Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Maaari bang gumamit ang mga mag-asawang Kristiyano ng IUD (intrauterine device) bilang uri ng birth control?
Sa bagay na ito, maaaring suriin ng bawat mag-asawang Kristiyano ang kaugnay na mga impormasyon at simulain sa Bibliya. Pagkatapos, kailangan nilang gumawa ng desisyon na tutulong sa kanilang magkaroon ng malinis na budhi sa harap ng Diyos.
Iniutos ni Jehova kina Adan at Eva, at nang maglaon, kay Noe at sa pamilya nito: “Magpalaanakin kayo at magpakarami.” (Gen. 1:28; 9:1) Hindi sinasabi ng Bibliya na dapat sundin ng mga Kristiyano ang utos na ito. Kaya naman, bawat mag-asawa ay kailangang magpasiya kung gagamit sila ng isang uri ng birth control para limitahan ang laki ng kanilang pamilya o planuhin kung kailan sila mag-aanak. Ano ang mga dapat nilang isaalang-alang?
Anumang desisyon ng mga Kristiyano hinggil sa birth control ay dapat na kaayon ng mga simulain sa Bibliya. Kaya naman, hindi nila kailanman ituturing ang aborsiyon bilang uri ng birth control. Ang pagpapalaglag ay salungat sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa paggalang sa buhay. Hindi wawakasan ng mga Kristiyano ang isang buhay na kapag nagpatuloy ay isisilang bilang isang sanggol. (Ex. 20:13; 21:22, 23; Awit 139:16; Jer. 1:5) Paano naman ang paggamit ng IUD?
Tinalakay ito sa The Watchtower ng Mayo 15, 1979, pahina 30-31. Karamihan sa mga IUD na karaniwan noon ay gawa sa plastic at ipinapasok sa matris (bahay-bata) para maiwasan ang pagbubuntis. Binanggit ng artikulo na hindi lubusang nalalaman kung paano gumagana ang mga IUD na iyon. Sinasabi ng maraming espesyalista na hinahadlangan ng mga IUD ang sperm para huwag makarating sa itlog ng babae at mapertilisa iyon. Kung hindi mangyayari ang pertilisasyon, walang bagong buhay na mabubuo.
Pero may ilang ebidensiya na kung minsan, may itlog na puwedeng mapertilisa. Ang bagong-pertilisadong Awit 36:9.
itlog ay maaaring lumaki sa loob ng isang Fallopian tube, tinatawag na ectopic pregnancy, o maaaring maglakbay papunta sa bahay-bata. Kapag nakarating ito sa bahay-bata, maaaring hadlangan ng IUD ang pagkapit ng pertilisadong itlog sa sapin ng bahay-bata, at hindi na matutuloy ang pagbubuntis. Magiging tulad ito ng aborsiyon. Sinabi pa ng artikulong iyon: “Kung ang isang taimtim na Kristiyano ay nababahala sa paggamit ng IUD, dapat niyang timbang-timbangin ang impormasyong ito ayon sa salig-Bibliyang paggalang sa kabanalan ng buhay.”—Nagkaroon ba ng mahahalagang pagsulong sa siyensiya at medisina mula nang ilathala ang artikulong iyon noong 1979?
Dalawa pang uri ng IUD ang available na ngayon. Ang isang uri ng IUD ay may kasamang copper at naging available sa United States noong 1988. May isa pang uri ng IUD na nagre-release ng hormone, na naging available naman noong 2001. Ano ang nalalaman natin tungkol sa dalawang uri ng IUD na ito?
Copper: Gaya ng nabanggit, dahil sa mga IUD, nagiging mahirap sa sperm na makapaglakbay sa matris para makarating sa isang itlog. Karagdagan pa, sa mga IUD na nagre-release ng copper, lumilitaw na ang copper ay nakalalason sa sperm at nagsisilbing spermicide. * Sinasabi rin na binabago ng mga IUD na may copper ang sapin ng matris.
Hormone: May iba’t ibang uri ng IUD na naglalaman ng hormone na katulad ng matatagpuan sa birth control pills. Inilalabas ng mga IUD na ito ang hormone sa loob ng matris. Lumilitaw na pinipigilan ng mga IUD na ito ang ovulation, o paglalabas ng itlog, sa ilang babae. Siyempre pa, kung walang inilabas na itlog, walang magaganap na pertilisasyon. Pinaninipis din ng hormone na nasa mga IUD na ito ang sapin ng matris. * Karagdagan pa, pinakakapal nito ang mucus sa cervix, sa gayon ay hinahadlangan ang sperm para huwag makarating mula sa vagina papunta sa matris. Ang mga epektong ito ay karagdagan pa sa epektong dulot ng mas naunang mga IUD.
Gaya ng nabanggit, lumilitaw na parehong binabago ng dalawang uri ng IUD na ito ang sapin ng matris. Pero paano kung maganap ang ovulation at may itlog na mapertilisa? Baka makapasok ito sa matris pero hindi makakapit sa sapin. Dahil dito, magwawakas ang pagbubuntis sa napakaagang yugto. Pero naniniwala ang mga siyentipiko na bihira itong mangyari, gaya rin ng kaso sa mga oral contraceptive pills kung minsan.
Kaya naman, walang makapagsasabi nang may katiyakan na lubusang nahahadlangan ng mga IUD na may copper o hormone ang pertilisasyon ng isang itlog. Pero ipinakikita ng mga pag-aaral na dahil sa nabanggit na nagagawa ng mga IUD, bihirang mangyari ang pagbubuntis sa mga babaeng gumagamit nito.
Ang mag-asawang Kristiyano na nagbabalak gumamit ng IUD ay maaaring makipag-usap sa kanilang doktor tungkol sa mga produktong IUD na available sa kanilang lugar, gayundin tungkol sa posibleng benepisyo at panganib nito sa asawang babae. Hindi dapat asahan o payagan ng mag-asawa ang ibang tao, kahit doktor, na magpasiya kung ano ang kanilang gagawin. (Roma 14:12; Gal. 6:4, 5) Ito ay desisyon na dapat gawin ng mag-asawa. Dapat silang magpasiya para mapalugdan ang Diyos at mapanatiling malinis ang kanilang budhi sa harap niya.—Ihambing ang 1 Timoteo 1:18, 19; 2 Timoteo 1:3.
^ par. 3 Iniulat ng isang babasahin mula sa National Health Service sa England: “Ang mga IUD na may mas maraming copper ay mahigit 99% epektibo. Ibig sabihin, sa isang taon, wala pang isa sa 100 babae na gumagamit ng IUD ang mabubuntis. Ang mga IUD na may mas kaunting copper ay hindi gaanong epektibo.”
^ par. 4 Dahil pinaninipis ng mga IUD na may lamang hormone ang sapin ng matris, kung minsan ay inirereseta ang mga ito sa mga babae, may asawa man o wala, para makontrol ang napakalakas na pagreregla.