “Opo.” Gusto kong “magpaalipin . . . sa Panginoon, kay Kristo.” (Col. 3:24) Pumunta kami sa isang malapit na ilog, at dalawa kaming nabautismuhan noong Pebrero 15, 1946.
Bilang bautisadong Kristiyano, alam namin na kailangan naming regular na mangaral bilang pagtulad kay Jesus. Hindi natuwa rito si Itay, at sinabi niya, “Napakabata mo pa para mangaral. At saka hindi porke inilubog ka sa ilog, isa ka nang mángangarál.” Ipinaliwanag ko na kalooban ng Diyos na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian. (Mat. 24:14) Sinabi ko pa, “Kailangan ko pong tuparin ang panata ko sa Diyos.” Dito na ako pinagbantaan ni Itay, gaya ng nabanggit sa simula. Talagang desidido siyang hadlangan ako sa pangangaral. At iyan ang unang pagkakataon na iniwan ko ang lahat para umabot ng espirituwal na mga tunguhin.
Inanyayahan ako ng pamilya Cruz na makitira sa kanila sa Angat. Pinasigla rin nila ako at ang kanilang bunsong anak, si Nora, na magpayunir. Sabay kaming nagpayunir noong Nobyembre 1, 1947. Naglingkod si Nora sa ibang bayan, samantalang sinuportahan ko naman ang gawaing pangangaral sa Angat.
PANIBAGONG PAGKAKATAON PARA IWAN ANG LAHAT NG BAGAY
Noong ikatlong taon ko sa pagpapayunir, si Brother Earl Stewart, mula sa tanggapang pansangay, ay nagpahayag sa mahigit 500 katao sa liwasang-bayan ng Angat. Ingles ang pahayag niya, at pagkatapos, nagbigay ako ng sumaryo ng pahayag niya sa Tagalog. Pitong taon lang akong nag-aral sa paaralan, pero Ingles ang kadalasang ginagamit ng mga guro namin. Nang panahong iyon, iilan lang ang salig-Bibliyang publikasyon sa Tagalog, kaya kailangan kong pag-aralan ang karamihan sa mga iyon sa Ingles. Nakatulong din ito para mapasulong ko ang kaalaman ko sa wikang Ingles. Kaya naman, may alam na akong kaunting Ingles para ma-interpret ang pahayag ni Brother Stewart at ang iba pang pahayag nang maglaon.
Noong araw na mag-interpret ako para kay Brother Stewart, nabanggit niya sa lokal na kongregasyon na nag-aanyaya ang tanggapang pansangay ng isa o dalawang payunir na brother para tumulong sa Bethel. Dadalo kasi ang mga misyonero sa Theocracy’s Increase Assembly sa New York, U.S.A., noong 1950. Isa ako sa mga brother na naanyayahan. Muli, iniwan ko ang mga nakasanayan ko para tumulong sa gawain sa Bethel.
Dumating ako sa Bethel noong Hunyo 19, 1950, at nagsimula sa aking bagong atas. Ang Bethel noon ay isang luma at malaking bahay na napalilibutan ng malalaking puno, sa isang lote na isang ektarya ang laki. Mga 12 binata ang naglilingkod doon. Maagang-maaga pa lang, tumutulong na ako sa kitchen. Pagkatapos, mga bandang alas-nuwebe, nagtatrabaho naman ako sa laundry, at namamalantsa ng mga damit. Ganito rin ang rutin ko sa hapon. At kahit nakabalik na ang mga misyonero mula sa internasyonal na asamblea, patuloy akong naglingkod sa Bethel. Nagbabalot ako ng mga magasing ipadadala sa koreo, nag-aasikaso ng mga suskripsiyon, at naglilingkod bilang receptionist; ginagawa ko ang anumang hilingin sa akin.
UMALIS SA PILIPINAS PARA MAG-ARAL SA GILEAD
Noong 1952, ako at ang anim pang kapatid mula sa Pilipinas ay tuwang-tuwa nang maanyayahan kaming mag-aral sa ika-20 klase ng Paaralang Gilead. Maraming bagay na nakita namin at naranasan sa Estados Unidos ang bago sa amin. Talagang ibang-iba ito sa nakagisnan ko sa maliit naming nayon.
Halimbawa, kailangan naming pag-aralan kung paano gumamit ng appliances at mga kagamitang hindi pamilyar sa amin. At siyempre pa,
nakakapanibago ang klima! Isang umaga, paglabas ko, puro puti ang nakita ko sa paligid. Sa kauna-unahang pagkakataon, nakakita ako ng snow. At malamig pala iyon—napakalamig!Pero walang-wala ang mga adjustment na ginawa ko kumpara sa napakagandang pagsasanay sa Gilead. Napakahusay magturo ng mga instruktor. Natuto kaming magsaliksik at mag-aral sa makabuluhang paraan. Talagang sumulong ang espirituwalidad ko sa tulong ng pagsasanay sa Gilead.
Pagka-graduate ko, pansamantala akong naatasan bilang special pioneer sa Bronx, New York City. Kaya noong Hulyo 1953, nakadalo ako sa New World Society Assembly, na idinaos sa siyudad na iyon. Pagkatapos ng asamblea, bumalik ako sa Pilipinas para sa isang atas.
INIWAN ANG KAALWANAN NG SIYUDAD
Sinabi sa akin ng mga brother sa tanggapang pansangay, “Maglilingkod ka na sa gawaing pansirkito.” Panibagong pagkakataon na naman ito para masundan ang mga yapak ng Panginoon, na naglakbay sa malalayong bayan at lunsod para tulungan ang mga tupa ni Jehova. (1 Ped. 2:21) Naatasan ako sa isang sirkito na sumasaklaw sa malaking bahagi ng gitnang Luzon, ang pinakamalaking isla sa Pilipinas. Kasama rito ang mga probinsiya ng Bulacan, Nueva Ecija, Tarlac, at Zambales. Para madalaw ang ilang bayan, kailangan kong bagtasin ang Kabundukan ng Sierra Madre. At dahil hindi naaabot ng pampublikong transportasyon ang lugar na iyon, nakikiusap ako sa mga drayber ng truck kung puwede akong maupo sa ibabaw ng mga trosong ibinibiyahe nila. Pumapayag naman sila, pero siyempre, hindi komportable ang gayong uri ng transportasyon.
Karamihan sa mga kongregasyon ay maliliit at bago. Kaya pinahahalagahan ng mga kapatid kapag tinutulungan ko silang mag-organisa ng mga pulong at paglilingkod sa larangan sa mas mahusay na paraan.
Nang maglaon, inilipat ako sa sirkitong sumasaklaw sa buong rehiyon ng Bicol. Ang sirkitong iyon ay binubuo ng mga grupo sa liblib na lugar kung saan naglilingkod ang mga special pioneer para buksan ang mga teritoryong hindi pa napangangaralan. Sa isang bahay, ang tanging palikuran nila ay isang hukay sa lupa na may dalawang kahoy sa ibabaw. Pagtapak ko sa mga kahoy, nahulog ang mga ito sa hukay, kasama na ako. Natagalan akong linisin ang sarili ko bago mag-almusal!
Habang nasa atas na iyon, naalaala ko si Nora, na nagsimulang magpayunir sa Bulacan. Special pioneer na siya noon sa Dumaguete City, at dinalaw ko siya. Pagkatapos, nagsulatan kami. At noong 1956, ikinasal kami. Noong unang linggo pagkatapos ng aming kasal, dumalaw kami sa isang kongregasyon sa Rapu Rapu Island. Doon, umakyat kami ng mga bundok at naglakad nang naglakad, pero napakasayang maglingkod sa mga kapatid sa liblib na mga lugar bilang mag-asawa!
INANYAYAHANG MAGLINGKOD MULI SA BETHEL
Pagkaraan ng halos apat na taon sa gawaing paglalakbay, inanyayahan kaming mag-asawa na maglingkod sa tanggapang pansangay. Kaya noong Enero 1960, nagsimula ang aming mahabang paglilingkod sa Bethel. Sa paglipas ng panahon, marami akong natutuhan sa paglilingkod kasama ng mga brother na humahawak ng mabibigat na pananagutan; nagkaroon din si Nora ng iba’t ibang atas sa Bethel.
Sa Bethel, pinagpala akong masaksihan ang mabilis na espirituwal na pagsulong sa Pilipinas. Noong una akong dumating sa Bethel bilang isang kabataan, mga 10,000 lang ang mamamahayag sa buong bansa. Ngayon, mahigit 200,000 na ang mamamahayag sa Pilipinas, at daan-daang Bethelite ang naglilingkod para suportahan ang gawaing pangangaral.
Sa paglipas ng mga taon, sumulong ang gawain at hindi na sapat ang mga pasilidad ng Bethel. Kaya tinagubilinan kami ng Lupong Tagapamahala na maghanap ng loteng mapagtatayuan ng bago at mas malaking pasilidad. Nagbahay-bahay kami ng printery overseer sa mga kapitbahay ng Bethel at nagtanong kung may gustong magbenta ng kanilang property. Walang may gusto; sinabi pa nga sa amin ng isang may-ari: “Ang mga Tsino ay hindi nagbibili. Kami ang bumibili.”
Pero isang araw, biglang nagtanong ang may-ari ng isang property kung gusto naming bilhin ang kaniyang lupa; lilipat na kasi siya sa Estados Unidos. Mula noon, hindi kami makapaniwala sa sunod-sunod na nangyari. Isang kapitbahay pa ang nagpasiyang magbenta ng kaniyang lupa, at sinabihan din niya ang mga kapitbahay niya na magbenta na rin. Nabili pa nga namin ang property ng lalaking nagsabing “Ang mga Tsino ay hindi nagbibili.” Sa sandaling panahon, naging mahigit triple ang laki ng property ng sangay. Kumbinsido ako na talagang ito ang gustong mangyari ng Diyos na Jehova.
Noong 1950, ako ang pinakabatang miyembro ng pamilyang Bethel. Ngayon, kami ni Nora ang pinakamatatandang miyembro nito. Hindi ko pinagsisisihan na sinundan ko ang Panginoon saanman niya ako inakay. Oo, pinalayas ako ng mga magulang ko, pero binigyan ako ni Jehova ng malaking pamilya ng mga kapananampalataya. Wala akong kaduda-duda na inilalaan ni Jehova ang lahat ng kailangan natin, anuman ang atas natin. Laking pasasalamat namin ni Nora sa Diyos na Jehova para sa lahat ng kaniyang paglalaan, at pinasisigla namin ang iba na subukin si Jehova.—Mal. 3:10.
Minsan, inanyayahan ni Jesus ang maniningil ng buwis na si Mateo Levi: “Maging tagasunod kita.” Paano ito tumugon? “Pagkaiwan sa lahat ng bagay ay tumindig ito at sumunod [kay Jesus].” (Luc. 5:27, 28) Ganiyan din ang ginawa ko, at buong-puso kong hinihimok ang iba na gawin din ito at tumanggap ng maraming pagpapala.
^ par. 6 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova pero hindi na inililimbag.